Chapter 1
Kyle Enrico Salvador
โพ โ*๏ฝฅ๏พ:โ*๏ฝฅ๏พ:โ *โ.*:๏ฝฅ๏พ .: โ*๏ฝฅ๏พ: .โ
"No worries. I'm glad I was able to assist you today. And thanks for choosing XY Services. My name is Kyle. Hope you have a great day."
Pagkatapos na pagkatapos ko sabihin ang closing spiel ko, kaagad na akong nag-log out sa Avaya. Tumingin ako sa time na naka-display sa pinakasulok ng monitor ko at napabuntong-hininga. 3:31 AM. I have an hour to enjoy and relax.
Pagkatapos kong i-lock ang computer ko, saglit akong tumingin sa katabi ko na hanggang ngayon ay may kausap pa rin. Long call si gago.
"Alan, lunch lang."
Tinignan lang ako ng katabi ko at tumango habang patuloy pa rin ang pakikipag-usap sa customer niya.
Naabutan kong maraming tao sa pantry. Tuwing gantong oras kasi ay maraming naka-lunch break. Yes, you heard that right. Alas tres ng umaga ay lunch pa rin. Bilang call center agent ng mahigit limang taon, nasanay na ang katawan ko sa gantong schedule. Sinubukan kong magtrabaho sa pang-umaga pero di kaya ng katawan at utak ko. Tinanggap ko na na messed up na yung body clock ko kaya nag-resign ako sa dati kong kumpanya at nag-apply sa night shift position.
Apat na buwan pa lang ako dito sa kumpanya ko ngayon. Okay lang naman. Paulit-ulit lang yung mga ginagawa na kahit nakapikit ako, alam ko na ang pasikot-sikot nitong building. Maganda rin yung benefits ng kumpanya at hindi na rin masama yung sahod. May libre pang unli-kape na galing vendo pero di ako kumukuha don. Kadiri kasi.
Umupo ako sa bakanteng table na pang dalawahan at nilapag doon ang tray ko. Makabutas bulsa ang mga ulam dito kaya itong hotdog at sinangag na lang ang binili ko. Dalawang araw na lang naman at makakapagpakasasa na ako sa fastfood kasi pay day na.
Habang kumakain ay nags-scroll ako sa f*******:. Naramdaman ko na lang na may umupo sa bakanteng upuan sa unahan ko. Napataas ang kilay ko dahil parang di niya inda na may nakaupo na rito, at saka hindi ko naman siya kilala. Marami pa namang bakanteng mesa kaya nagtataka ako kung bakit umupo dito tong gago na 'to.
Hindi ko siya tinignan at patuloy lang sa pagkain. Public space naman 'tong pantry kaya wala na akong pake sa kanya. Nag-scroll lang ulit ako sa f*******: at nanood ng mga reel. Napatawa pa ako nang mahina dahil sa nakakatawang video na napanood ko.
Pero nagulat ako ng biglang tumayo yung lalaki sa unahan ko at pumunta sa tabi ko. Parang tumaas ang mga balahibo ko nang bigla siyang yumukod at tumingin sa cellphone ko.
"HAHAHAHAHA, LT!"
Napakapit pa yung isang kamay niya sa balikat ko habang tumatawa. Ramdam ko na biglang lumamig ang paligid at mas lalong nagtindigan ang lahat ng dapat tumindig sa katawan ko. Pero hindi yung ano, ha.
Malamig dito sa office namin dahil kaliwa't kanan ang aircon, pero kakaiba yung lamig na nararamdaman ko ngayon. Hindi ako nag-scroll pa ng reel kaya paulit-ulit yung video na nagp-play sa cellphone ko. Tawa lang din nang tawa yung lalaki habang nakalapat pa rin ang mga kamay niya sa balikat ko.
Medyo naalibadbaran ako kasi parang di niya alam ang personal space. Kinabig ko nang kaunti yung balikat ko para matanggal yung kamay niya. Bigla siyang napatigil nang lingunin ko siya at tignan ng masama.
"Pre, pwede wag ka dito?"
Wala na akong pakealam kung masama ang pagkakasabi ko. Ayoko lang kasi na ini-invade yung personal space ko lalo at naka-lunch ako. Isang oras na nga lang madarama ang katahimikan sa trabaho, ay guguluhin pa niya. Saka sobra naman yung akbay-akbay niya. Di ko naman siya kilala.
Nakatitig lang siya sa akin at kitang-kita ko kung paano nanlaki ang mga mata niya. Napa-atras pa siya na para bang takot na takot. Lumingon lingon siya sa paligid at pagkatapos ay binalik muli ang tingin sa akin.
"Ako ba ang kinakausap mo?" tanong niya. May halong takot at pagtataka ang mukha niya. Mahina din ang boses niya pero sa di maipaliwanag na pangyayari ay nagsitayuan na naman ang mga balahibo ko.
Tinaas ko ang zipper ng Adidas jacket ko hanggang leeg at nilagay ang mga kamay ko sa bulsa.
"At sino pa ba ang kakausapin ko maliban sa iyo na nasa harap ko?"
Napalakas ang boses ko kaya naman may ilang tao ang napatingin sa direksyon ko. Bakas ang pagtataka nila habang tinitignan ako.
"N-Nakikita mo nga ako!" Biglang naging excited ang boses niya na parang isang bata. Umupo siya muli sa upuan sa harapan ko at di mawala-wala ang malaking ngiti sa mukha niya.
"Anong bang pinagsasasabi mo? Sino ka ba?" mahina kong tanong. Baka kasi nakakaistorbo ako sa mga tao sa pantry kaya pinagtitinginan nila ako.
Hindi sumagot ang lalaki at nakangiti lang sa akin.
"Anong pangalan mo?"
Nairita ako kasi ako yung may tanong sa kanya tapos tanong din ang isasagot niya. Sinubo ko na ang huling kanin sa plato ko at inayos ang pinagkainan ko sa tray. Alam ko namang puyat kaming lahat dito, pero di ko alam na may adik pala dito.
Hindi ko siya sinagot pero malawak pa rin ang ngiti sa labi niya at ang mga mata niya ay tila di kumukurap. Habang tinitignan ko siya ay parang kakaiba ang nararamdaman ko. Nanlalamig ang buo kong katawan at nakaramdam ako ng pangingilabot.
"Anong pangalan mo?" ulit niya.
Tumingin ako sa phone ko at nakitang 4:13 AM na. Tumayo ako bitbit ang tray ko nang nakasalubong ko si Alan na may hawak ding tray.
Tinanong ko siya kung kakalabas niya lang at oo naman ang sagot niya. Nagulat ako nang bigla niyang binaba yung tray niya doon sa harap nung lalaki at akmang uupo doon.
"Teka, may tao oh."
Napataas ang kilay ni Alan at tila nagtatanong ang mga mata niya. "Huh?"
Kinabigla ko ang sumunod na pangyayari.
Nakita kong umupo si Alan doon sa kinauupuan nung lalaki at ang nakakapagtaka, tumagos yung lalaki kay Alan na tila ba isa lamang siyang hangin. Nagsimulang kumain si Alan na parang normal lang. Pero yung lalaki...
Yung lalaki...
Narinig kong tumawa siya ng malakas. Tumayo mula sa kinauupuan niya at tumingin sa akin.
"Pwede bang malaman ang pangalan mo?"
Parang bulong lang iyon pero isang malamig na hangin ang dumaan at dumaplis sa aking tenga.
Nanghina ang mga kamay at binti ko at kasabay ng pagbagsak ng tray, naramdaman ko ang pagbagsak ng katawan ko sa sahig.
"Kyle!!!"
Iyon ang huli kong narinig bago nagdilim ang paligid.
Pagmulat muli ng mata ko, naramdaman kong nakahiga na ako sa isang kama. Dahan-dahan akong bumangon dahil nakaramdam ako ng kaunting hilo. Hinawi ko yung kurtina na pumapaligid sa kama at nakita ko ang isang babae na nakaupo sa isang desk habang nagko-computer.
"Oh, gising ka na pala. Kamusta ka? Nahihilo ka ba? May masakit?"
Sunod sunod niyang tanong habang sinusuot ko ang sapatos ko. Alam kong nasa company clinic ako dito sa 4th floor. Ilang beses na rin kasi akong nakapunta dito kapag nanghihingi ako ng gamot sa migrane tuwing shift ko. Si Nurse Ally nga pala yung babae na nandito at company nurse siya.
"Medyo nahihilo lang po saka parang masakit yung gilid ng ulo ko," ang sagot ko saka umupo sa upuan katapat ng desk niya.
Napabuntong hininga si nurse at saka may kinuhang papel sa drawer niya. "I will send you home. You need to get checked sa ospital right away. Hindi sapat ang gamit dito sa clinic kaya mabuti pang pumunta ka na sa ospital at patignan ang ulo mo." sabi niya habang may sinusulat sa papel.
Nalaman ko na nahimatay pala ako kanina. Ayon kay nurse, mukhang fatigue ang nangyari pero mas mabuting magpa-check up sa ospital para makasiguro. Binigay niya sa akin ang send home slip at nagpaalam lumabas.
Nahimatay? Napaka-OA naman non. Saka wala naman akong nararamdamang sakit ng katawan bago ako pumasok. Hindi rin naman ako nagkakasakit basta-basta. Kung pagod man ako, it was not to the point na mahihimatay ako. Naalala ko rin na nagl-lunch ako tapos...
"Kamusta ka na?"
Narinig kong may nagtanong. Nakita ko ang isang lalaki na naka-upo sa sahig at nakasandal sa pader sa labas ng clinic. Nakasuot ito ng navy blue na hooded jacket, white shirt, at maong na pantalon. Kahit na walang buhay ang mga mata niya, rinig ko sa boses niya ang pagka-lungkot. Maputla rin ito kaya alam ko na baka magpapa-clinic din siya.
Hindi ko kilala yung lalaki pero alam kong ako ang kausap niya. Wala rin namang ibang tao sa hallway.
"Okay lang. Sino po sila?" tanong ko. Hindi kasi ako magaling sumaulo ng mukha lalo pag hindi ko ka-close, kaya minsan, may mga nalilimutan akong tao na kakilala ko pala.
Tumayo mula sa pagkakaupo ang lalaki at pinagpag ang pantalon. Humarap siya sa akin at marahang nagsalita,
"Mabuti naman. Ako si Junjun. Anong palang pangalan mo?"
"Kyle."
Biglang kong naramdaman ang malakas na hangin na ikinapagtaka ko. Closed space ang building namin at laging nakasara ang mga binta. Ni wala ngang bintana ang malapit sa amin. Paano nagkaroon ng ihip ng hangin dito?
"Nice to meet you, Kyle." Nilahad ni Junjun ang mga palad niya para makipagkamay. Malawak din ang mga ngiti sa mukha niya.
Nang makita ko ang mga ngiti na iyon, bigla kong naalala ang mga pangyayari noong lunch break ko. Ang lalaking umupo sa harap ko. Ang pagakbay niya sa akin. Ang pagtawa niya. Ang pagtatanong niya ng pangalan ko. At ang pagtagos niya kay Alan sa upuan.
Hindi ko napigilan ang pagsigaw ko, at dali-daling tumakbo palayo iyon.
Isa siyang multo! Isa siyang multo! Hindi ako pwedeng magkamali. Walang tao ang tumatagos sa ibang tao.
Paliko na ako sa isang hallway nang makasalubong ko si Alan.
"Kyle! Musta? Anong sabi sa clinic? Amputla mo, ah."
Sa sobrang takot ay nagtatakbo pa rin ako papuntang locker. Hindi ko na pinansin si Alan at dumiretso na ng elevator para bumaba.
Muli kong naalala ang nakakakilabot na pangyayari sa pantry kaya imbes na mag-elevator ako, sa fire exit na lang ako bumaba. Wala akong tiwala na sumakay sa elevator lalo at napapanood ko sa TV na minsan may nakakasabay na multo ang mga tao sa elevator.
Habang naglalakad ay nag-chat ako sa TL ko na pinauwi na ako ng clinic.
Pagkasakay ko ng jeep ay saka lamang akong kumalma. Kinurot-kurot ko ang palad ko para malaman kung nananaginip ba ako.
Hindi to totoo. Pagod lang to. Tama, pagod lang yan, Kyle. Magf-file ako ng leave para makapag-pahinga ako. Sinabihan akong magpa-check sa ospital pero di na ko pumunta doon kasi gusto ko na lang talaga magpahinga.
Nakahinga ako ng maluwag nang makarating akong ligtas sa bahay. Hinubad ko ang suot ko at dumiretso ako sa banyo para maligo at magbabad. Pagkatapos ay lumabas na ako ng banyo para makapagbihis na. Gaya ng nakasanayan, hubad akong lumabas ng banyo habang sapo-sapo ko ang tuwalya sa ulo ko at nagpapatuyo ng buhok.
"AAAAHHHHHHHHH!!"
"AAAAAAAAAHHHHHHHHHHH!!!"
Sabay kong narinig ang aming pagsigaw nang sa di malamang dahilan ay nakita kong nakaupo sa kama ang multong si Junjun habang nakatingin sa nakabalandra kong junjun.