Chapter One
“Magbabayad siya!”
Ang malakas at galit na tinig na iyon ang nakaabala sa mahimbing na pagtulog ni April Joy “Ajhae” Sibullen Llaniguez. Inakala niya na tuluyan na siyang magigising pero muling tumahimik kaya muli siyang nahimbing.
Ilang sandali pa ang nakalipas ng may narinig na naman siyang tumutugtog sa di-kalayuan malapit sa pampang. Malakas pero bigla ring tumigil. Nadismaya si Aljhae kaya tumuloy siya sa may pampang.
Dito sa Palawan siya napadpad. Wala siyang ibang nais gawin kundi ang tumakbo sa buhangin habang nililipad ng hangin ang kanyang buhok. Tumingin siya sa alon na humahampas sa mga bato.
Tumakbo lang siya nang tumakbo. Lumangoy nang lumangoy. Hanggang lampas na sa ulo niya ang tubig. Sumisisid siya sa ilalim na hindi man lang sinusubukang kumuha ng hangin sa ibabaw. Habang lumalangoy, nakita niya ang asul na isda na nasa ibabaw ng makulay na corals. Nalampasan din niya ang isang pusit na naglabas ng tinta. Tila kumakaway naman sa kanya ang nadaanan niyang dalawang starfish.
Malamig ang tubig at nararamdaman niya na mas lalo pa itong lumalamig habang sumisisid siya pailalim. Hindi na siya komportable pero lumangoy pa rin siya. May gusto kasi siyang puntahan na lugar, somewhere safe and warm. At kung patuloy siyang lalangoy, mararating niya ito at tiyak na makikita niya ang papa niya na naghihintay sa kanya roon.
Nakaramdam siya ng pagod sa paglangoy. Sumigaw siya, “Papa!” Pero pumasok sa bibig niya ang tubig. Natakot siya kaya pinilit niyang lumangoy pataas, pero hindi siya makakilos na parang nalulunod. Nahihirapan na rin siyang huminga.
May naririnig siyang boses mula sa malayo. Hindi iyon boses ng papa niya pero familiar ito. “Please hold on, Ajhae,” sabi nito. “Ajhae, bumalik ka! Please . . . come back.” At mas lalo pang lumakas ang boses nito. “Ajhae, I will not let you go!”
Nakaramdam siya ng inis sa boses na narinig niya, at gusto niyang sabihin dito na lumayo sa kanya at pabayaan na lang siyang mag-isa. Ayaw niyang bumalik. Ayaw niyang makasama ito.
Maya-maya ay narinig niyang muli ang tugtog at sinubukan niyang magsalita. “Turn it off! Ayokong bumalik. Ayoko na, pagod na ako. Hayaan n’yo na akong magpahinga. Please let me go . . .” Pero walang lumalabas na boses sa bibig niya. Nagpatuloy pa ang tugtog. Nararamdaman niya na may humihila sa kanya paalis sa malamig na tubig kasunod ang init na na bumabalot sa buong katawan niya.
Hindi nagtagal at narinig niyang muli ang boses na iyon. Nagkukuwento naman ito ngayon ng paborito niyang children’s story. Pinakinggan niya ito. Bumalik ang alaala ng kanyang kabataan noong labindalawang taon siya. Nasa isang perya siya at nakasakay sa ferris wheel kasama ang kanyang mama at papa. Kalong siya ng kanyang papa habang nakaakbay ito sa kanyang mama. Iyon ang huling alaala niya sa kanyang mama, isang maganda at masayahing babae, bago ito namayapa.
Nagbalik din sa alaala niya ang kanyang thirteenth birthday. Binigyan siya ng kanyang matalik na kaibigang si Marinel ng isang music box. Na-confiscate pa ito ng kanilang teacher nang minsang dalhin niya sa school. Pinahanga kasi niya ito sa kanyang mga kaklase at kaibigan habang oras pa ng klase. At nang marinig ito ng kanilang teacher, sinubukan niya itong itago sa bulsa ng kanyang palda. Pero dahil hindi masyadong nakasara ang takip, patuloy itong tumunog kahit pinipilit niyang isara ito. Nagtawanan ang mga kaklase niya at siya naman ay nagkunwaring inuubo para maitago ang tunog. Nang mapatingin siya kay Marinel, hindi na rin niya napigilang tumawa.
Nang mag-college na sila at nag-board sa loob ng university na kanilang pinapasukan, nahuli naman sila ng kanilang rector na sinusubukang magsigarilyo sa loob ng comfort room. Pinatawag sila sa opisina at sinabihang kailangan nilang papuntahin ang kanilang mga magulang.
Umiiyak si Marinel pagbalik nila sa dormitory. “Tumigil ka na sa kaiiyak, Manel. Sigurado namang hindi nila tayo i-e expel ng dahil lang doon.”
Agad na napalitan ang kanyang alaala. Nakita niya si Mang Anton na naglilinis ng kotse ng kanyang papa. Kumakanta ito ng isang Bisayang kanta, at nang makita siya ay ngumiti at kumaway habang tinatawag ang kanyang pangalan. Hindi niya napigil ang mapatawa dahil sa pag-pronounce ni Mang Anton ng kanyang pangalan na, “Eji!” Matagal na itong driver ng kanyang papa kaya parang kamag-anak na rin ang turing sa kanya. At nang makalapit kay Mang Anton, niyakap siya nito. Itinuturing na rin niya itong pangalawang ama dahil isang matalik na kaibigan naman ang turing sa kanya ng kanyang papa.
Nasa Palawan na naman siya ngayon at nakatayo sa pinakamataas na lugar sa loob ng kanilang rest house malapit sa dagat. Dito siya nagbabakasyon kapag tapos na ang kanilang klase. Tanaw niya ang buong paligid sa kinatatayuan niya. Sa loob naman ng bahay ay naririnig niya ang kanyang Yaya Luz na kumakanta habang naglilinis. May walong anak ito. St dahil sa naranasang hirap sa buhay, mas mukha itong matanda sa tunay nitong edad. Ito ang nag-alaga sa kanya simula nang mamatay ang kanyang mama. Humahanga siya sa kanyang Yaya Luz dahil sa dami ng anak nito, nagsasakripisyo itong mapalayo sa kanila habang nag-aalaga ng ibang bata.
May nakita siyang isang maliit na yate na dumating malapit lang sa kanilang rest house. May ibinabang bangka mula sa yate at nagsagwan palapit sa pampang ang isang lalaki. Nakasuot ito ng asul na T-shirt. Nagmamadali siyang bumaba, pumitas ng ilang bulaklak mula sa nadaanang halamanan at inilagay sa kanyang tainga. Nakayapak siyang lumapit sa pampang habang nakatalikod pa sa kanya ang lalaki na noon ay humihila ng bangka palapit. Gusto niyang makipagkilala sa lalaki.
Pero bago pa mangyari iyon, narinig na naman niya ang familiar na boses ng lalaki, kumakanta naman ito ngayon. Noong una ay mas naririnig niya ang himig kaysa sa lyrics ng kinakanta nito. Pero unti-unting naging maliwanag ang boses, parang mas malapit na ito sa kanya. Maganda ang boses nito at tama sa tono ang pagkanta. Habang papalapit ang tinig ay mas naging familiar sa kanya ang kinakanta nito. Isa ito sa paborito niyang kanta ni Christina Perri, A Thousand Years.
Heartbeats fast
Colors and promises
How to be brave
How can I love when I’m afraid to fall
But watching you stand alone
All of my doubts suddenly goes away somehow
One step closer . . .
Natatandaan niya ang eksena sa kantang ito. May ikakasal sa gitna ng kagubatan. Naglalakad ang bride papunta sa kanyang groom habang inihahatid siya ng kanyang ama. Puno ng paghanga ang groom habang naglalakad palapit sa kanya ang soon-to-be-wife niya.
Time stands still
Beauty in all she is
I will be brave
I will not let anything take away
What’s standing in front of me
Every breath
Every hour has come to this
One step closer . . .
May mga kandila sa paligid, maraming kandila. Tapos nagpalitan na ng “I do” ang lalaki at babae. And then they kissed when they were proclaimed as husband and wife. Nagpalakpakan ang mga tao sa paligid nila at masayang binati ang mga bagong kasal.
At muli niyang narinig na kumanta ang familiar na boses na iyon.
“And all along I believed I would find you
Time has brought your heart to me . . .”
Ngunit biglang tumigil ang kumakanta. Dumilim ang paligid. Naghintay siya pero hindi pa rin itinuloy ang pagkanta. Nakaramdam siya ng disappointment. Narinig niya na may umisod na upuan at mahinang click na animo ay nag-off ng CD player.
Bakit hindi niya tinapos ang kanta? tanong ni Ajhae. Pinilit niyang igalaw ang kanyang ulo, nakikinig sa susunod na gagawin ng kumanta. Naramdaman niya ang malalim na paghinga nito. Katahimikan lang ang sumunod. Alam na alam niya ang susunod na lyrics kaya gusto niyang tapusin ito.
Sige, kung ayaw niyang tapusin e ’di ako na lang. Pinilit niyang buksan ang kanyang bibig sa kagustuhang ituloy ang kanta. Ngunit walang boses na lumalabas. Pakiramdam niya ay natutuyo ang kanyang lalamunan. Pinilit rin niyang buksan ang kanyang mga mata pero puro madilim ang kanyang paligid.
Pero sinubukan pa rin niyang magsalita. Unti-unti niyang sinubukan, pilit niyang binabasa ng laway ang tuyo niyang lalamunan. Lakas-loob siyang nagsalita, inisip muli ang susunod na lyrics. Halos pabulong ang kanyang boses, hindi masyadong marinig. Pinilit niyang lakasan ang boses niya at tinapos ang kanta.
“I-I . . . have loved you . . . for a thousand . . . years . . .
I love you for a thousand more . . .”