Chapter 4- My Sister-in-Law

2259 Words
“GOOD EVENING po, sir,” bati ng maid na nagbukas ng pinto kay PJ. “Good evening! Dumating na ba si Helena?” Umiling ang maid. “Wala pa po siya, sir.” Hindi na nagtaka si PJ sa sagot ng maid. Ganoon na talaga ang asawa niya. Kahit dalawang beses lang silang magkita sa loob ng isang buwan, lagi pa rin siyang nauunang umuwi ng bahay nila. Madalas kasi na nag-o-overtime si Helena. May mga pagkakataon din na nakikipagkita ang asawa niya sa mga kaibigan nito pagkatapos ng trabaho kaya ginagabi ito ng uwi. Hindi naman niya masisisi ang asawa dahil mas madalas ay wala itong kasama sa bahay nila dahil nga nasa Penang ang beach resort na mina-manage niya. Kada-dalawang linggo lang siya umuuwi at tatlong araw lang siya naglalagi sa bahay nila bago siya bumalik sa resort. Hindi naman kasi siya puwedeng umuwi ng linggo-linggo dahil bukod sa magastos na ay nakaaabala rin iyon sa trabaho niya. Ilang beses na rin naman niyang inaya si Helena na doon na lang sila sa Penang tumira para hindi sila malayo sa isa’t isa. Pero ayaw ng asawa niya. Hindi nito maiwan ang trabaho sa ospital at sa clinic nito. Marami na rin kasing kliyente ang asawa niya. Bukod pa roon, may isa pang bagay na inaayawan ang asawa niya kaya ayaw nitong makasama siya sa araw-araw. Mas masakit iyon kaya lang wala siyang magagawa at ayaw na rin niyang isipin iyon. “Pero dumating po si Ma’am Kricel kanina. Nasa kusina po siya at nagluluto ng hapunan.” Napahinto si PJ sa binabalak niyang pag-akyat sa hagdan. Nilingon niya ang maid. “Nandito si Kricel?” Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman sa muli nilang pagkikita ng hipag niya. Ilang buwan na niya itong hindi nakikita. Nang huli silang magkita ay noong kasal pa nila ni Helena. Pagkatapos ng araw na iyon ay hindi na niya ito muling nakita pa. Kapag umuuwi kasi siya ay sa bahay at sa opisina ng K and R Resorts lang siya naglalagi. Minsan dinadalaw rin niya ang mga kaibigan niya tulad nina Joel at Kentt. Kapag dumadalaw naman siya sa bahay ng mga biyenan niya ay hindi niya naaabutan doon si Kricel. Busy rin daw ito sa trabaho nito bilang magazine editor. Ngayon lang uli sila magkikita ni Kricel at dito pa sa bahay nila ni Helena. Hindi niya malaman kung matutuwa siya, maiinis, o matatakot. Halo-halo ang nararamdaman. Wala sa sariling napahawak pa siya sa kanyang dibdib dahil bigla na lang bumilis ang t***k ng puso niya. “Opo, sir.” “B-Bakit daw?” “Po?” Gustong batukan ni PJ ang sarili. Bakit ba niya naitanong iyon sa maid? Mali yata iyong tanong niya. “Never mind. Pupunta na lang ako sa kusina.” Inabot niya rito ang dala niyang attache case bago siya lumiko patungong kusina. Ayaw man niyang aminin ngunit may parte ng pagkatao ang na-e-excite na makita ang hipag niya. Kung kaninang dumating siya ay dismayado siya. Ngayon parang naglaho na iyon. Gumaan na ang pakiramdam niya. Nakaramdam na rin siya ng gutom. Hindi pa pala siya nag-lunch kanina dahil nag-brunch siya. Tapos pagdating ng hapon ay panay kape na lang ang ininom niya. Nakaapat na baso yata siya ng kape mula pa kaninang umaga. Ilang hakbang pa lang siya sa kusina ay natanaw na niya ang babaeng kasama ni Manang Leona. Nakatalikod ito sa kanya at nakaharap sa stove. Napansin niya agad na nakasuot ito ng apron. Nakapatong ito sa bestida nitong dilaw na hapit sa katawan nito at hanggang tuhod lang ang haba. Ilang segundo rin siyang nakatitig sa likuran nito bago nagpasyang lumapit. Eksaktong nasa tabi na siya ng mesa nang humarap sa kanya ang dalaga. “Hey! Nandiyan ka na pala? Kararating mo lang ba?” matamis ang ngiting saad ni Kricel. Muntik nang malaglag ang puso ni PJ pagkakita sa maamong mukha ng dalaga. Napalunok siya ng ilang beses. “I just arrived…a few minutes ago.” Pinilit niyang gawing normal ang tinig kahit na sa totoo lang parang ayaw na niyang magsalita. Mas gusto niyang titigan na lang ang napakagandang dalaga sa harapan niya. Kung tutuusin,, magkahawig naman ang itsura ni Kricel at ng asawa niya. Mas masayahin lang ang dalaga kaysa sa ate nito. Mas madaldal din ito. Hindi katulad ng asawa niya na may pagkasuplada at istrikto. Hindi ito masyadong ngumingiti. “That’s good. Nakaluto na ako. Puwede nang kumain. Pasensiya ka na kung nangialam na ako sa kusina ninyo.” Inalis ni Kricel ang suot nitong apron at inilapag sa tabi ng lababo. “It’s okay. Hindi naman mahilig magluto ang ate mo.” “Yeah, I know. By the way, I’m happy to see you.” Lumapit sa kanya si Kricel at akmang hahagkan siya sa pisngi ngunit mabilis niyang inilahad ang kamay niya. Ayaw niyang mapalapit dito hangga’t maaari. May kung anong binubuhay ang hipag niya sa tuwing mapapalapit siya nang husto rito. “Same here, Kricel.” Muling ngumiti ang hipag niya saka inabot ang kanyang kamay. Nang magdikit ang mga palad nila ay may nanulay na mumunting kuryente patungo sa katawan niya. Nagkatitigan pa silang dalawa.Pakiwari ni PJ ay silang dalawa lang ni Kricel ang nasa paligid. Kung hindi pa nagsalita si Manang Leona ay hindi pa niya bibitiwan ang kamay ng dalaga. “Maghahain na po ba ako, ma’am at sir?” “Ah, s-sige po, manang.” Napilitan si PJ na pakawalan ang kamay ng hipag niya. “Upo ka na. Tutulungan ko lang si manang na maghain,” wika ni Kricel. Nang hindi siya agad kumilos ay hinawakan nito ang kamay niya at pilit siya pinaupo. Wala na siyang nagawa kung hindi ang humila ng upuan niya. Tahimik niyang pinanood ang dalawa na naghahain. Nang matapos ang mga ito ay umalis na si Manang Leona. Naupo naman si Kricel sa tabi niya. “Ikaw ang nagluto ng lahat ng ito?” may pagtatakang tanong niya habang nakatitig sa limang putahe na nasa harapan nila. “Oo pero tinulungan ako ni manang. Nabanggit niya sa akin na iyan ang mga paborito kaya naisip kong lutuin. Napaaga kasi ang dating ko rito. Nakalimutan kong late palang umuuwi si ate. Kaya kaysa magtunganga lang, pinakialaman ko na ang refrigerator ninyo. Tamang-tama naman dahil nandito ka pala kaya iyong paborito mo ang niluto ko. Sana magustuhan mo iyong luto ko.” Napangiti si PJ. Balak sana niya kumuha na ng pagkain ngunit naunahan siya ni Kricel. Ito na mismo ang naglagay ng pagkain sa plato niya. “Thanks. Pero hindi mo na kailangang gawin ito,” nahihiyang saad ni PJ. Si Helena dapat ang gumagawa ng bagay na iyon at hindi ang kapatid nito. “It’s okay. Ngayon ko lang naman gagawin ito. Saka kung si ate naman ang kasama ko, ginagawa ko rin ito sa kanya. So, no worries.” Napakunot ang noo ni PJ nang balingan si Kricel. “Madalas ba kayong kumakain sa labas ng ate mo?” Umiling si Kricel. “Paminsan-minsan lang. Mas madalas ay dito kami sa bahay ninyo kumakain. Ipinagluluto ko rin siya ng paborito niya.” Nagkasalubong ang mga kilay ni PJ sa sinabi ni Kricel. “Kumakain kayo dito sa bahay?” Bakit hindi niya alam iyon? Saka ngayon lang niya nakita ito sa bahay nila ni Helena. “Yeah, madalas kaming kumain dito kapag wala ka. Gustong-gusto kasi ni ate na ipinagluluto ko siya.” Oh! Kaya naman pala komportableng kumilos si Kricel sa loob ng bahay nila dahil madalas pala ito rito. Hindi nga lang sila nagkikita. “O-Okay.” Nagsimula na siyang kumain. Panay ang subo niya dahil totoo ngang masarap ang luto ni Kricel. Mas masarap pa ang luto nito kaysa sa mama niya. “Oops! Dahan-dahan lang, Patrick. Baka naman mabulunan ka. Saka wala ka namang kaagaw, ah. Bakit ka ba nagmamadali?” Sinulyapan lang ito ni PJ saka muling bumalik ang atensyon sa pagkain niya. Busog na busog siya pagkatapos niyang kumain. Hinahaplos pa nga niya ang kanyang tiyan nang matapos siya. “Ang sarap ng luto mo. Naparami na ako ng kain. Thank you, ha?” “Wow! Salamat din at nagustuhan mo ang luto ko. Akala ko noon maarte ka sa pagkain. Hindi naman pala.” Bahagyang natawa si PJ. “Bakit mo naman naisip na maarte ako?” “Wala lang. Naisip ko lang iyon.” “Hindi ko alam na magaling ka palang magluto. Si ate mo kasi hindi siya nagluluto.” “Hobby ko kasi ang pagluluto. Natuto ako sa dati naming kusinera. Saka marunong din akong mag-bake ng cake at cookies.” Namilog ang mga mata ni PJ. Mahilig siya sa cake kaya nga naisip ng mama niya na ipakasal siya kay Jenezel noon dahil cake decorator ito. “Kung gano’n naman pala, bakit hindi ka na lang nag-aral ng Culinary Arts? Tapos nagtayo ka sana ng restaurant o bakeshop.” Muling ngumiti si Kricel. Dahil nasa harapan lang niya ito, hindi niya maiwasang mapalunok. Para itong anghel na napadpad sa lupa. “Second choice ko iyon kung sakaling hindi ako natuloy noon sa Journalism. Pangarap ko kasing magsulat saka gusto ko ring makasama ang bestfriend kong si Lyla Marie. I’m sure magagamit ko iyong talent ko sa pagluluto kapag nag-asawa na ako.” Animo’y may mga karayom na tumusok sa puso niya nang marinig ang huling sinabi ni Kricel. Hindi siya dapat apektado dahil hipag lang naman niya ito. Pero hindi niya talaga maiwasan na masaktan sa binitiwan nitong salita. “W-Wala ka pa bang boyfriend?” Hindi alam ni PJ kung bakit lumabas pa iyon sa bibig niya gayong ayaw naman niyang marinig ang sagot nito. “Wala, eh. Walang magkamali.” Parang nabunutan ng tinik si PJ sa naging sagot ni Kricel. Hindi niya alam kung bakit siya natuwa sa sinabi nito. Kung tutuusin ay wala sana siyang pakialam sa lovelife nito o kahit sa sarili nitong buhay dahil hipag lang niya ito. Pero hindi niya mapigilan ang kakaibang nararamdaman niya nang malamang wala pang boyfriend ang hipag niya. Gusto niyang hilingin na sana hindi na ito magka-boyfriend pa. Sana manatili na lang itong single. “Siya nga pala, puwede bang dito na ako makitulog ngayong gabi? Baka kasi gabing-gabi na kapag uuwi si ate kaya bukas na lang kami mag-uusap.” Marahas na napasulyap si PJ kay Kricel. “Bakit gagabihin ng uwi ang ate mo? Saan ba siya pumunta?” Tumaas ang kilay ni Kricel. “Hindi ba siya nagpaalam sa iyo? Ang sabi kasi niya sa akin kanina ay pupunta raw siya sa birthday party ng bestfriend niya, si Ate Cailah.” Napabuga ng hangin si PJ. Walang sinabi sa kanya si Helena kaninang umaga bago sila lumabas ng bahay. Sabagay, hindi naman talaga nagpapaalam ang asawa niya kung saan ito pumupunta. Nalalaman na lang niya kung saan ito galing kapag nakauwi na ito ng bahay. Hindi niya masisi ang asawa niya dahil hindi naman normal ang pagsasama nila. “Walang nabanggit sa akin si Helena kanina. But you can stay here for the night. You can use the guest room.” Kung sakali man na hindi matutulog dito si Kricel ay willing din naman siyang ihatid ito sa bahay ng mga magulang nito kahit may kalayuan pa ito. “Thanks, Patrick.” “It’s the least I can do. Ipinagluto mo naman ako ng masarao na hapunan.” Tumango-tango si Kricel. Pagkatapos ay tumayo na ito at nagsimula nang magligpit ng pinagkainan nila. Akmang tutulungan niya ito ngunit marahas na umiling ang dalaga. “Ako na rito. Umakyat ka na at magpahinga. I’m sure pagod ka na.” May kung anong humaplos sa puso ni PJ sa sinabing iyon ni Kricel. Ibang-iba talaga ito sa asawa. She wis more caring than her own wife. “Ano nga pala ang pag-uusapan ninyo ng ate mo? Care to tell me about it? Or it’s a girls’ talk?” Napahinto sa pagliligpit si Kricel. Malungkot ang mukhang tumingin ito sa kanya. “Nasabi na ba sa iyo ni ate ang plano niya tungkol sa magiging anak ninyo?” Napakurap si PJ. “H-hindi pa. W-wala siyang s-sinasabi sa akin.” Napabuntunghininga si Kricel. “Ang sabi ni ate gusto na niyang magkaanak kayo kahit pa dumaan sa invitro fertilization ang magiging baby ninyo.” Sa pagkabigla ay walang nasabi si PJ sa narinig mula kay Kricel. Hindi niya alam ang tungkol sa sinasabi ng hipag niya. “Baog daw si ate kaya hindi kayo makabuo ng anak. Tapos kinausap niya ako kung puwede raw na mag-donate ako ng egg cell para ipa-fertilize sa sperm cell mo at nang makabuo kayo ng anak.” Napaawang ang labi ni PJ. Hindi niya inaasahan ang sinabi ni Kricel sa kanya. Wala siyang ideya sa planong ito ng asawa niya. “A-And w-what have you…d-decided?” Halos hindi mabigkas ni PJ ang tanong niya. Natatakot siya sa magiging sagot ni Kricel. “Nakapagdesisyon na ako. Papayag ako sa gusto ni ate. Naaawa din naman ako sa kanya, sa inyong dalawa. Gusto ko kayong tulungan. Kaya papayag na akong magbigay ng egg cell.” Parang lumundag palabas ang puso ni PJ. Hindi niya inaasahan na iyon ang isasagot ni Kricel. Kapag nakabuo sila ng bata, ibig sabihin anak nila iyon ni Kricel at hindi ng asawa niya. Hindi niya alam kung bakit siya natutuwa nang maisip iyon. Parang na-e-excite siya. Ngayon pa lang parang nag-iisip na siya kung ano ang magiging itsura ng baby nila. Sana maganda…sana guwapo at sana…kasimbait ni Kricel.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD