Pinilit lakasan ni Ajhae ang boses niya at tinapos ang kantang kanyang narinig mula sa lalaki.
“I-I . . . have loved you . . . for a thousand . . . years . . .
I love you for a thousand more . . .”
Ang katahimikan ay saglit na napalitan ng ingay. Nakarinig siya ng huni ng ibon, tunog ng mga sasakyan at bulungan ng mga tao sa paligid.
“Ajhae?” Boses ng isang lalaki. Hindi pa rin siya nagmumulat ng mata. “Ajhae!”
Isang kamay ang naramdaman niya na humawak nang mahigpit sa kanyang kamay. “Ajhae! Are you awake?”
Unti-unti siyang nagmulat ng mata, pakurap-kurap dahil sa hindi inaasahang liwanag. Lumapit ang isang guwapong lalaki sa kanya, ngumiti ito at nakita niya ang mapuputi nitong ngipin. Dumako ang kamay nito sa ibabaw ng kanyang ulo at may pinindot na button habang ang isa nitong kamay ay dinampot ang kamay niya at idinampi sa pisngi nito. Naramdaman niya ang gaspang ng pisngi nito.
“Kailangan na niyang mag-shave, ang kati!” reklamo niya sa isip.
Hindi nagtagal ay bumukas ang pinto at pumasok ang isang babaeng nurse. Tumingin sa kanya ang lalaking katabi niya nang hindi nagsasalita, at lumapit ang nurse sa kama. Ang nurse naman ang pumindot sa button. Pumikit ang lalaki, hindi maitago ang pag-aalala. Napansin ni Ajhae na nagbaba-taas ang Adam’s apple nito.
Muling bumukas ang pinto at halos puno na ng tao sa loob ng kuwarto. Binitiwan ng lalaki ang kanyang kamay at narinig niyang nagsalita ang nurse. “Sir, ang mabuti pa po ay maghintay na lang po muna kayo sa labas. Kailangan po kasing i-check ni Doc ang pasyente.”
Ibig sabihin ay hindi pala itong lalaking ito ang doktor?
“Sayang naman, mami-miss ko ang kanyang kamay na napakalambot,” sabi ni Ajhae nang lumabas ito at unti-unting nawala sa kanyang paningin. Pakiramdam kasi niya ay komportable siyang kasama ito kahit estranghero sa kanya.
Isang babae na may dalang stethoscope ang lumapit at ngumiti sa kanya. “I’m Dr. Patricia Jalbuena. Kumusta naman ang pakiramdam mo?”
Parang nanunuyo pa rin ang kanyang lalamunan. Sinubukan niyang itaas ang kanyang kaliwang kamay pero naka-bandage ito. Dito nakakabit ang dalawang bote na parehong tumutulo sa tube. “O-okay naman po,” nanghihina niyang sagot. “C-can . . . I have a glass of water?”
“Sandali lang,” sagot ng doctor. “Maaari mo bang sabihin sa akin ang pangalan mo?”
“April Joy Sibullen Llaniguez. Ajhae na lang po.”
“Good.” Ngumiti ang doktor. Walang kumikibo sa mga taong nasa paligid at wala ring nagsasalita. “At ilang taon ka na?”
“Twenty-two po.”
May isa pang pumasok na lalaking doktor, ipinakilala siya ni Dr. Jalbuena kay Ajhae. Specialist daw ito pero hindi sinabi ni Dr. Jalbuena kung saan. Inilawan nito ang mga mata ni Ajhae, kinuhaan ng pulso, blood pressure, ipinagalaw sa kanya ang mga daliri at tinanong kung ano ang nakikita niyang bagay sa kanyang paligid. May bandage rin ang kanyang kaliwang tuhod hanggang sa daliri ng kanyang paa.
Isa sa mga nurse ay nagdala ng maiinom na tubig at hinayaan siyang makainom. Pagkainom ay tiningnan niya ang mga tao sa paligid niya.
“What happened” tanong ni Ajhae. “Ano’ng ginagawa ko rito sa hospital?”
Nagpalitan ng tingin ang dalawang doktor. Tumingin kay Ajhae ang ipinakilalang espesyalista. “Hindi mo naaalala?”
Umiling si Ajhae at biglang umikot ang kanyang paningin. Pumikit siya hanggang sa nawala ang kanyang pagkahilo.
“Naaksidente ka,” sagot ng doktor. “Matagal ka ring nawalan ng malay.”
“Nabagok ba ang ulo ko?” tanong ni Ajhae.
Tumango ang doktor. “Matindi ang pagkabagok ng ulo mo pero mukha namang walang damage. Napakasuwerte mo. Dahil nagising ka na, you will probably recover fully in no time.”
“What’s wrong with my legs . . . sa paa ko?”
“Natamaan din nang maaksidente ka. Pero ang tuhod mo ang medyo nabugbog so it will take some time to heal. May broken bones sa paa mo, pero gumagaling na ’yan. Na-dislocate naman ang balikat mo pero maayos na rin, Mrs. Ybiernas.”
Mrs. Ybiernas? Baka nagkakamali sila ng kinakausap? Mrs. Ybiernas talaga? Baka naman nagkakamali lang ako ng pandinig.
“Ano po ang sinabi ninyo?”
“I said you are recovering faster, Mrs. Ybiernas” sabi ng doktor.
Bumilis ang t***k ng puso ni Ajhae. “H-hindi ko po kayo maintindihan. Misis?”
Tumingin si Dr. Jalbuena sa kanyang kasamang doktor at dinampot ang kamay ni Ajhae. “Hindi mo alam na may asawa ka na?” nagtatakang tanong nito.
Pumikit si Ajhae. Panaginip lang ito! Unconscious pa rin ako o kaya natutulog lang. Hindi ito totoo . . . Pero bakit parang totoo ang lahat?
Kalmadong nagsalita si Ajhae. “I’m not married. And I can’t be married.”
Muling ngumiti si Dr. Jalbuena. “But I’m pretty sure that you are married. Ang husband mo ang laging nagbabantay sa ’yo.”
“Hindi n’yo po ako naiintindihan,” sagot ni Ajhae. “Ang ibig kong sabihin, hindi pwedeng may asawa na ako. Imposible ’yon.” Tumingin siya kay Dr. Jalbuena.
Mabilis itong sumulyap sa espesyalista at muling tumingin kay Ajhae. “Maaring may problema ka sa iyong memory, just for a short while,” paliwanag nito. “Very common ’yan kapag nagkaroon ng head injury ang isang pasyente.”
Nalilito si Ajhae habang nakatingin sa doktor. Tumalikod si Dr. Jalbuena sa kanya at humarap sa isa pang doktor. May sinabi si Dr. Jalbuena dito at tumango lang ito. Pagkatapos nilang mag-usap ay agad nang lumabas ng kuwarto kasabay ng mga nurse.
Kumuha ng upuan si Dr. Jalbuena at hinawakan ang nanlalamig na kamay ni Ajhae na nakapatong sa kanyang tiyan. “Huwag kang mag-alala,” mahinang sabi ng doktor. “You have been unconscious for quite some time. Maaaring may mga gap sa memory mo, but most people remember everything, or nearly everything, sa tamang panahon.”
Walang maalala si Ajhae sa nakaraan niya. But at least, only part of it.
“Pero ano ba ang hindi ko maalala? Gaano katagal na? May asawa ako? As in, may asawa na raw ako?” nagtatakang tanong ni Ajhae sa sarili.
Tiningnan niya ang kaliwang kamay niya. Nababalutan ito ng bandage kaya hindi niya makita ang kanyang daliri kung may wedding ring. “May asawa na ako?” tanong niya.
Tumingala siya. Napansin niya ang pag-aalala sa mukha ng doktor. Tumingin siya sa paligid. Nakaramdam siya ng pagsakit ng ulo.
Ngumiti sa kanya ang doktor at tinanong si Ajhae. “Hindi mo ba naaalala ang iyong husband?”
“Husband?” Ano’ng pasabog na ito?
“Halos araw-araw siyang pumupunta rito simula nang mapa-confine ka. Inaabot siya minsan ng hatinggabi. Nagdadala siya ng mga bulaklak, binabasahan ka ng kuwento, kinakausap ka, nagpapatugtog, at kung minsan ay kinakantahan ka ng favorite song mo.”
Dumako ang tingin ng doktor sa ilang librong nakapatong sa side table malapit sa bintana. Nakita rin ni Ajhae na may mga bulaklak doon na nakalagay sa vase. Iba-ibang klase ang mga bulaklak, makikita rin ang mga card. May ilang CDs din ang nakahilera roon at natatandaan niya ang mga iyon.
Akin ’yang mga CDs na ’yan, a.
Sa lamesa naman, malapit sa kama ni Ajhae ay nakapatong ang CD player.
“Kapag aalis na siya,” pagpapatuloy ni Dr. Jalbuena, “sinisigurado niya na meron kang makakasama rito sa tabi mo. But most of the time, he was here.”
Sa isang sulok malapit sa bintana ay may isa pang upuan. May nakapatong ditong mga papel at ballpen. Napapatungan ang mga papel ng isang bukas na briefcase.
“Ano po ang pangalan niya?” tanong ni Ajhae.
“Jolemuel Santiago Ybiernas. Si Joem.” Pinagmamasdan ng doktor ang kanyang reaksyon. Nakompirma ng doktor na hindi niya ito natatandaan.
“Gusto mo bang tawagin ko na siya at papasukin?” tanong ni Dr. Jalbuena.
“Nandito po ba ang papa ko?” sa halip ay tanong ni Ajhae. Siguradong nasa labas lang si Papa. Baka sobra siyang nag-alala sa akin.
“Ah . . . wala siya ngayon,” sagot ng doktor.
“Ah.” Nagtataka si Ajhae sa sinabi ng doktor at na-disappoint din. “Well, siguro naman papunta na siya rito. May nagsabi na po ba sa kanya na . . . na nagising na ako?”
Mukhang nagdadalawang-isip ang doktor na sagutin si Ajhae. “We will do our best to contact him,” pangako ng doktor at tumayo na ito. “I think you have had enough for today. Mas makabubuting magpahinga ka na muna.”
“Matagal na po akong nagpapahinga, hindi po ba?”
“You have been in a coma.” Napangiti ito nang makitang nanlaki ang mata ni Ajhae. “Nagulat ka, ano?”
“Gaano katagal po?” tanong ni Ajhae.
“Ilang linggo rin. Almost two months, actually.”
“Two months? Siguradong nag-alala nang matindi ang papa.”
“Well, huwag ka nang masyado mag-alala, hindi ’yan makabubuti sa ’yo. Mabuti pa ay tatawagin ko na si Mr. Ybiernas, pero sandali lang, ha? Kailangan din niyang magpahinga. Siguro naman ay makakatulog na siya ngayon nang maayos.”
Nakaramdam ng magkahalong kaba at hiya si Ajhae habang hinihintay si Joem.