SA WEEKEND na nagdaan sinubukang kausapin ni Elli si Nikka pero ramdam na ramdam niya ang pag-iwas nito sa kaniya.
Aminin man niya o hindi alam niyang nasasaktan siya sa ipinapakita nito sa kaniya. Alam naman niya na malaki na ang ipinagbago ng relasyon nilang dalawa pero hindi pa rin nababago sa pananaw niya na ito ang matalik niyang kaibigan, pero pakiramdam niya balewala na lang dito lahat ng pinagsamahan nila. At ‘yon ang hindi niya maintindihan.
Hindi rin ito sumabay sa pagpasok sa kaniya ngayon, ang sabi lang sa kaniya ng Mama niya ay may lalaking sumundo rito.
“Nandito na po tayo,” pukaw ni Manong Ising sa kaniya dahil hindi pa rin siya bumababa ng sasakyan.
“Salamat po!” usal naman niya saka mabilis na bumaba ng kanilang sasakyan. Sa dami ng iniisip niya ay hindi na niya namalayan na nasa tapat na sila ng school.
“Elli!” salubong sa kaniya ni Asher.
“Ow. Hinihintay mo ko?” di makapaniwalang tanong niya rito.
“Actually, yes! May malaki ka kasing problema,” nag-aalalang wika nito kaya nagsalubong naman ang kilay niya.
“Bakit? Ano ‘yon?” kinakabahan nang tanong niya.
“Trending ka ngayon sa forum ng school website natin,” wika nito habang ipinapakita sa kaniya ang video kung saan nahuli siya ng grupo nila Aizelle nang bigyan niya ng CPR si Zayd at sa itsura nilang ‘yon ay maniniwala ang lahat ng hinahalikan talaga niya ang binata.
At habang pinapanood nila ‘yong video ay patuloy din ang paglabas ng mga comment tungkol sa nangyari, lalo na tungkol sa kaniya.
“Jusko! Kaya pala tahimik. Nasa loob pala ang kulo.” @user123
“Si Zayd pa talaga ang naisip ganyanin. Nakakahiya ka girl!” @teriseventeen
“Malandi pala yan!! Naging classmate ko sa isang subject ko ‘yan!” @lovelysem
“Kalat na kalat na ‘to sa buong school, Elli,” bakas na bakas sa mukha ni Ash ang sobrang pag-alala sa sitwasyon na napasukan niya.
Dahil doon hindi na rin tuloy niya alam kung anong gagawin niya, hindi naman kasi niya inaasahan na pagtapos ng nangyari sa kaniya sa party ay ganito pa ang problema na sasalubong sa kaniya pagpasok niya ng school.
“Ano ang gagawin ko, Ash?” naiiyak na tanong niya sa kaibigan.
“Di ko rin alam, Elli! Paano mo ‘yan lulusutan?” naguguluhan na ring wika nito. “Paano ka papasok niyan? Ano’ng mukhang ihaharap mo sa kanila?” dugtong pa nito.
Huminga siya ng malalim at buong kumpiyansang tumingin dito.
“Papasok ako, Ash!”
“Sigurado ka?” di makapaniwalang tanong nito.
“Oo, dahil pag nagpaapekto ako, maniniwala silang totoo lahat ng paratang ng nagpakalat ng video na ‘yan,” tugon naman niya saka siya humakbang papasok ng school nila. “Hindi masisira ang pangarap ko ng isang video scandal lang, ‘noh.”
“Pasensiya na, Elli. Wala man lang akong maitulong sa ‘yo,” malungkot namang usal nito.
“Ano ka ba, Ash, parang hindi mo ako kilala. ‘Di ako friendly na tao pero sigurado ako may mga tao pa rin na maniniwala sa akin.”
Hindi pa man sila tuluyang nakakapasok ng department nila ay tumatakbo na si Stefie papasalubong sa kaniya, isa ito sa mga kaklase niya at isa rin sa mga kaibigan niya.
“Elli! Elli!” hinihingal na tawag ni Stefie sa pangalan niya. “Pinapatawag ka ni Mr. Matipot sa Dean’s office.”
Hindi niya maiwasang napabuntong hininga sa narinig dito. “Ngayon na ba agad?” kinakabahan na namang tanong niya.
“Oo, ang laking eskandalo raw ng ginawa mo sa buong Architectural Department,” tugon naman nito.
“Ash, ikaw na magpasok ng gamit ko, didiretso na ko sa Dean’s office,” baling niya sa kaibigan at inabot dito ang mga gamit na dala niya.
“Sige, ako na bahala rito.”
Tinalikuran niya ito at naglakad papuntang Dean’s Office, tulad na rin ng inaasahan niya ay pinagtitinginan siya ng bawat estudyante na maraanan niya.
Maging siya ay hindi niya alam kung saan pa siya kumukuha ng lakas ng loob pero ang alam niya sa sarili niya na wala siyang ginawang masama kaya wala siyang dapat na ikahiya o ikatakot. Malinis ang kunsensiya niya kung titingnan nga siya pa ang biktima rito.
Pagdating niya sa harap ng Dean’s office ay kumatok siya kaagad.
“Come in,” narinig niyang sabi mula sa loob kaya naman maingat niyang binuksan ang pintuan. At mukhang inaasahan naman nito ang pagpunta niya kaya parang hindi na ito nagulat nang makita siya. “Maupo ka, Ms. Sandoval,”
“Goo—”
“Sorry to say, Ms. Sandoval, we have to suspend you from class for two weeks,” mabilis na putol nito sa pagbating gagawin sana niya. “Iimbistigahan muna namin ang lahat at saka mo malalaman kung two weeks lang ba o extended ang suspension mo.”
“Pero bakit, sir?” di makapaniwalang tanong niya. “Wala naman akong ginagawang masama para patawan niya ako ng suspension ng ganoon kabilis!” reklamo pa niya.
“Alam mo naman na trending ka sa buong school at hindi makakabuti kung wala man lang kaming gagawing action sa nangyari. Lahat ng estudyante, hindi lang sa department natin kung sa iba’t ibang department ng University ay nananawagan na bigyan ng action ang nangyaring ito. It’s out of our control.”
“Pero, sir, hindi niyo man lang ba hihingin yung paliwanag ko? Hindi niyo man lang ba tatanungin kung ano ba talaga ang totoong nangyari?” hindi makapaniwalang tanong niya sa Dean. “Dapat may fair treatment kayo sa mga estudyante ninyo, wala kong ginawang masama, sir. Hindi po sa ‘kin nanggaling yung video na ‘yon.”
Sobrang tagal ng two weeks para sa kaniya saka hindi niya alam kung paano sasabihin sa mga magulang niya ang nangyari at baka hindi siya mapatawad ng mga ito kapag nalaman na may video scandal siya na kumalat sa eskwelahan kaya siya nabigyan ng two weeks suspension.
“Ms. Sandoval, hindi lang ‘yan ang kakaharapin mo dahil pwede ring matanggal ang scholarship na iniingatan mo,” dugtong pa nito. “Sa loob ng apat na taon mo rito, ngayon ka pa talaga gumawa ng ganitong eskandalo,” naiiling pa na dagdag nito.
“Sir, parang hindi naman po fair ang nangyayari,” naiiyak nang wika niya. “Sir, sa nangyari nga po ako pa po ang biktima pero bakit parang ako pa yung may kasalanan? Bullying ‘yong ginagawa nila pero bakit iyon palalampasin niyo tapos ‘yong nangyari sa video, hinusgahan niyo kaagad nang hindi man lang inaalam kung ano ba talagang nangyari bakit ko ‘yon nagawa. May testigo ako bakit hindi niyo po siya tanungin.”
Hindi na niya malaman kung ano pang sasabihin dito dahil lang sa problemang napasok niya.
“Ang totoo hindi lang naman sa amin galing ang desisyon na iyan, Ms. Sandoval kundi sa mismong school admin,” pagtatama naman nito. “Kung gusto mong mag-reklamo sa desisyon nila, doon ka magpunta, ginagawa lang din namin ‘yong ibinababang utos sa amin.”
Sasagot pa sana siya ng biglang bumukas ang pinto ng office nito at pareho silang napalingon sa nagbukas ng pintuang iyon.