“REQUIRED ba na um-attend tayo sa anniversary party ng Belarmino Enterprises?”
Mabilis na sinulyapan ni Rosaline si Leamor na nakaupo sa mismong harapan niya. Kasalukuyan silang kumakain ng tanghalian nang oras na iyon. Dalawa lang silang magkasama dahil nasa ibang mesa naman sa loob ng canteen ang iba nilang kasama na intern.
“Oo yata. Bakit? May balak ka bang hindi pumunta?”
“Hindi naman sa gano’n. Kaya lang may problema kasi ako, eh.”
Tumaas ang kilay ni Rosaline sa sinabi nito.
“Ano naman ang problema mo?”
Hindi agad sumagaot si Leamor. Nilinga nito ang paligid bago inilapit ang mukha nito kay Rosaline.
“Sa atin-atin lang ito, ha?”
Tumango naman si Rosaline. Mukhang may sikreto rin ang kasama niya, ah.
“Hindi ba’t party iyong pupuntahan natin? Wala akong maisuot na damit,” pabulong nitong sabi.
“Iyon lang ang problema mo?”
Pinandilatan siya ni Leamor.
“Ang ingay mo, Rosaline!” naiinis na saad ni Leamor.
Nginitian niya ito. “Hindi problema iyon, ‘no. Tutulungan kita.”
“Paano naman? Pahihiramin mo ako ng damit?” Tinitigan pa siya ni Leamor na parang hindi naniniwala sa sinasabi niya.
“Oo naman. Walang problema sa akin. Akong bahala sa iyo. Magkapareho lang naman tayo ng size. Kasya sa iyo ang mga damit ko.” Marami siyang damit kung iyon lang ang pinoproblema ni Leamor. Kung tutuusin nga ay hindi niya kailangang magtrabaho sana sa kompanyang pinapasukan nila ngayon. May sariling kompanya ang daddy niya. Pero nang malaman niya ang tungkol sa totoong pagkatao niya, tinalikuran niya ang nakagisnan niyang magulang.
Sino ba naman kasi ang matutuwa kapag nalaman mong anak ka lang pala ng daddy mo sa ibang babae? Tapos ang totoong mommy mo ay ang iyong kinikilalang tiyahin.
Iyon ang nangyari sa kanya. Kaga-graduate niya ng college nang mahuli niyang nag-aaway ang mga magulang niya. Noong una ay hindi niya sila pinapansin. Pero nang marinig niya ang kanyang pangalan sa gitna ng sigawan nila, bigla siyang napalapit sa kanila. At narinig niya mismo sa bibig ng mommy niya na hindi siya nito anak, na anak siya ng nakababatang kapatid nito.
Animo’y gumuho ang mundo niya sa narinig. Paanong nangyaring anak siya ng Tita Yasmine niya?
Tuluyan na siyang lumapit sa mga magulang niya. Pinilit niyang inalam ang katotohanan mula sa kanila. Ayaw magsalita ng daddy niya. Pero ang mommy niya ang nagsabing hindi siya nito anak.
Sa sobrang sama ng loob niya, nagtatakbo siya papunta sa kanyang kuwarto. Umiyak siya nang umiyak. Halos tatlong araw siyang nagkulong sa kuwarto niya. Nang mahimasmasan siya, pinuno niya ng damit ang malaking maleta niya at lumabas ng bahay saka siya dumiretso sa bahay ng Tita Yasmine niya.
Pinilit niyang inalam dito ang katotohanan. Hindi naman nag-deny ang tita niya. Umamin ito na siya ang totoong mommy niya.
Nangyari raw ang lahat noong nawala ang Ate Ira niya. Na-depress nang husto ang mommy niya. Sa sobrang pagmamahal daw ng daddy niya, kinausap nito ang Tita Yasmine niya at sinabing magpabuntis sa kanya para mapalitan ang nawawala nilang anak. Ayaw pumayag ng tita niya noong una pero pinilit-pilit daw ito ng daddy. Kasya naman daw sa ibang babae pa manggaling ang palalakihin nilang bata, mas makabubuting kadugo na mismo ng mommy niya ang panggagalingan. Napilitang pumayag ang mommy niya dahil naaawa rin ito sa kapatid. Isa pa’y may lihim din itong pagmamahal sa daddy niya. Pero minsan lang iyong nangyari sa kanila. Hindi na iyon naulit. Pagkapanganak nga sa kanya ay umiwas na ang daddy niya sa kanyang tita.
Napalitan ng galit ang pagmamahal niya sa kanyang daddy. Kaya noong sinundan siya nito sa bahay ng tunay niyang ina ay hindi na siya pumayag na bumalik pa sa poder nila kahit pa anong pilit nilang mag-asawa sa kanya. Pinanindigan niya ang kanyang kagustuhan na tumira sa piling ng tunay niyang ina. Ni hindi niya tinanggap ang alok na tulong ng daddy niya. Iniwan nga niya ang mga alahas at pera na galing sa mga magulang na nakalakhan niya. Tanging mga damit, sapatos, at bag ang dinala niya sa kanyang pag-alis. Kahit na may sariling kompanya ang mga magulang niya, hindi siya sumubok na mag-apply doon. Sa Belarmino Enterprises siya nagtrabaho.
“Talaga? Pahihiramin mo ako ng gown para sa party?”
“Oo nga. Ang kulit mo naman, Leamor. Sinabi ko na ngang ako ang bahala, eh.”
“Hay! Salamat! Solve na ang problema ko,” malapad ang ngiting wika ni Leamor.
“WOW! PARANG hindi ko na kilala ang sarili ko! Ako ba talaga ito?”
Natawa si Rosaline sa ekspresyon ni Leamor habang nakatitig sa life-sized mirror sa loob ng kuwarto niya.
Maaga silang pinauwi kanina para makapaghanda sa party ng kompanya ngayong gabi kaya naman sumama sa kanya pauwi si Leamor. Pagdating nila ng bahay ay pinamili niya ito ng damit mula sa closet niya.
Tuwang-tuwa ang kaibigan niya. Hindi lang gown ang pinahiram niya rito, pati na rin sapatos at purse. Hindi na rin sila kailangang pumunta pa ng parlor para magpaayos dahil ang Mommy Yasmine na rin niya ang nag-make up sa kanila. Beautician kasi ang mommy niya sa isang sikat na parlor.
“Oo naman. Ikaw pa rin iyan, Leamor. Mas gumanda ka nga lang dahil magaling si mommy na mag-ayos,” natutuwang sabi ni Rosaline.
“Mukha na akong mayaman at aristokrata nito, ah. Magkasing-ganda na tayo ngayon, Rosaline.” Kumikislap ang mga mata ni Leamor nang sulyapan siya nito.
Nakangiting umiling si Rosaline.
“Tanggalin mo na iyong mayaman at aristokarata. Okay na iyong maganda dahil iyon naman talaga ang totoo. Saka sabi nga ni mommy kanina, kahit walang make up ay Maganda tayong pareho.”
Bahagyang napatili si Leamor sa sinabi niya.
“Uy! Hindi pa ba kayo aalis? Alas-otso iyong party ninyo, hindi ba? Seven-thirty na, ah,’ sita ng mommy ni Rosaline nang muli itong pumasok sa kuwarto niya.
“Aalis na po kami, mommy.” Dinampot ni Rosaline ang kanyang gold purse saka lumapit siya sa kanyang ina at hinagkan ito sa pisngi
“Sige po, tita. Tutuloy na kami,” paalam naman ni Leamor.
Magkasunod silang lumabas ng kuwarto habang sinusundan sila ng mommy niya hanggang sa labas ng bahay.
“Drive safely, anak,” bilin pa ng mommy ni Rosaline nang sumakay sila sa kotse. May sarili rin namang siyang sasakyan pero hindi niya iyon isinama sa pag-alis niya. Nakikisakay na alng siya sa lumang Toyota Vios ng mommy niya.
Halos kalahating oras din ang biyahe nila bago sila nakarating sa Glorious Hotel kung saan gaganapin ang party.
“Ang ganda talaga natin!” kinikilig na wika ni Leamor habang nakatayo sila sa entrance ng hotel.
Natatawang pinasadahan niya ang tingin ang kaibigan. Parehong black ang suot nilang gown. Abot hanggang sakong ang laylayan nito at may slit hanggang sa kalahati ng hita. Ang pagkakaiba lang ng gown nila ay ang parteng taas. Off-shoulder ang kay Leamor samantalang spaghetti strapped ang sa kanya. Pareho din silang nakasuot ng three-inch stiletto. Kakulay ng dala nilang purse ang kanilang sapatos. Gold sa kanya at silver kay Leamor.
Nang makarating sila sa grand ballroom ng hotel ay marami ng tao. Natuwa naman ang kanilang mga kasamang intern nang makita sila. Nagulat naman ang kanilang supervisor nang makita ang kanilang transformation mula simpleng empleyado na ngayon ay mukhang party girl na.
Nagkaroon ng maikling program pagkatapos ay hinayaan na silang magsayawan habang kumakain. Pagkatapos ilang kumakain, sa halip na sumayaw sa dance floor, iba ang naisip ng isa nilang kasama na intern.
“Iba naman natin iyong tradisyon na ginagawa kapag may party. Huwag na tayong sumayaw, maglaro na lang tayo,” ani Trixia.
“Ano namang laro iyan?” usisa ni Lexie.
“Truth or dare with a twist!” sigaw ni Trixia.
Nagkatinginan sina Rosaline at Leamor.
“Paano iyon?” curious na tanong ni Leamor.
“Kung ayaw ninyo ng truth o dare, uminom na lang kayo ng isang shot ng alak,” paliwanag ni Trixia.
“Sige, sige, payag ako!” mabilis na sagot ni Lexie. Pumayag din ang iba pa nilang kasamang intern kaya wala na ring nagawa sina Rosaline at Leamor kung hindi ang sumang-ayon.
Pinaikot ni Trixia ang baso sa gitna ng mesa nila. Huminto ang baso at tumapat ang bunganga nito sa mismong harapan ni Lexie.
Napangiwi si Lexie sa nangyari.
“Truth or dare?” agad na tanong ni Trixia.
“Dare na lang,” sagot naman ni Lexie.
“Okay. Pumunta ka sa dance floor at sumayaw ka ng sexy dance sa harap ng isang lalaki,” utos ni Trixia.
Namula ang buong mukha ni Lexie. Akala nila ay hindi ito susunod. Pero tumayo ito at naglakad patungo sa dance floor. Lumapit ito sa lalaking kasayaw ng supervisor nila. Dahan-dahan itong kumilos at sumayaw ng maharot sa tabi ng lalaki. Napansin nilang pinandilatan ito ng supervisor nila. Ngunit bago pa makakilos ang kanilang supervisor ay bigla na lang tumakbo pabalik sa kanila si Lexie.
Nagtawanan naman ang mga kasama nila sa ginawa nito. Tatlong round pa ang lumipas bago tumapat ang baso kay Leamor. Hindi pumili sa truth at dare ang kaibigan niya kaya pinalagok ito ng alak mula sa sini-serve ng dumadaang waiter. Ganoon din ang ginawa ni Rosaline nang sa kanya naman tumapat ang baso.
Wala siyang balak umamin o kaya ay sumunod sa kalokohan ng mga kasama niya. Nakailang round pa sila ng laro bago niya napansin na nawawala na sa kanyang tabi si Leamor. Sa tantiya niya ay nakatatlong shot na rin ito ng alak tulad niya.
Kung tutuusin ay sanay na siyang uminom ng alak pero mahina ang tolerance niya kaya nahihilo na siya. Isang shot pa ay siguradong babagsak na siya. Kaya nang muling tumapat ang baso sa kanya ay nag-dare na siya.
“Wow! Dare na ang gusto mo, Rosaline?”
Napilitang tumango si Rosaline. Nagsisimula nang mag-blur ang paningin. Ni hindi na nga niya halos makilala si Trixia na nagtatanong. Kung hindi lang niya kabisado ang boses nito ay baka isipin niyang ibang tao ang nasa harapan niya.
“Pero puwede bang ako na lang…ang pipili ng dare ko?” Gusto na niyang makaalis para hanapin si Leamor bago pa siya tuluyang malasing. Hindi kasi siya puwedeng umuwi na hindi kasama ang kaibigan. Isa pa’y hindi na niya yata kaya ang mag-drive. Baka mag-taxi na lang sila pauwi.
“Sure. Why not?” sagot ng kasama niya. Hindi na niya kinilala kung sino ang sumagot. Pero may naisip na siyang dare.
“Sasama ako sa unang lalaki na lalapit sa mesa natin,” saad ni Rosaline. Bahagyang tumili ang mga kasama nila.
Tumingin naman siya sa paligid. Napangiwi siya nang mapansin na papalapit ang waiter sa mesa nila. Wala na siyang nagawa kung hindi ang lapitan ito at kausapin.
“Hi! Puwede mo ba akong samahan?” Humawak si Rosaline sa braso ng waiter.
“S-saan po kayo pupunta, ma’am?” Halatang nagulat ang waiter sa ginawa niya.
“Doon.” Kunwari ay itinuro ni Rosaline ang dance floor.
Naghiyawan ang mga kasama niya. Sinamantala naman iyon ni Rosaline para bulungan ang waiter.
“Ihatid mo ako sa labas, please,” pakiusap niya rito.
Hindi sumagot ang waiter. Pero nagsimula na itong humakbang. Napahigpit ang kapit ni Rosaline dahil naramdaman niyang nahihilo na siya. Nakalabas na sila sa ballroom at malapit na sila sa elevator nang may humarang sa daraanan nila.
“Excuse me,” anang baritonong boses.
Napilitang tingalain ito ni Rosaline dahil masyadong matangkad ang lalaking nasa harap nila. Ngunit hindi niya makita nang maayos ang mukha nito. Basta ang alam niya, malamig sa tainga ang boses nito. Sinikap niyang umiwas dito. Humakbang siya palayo. Ngunit hindi gumalaw ang kasama niyang waiter kaya napilitan siyang bumitaw rito. Nakadalawang hakbang pa lang siya nang biglang dumilim ang buong paligid.
Napapikit siya. Hindi na rin niya magawang humakbang dahil nanlambot ang mga tuhod niya. Akala niya ay babagsak siya sa sahig ngunit naramdaman niyang may sumalo sa katawan niya.