"Nag-away ba kayong mag-asawa dahil sa akin?"
Tiningan ni Prim ang kamay ni Samantha na sinalubong siya sa entrada ng kanilang opisina. Seryosong sinalubong niya ang mga mata nito.
"Sa tono niya kanina, mukhang pinaghihinalaan ka na niya. Wala ba siyang tiwala sa iyo?" patuloy nito.
Itinutok niya ang mga mata sa kawalan at naalala ang galit, ganoon na rin ang luhaang asawa.
"Engineer Prim, kahit naman pala 'di mo gawin ang pagtaksilan siya. Iyon pa rin ang nasa isip niya."
Tumingkayad si Samantha at bumulong sa tenga ni Prim. "Kaya bakit hindi mo na lang totohanin?" dahan-dahan niyang binalingan ang mukha nito.
Ngumiti nang nakaakit ang babae.
"Mahal ko ang asawa ko," panindigan niya kahit na parang taling mapipigtas na ang katatatagan niya sa panunukso ng inhinyera.
"Hindi ko naman sinabing mahalin mo 'ko," tugon ni Samantha. Nahigit niya ang hininga nang palandasin nito ang daliri pababa sa dibdib niya. "Pasayahin mo lang ako. At papasayahin din kita kapag malungkot ka," patuloy nito sa mahinang boses.
Pinigilan ni Prim ng kamay ng inhinyera.
"Tama na-"
"Bakit? Hindi mo na kaya?"
Hinawakan nito ang kamay niya ay hinila kung saan. Dinala siya nito sa kitchen ng kanilang opisina.
Itinulak siya roon at napasandal siya kung saan. "Sa totoo lang, Engineer Prim. Ang daming engineer dito ang nanliligaw sa akin," may iritabg boses ni Samantha.
Nagtagisan ang panga niya.
"At kasing-tanga mo ako, habang ikaw pinipili maging faithful diyan sa asawa mo. Ako nagpapaka-faithful sa iyo."
Pinagmamasdan niya ang maganda pero dismayadong mukha ni Samantha.
"Wala ka naman dapat pagpilian. Just let me in your life then I will shut my mouth, Prim."
Matagal naghinang ang mata ng dalawa. At hindi maitatanggi ni Prim ang paghanga sa dalagang inhinyera. Kung siguro ay hindi pa siya kasal at pamilyadong pamilya.
Magugustuhan niya si Samantha.
"Now I'm giving you a chance sa buhay mo. Kung di mo talaga ako hahayaan, maghahanap ako ng iba riyan. At huwag kang hahabol-habol kapag hindi mo na ako puwedeng hawakan-"
"Samantha," tutol niya.
"Don't try me, Prim. Kung sa may asawa nga hindi ako natakot kumapit. Sa binata pa? So think a hundred times, bago ako tuluyang mawala."
Tumalikod na si Samantha na ngumiti. Si Prim naman ay naiwang nag-iisip. Ilang minuto nang bumalik siya sa opisina. Wala sa silyang katabi niya ang dalaga kaya mabilis niyang hinanap ito ng mga mata.
At tumalim iyon nang matanaw itong kausap ang ibang engineer. Umirap siya at nagtungo sa sariling mesa.
"Yna. Pinakikinggan mo na ba ako?"
Dahan-dahang ibinaba ni Yna ang tulog na si Cattleya sa kama bago muling umikot ang tingin.
"Kumusta na kayo ng asawa mo?"
"May ginawa ka man lang ba? No'ng nakita mo siyang may kakapit na babae?"
"M-magkatrbaho lang sila," paniniwala niya sa sarili habang paikot-ikot sa loob para hanapin ang boses na kausap.
"Magkatrabaho? Nasaktan ka na nga niya. Ganito na lang, kung ayaw mong maniwala sa akin. Bakit hindi mo imbestigahan ang magaling mong asawa at ang babaeng kasama niya?"
Huminto ang mga paa ni Yna.
"Pa-paano?"
Pakiramdam niya kahit anong paraan ay gagawin niya para malaman kung niloloko siya nga asawa.
"Tsk. Tsk. Tsk. Akong bahala sa iyo. ngayon, bakit hindi muna natin dispatsahin 'yang biyenan mo na si Hilda?"
"Anong ibig mong sabihin?"
"Sus, Yna naman. Ako nang bahala sa kanya. Isang pitik lang ''yang si Tanda."
Nakadikit ang tenga ni Patricia sa pinto ng kwarto ng kapatid at asawa nito. Nakakunotnoong lumingon ito sa ina.
"Ma, may kasama ba si Yna sa loob?"
"Wala. Bakit?" kaswal na tugon ni Hilda habang ang atensyon ay nasa telebisyon.
"Sinong kausap niya?"
"Baka si Cattleya."
Muling idinikit ni Patricia ang tenga sa pinto habang nag-iisip pa rin. " Parang hindi, Mama. Boses niya lang ang naririnig ko, e."
Natigilan si Hilda at dahan-dahang lumingon. "Talaga?" tanong ng ginang at agad na tumayo.
"Mama," reklamo ni Patricia nang basta hawiin ng ina at idikir ang tenga sa pinto.
Nanlalaki ang mga matang binalingan nito si Patricia. "Oo nga. Alam mo ba, noong isang araw din. Nahuli ni Prim 'yan may kausap sa loob."
Nagharap ang mag-ina. "Sino naman kaya 'yon?" tanong ni Patricia.
"Aba, ewan ko. Baka nababaliw na-"
"Mama, nakakatakot naman 'yan," humawak pa si Patricia sa braso ni Hilda.
"Anong nakakatakot? Aba, maganda nga iyon para mapalayas siya sa bahay,," sabik nito.
"Mama, delikado ang may kasamang may saltik sa bahay. Paano kung masaktan ka niya dahil wala nga siya sa tamang pag-iisip?"
Nagkatitigan ang mag-ina. At naroon ang takot ni Hilda. Hanggang sa bumukas ang pinto.
Takot na napalunok ang mga ito dahil naroon ang walang emosyon na si Yna.
"Y-Yna," nauutal na wika ni Hilda na hinawakan sa braso ang natatakot na si Patricia.
"Anong ginagawa niyo ho sa pinto ko?" seryosong tanong ni Yna.
"A, kasi, ano," hindi maintindihan ni Hilda ang ipapaliwanag at natatarantang tiningnan si Patricia na natatakot. Dahil sa hindi pangkaraniwang emosyon sa mukha ng manugang.
"A, ano, wala naman. Kakatukin sana kita na magluto ng meryenda."
Dahan-dahan ang pagtango ng walang emosyon na si Yna habang makahulugang pinagmamasdan ang mag-ina.
Hanggang sa bumaha sa mukha ni Yna ang pag-alalala. "Pa-pasensiya na ho, Mama. Matagal ho bago nakatulog si Cattleya."
Muling nagkatinginan ang mag-ina.
"Si-sige na. Kumilos ka na," mando ni Hilda.
"Oho."
Sinundan si Yna ng tingin ni Hilda at ni Patricia. Nagtungo ang nagbubulungan na mag-ina sa sala.
"Baka naman si Cattleya ang kausap kaya wala kang naririnig na sumasagot?" bulong ni Hilda kay Patricia.
"Parang iba, Mama, e. Parang hindi bata ang kausap niya."
"E, sino?"
Huminto si Yna sa paglalagay ng palaman sa tinapay mula sa kusina. Dahan-dahan niyang tinanaw ang mag-ina sa sala na halatang pinagbubulungan siya.
"Nakita mo na Yna, pinag-uusapan ka na naman nila. Sila na nga itong pinagsisilbihan mo."
Pumikit at umiling siya sa boses na iyon.
"Hanggang sa labas ba ng kwarto ay narito ka?" mahinang tanong ni Yna.
"Kasama mo ako lagi. Lagi kitang binabantayan. Nakikita at naririnig ko ang hindi mo nakikita. Kung makikinig ka sa akin. Magagawa natin ang ginagawa sa iyo ng mag-ina na 'yan."
Napaigtad ang takot na si Patricia at Hilda nang dahan-dahang tinanaw ni Yna na may ngisi sa sulok ng labi habang hawak ang bread knife.
"Mama," takot na wika ni Patricia.