Nagtilian ang mga tao sa lobby ng makita ako. Hinila ako ng isa sa mga kasamahan kong bading na tila kilig na kilig bago ako hinarap sa isang grupo na may pinagtatakpan sa likod. Di ako halos humihinga ng bigla silang nagbigay daan para sa taong di ko naman inaasahang gagawa nun.
"Will you allow me to court you?" Basa ko sa nakasulat sa hinahawakang papel ng mga katrabaho namin. Di ko alam kung bukal ba sa loob nila ang pagtulong o ano pero di na mahalaga sa akin iyon. Naglakad sya habang nakangiti palapit sa akin habang may dalang pulang rosas at tsokolate. Natatakot ako, oo, pero mas lamang ang pag asang umuusbong sa puso ko. Tumango ako bilang tugon at lalong naghiyawan ang mga tao sa lobby ng opisina. Humupa lamang ng sinita kami at oras na para pumasok dahil malapit na kaming malate.
Tatlong buwan naman ng mabuti ang pakikitungo nya sa akin ngunit naging malabo sa iba lalo na kay Miguel. Di ko nalang inisip yun dahil alam ko sa sarili kong wala naman akong ginagawang masama sa kanila at di naman nakakaapekto sa trabaho ko. Naging maganda naman ang disposisyon ni Jeric sa trabaho. Lagi na syang nakangiti at nagbibiro sa opisina. Bagay na matagal na nyang alam na natural dito dahil ganun naman talaga ito dati. Nagbago lang nung masaktan ito.
"May lakad ka ba sa Linggo?"
"Wala naman. Bakit?" Balik tanong ko sa kanya ng nakangiti.
"Date tayo, Mahal." Ngumisi ito na nagpasingkit lalo sa mga mata nito.
Namula ako sa sinabi niya at tumango na lamang. Napatitig ito saglit sa mukha ko bago tuluyang ngumiti. Sa opisina ay pa kindat kindat ito sa gawi ko. Umiling ako sa kalokohan niya pero masaya akong nakikita ko syang ganito.
Nang sumapit ang Linggo ay naghanda na ako ng malapit ng mag alas diyes. Isang simpleng bestida at konting make up lang ng masiyahan na ako sa nakita ay umalis na ako. Pumunta na ako sa Centris Station Mall sa may Quezon Ave. Doon kami nag usap na magkikita. Naghintay ako sa may entrance at excited sa kung anong mangyayari sa araw na iyon. Masaya ako, pero unti unting nawala iyon ng mag ala una ay wala pa rin sya. Hinihintay kong mag online sya o di kaya ay magtext. Pero wala ni isa ang dumating kahit mag aalas tres na. Kumain na lamang akong mag isa sa isang kainan sa loob ng mall at nag ikot ikot. Iniwasan kong magalit at inisip na baka may emergency lang. Bumili na lamang ako ng ibang gagamitin sa maliit kong apartment bago nagdesisyong umuwi. Naiiyak ako pero pinigilan ko. Deserve ko ito.
Ang tanga ko lang na inisip kong totoo sya. Alam kong gumaganti sya pero hindi ko inasahang magsisimula na sya agad agad.
Sa loob ng apat na taon na naging relasyon namin noon, ilang beses ko syang pinagmukhang tanga, pinaghintay sa wala, niloko at pinerahan. Kahit kaduda duda na ang mga pinag gagawa ko at sinasabi ay nagpatuloy pa rin sya sa pag unawa at pagmamahal. Nag aaway kami pero hindi umaabot ng kalahating araw dahil tumatawag sya para humingi ng sorry. Nakokonsensya ako pero di ko magawang tumigil, dahil sa bukod sa ginagamit ko ang pinapadala nyang pera sa pag aaral ko at pag suporta sa sarili ko ay nasanay na ako kanya at natakot na mawala sya. kaya pinagpatuloy ko iyon hanggang sa mapagod sya sa pag unawa. Ni isang beses ay hindi ako nakipag videocall o nakipagkita sa kanya. Pero nagtiwala pa rin sya. Naubusan na ako ng idadahilan kaya nagpasya na akong magtapat. Ramdam ko ang sakit sa bawat salitang binitiwan nito laban sa akin. Hindi na ako pumalag dahil alam kong totoo iyon. Ginamit ko sya para sa sariling kapakanan. Nakapagtapos nga ako kapalit ng pagkawala niya. Ulila lang kami kaya nakikitira ako sa iba. May isa pa kong kapatid pero inampon at ngayon ay nasa ibang bansa na. Literal na naging mag isa nalang ako kung tutuusin pero lumalaban. Doon ko narinig ang mga salitang alam kong tinimpi nya noon. Tinawag ako sa mga salitang angkop naman sa akin.
Poser. Isa akong poser.
Gumamit ng ibang larawan para mapaikot sya. Pero nabitag ako sa sarili kong patibong, umibig ako sa kanya gayong hindi nya ako kayang tanggapin bilang ako. Minahal nya ako sa larawang malayong malayo sa hitsura ko habang minamahal ko sya bilang sya. Humanga lang lalo ako sa kanya ng sinabi nyang hindi na sya bitter noong huling pag uusap namin at na hindi nya ako kailangang ipahiya at na wala ng magagawa ang galit nya kung magagalit pa rin sya tapos na iyon. Gusto nya lang matuldukan na iyon at makapagsimula na sya ulit ng walang tanong dalawang taon nung maghiwalay kami ng tuluyan ng pinakita ko ang larawan ko. Tinanong ko sya kung okay lang bang maging magkaibigan kami pero tumanggi sya at sinabing "I still wanna see you eat but not on my table.
Gets? "Nakipagsapalaran lang naman ako kaya ako napadpad sa lugar na ito ngunit di ko naman inasahang magkikita kami at naging boss ko pa sya. Lalo na makitang apektado pa rin sya ng mga nagawa ko salungat sa mga sinasabi nya. Naiiyak ako pero hindi ito ang klase ng sakit na magpapawala sa akin.
Sumapit ang Lunes at oras na naman para magkita kami.
Nagtataka ako at nagbubulong bulungan ang iba naming kasama.
Ano na naman ba, ito?
Hindi ko nalang sila pinansin at dumiretso sa taas. Nakita ko syang nakangiti habang may kausap na magandang babae na nagtatrabaho sa kabilang floor. Narinig ko pa silang tumawa pero di ko nalang pinansin at piping hiniling na mabilaukan sana sila. Hindi naman sa bitter ako pero masakit sa tenga at masakit sa bangs.
Nagtrabaho ako ng maayos kahit gusto ko ng umuwi nalang dahil masama ang pakiramdam ko. Naulanan ako kahapon ng pauwi na kaya di na ako nagtaka. Mabilis lang akong nagkasakit pero mabilis ding mawala. Nagtataka man ang iba dahil nag iiwasan na naman kami pero wala akong narinig sa kanila. Di rin naman sila nagtanong at wala akong planong magkwento.
Namumula na ako sa sobrang sama ng nararamdaman pero tiniis ko kahit pa sobrang naging malamig sa akin ang aircon. Nagmemeeting kami ng makatanggap ng mensahe sa kanya.
"Masakit ba o kulang pa?"
Ang bugok, nagtanong pa. Hindi ko pinansin ang text niya. Napansin kong nakatingin sya sa akin pero umiwas din agad. Natapos ang meeting pero pakiramdam ko matutumba na ako anumang oras.
Mabilis akong lumabas ng opisina ng matapos na. Nang makarating sa sakayan ay hindi ako sa bus sumakay kundi sa taxi kahit pa masakit sa bulsa dahil hindi ko na kaya. Lalo pat may pakiramdam akong magkakasabay na naman kami sa bus.
Nakita kong sinusundan nya ako ng tingin habang nagtataka. Pero di ko na sya pinansin dahil nagsisimulang manikip ang dibdib ko sa sakit.
Masyadong mapaglaro ang tadhana at tinatanggap kong karma ko ito.