Blade Ford-Morgan’s POV
Nang makapasok na kami sa loob ng palasyo ay mas dumami ang nakikita kong mga armadong lalaki. Pigil ang hininga ko nang makitang humanay ang mga ito habang papadaan si Wifey. Para tuloy kaming hari at reyna na dumaraan sa gitna ng mga kawal.
Ang saya naman, nasabi ko na lang sa sarili ko.
Diretso lang kaming naglakad ni Wifey hanggang sa makarating kami sa isang malaki at pulang pintuan. Unti-unti iyong bumukas. Pumasok doon si Wifey kaya sumunod na lang ako.
Pagdating namin doon ay nabungaran namin ang apat na taong nakamaskara rin. Sabay-sabay silang tumayo at yumukod kay Wifey.
“Queen, King,” sabay-sabay ding sabi ng mga ito.
Walang imik na naupo si Wifey kaya naupo na rin ako sa upuang nasa kanang bahagi niya.
Tinanggal naman ng apat ang kanilang mga maskara. Halos mahulog ako sa kinauupuan ko nang makita kung sino ang mga nasa likod ng mga maskarang iyon.
“Tristan, James, Jake, at Ace? Anong ginagawa n’yo dito?” gulong-gulong na tanong ko.
Bigla namang pumasok sa isip ko na kaibigan nga pala sila ni Wifey. Malamang ay imbitado ang mga ito sa party.
Imbes na magsalita ay nginitian lang ako ng mga ito. Dahil kami-kami lang naman ang nasa loob ng silid, tinanggal ko na rin ang maskara ko.
“Guwapo ka pala kapag walang salamin, Blade. Pero siyempre, alam naman nating mas guwapo ako,” pagbubuhat ni Jake sa sariling bangko.
Natawa na lang ako rito at napatingin kay James na masama ang tingin kay Jake.
“Kailan ba mababawasan ang hangin sa utak mo? Tingin ko, habang tumatagal ay lalo lang lumalaki ang ulo mo,” masungit na sabi ni James bago muling tumingin kay Wifey.
Hindi nito inaalis ang maskara, pero ramdam na ramdam na mas seryoso ito sa mga oras na ito.
“Kailangan na niyang malaman ang lahat,” seryosong sabi nito bago tumingin kay Ace.
“Ikaw na ang bahalang magpaliwanag at ipaintindi ang lahat sa kanya, Ace,” malamig na sabi nito.
Tumango si Ace at tumayo.
“Handa ka na bang makinig, Blade?” seryosong tanong nito.
Napalunok ako bago tumango.
Ace’s POV
Napangisi ako nang makita ko ang paglunok na ginawa niya.
“Si Queen ang natitirang buhay sa lahi ng Morrigan. Actually, meron pa, pero hanggang ngayon ay hindi pa namin siya nakikita. Wala kaming balita tungkol doon. At tungkol sa Morrigan family…” Huminga muna ako nang malamig bago tumingin kay Blade na seryosong nakikinig. “Nagkaroon ng m******e sa pamilya ng Morrigan. Nagkataon namang naitakas ni King Morrigan ang batang si Queen at ang isa pa nitong apo. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, last year ay nagkaroon ng ambush sa isang sasakyan. At sakay ng sasakyang iyon si King Morrigan. Ngayong wala na ito, si Queen na ang namamahala sa lahat.”
Huminga ako nang malalim bago nagpatuloy.
“Ang negosyo sa harap ng mga tao, maging ang Thanatos Organization na kumikilos sa ilalim ng buwan, ay pinamamahalaan niya. At dahil sa nalalapit na kaarawan ni King Morrigan, ang last will na ginawa nito bago pumanaw ang tanging makapagbibigay kay Queen ng karapatan.”
“Karapatang makuha ang mana niya, at iyon ay ang magpakasal, tama ba?” seryosong sabi ni Blade.
Napalunok ako at tumango-tango. Mukhang naiintindihan na niya.
“Hindi ko akalain na mag-isa ka na pala, Wifey,” mahinang bulong niya kay Queen, pero umabot pa rin iyon sa pandinig ko.
“Hayan, nandito na ako. Hindi kita iiwan,” nakangiting sabi niya kay Queen.
Kitang-kita ng dalawang mata ko ang pamumula ni Queen. Kahit na nakamaskara ito, pansin na pansin ko pa rin iyon.
Napaiwas na lang ako ng tingin. Parang bigla akong sinapak nang malakas nang wala akong karapatang lumaban. Kumbaga, masasaktan ako pero wala akong karapatang gumanti.
Siguro dapat ko nang itigil ang kahibangang ito. Masyado nang sobra ang nakita ko para ipilit pa sa sarili kong may pag-asa pa ako sa kanya.
Kailangan ko nang tanggapin na wala na. Kasal na sila.
Habang ako? Nananatili lang akong kanang kamay niya. Laging nandiyan sa oras na kailangan niya.
Mapait na lang akong napangiti bago ipinagpatuloy ang pagpapaliwanag.
Queen Denise Morgan’s POV
Kasalukuyan akong nagmamaneho pauwi sa mansyon nang mapansin kong tahimik lang si Blade. Nilingon ko siya bago muling ibinalik ang tingin sa daan.
“Makikipaghiwalay ka na ba?” nakangising tanong ko habang nagmamaneho.
“Ha? Nasisiraan ka na ba, Wifey? Wala naman akong sinasabing ganyan ah!” malakas niyang kontra.
Sumeryoso naman ako.
“Ang tahimik mo kasi. At saka, hindi mo ba naisip na simula nang mapalapit ka sa akin, lagi nang nasa kapahamakan ang buhay mo?” seryoso kong sabi sa kanya.
“Ayaw mo ba sa akin? Gano’n mo na ba ako kaayaw?” bigla niyang tanong kaya agad ko siyang nilingon.
Nakatingin siya sa akin habang may lungkot sa mga mata.
“Okay lang naman ako, Wifey. Hihihihi. Alam ko naman na nandiyan ka para protektahan ako,” bigla na naman niyang nakangiting sabi.
Nag-iwas ako ng tingin at hindi na nagsalita pa.
Nakarating kami sa bahay. Dala ng pagod ay hindi ko na siya tinignan pa at nagdire-diretsong akyat na lang sa silid ko. Ibinagsak ko ang katawan ko sa kama at ipinikit ang mga mata ko.
Maaga akong nagising. Mabilis kong ginawa ang lagi kong ginagawa tuwing umaga.
Pagkatapos ay bumaba agad ako. Sumalubong sa akin si Butler Mae.
“Good morning, Queen,” bati nito.
Tumango lang ako at bumaba na.
Nakasunod lang ito sa akin hanggang sa makarating kami sa dining area. Napakunot ang noo ko dahil wala pa rin si Blade. Dapat sa mga oras na ito ay nasa hapag-kainan na siya dahil may pasok pa siya.
“Si Blade, pakitawag,” utos ko kay Butler Mae.
Yumuko ito bago umalis sa harap ko.
“Sumabay ka na sa amin,” malamig kong sabi kay Butler Mae.
“N-No, I’m fine, Queen,” yukong sabi nito.
“Come on. Maupo ka na at anumang oras ay darating na si Blade,” sabi ko pa.
At hindi nga ako nagkamali. Ramdam ko na ang patakbong pagbaba ng hagdan. Malamang ay si Blade iyon. Siya lang naman ang gumagawa ng mga ganoong delikadong stunts.
“Wifeyyy, good morning!” masiglang sabi niya nang makarating sa dining area.
Nag-umpisa na kaming kumain nang walang nagsasalita.
“Parang hindi kita nakita kahapon sa Thanatos, Butler Mae,” sabi ni Blade habang ngumunguya.
“Don’t talk if your mouth is full,” malamig kong sabi rito.
Kumuha naman siya ng isang basong tubig at ininom iyon.
“Ayon na nga, Butler Mae, bakit parang hindi kita nakita kahapon doon?” ulit niyang tanong nang malunok ang pagkain.
“Stop asking her. Kumain ka na, Blade,” malamig kong sabi.
Hindi naman siya umangal at nagpatuloy na lang sa pagkain.
Blade Ford-Morgan’s POV
Nandito na ako sa school, kasabay ko ngayon si Agatha na naglalakad papasok.
“Ang ganda naman ng sasakyang naghatid sa ’yo,” nakangiting sabi nito at tinutukoy ang sasakyan ni Wifey. Inihatid kasi ako nito kanina bago magtungo sa Twin Building.
“Hehehe, oo nga. Marami pang sasakyang mas maganda ro’n!” masaya kong sabi habang papasok sa una naming klase.
Agad kong hinanap gamit ang mga mata ko sina Jake, pero wala ang mga ito. Malamang ay may ipinagawa sa kanila si Wifey.
“Sinong hinahanap mo, Blade?” tanong ni Agatha nang mapansing may hinahanap ako.
Naupo na ito sa isang upuan kaya agad akong tumabi rito bago ko sinagot.
“Nakakapagtakang wala pa sila James,” sabi ko rito.
Iginala naman ni Agatha ang mga mata niya bago napatango-tango.
Akmang magsasalita na sana ito nang biglang pumasok ang guro kaya natahimik na lang kami.
Napahalumbaba ako sa bintana at napatingin sa rooftop. Wala akong magawa.
Mabilis na lumipas ang oras. Tila kulang na kulang ang araw ko.
“Sabay na tayo,” nakangiting sabi ni Agatha.
Tumango-tango ako rito bago inayos ang librong hindi ko man lang nabuksan.
Habang naglalakad patungo sa cafeteria ay nakasalubong ko si Butler Mae. Yumuko ito sa akin.
“Sir Blade,” bati nito.
Tumango lang ako kaya nagpatuloy na ito sa paglalakad, habang kami ni Agatha ay ganoon din.
“Sino ’yon, Blade? ’Di ba’t butler ang babaeng tumigil sa harapan natin kanina at tinawag kang Sir?” namamanghang sabi ni Agatha.
Napakamot naman ako sa batok ko.
“Malamang ay may ipinagawa sa kanya ang amo niya. Kakilala ko kasi ang amo nito kaya ganoon siya sa akin,” palusot ko na lang. Ayaw kong isipin nitong mayaman ako.
Tumango na lang ito at hindi na nagsalita pa dahil papasok na kami sa cafeteria.
Si Agatha na ang nagprisintang kumuha ng pagkain dahil baka hindi na naman daw ako makabalik ng table namin.
Umupo ito habang dala-dala ang isang tray na may pagkain. Ibinigay niya sa akin ang inorder ko at nag-umpisa na kaming kumain.
“Kailan mo balak mag-asawa, Blade?” biglang tanong ni Agatha kaya hindi ako agad nakasagot.
Akmang sasagot na sana ako nang bigla kong maramdaman ang malamig at malagkit na unti-unting dumadaloy pababa sa katawan ko.
Napatingin ako sa likod ko.
Nakita ko roon si Sarah.
May hawak itong mango shake na kasalukuyan niyang ibinubuhos sa akin.
Napayuko na lang ako. Nawala na ang bumubuhos sa akin at tanging tawanan na lang ng mga estudyante ang narinig ko.
Akala ko’y tapos na—
nang biglang may nagbuhos sa akin ng harina at bumato sa akin ng itlog.
“Tama na! Sumasobra na kayo!” malakas na sigaw ni Agatha.
Madumi na rin ang uniporme nito dahil tinamaan ito ng kaunting harina.
“Tara na, Agatha! Hayaan mo na si Blade, madadamay ka lang!” malakas na sabi ng kaibigan niya habang hinihila siya palayo sa akin.
“Putangina n’yo talaga!” malakas na sigaw nito at pilit na nag-aalpas, pero ang apat nitong kaibigan ay pinagtulungan siyang ilayo sa eksena.
Napayuko ako at napahawak sa gilid ng noo ko nang maramdaman ko ang matigas na pagtama ng isang bagay doon.
Nakita kong nahulog sa sahig ang bakal na pantasa ng lapis.
Doon tuluyan nang bumagsak ang luha ko.
“Nerd, hahaha!”
“Bagay sa ’yo ’yan, nerd!”
“Putangina, umalis ka na sa school na ’to, nerd!”
Ilan lang iyon sa mga naririnig kong sigawan ng mga estudyante. Pinilit kong tumayo kahit nanghihina ang mga tuhod ko. Umiikot ang paningin ko, pero pilit kong tinatagan ang loob ko.
Nang magkaroon ng pagkakataon ay mabilis akong tumakbo.
Umiikot ang paningin ko pero tumakbo lang ako nang tumakbo. Tuloy-tuloy, hanggang sa hindi ko namalayang nakarating na pala ako sa rooftop. Sa rooftop kung saan madalas tumambay si Wifey.
Napalugmok ako sa isang sulok. Ramdam ko ang pagkirot ng sugat ko sa noo, ang mga pasa na galing sa mga itlog—hilaw man o luto—at ang salamin kong sa isa na namang pagkakataon ay nabasag.
Pumatak ang luha ko sa semento. Kitang-kita ko ang luha at dugong magkahalong tumulo mula sa akin.
Lalo pang umikot ang paningin ko. Dumidilim na rin ito at tila anumang oras ay babagsak na ako.
“Wifey…” naibulong ko na lang habang nakaupo at nakayakap sa mga tuhod ko.
Hinayaan ko na lang dumaloy ang pinagsamang dugo at luha na nanggagaling sa akin.