Huling araw na ng pagsusulat namin ng articles ngayon. Mag-isa lang akong pumasok dahil may aasikasuhin raw si Den sa isang subject niya. Wala rin namang problema sa akin dahil medyo nasanay na rin ako sa atmosphere sa library. Mababait rin naman ang mga kasama ko doon tsaka wala rin kaming pakialamanan sa ginagawa ng bawat isa. Minsan, may mga lumalapit na rin sa akin na mga ka-org ko kaya masaya na rin ako na nagkakaroon na kami ng interaction.
Ittransfer ko na ang files ng articles ko sa flashdrive para mapacheck sa proof readers namin pero hindi ko mahanap ang flashdrive! Kinakabahan ako habang naghahanap sa bag at sa table dahil ngayon ang deadline nito at nandoon rin ang files ng ibang writers namin. Ang alam ko, nandito lang yun sa lamesa dahil nireready ko na nga yun kanina pa. Sigurado akong nandito lang talaga yun eh. Saan naman kaya napunta? Baka mapaalis ako nito sa org ng wala sa oras, jusko.
Nakaabot na ako sa may pinto ng library dahil baka nahulog ko yung flashdrive habang papunta dito kaya naghanap rin ako sa mga dinaanan ko kanina pero wala talaga!
"Ito ba hinahanap mo?" napatingala ako sa pamilyar na boses at nakitang si Mico nga iyon, hawak ang flashdrive na hinahanap ko. Paano napunta sa kanya yun?
Napahawak naman ako sa dibdib at napapikit dahil nakahinga na rin ako ng maluwag. Sobrang kaba ko talaga kanina dahil di ko alam kung anong gagawin ko pag nawala talaga yung flashdrive. Lesson learned, Keira! Wag mong dalhin ang pagiging burara mo dito sa Thailand, please lang.
"Oo, buti nakita mo. Salamat," kinuha ko sa kanya ang flashdrive at nag bow naman siya ng onti sa akin. Ganun kasi sa kanila dito sa Thailand. Madalas silang mag bow o wai kung tawagin as a sign of gratitude, respect, or simpleng greeting lang. Pag nagpapasalamat o nagsosorry, ganun rin.
Napansin ko ring nakapambasketball siya ngayon. Gray jersey, black shorts, at ang kanyang usual neon green headband. Saklay niya rin ang duffle bag sa balikat. Baka may training sila ulit. Iba rin ang lakas ng dating niya pag nakasuot siya ng ganoon. Ewan ko ba, parang lahat ng sinusuot niya bagay sa kanya. Ganun siya kagaling magdala ng damit.
"Training?" tanong ko.
"Chai (yes). May game kami mamaya versus Pol. Sci." sabi niya naman.
Tumango-tango naman ako sa kanya. Pinagbuksan niya naman ako ng pinto kaya nauna na akong pumasok sa library. Agaw-pansin nanaman siya sa mga estudyanteng naroon dahil halos lahat ay nakatingin sa kanya pagpasok niya, pero mukhang sanay na siya rito dahil parang wala lang sa kanya iyon. Kung ako siya, sobrang mauuncomfortable talaga ko na maraming nakatingin sa'kin. Iisipin ko pa na baka may dumi ako sa mukha o baka may mali akong nagawa. Ganun ako ka-anxious.
Bumalik na ako sa table ko para ipagpatuloy ang ginagawa ko.1 hour na lang rin naman at uwian na namin. Pagkaupo ko, napatingin ako kay Mico na umupo rin sa upuan sa harap ko. Dahil doon, pinagtitinginan nanaman kami ng mga tao. Ang iba naman, masama pa ang tingin sa'kin na para bang may nagawa akong mali. Nakakatakot naman sila. Tsaka bakit kaya nandito nanaman si Mico? Napapadalas ata ang pakikiupo niya sa table namin ah.
Nagagawa pa niyang humikab habang pinapatong ang duffle bag niya sa katabing upuan. Ano pa nga ba'ng dapat kong asahan? Artista siya eh. Sanay na siya sa atensyon. Kailangan ko sigurong magpaturo sa kanya kung paano niya nagagawa yun.
"Uh bakit ka nandito? Wala ka bang gagawin?" tanong ko habang nagtatype sa laptop ko.
Sumandal naman siya sa upuan at nagstretch. "Tambay lang, wala pa si coach. May 2 hours pa naman. Bakit. ayaw mo ba'ko dito?" nagulat naman ako nang bigla niyang pinatong ang baba niya sa mga kamay niyang nasa ibabaw ng lamesa. Dahil doon, nagmumukha tuloy siyang nakapout kahit di naman. Nagpapacute yan? Kahit di niya naman gawin, cute pa rin naman siya tss.
"Diba part ka ng org? Bakit parang wala ka namang ginagawa for the past 3 days?" sabi ko habang sinasara ang laptop. Natapos ko na kasi ang articles ko at nasave ko na rin sa flashdrive. Ngayon, susubukan ko nang makipag-usap sa kanya dahil mabait naman siya. Siya na lang nga lagi ang unang nag aapproach sa akin eh.
Nasa ganoong posisyon pa rin siya nang sagutin ako. "Kasi naman po miss, sa broadcasting po ako. Nagrerepresent rin po minsan pag may mga debates." Inangat niya na ang ulo pagkatapos at tinilt niya ng onti pakaliwa sabay ngiti. Yung ngiting nakikita ko sa kanya sa mga series niya pag may inaasar siya pero nakakakilig pa rin. Dahil sa ginagawa niya, mapapractice ko na rin kung paano magtago ng kilig pag nasa harap ng crush. And so far, I think I'm doing great.
So hindi pala siya writer. May isa nanaman akong bagay na natutunan tungkol kay Mico. Parte pala siya ng broadcasting at debate team. Fluent at spontaneous kasi siya magsalita. Napansin ko rin sa may faculty room ang iilang pictures ng org kasama siya at yung ibang awards rin na nakuha niya mula rito. Medyo marami na rin iyon so baka matagal na rin siyang nagbobroadcasting at debate. Interesting. Habang tumatagal, mas nakikilala ko pa siya. Favorite siguro to ni Lord. Parang walang pangit sa pagkatao niya.
Grabe ang galing niya talaga...Matalino rin pala siya kahit di halata. Mukha kasi siyang pa easy easy lang sa mga ginagawa niya. Mas lalo ko nanaman tuloy siyang hinangaan. Pero siyempre patago lang. Di naman ako tulad nung ibang fans na talagang kinakapalan ang mga mukha. Nagagawa ko lang tumili kapag sa cellphone ako nanonood ng series nila.
Dahil tapos na rin naman ako sa ginagawa ko, nagkwentuhan muna kami ni Mico dahil mukhang gusto niya rin naman makipag-usap. Ang rami niya ring tanong tungkol sa'kin, para bang iniimbestigahan ako. Tsaka bagay rin talaga sa kanya doon sa broadcasting team kasi ang daldal niya eh.
"Ah ako...mahilig ako manood ng series, volleyball, tsaka basketball. Actually, fan din ako ng Thai series." sagot ko nang tanungin niya ako kung ano daw ang hilig kong gawin. Parang slam book lang eh no.
"Woah talaga? Edi kilala mo pala 'ko?" Parang nabuhayan siya at umayos sa pag upo. Para siyang bata na pinayagan ng magulang makipaglaro haha, cutie. Pero sa lagay na yan, hindi niya pala alam na kilala ko na siya, dati pa?
Tumango naman ako. Nanlaki ang mga mata niya at pabirong napatakip sa bibig. Baliw talaga. "Hala ba't di mo sinabi?" umarte pa siya na parang nanghihinayang. Inirapan ko naman siya dahil napakaarte niya.
"Di naman kailangan," sabi ko naman.
At dahil doon, inasar asar niya na ako na idol ko raw siya dahil pinapanood ko mga palabas niya. Kinukulit niya nga ako kung kumusta naman daw ang acting niya, kung anong palabas niya ang pinakagusto ko, at kung ano-ano pa hanggang sa kinailangan niya nang pumunta sa gym dahil magwawarm-up na sila para sa game. Tumayo na siya at sinaklay ang duffle bag. Inayos ko na rin ang gamit ko dahil malapit na rin kaming mag-uwian.
"Keira, manood ka ah! Hahanapin kita sa bleachers!" rinig kong sigaw niya sa may pinto ng library. Nanlaki naman ang mga mata ko dahil ang ingay niya nanaman, nasa library pa naman. Baka long lost sibling siya ni Dennise. Buti na lang at wala nang masyadong tao dito dahil mag-uuwian na rin naman.
Umiling-iling naman ako at sinaklay na rin ang bag ko. Pumunta muna ako sa canteen dahil nagugutom na'ko. Sakto di pa naman nagsasara ang isang stall kaya bumili muna ako ng makakain at tumambay muna doon. Burger at juice na lang ang binili ko. Napakalawak ng canteen dito kaya hindi masyadong siksikan tuwing lunch o uwian. Iba-iba rin naman kasi ang mga schedule ng mga estudyante. At isa pa, closed canteen to kaya may aircon.
Sa kalagitnaan ng pag kain ko ng burger, nagring ang cellphone ko. Nakita kong tumatawag si Dennise kaya sinagot ko naman agad iyon. "Kei, malapit lang ako sa univ ngayon. Sabay na tayo uwi, hintayin moko" sabi niya. Ako kasi ang may dala ng sasakyan ngayon tapos medyo maulan rin kaya siguro sasabay na lang sa akin si Den. Mabuti nga at nandito pa ako. Pumayag na rin ako dahil malapit nalang naman daw siya. Kawawa naman kung ipapacommute ko lang pauwi.
Tamad akong naglakad palabas ng canteen nang makarinig ako ng mga nagsisigawan sa may court. Oo nga pala, may game sina Mico ngayon! Sakto, di pa ako makakauwi kaya manonood na lang muna ako ng game nila.
Rinig na rinig sa labas ng gym ang sigawan at pagcheer ng mga tao. Kaya pala halos wala nang tao sa campus, nandito sila sa gym.
Nagdadalawang-isip ako kung papasok pa ba ko o hindi. Nakakahiya kasi, ang raming tao.