HINDI PA rin maialis ni Elli ang tingin sa dalawang lalaking kasama niya, wala pa rin kasing gustong sumuko at walang sinuman sa mga ito ang gustong bumitiw sa kamay niya.
“Okay, guys, hindi naman kailangan na magkainitan kayo ‘di ba?” naguguluhang sabi niya sa dalawa at sabay niyang inalis ang mga kamay nitong nakahawak sa kaniya. Seryoso siyang tumingin kay Zayd. “Thanks sa tulong mo sa ‘kin kahit na hindi mo tinatanggap ‘yong pasasalamat k—”
"OY, ZAYD!" hindi niya natapos ang sasabihin niya at sabay-sabay silang napalingon sa tawag na iyon sa binata.
"Nandito ka lang pala, kanina ka pa namin hinahanap," hinihingal na wika ng isang singkit na lalaki pero mukhang foreigner.
Halos sabay-sabay naman itong napatingin sa kaniya nang makalapit na sa kanila.
“Siya ‘yong nagtapon sa ‘yo ng wine, ‘di ba?” tanong pa ng isang kaibigan nito.
“At siya ‘yong dahilan kung bakit mo hiniwalayan si Aizelle?” dagdag pa ng isang lalaking katabi nito.
“Elli, tara na,” aya na sa kaniya ni Ash at kinuha ulit nito ang kamay niya pero bago sila tuluyang tumalikod, bumaling ulit siya kay Zayd.
“Zayd, mauna na kami, salamat ulit, ha,” paalam na niya rito at wala na siyang nagawa nang tuluyan na siyang hilahin ni Ash palayo roon.
“Ano ka ba naman, Elli, hindi ka ba talaga marunong madala? Hindi mo ba kilala ‘yong girlfriend no’n? Notorious ‘yon pagdating sa bullying at siguradong hinding-hindi ka sasantuhin no’n! Nasampulan ka na nga no’ng prom hindi ka pa talaga nagpatinag!” hindi pa rin maalis ang inis sa tinig nito at hindi pa rin nagbabago ang timbre ng boses nito pero hinayaan na lang niya siguro ay dahil inis na inis lang talaga ito sa kaniya kaya ganoon.
“Paano mo pala nalaman na nandito kami?” nagtatakang tanong niya rito habang naglalakad na sila palabas ng building ni Zayd.
“Marami lang namang nakakita sa ‘yo na kasama mo ‘yong lalaking ‘yon!” Galit na galit pa ring sabi nito.
“Eh bakit ba galit na galit ka kay Zayd, siya ‘yong tumulong sa ‘kin para hindi matuloy ‘yong suspension ko,” paaalala niya rito.
“Siya ‘yong tumulong sa ‘yo kasi siya ‘yong dahilan, hindi mo ba ‘yon na-gets?”
“Oo nga, pero sino ba naman ako para pag-aksayahan niya ng oras, hindi ba? Kaya kahit paano nagpapasalamat pa rin ako sa kaniya kasi mas pinili niyang tulungan ako. Given pa na ‘yong girlfriend niya ang dahilan kung bakit nangyari ang lahat ng ‘yon.”
“Saka sa tagal nating magkaibigan first time mo lang sumama sa isang lalaki nang kayong dalawa lang… kayong dalawa lang,” parang naiinsulto pang sabi nito at tumigil pa ito sa paglalakad at humarap sa kaniya, mabuti na lang din at walang masyadong tao sa paligid nila.
“Wait, Ash! Tapatin mo nga ako, bakit ka ba nagagalit? Hindi ko kasi maintindihan kung nagagalit ka ba sa ‘kin kasi sumama ako sa kaniya o nagagalit ka kay Zayd dahil napahamak ako dahil sa kaniya,” hindi makatiis na tanong niya sa kaibigan. “At isa pa kapag tayong dalawa lang ang magkausap never kang gumamit ng ganiyang boses mo,” dagdag pa niya dahil hindi pa rin nagbabago ang timbre ng boses nito magmula nang umalis sila sa building ni Zayd.
Parang natigilan naman ito sa sinabi niya at biglang nag-iwas ng tingin. “Nagagalit ako kasi napahamak ka dahil sa kaniya,” sabi naman nito sa matinis na nitong boses.
Napabuntong-hininga naman siya. “Alam ko naman na nag-alala ka, Ash, pero trust me, okay? Mabait naman si Zayd. Actually, nakikita ko nga ang ugali mo sa kaniya kaya nga siguro ang bilis lang din napalagay ng loob ko sa kaniya.”
“ANO palang ginagawa niyo rito?” di mapigilang tanong ni Zayd sa mga kaibigan saka lumakad para maupo sa isang beach chair na nandoon.
“Ah, hinahanap ka kasi ni Aiz, ang totoo, kanina pa nga,” tugon naman ni Ian kaya napataas ang kilay ng binata.
“Wala ka na ba talagang balak na ayusin ang problema niyo, buddy?” tanong naman ni Kian at nagsilapitan din ang mga ito sa kaniya.
“Sa ilang buwan, ngayon ko lang talaga na-realize na nakakasakal lang ‘yong relasyon naming dalawa ni Aizelle, kung hindi lang din naman dahil sa Papa ko hindi ko naman siya magiging girlfriend,” naiiling na wika ni Zayd saka sumandal sa upuan at mariing pumikit.
“Sus, brad, para namang hindi mo kilala ‘yon si Aizelle, kailan ka ba pinakawalan no’n? Bukod sa alam nating lahat na patay na patay sa ‘yo ‘yon, eh, talaga namang hindi ka na pakakawalan no’n dahil sa para na siyang nakahuli ng malaking isda sa ‘yo,” saad naman ni Riu habang nilalaro-laro sa mga kamay nito ang bolang hawak.
“Ubos na ang pasensiya ko sa kaniya, kung no’ng una napapalampas ko pa lahat ng ginagawa niya, ngayon hindi na dahil totoo namang walang kasalanan si Elli sa nangyari, kung hindi dahil doon sa tao baka nga wala na ‘ko ngayon,” walang ganang sagot pa rin ni Zayd sa kaibigan.
“Pero ‘yong totoo? Tinamaan ka ba talaga, brad, sa Elli na ‘yon?” biglang pag-iiba ng usapan ni Riu kaya napadilat si Zayd at ang nakakalokong ngiti lang naman nito ang sumalubong sa binata. “Kaya pala parang wala na lang ‘yong kay Aizelle, dahil may Elli naman na pala!”
“Gusto niyong kayo ang tamaan sa ‘kin! Tinulungan ako noong tao kaya tinulungan ko lang din siya. Saka kasalanan ko talaga ang lahat. Huwag na huwag niyong babanggitin ‘yan sa harapan ni Elli at baka mailang pa ‘yon sa ‘kin,” banta ni Zayd sa mga kaibigan.
“So, may balak ka pang makipagkita sa kaniya?” hindi maalis-alis ang ngiti ni Kian habang nakatingin kay Zayd.
“Hindi ang sabihin mo, natatakot siya na baka tuluyan siyang iwasan ni Elli,” gatong pa ni Rye.
“Mga siraulo! Magsilayas nga kayo rito kung wala naman kayong magandang sasabihin!” napipikon nang sabi ni Zayd at mabilis na tumayo saka pumulot ng maliliit na bato na nasa ilalim ng palm tree at pinagbabato ang mga kaibigan.
“Oy, Zayd!” sigaw ni Kian habang iniiwasan ang mga batong itinatapon ng binata.
“Aray ko! Gágo ka, Zayd!” bulyaw na ni Riu sa kaibigan.
“Tángina naman! Seryoso na kasi puro kayo kagáguhan, eh!” napipikon namang angal ni Rye habang tumatakbo palayo kay Zayd.
Tumigil naman si Zayd sa ginagawa at naupo ulit nang makalayo na sa kaniya ang mga kaibigan at alam din naman niyang napipikon na ang mga ito.
Nang humakbang ulit palapit sa kaniya ang mga kaibigan ay tinapunan niya ng masamang tingin ang mga ito kaya halos sabay-sabay ulit na napaatras.
“Seryoso na kasi, Zayden!” naiinis na ring wika ni Kian kaya naman hinayaan na lang niya na makalapit ang mga ito at makaupo sa tabi niya. “Oy, Ian! Bakit ba kanina ka pa text nang text diyan!” sita naman nito sa kaibigan na ngayon ay nasa kabilang panig ng pool at hawak-hawak ang cellphone nito.
Nakahinga naman ng maluwag si Zayd dahil wala na sa kaniya ang atensyon ng magugulo niyang kaibigan. Sumandal na lang ulit siya at pumikit. Tahimik lang niyang pinakinggan ang asaran ng mga ito.
“Ganiyan ‘yan! May bago na naman kasi!” banat naman ni Rye. Mabuti na lang at naibaling na sa iba ang pang-aasar ng mga ito.
“Hindi, ah,” tanggi naman ni Ian pero hindi naman naaalis ang mga ngiti sa labi.
“Pero balita ko nga lumabas daw kayo ni Nikka no’ng prom night!” dagdag na pang-aasar din ni Riu.
“Oo, lumabas sila. Saan nga kayo ulit nag-check-in, brad?” natatawang tanong ni Kian. “Iba talaga kapag palay na ang lumalapit sa manok!”
“Mga gágo! Manahimik kayo!” mura na rin ni Ian sa mga kaibigan. Pero alam naman nito na hindi pa rin titigil sa pang-aasar ang mga ito.
“So, how was the first night, dude?” patuloy pa rin na kantiyaw ni Riu.
“Mainit, brad!” malakas namang sagot ni Ian kaya nagkatawanan ang lahat.
“Boss Ian lang sakalam!” taas kamay na sabi ni Kian. “Kailan ka kaya makakahanap ng katapat mo, boy!”
“Wala, boy! Malakas nga ako, ‘di ba?” mayabang naman na banat ni Ian.
“ZAYD!” ang malakas na tawag na ‘yon sa pangalan niya ang nagpadilat sa kaniya at nagsalubong ang kilay niya nang makitang si Aizelle ‘yon.
“Ano na namang kailangan mo?” walang ganang sagot niya at ni hindi man lang siya tumitinag mula sa pagkasandal niya sa upuan.
“Ano na naman ‘yong nabalitaan ko!?” Galit na galit na sigaw nito, kasunod lang nito ang mga kaibigan nito. “Suspended na si Elli bakit hinarang mo pa! Pagtapos ngayon ako pa ang gusto mong ipa-kick-out dito sa school!” Doon na siya napatayo mula sa pagkakaupo niya.
“Wala akong kinalaman sa pagpapa-kick-out sa ‘yo. Nang lumabas ‘yong video sa website marami ring estudyante ang naglitawan para magreklamo sa pangbu-bully na ginagawa mo. Kailangan ng Admin na gumawa ng mabigat na desisyon para lang hindi masira ang reputasyon ng school na ‘to.”
“Akala mo ba papayag na lang ako na basta-basta mapaalis sa school na ‘to!? Baka nakakalimutan mo shareholder din ang Daddy ko rito!”
“Hindi mo naman sa akin dapat patunayan na wala kang kasalanan. School Admin ang gagawa ng imbestigasyon at sila na rin ang mag-aakyat no’n sa Board of Directors. Ngayon nasa sa ‘yo na lang ‘yon kung ipapahiya mo ang Daddy mo sa harapan ng Board of Directors.”
“How dare you to do this to me!” mangiyak-ngiyak na sumbat nito sa kaniya.
“Hindi ako ang gumawa niyan sa ‘yo, Aizelle, kung hindi mo inilabas ‘yong video baka walang ibang estudyante ang lumapit sa Admin para sabihin lahat ng ginawa mo sa kanila. Kaya kung ako sa ‘yo para hindi mapahiya ang Daddy mo, tahimik ka na lang na umalis ng school at isama mo ‘yang mga kaibigan mo. At tingnan mo kung may ibang University pa ang gustong tumanggap sa ‘yo.”
“Sisiguraduhin kong pagsisisihan mo ‘tong ginawa mo sa ‘kin na ‘to, Zayd!” banta nito sa kaniya at galit na galit na umalis sa harapan niya.
“Grabe! Iba talaga magalit si Zayd,” naiiling na wika ni Kian sabay akbay sa kaniya. “Pero seryoso bang wala kang kinalaman sa pagpapaalis sa kaniya?”
“Desisyon ‘yon ng Admin pero marami talagang lumapit sa ‘kin para mapaalis si Aizelle, hindi lang si Elli ang na-bully nila at sinamantala nila ang nangyari kay Elli para i-report lahat ng ginawa ni Aizelle sa Admin.”
“Mahirap talaga kapag spoiled brat,” naiiling din na dagdag ni Rye.