"Y-yna, anong ngini-ngisi mo riyan?" galit-galitan ng natatakot na si Hilda.
Biglang nawala ang ngisi sa labi ni Yna at napakunotnoo. "Ho? Hindi ho ako nakangisi," nagtatakang sagot niya.
"Bilisan mo na riyan!"
"Oho, Mama."
Ipinagpatuloy niya ang ginagawa sa mesa. Napahilig ang ulo niya nang mariin nang marinig na naman ang boses ng kung sino.
"Nakita mo, ngisi lang ang ipinakita ko. Natakot na sila."
"Tumigil ka," bulong niya sa boses sa naririnig.
"Yna naman, pakinggan mo lang ako nang pakinggan at ako nang bahala sa iyo."
"Tumigil ka na. Ayoko kitang marinig," mabilis na binitbit ni Yna ang food tray at nagmamadaling nagtungo sa sala.
Tiningala siya nang mag-ina. "M-ma, puwede muna ba ako rito sa sala?"
"Bakit?" tanong ng biyenan.
Takot niyang ginala ang malilikot na mga mata sa paligid. Napatingin din tuloy sina Patricia at Hilda kung saan.
"Wa-wala ho."
"Hoy, ikaw, Yna. Pinagti-tripan mo ba kami?"
"Ho?"
Nagdugong ang tingin nila ng ina ng asawa. "Kanina bakit parang may kausap ka? Ngayon naman natatakot ka, ano bang nangyayari sa iyo?"
"H-ho? Wala akong kausap at hindi naman ho ako natatakot," natatarantang tiningnan niya ang pinanood ng mga ito.
"Gusto ko lang talaga manood," umupo na siya sa dulo ng sofa.
Sandaling nagkatinginan ang mag-ina. Kumapit si Patricia sa braso ni Hilda.
Habang si Yna ay nakatutok man ang mata sa pinanood ay pinakiramdaman pa rin sa paligid ang boses na naririnig niya.
Hanggang sa marinig nila ang pagbukas ng pinto. "Prim!" bulalas ni Hilda. Agad siyang napatingin sa asawa.
Bagsak ang balikat nito habang halata ang pagod. "Ang aga mo yatang umuwi? Akala ko deadline ng project niyo?"
Walang emosyong tiningnan ni Prim si Patricia. "P-Prim, pasensiya na nga pala sa nangyari noong sa grocery store. Hindi ako makapunta rito dahil noong tinawagan mo ako galit na galit ka sa akin. Kaya ngayon lang ako nakapunta-" hindi na naituloy ni Patricia ang paliwanag nang dire-direstong pumasok ng kwarto ang walang ganang kapatid.
Kumurap ang mga mata ni Yna at naalala ang away nila ng asawa kanina.
"Hoy, gaga!"
Napatingin siya sa biyenan. "Asikasuhin mo 'yong asawa mong galing sa trabaho. Pagod iyon habang ikaw nakaupo lang," utos ng biyenan.
"Oho."
Tumayo siya at nagtungo sa nakapinid na pinto. Isang hininga ang ginawa niya nang buksan ang pinto.
Naroon si Prim nakatanaw sa babasaging bintana ng kwarto nila.
Sandali niya itong pinagmamasdan habang nakatalikod. Nang humarap at makita siya ay umirap ito at nagtungo agad sa banyo.
Napatitig siya sa polo nitong nasa sahig.
Bakit pakiramdam niya ay siya ang kailangan manghingi ng tawad?
Habang ito ang may kasalanan.
Bakit ito pinararamdam ng asawa niya?
Bakit nagbago ito nang kisap-mata?
Nanghihina na umupo sa kama si Yna habang hawak ang polo.
Napahinto si Prim nang makita ang asawa sa kama. Umiling na lang ito at padabog na nagbihis bago muling lumabas.
"O, bakit? Nag-away ba kayong mag-asawa na naman?" tanong ni Hilda nang makitang nagtungo sa kusina si Prim.
"Nag-away kayo? Aba, first time yatang awayin mo ang mahal na mahal mong asawa?" singit ni Patricia.
"Hindi ba, dinalan ka niya sa kompanya mo ng ulam. Hindi ba masarap?" patuloy ng ina. "O baka naman tungkol pa rin ito sa babaeng pinagseselosan ng asawa mong lokaret?"
Napahinto si Prim at naalala si Samantha na maghapong hindi lumapit sa kanya. Sa halip, dumikit sa ibang engineer na kasama nila.
Dahil doon ay nainis siya at maagang umuwi.
"Ano? May babae silang pinag-aawayan?" bulong ni Patricia na narinig pa rin ni Prim.
"Oo, nagda-drama nga ang hipag mo noong nakaraang gabi," kwento ni Hilda sa anak.
"Aba, mukhang nag-expire na ang gayuma ni Yna kay Prim at nakakakita na ng ibang babae," pigil ang tawang tugon ni Patricia.
"Sana nga," nag-apir ang mag-ina hanggang sa padabog na ibaba ni Prim ang plato sa ibabaw ng babasaging mesa.
"Puwede ba? Tumigil kayo, hindi kayo nakakatulong," seryosong saad ni Prim. Pagkatapos ay galit na binuksan ang ref at kumuha ng alak.
Napaigtad pa ang ina at kapatid nang pabagsak niyang isarado iyon. Dire-diresto siyang pumasok sa kwarto.
Natigilan si Prim nang makita ang asawang tulog at kayakap ang anak. Mas humigpit ang kapit niya sa hawak na bote ng alak.
Pinakiramdaman niya ang puso.
Naguguluhan siya sa nararamdaman.
Alam niya sa sariling natutukso na siya kay Samantha.
Pero bakit?
Dahil hindi na niya mahal ang asawa?
Noon pa man ay wala nang babae ang lumapit sa kanya nang maging karelasyon niya si Yna.
Ngayon lang.
At kakaiba ang dating ni Samantha.
Hindi niya alam kung maililigtas niya ang sarili sa tuksong dala-dala nito.
Mabilis na nilagok ni Prim ang alak. Nagmulat naman ang mga mata si Yna. Agad na nag-iwas ng tingin ang asawa at naglakad.
Bumaba siya sa kama at yumakap sa nakatalikod na asawa. Mariin ang naging pikit niya. "Sorry, Prim."
Kahit wala siyang kasalanan, pakiramdam niya kailangan niyang gawin ito.
Para hindi tuluyang lumaki ang away na mayroon sila.
"Sorry talaga," habang nakapikit at kitang-kita niya sa dilim ang eksenang naabutan kasama ang katrabaho nitong babae.
Nagpatakan ang mga luha niya.
Nagmulat siya at nagtungo sa harapan ni Prim. Tiningala niya ang asawa na malayo ang tingin.
"Prim, kausapin mo naman ako."
Hinawakan niya ito sa magkabilang pisngi at pilit na ibinaba ang mukha. Nagtama ang mata nila.
"Mahal na mahal kita," tanging nasabi niya.
Umiiyak na hinalikan niya ito sa labi.
Malalim habang pilit na pinararamdam dito ang tinutukoy niyang pagmamahal.
Niyakap niya si Prim habang magkadikit pa rin ang labi. Hinihintay niya ang pagganti ng halik nito sa kanya.
"Prim," tawag niya sa pangalan nito sa bawat halik niyang agresibo.
Yakap-yakap at haplos-haplos niya ang asawa.
Hanggang sa ibaba nito ang bote ng alak. Natuwa ang puso niya at tinugunan nito ang malalim niyang halik.
Kinabig din ang katawan niya.
Pero habang nasa leeg niya ito at siya ay nakatingala ay parang may kakaiba.
Hindi niya maramdaman ang halik.
Walang init.
Walang interes.
Tila napilitan.
Hanggang sa huminto si Prim at binitwan ang bewang niya. Hinihingal itong humarap sa kanya.