Mabuti na lang at nagustuhan ng lolo ni Bekket si Aning kahit na lingid sa kaalaman nito na hindi totoo ang lahat.
“Saan ba ’yung bahay na inuupahan mo?” Nasa likuran ni Bekket ngayon si Aning at nakasakay sa motorsiklo nito. Ihahatid niya ang babae sa inuupahang bahay.
“Malapit na,” sigaw nito para marinig ni Bekket. “Lumiko ka sa unahan saka dire-diretso hanggang langit.”
“Ano?” Nabigla si Bekket sa sinabi nito.
“Basta! Malalaman mo kung nandon na tayo.”
Lumiko si Bekket. Dumiretso naman sa sunod na daanan. Ilang minuto pa at narating na nila ang inuupahan na bahay ni Aning.
“Dito na,” sabi ng dalaga.
Bumaba ang dalaga. Dala na niya ang backpack at ang kanyang maliit na maleta. Gabi na siya naihatid ni Bekket dahil sa may mga bagay silang pinag-usapan
“Oh! Nasaan na ’yong langit na sinasabi mo?”
“Hu . . . Ang lakas ng loob naman ng babaeng ito dalhin agad ako sa langit,” bulong niya.
“Hayun oh!”
Itinuro ni Aning ang mataas na hagdanan papunta sa kaniyang bahay. Kung iisipin nga para itong papuntang langit dahil sa taas.
“Diyan ka nakatira?” Sabay turo nito.
“Oo! Parang langit ’di ba? Ang taas?”
“Wala bang elevator?”
“Meron!”
“Eh, bakit maghahagdan ka pa?”
“Hay Naku! Ayokong lumabas muli ang kinain ko kanina. Ang sakit kaya sa tiyan.”
Naalala nga pala ni Bekket. Takot si Aning sa elevator.
“Sasama ka ba sa ’kin sa bahay?” tanong ni Aning sa kanya.
“Ah,hindi na. Safe ka na naman kaya aalis nako.”
“Sige, ikaw ang bahala.” Akmang tatalikod na pero pinigilan siya ni Bekket/Zu
“Sandali lang.”
“Oh? May sasabihin ka pa ba?”
“Susunduin kita bukas. Isasama kita sa bahay. Narinig mo naman ang sinabi ng lolo ko ’di ba?”
“Oo!” Tango ng dalaga. “Pero ang bilis naman. May pasok ako sa school bukas ng umaga.”
“Susunduin kita ng alas seis.”
“Ha! Ang aga naman. Alas nuwebe pa ’yung pasok ko.”
“Maaga akong pumapasok sa opisina kaya maaga kitang susunduin. Kasama ang paghatid sundo ko sa iyo sa sinabi kong ako na ang bahala sa pag-aaral mo.”
“Mm . . .” Tango ulit si Aning at nakatitig kay Bekket.
“At saka . . . baka sabihin mo ang sama ko.”
“Bakit naman?” Nagkasalubong pa ang mga kilay ni Aning.
“Simula kanina sa opisina ko, lagi mo akong tinititigan.”
“Siyempre . . . kinakausap mo ’ko. Alangan naman titingin ako sa iba. Eh, gayong nasa harapan kita at nag-iisa.”
“Ha?” Mukhang nalito si Bekket sa sinabing iyon ni Aning.
“Bakit mo naman sinabing iisipin ko na masama ka?”
“Karamihan kasi sa nagpapanggap ay nahuhulog ang loob sa isa’t isa. Well, hindi kita masisisi kung mangyari sa iyo ’yon. Kapag ganoon nga, hindi kita pipigilan na mainlab sa ’kin. Pero pinapaalalahanan na kita ngayon pa lang. Hindi ako ma iinlab sayo. Hindi tayo talo. Hmm?”
“Sasabihin ko rin sa ’yo, Mr. Choi. Kung saka-sakaling maiinlab ako sa ’yo sa panahon ng pagpapanggap natin dahil sa lolo mo, hinding-hindi ko pipigilan ang sarili ko. Tanungin mo ’ko kung bakit?”
Natigilan saglit si Bekket. “Ang prangka naman ng babaeng ito,” sa isip-isip niya.
“Bakit?” Sinunod niya rin ang sinabi ni Aning.
“Sino ba namang hindi maiinlab sa isang gaya mo na guwapo at mayaman? Tapos . . . tingnan mo, ang astig mong tingnan. Lalo na ’yung abs mo, oh!” Sabay hawak sa tiyan ni Bekket. Pero agad ring umatras ang huli.
“Oy! ’Yung kamay mo, ilagay mo sa tamang lalagyan ha!” saway niya.
“Grabe ’to. Nanamantala agad ’yung kamay. Hindi pa kami kasal niyan, ah,” bulong nito.
“Hmp! Magiging mag-asawa rin naman tayo kaya ngayon pa lang masanay ka na.”
“Umakyat ka na nga lang. Aalis na ’ko.”
“Sandali! Wala bang kiss?” biro ni Aning na alam naman niyang hindi gagawin ng kaharap iyon.
Nanlaki ang mga mata ni Bekket. Ganoon na ba si Aning ngayon? Ibang-iba na sa nakilala niya noon? Nagkamali yata siya sa inisip rito.
“Aba . . . hinahamon ako ng girlalu na ’to. Hmp! Malas mo lang. Boy bet ko, noh!” sabay taas ng isang kilay ngunit hindi niya iyon naisantinig.
“Alis na ’ko.” Hindi na lamang niya pinansin si Aning. Sumakay na sa motorsiklo at agad na pinaharurot ito. Pinausukan pa si Aning.
Napaubo si Aning at sabay hawi sa usok na kaniyang nalalanghap. “Ang bastos niya, ah.”
Umakyat na agad si Aning. Napagod siya araw na ito. Ang daming nangyari. Sa isang iglap, magbabago ang buhay niya.
Pagkapasok ng bahay na inuupahan, agad na humilata sa kanyang kamang gawa sa kahoy. Nakatingin sa kisame.
“Pagkatapos ng kasal namin, huh! Magbabago na buhay ko. Namin ni nanay. Gagalingan ko para may bonus na kasama. Kaya ko ’to!” Pinapalakas niya ang kanyang loob para matatag na harapin ang susunod pang magaganap.
Nakatulog agad ang dalaga. Napasarap at himbing-himbing at tuloy-tuloy hanggang umaga. Nanaginip nang maganda na walang iba kundi si Bekket mismo ang bida.
“Mmm . . .” Bumangon sabay humihikab.
Umalis siya sa kama. Diretso sa munti niyang kusina. Gulong-gulo pa ang kanyang buhok. Pakamot-kamot pa ng kanyang kili-kili sabay inamoy at napangiwi.
Ang hindi niya alam, may nagmamasid sa kanyang ginagawa.
“Hm . . . ang baho ko na.” Hindi kasi siya naglinis ng katawan kagabi kaya ganoon na lang ang amoy niya.
“Eww . . . ganito ba siya tuwing umaga?” Puna ni Bekket na tahimik na nagmamasid. At hindi man lang siya napansin ng dalaga.
Pumasok si Aning ng banyo at naligo. Pa kanta-kanta pa siya. At nang matapos, nagtapis ng tuwalya at lumabas ng banyo. Natigilan siya nang makaharap sa mesa. Kinusot-kusot pa niya ang kanyang mga mata.
“Oh?!” sambit niya. Para kasing nakikita niya si Bekket ngayon.
“Hi” Kumaway pa ito sa kanya.
“O!” sambit niya ulit saka pinagsasampal nang mahina ang magkabilang pisngi.
Baka kasi hanggang ngayon ay nananaginip pa rin siya. Dahil ito sa kaiisip sa kung anong mangyayari sa susunod pang mga araw na kasama ang taong ito.
“Hayts.”
Hindi na lamang niya ito pinansin. Baka kasi namamalikmata lang siya dahil sa iniisip niya ito kagabi. Tuloy-tuloy na lamang siya sa kanyang kuwarto ngunit bigla namang natigilan.
“Teka . . .” Muli siyang humarap sa mesa. Gusto niyang kumpirmahin kung totoo ang kaniyang nakikita.
“Good morning!” bati ni Bekket sa kaniya na nakangiti.
“Waah!” sigaw niya nang matauhan. “Bakit ka nandito? Paano . . . paano ka nakapasok?” sunod-sunod niyang tanong.
“Bakit ako nandito? Sinusundo kita. Paano ako nakapasok? Well, money can do anything.” maagap na sagot ni Bekket.
“Binayaran mo ang may-ari ng bahay na ito?”
“Ahah!” sabay tango nito sa dalaga na tila shock pa rin.
Nawala yata sa isip ni Aning na nakatuwalya lang siya kaya bigla siyang sumigaw ulit nang maalala. Pumasok sa kanyang silid at doon walang tigil sa pagsigaw. Nainis naman si Bekket sa ingay niya.
“Hmp! Akala mo naman, may nawala sa kaniya. Eh, mas maganda pa katawan ko no!” Lumapit siya sa pintuan ng kuwarto ni Aning saka kumatok. “Dalian mo ng magbihis diyan. Ihahatid pa kita sa school mo bago ako pumasok ng office ko,” sabi niya na nakasandal na sa pinto ng kwarto ng dalaga.
“Ang arte-arte,” nasabi na lamang niya at saka bumalik muli sa mesa at matiyagang naghintay sa dalagang magiging asawa niya ilang araw na lang.