KAGAGALING lang ni Kricel sa CR at pabalik na siya sa kanyang mesa nang marinig niya ang pagtunog ng cellphone niya. Nagmamadaling kinuha niya ito sa loob ng kanyang bag. Sinilip niya ang caller ID at nang makita ang pangalan ng kanyang kapatid ay agad niya itong sinagot.
“Hello, ate! Napatawag ka?”
“Hi, Kricel! Kumusta ka naman?”
“Okay lang ako, ate.” Kung makakumusta ang ate niya ay parang hindi sila nagkita nang matagal. Samantalang dalawang linggo pa lang ang nakaraan magmula nang huli silang magkita.
“Mabuti kung gano’n. Can I ask you a favor?”
“Sure, ate. Walang problema sa akin.”
“Sigurado ka, ha?”
“Oo naman, ate. Ikaw pa? Malakas ka sa akin, ano?”
“Salamat naman kung gano’n. Pero baka hindi ka na pumayag sa hihilingin ko sa iyo ngayon.”
Napaisip si Kricel. Ano kayang hihilingin ng ate niya na sa tingin nito ay hindi niya mapagbibigyan?
“Ano ba iyon, ate?”
“Naalala mo pa ba iyong sinabi ko sa iyo noong huli tayong magkita?”
“Ang alin, ate?” Sa dami nang napag-uusapan nila sa tuwing magkikita silang magkapatid, hindi na niya maalala ang tinutukoy ng ate niya.
“Iyong tungkol sa amin ni PJ.”
Lalong napaisip si Kricel sa sinabi ng kapatid niya.
“Ano iyong tungkol sa inyo ng asawa mo?”
“Nasabi ko na sa iyo na gustong-gusto ko nang magkaanak kami ni PJ, hindi ba?”
Ah, iyon pala? Well, nasabi na nga iyon ng ate niya sa kanya.
“Oo, ate. Naalala ko na iyan. May problema ka ba tungkol diyan?”
“Malaki ang problema ko, Kricel. Sana matulungan mo ako.”
Biglang kinabahan ang dalaga. Ano’ng problema ng ate niya?
“Last week nagpa-check up ako. Tapos, alam mo ba kung ano lumabas na result?”
“Ano, ate?”
Narinig ni Kricel ang pagbuntunghininga ng kapatid niya sa kabilang linya.
“Baog daw ako, Kricel. Hindi ako mabubuntis.”
Parang may sumabog sa pandinig ni Kricel. Hindi niya alam kung paano magre-react. Isang taon pa lang na nagsasama ang ate niya at ang asawa nito. Pero malaki na ang problema nila.
“Nasabi mo na ba iyan sa asawa mo, ate?”
“Hindi ko pa nasasabi sa kanya, Kricel. Natatakot kasi ako. Pero desidido na akong magkaanak kami kahit na anong paraan pa iyan. Gusto kong may aalagaan akong bata.”
“Eh, mag-ampon na lang kayo kung hindi ka puwedeng magkaanak,” suhestiyon niya.
“Ayoko nga! Gusto ko kahit paano ay kadugo ko iyong bata. Ayoko nang hindi ko kilala ang pagkatao ng mga magulang niya. Malay ko kung may problema ang pamilyang pinanggalingan niya.”
May punto ang ate niya.
“So, paano kayo magkakaanak ng asawa mo kung ayaw mo namang mag-ampon?”
“Ikaw ang naisip kong makatutulong sa amin para magkaroon kami ng anak.”
“Huh? Ako? Paano?” Itinuro pa ni Kricel ang sarili na para bang nasa harapan lang niya ang kanyang kausap.
“Magdo-donate ka ng egg cell para mai-fertilize ng sperm cell ni PJ tapos ipa-i-implant ko sa aking uterus.”
Muntik nang malaglag si Kricel sa kinauupuan niya. Hindi yata niya mapaniwalaan ang sinasabi ng ate niya.
“At least kapag sa iyo galing ang egg cell, kadugo ko na rin iyong batang mabubuuo dahil magkapatid tayo. Mas okay na iyon kaysa mag-ampon pa ako.”
Ayos din ang ate niya, ha? Gagawin pa talaga siyang palahian nito.
“Paano kung ayaw ng asawa mo? Paano kung sabihin niya sa iyo na mag-ampon na lang kayo? Hindi pa kayo nag-uusap tungkol diyan, hindi ba?”
“Hindi ko pa nasabi ito sa kanya. Naisip ko na rin g sinabi mo pero kailangan kong sumugal. Hindi puwedeng siya lang ang masusunod sa problemang ito. Kakausapin ko siyang mabuti. Tamang-tama kasi umuwi siya kahapon. Mag-stay siya rito ng ilang araw kaya may time pa ako na kausapin siya tungkol sa plano ko. Pipilitin ko siyang pumayag kaya dapat umuo ka na rin si Kricel.”
Hindi malaman ng dalaga kung ano ang iisipin sa sinabi ng kapatid niya. Para kasing hindi tama iyon. Ano na lang ang iisipin ni Patrick sa kanila ng ate niya? Baka isipin pa ng bayaw niya na desperada nang masyado ang asawa nito. Medyo awkward ang dating sa kanya. Hindi naman kasi siya close kay Patrick. Pakiramdam nga niya ay parang iniiwasan pa siya nito.
Hindi na sila nagkita magmula nang ikasal ang ate niya at ang asawa nito. Tapos ngayon bigla na lang isa-suggest ng ate niya na mag-donate siya ng egg cell niya tapos isasama sa spem cell ng asawa nito. Parang ayaw niyang isipin na mangyayari iyon, ah. Okay lang naman sana kung si Phoenix iyon, baka pumayag siya. Ang kambal ni Patrick ang gusto niya noon pa. Pero putragis naman! Sa utos ng ate niya ay mukhang si Patrick naman ang poproblemahin niya. Haisst!
“Please, Kricel. Pumayag ka na, please.”
Napakamot ng kanyang ulo ang dalaga. Makikipag-argumento pa sana siya rito pero nang masulyapan niyang naglalakad papasok ng opisina ang boss niya ay lalo siyang kinabahan.
“Ate, pag-isipan ko muna, ha? Tawagan na lang kita,” saad niya bago nagmamadaling ibinaba ang kanyang cellphone.
Bumalik na siya sa kanyang ginagawa. Pansamantalang nawala sa isip niya ang naging usapan nila ng Ate Helena niya. Pagdating nang uwian ay muli niyang sinilip ang cellphone niya. Napansin niyang may mensahe siya galing sa kanyang ate.
Kung nakapag-decide ka na, mag-usap tayo mamaya sa bahay. Hintayin mo na lang ako roon. Marami pa kasi akong mga pasyente rito.
Napaismid na lang si Kricel. Nang sulyapan niya ang kanyang relo ay alas-singko pa lang. Isang oras lang ang biyahe niya papunta sa bahay ng ate niya at ng asawa nito kaya maaga pa kapag nakarating siya roon. Pero kung uuwi pa siya para magpaalam sa mga magulang nila ng ate niya, baka gabihin siya sa daan. Kaya nagpasya na siyang bumiyahe patungo sa bahay ng kanyang ate.
Sumakay na lang siya sa TaxiMeter para hindi siya mahirapang makipagsiksipan pa sa mga bus. Eksaktong alas-sais nga nang makarating siya sa pupuntahan niya. Mga maid ang inabutan niya sa bahay ng mag-asawa. Pero alam niyang matatagalan pa ang ate niya lalo na at nabanggit nitong dadaan pa raw ito sa birthday party ng kaibigan nito pagkaalis nito sa clinic. Kaya naisip niyang tumulong muna sa pagluluto para hindi siya mainip sa paghihintay.
Nalaman niya mula sa maid nila na ang inihanda nitong lulutuin ay mga paborito ng asawa ng ate niya. Gusto-gustong daw kasi ng bayaw niya ang lutong bahay tuwing umuuwi ito kaya lagi nilang pinaghahandaan.
Patapos na siyang magluto kasama ang kasambahay ng ate niya nang dumating si Patrick. Ang tagal na niya itong hindi nakita. Pero hindi niya maintindihan ang kanyang sarili kung bakit parang lumundag ang puso niya nang makita ang kanyang bayaw. Mas lalo pa siyang natuwa nang malaman niyang nagustuhan nito ang luto niya. Inisip na lang niya na parang si Phoenix ang ipinagluto niya dahil magkambal naman ang dalawa.
Nabanggit na rin niya kay Patrick ang usapan nila ng ate niya. Nang tanungin siya nito kung ano ang desisyon niya ay sinabi niyang pumapayag na siya. Akala niya ay magagalit ang bayaw niya. Ngunit laging gulat niyang nang mahalata niyang parang natuwa pa ito sa sinabi niya. Ibig sabihin ay wala na siyang problema pa kung hindi ihanda ang kanyang sarili.
Pagkatapos nilang maghapunan ay tumuloy na si Patrick sa kuwarto nila. Naiwan naman si Kricel sa living room at naghihintay sa kapatid niya. Ngunit nang sumapit ang alas-onse at wala pa rin ang ate niya, napilitan na siyang umakyat sa guest room. Saka niya naalala na wala pala siyang dalang bihisan dahil galing siya sa opisina nila. Paano siya ngayon matutulog kung ang suot niya ay iyong damit niya mula sa trabaho?
Puwede naman sana siyang humiram ng damit ng ate niya dahil hindi naman nagkakalayo ang katwan nila. Mas matangkad at mas payat lang naman siya sa ate niya. Pero ang problema ay nasa kuwarto nilang mag-asawa ang mga gamit ng ate niya. Paano siya pupunta roon? Baka tulog na ang asawa nito. Alangan namang istorbohin pa niya.
Nagtanggal na lang siya ng suot niyang sapatos saka iyong relo niya at hikaw. Tapos naghilamos na siya ng mukha para maalis ang kanyang make up. Tissue paper na lang ang ginamit niyang pamunas saka siya humiga sa kama. Ngunit hindi siya mapakali. Hindi siya kumportable sa suot niya.
Napilitan siyang bumangon at lumabas ng kuwarto. Ilang minuto siyang nakatayo sa tabi ng kanyang pintuan bago siya nagpasyang lumapit sa kuwarto ng kapatid niya at ng asawa nito.
Gising pa kaya si Patrick? Ah, bahala na. Susubukin niyang kumatok. Kung magagalit ito, hihingi na lang siya ng dispensa. Hindi niya talaga kayang matulog sa suot niyang pencil-cut skirt at long sleeve.
Kumatok siya ng talong beses bago niya tinawag ang pangalan ng kanyang bayaw. Nagbabakasakali siyang gising pa tayo kahit ilang oras na ang lumipas mula nang matapos silang maghapunan.
Pakiwari niya ay matagal na siyang nakatayo sa harap ng pintuan pero wala pa ring nagbubukas. Baka tulog na ito. Nanlulumong tumalikod siya. Nakadalawang hakbang pa lang siya nang marinig niyang may tumawag sa pangalan niya.
“Kricel? May kailangan ka ba?”
Awtomatikong napahinto sa paglalakad si Kricel at mabilis na hinarap si Patrick.
“Sorr kung naistorbo ko ang pagtulog mo, ha? Pero hihiram sana ako ng damit ni ate, kung okay lang sa iyo. Magbibihis lang sana ako para makatulog ako nang maayos.”
Ilang segundong hindi nakaimik si Patrick. Nakatingin lang ito sa kanya. Naasiwa siya sa paraan ng pagtitig nito kaya umiwas siya ng tingin.
“Sige, halika. Ikaw na ang pumili ng gusto doon sa gamit ni Helena.”
Natuwa si Kricel kaya mabilis siyang pumasok sa kuwarto. Dumiretso siya agad sa closet ng ate niya. Nang makakuha siya ng pajama set ay lumabas na siya. Muntik na siyang mapahiyaw nang bumangga siya sa matigas na bagay. Akala niya ay pintuan iyon pero nanlaki ang mga mata niya nang matanto niyang si Patrick pala iyon.
Animo’y huminto ang orasan nang magkasalubong ang mga mata nila. Nagkatitigan silang dalawa ng ilang segundo. Si Kricel ang unang nakabawi.
“S-sorry,” nahihiyang saad niya lalo na nang ma-realize niyang halos sumubsob ang mukha niya sa dibdib ni Patrick. Idagdag pa iyong katotohanang nakahawak pala ang isang kamay nito sa baywang niya. Iyong puso niya’y bigla na lang naging eratiko ang pagtibok.
“Nah! Ako dapat ang mag-sorry kasi bigla na lang akong pumasok dito. Dapat hinintay na lang kita sa labas,” ani Patrick saka siya binitiwan.
Alanganing ngiti ang pinakawalan ni Kricel.
“S-sige, b-babalik na ako sa guest room.” Nakayukong nilagpasan na lang niya si Patrick. Hindi niya gustong muli silang magkatitigan, parang may mali kasi sa kanilang dalawa.
Nasa may pintuan na siya nang magsalita si Patrick.
“Good night, Kricel. Sleep tight and sweet dreams!”
Nilingon niya ito at pilit niyang nginitian.
“Ikaw rin. Sweet dreams, too.”
Muli siyang nagpatuloy sa paglalakad para lang mapahawak sa kanyang dibdib nang muling marinig ang tinig ni Patrick.
“Sure. I hope to see you in my dreams!”
A-ano? Ano raw ang sinabi niya? Tama ba ang narinig ko? Ako ang gusto niyang makita sa panaginip niya? Bakit ako? Bakit hindi na lang si Ate Helena dahil asawa naman niya ito?