KABANATA 17

1806 Words
Limuel “Nakakainis! Natakasan na naman tayo ng nerd na ’yon!” inis na sabi ni Sarah habang nagpapadyak. Hindi siya pinansin ni Limuel. Sa halip, inalala lang niya ang babaeng nagmamaneho ng sasakyang nagsakay kay Blade kanina. Flashback Hinahabol nila noon si Blade. Nakakabwisit sa bilis tumakbo ng nerd na iyon. Bigla namang may umugong nang malakas kaya napahinto sila. Doon niya nakita ang isang roofless convertible. Isang babae ang nagmamaneho nito. Nag-drift ito sa harap nila kaya naharangan si Blade na nasa unahan nila. “Hop in!” rinig niyang malamig na sabi nito. Parang biglang tumigil ang ikot ng orasan nang marealize niyang ang babaeng nasa harap niya ngayon—ang cool na nag-drift—at ang babaeng nakita niya sa bar ay iisa. Napangisi siya habang habol ng tingin ang sasakyang papalayo. You’ll be mine. Soon. End of Flashback Hanggang ngayon ay iniisip pa rin ni Limuel kung bakit kasama nito ang nerd na iyon. Ngunit anuman ang relasyon ng dalawa, wala na siyang pakialam. Lahat ng gusto niya, nakukuha niya. Blade Ford-Morgan Mula nang magising si Blade sa isang hindi pamilyar na lugar at makasama si Wifey habang pinapanood ang paglubog ng araw, hindi na naging normal ang t***k ng puso niya. Masyado na itong mabilis, lalo na tuwing dumadapo ang tingin niya rito. Unti-unti nang dumidilim, ngunit nanatili pa rin silang nakaupo sa hood ng sasakyan nito. “Umuwi na tayo,” sabi ni Queen Denise bago bumaba sa hood. Tulad ng ginawa nito ay bumaba rin si Blade. Parang biglang may nag-uutos sa isip niya na gawin ang bagay na iyon. Agad niyang hinila ang kamay nito palapit sa kanya at kinabig ito sa isang yakap. Dahil sa tangkad niya, halos nakapayong na ang baba niya sa ulo nito. “Maraming salamat sa lahat. Kung sakali man na makuha mo na ang mana mo… sana kailanganin mo pa rin ako,” mahina ngunit seryosong sabi niya rito bago ito hinalikan sa noo at pumasok na sa sasakyan. Ilang sandali pa itong nanatiling nakatayo sa labas bago tuluyang sumakay rin. Hindi mabasa ni Blade ang ekspresyon nito, ngunit ramdam niya ang presensyang hindi mapakali. Maging siya man ay naguguluhan sa nararamdaman niya. Bakit niya ba nasabi ang mga katagang iyon? Bakit parang may kumirot sa puso niya matapos niya iyong sabihin? Bakit? Queen Denise Morgan Nanatiling tahimik ang loob ng sasakyan. Pilit iniiwasan ni Queen Denise na tingnan si Blade habang nagmamaneho. Hindi niya akalaing may kaseryosohan pala itong taglay. Ngunit mas gugustuhin pa niyang umasta itong parang bata kaysa umasta nang tulad ng ginawa nito kanina. Parang biglang tumindig ang mga balahibo niya at may kakaibang gumalaw sa tiyan niya. Marahil ay hindi lang siya sanay na makita itong seryoso. Malamang, iyon nga lang ang dahilan. Tama. Iyon lang ang dahilan. Saglit niya itong tinignan habang nagmamaneho at nagulat siya nang makitang seryoso rin itong nakatingin sa kanya. Parang kinakabisado nito ang mukha niya na tila anumang oras ay alam nitong mawawala siya rito. Mabilis niyang ibinalik ang tingin sa kalsada. Parang may bumara bigla sa lalamunan niya. Paano nga ba kapag nakuha ko na ang mana ko? hindi niya namalayang tanong niya sa sarili. Hindi rin niya alam. Siguro’y hahayaan na lang niya ang tadhana na kusang magtakda. Blade Ford-Morgan Mula nang makarating sila sa mansyon ay tahimik si Wifey. Sabagay, hindi na nakapagtataka iyon dahil tahimik naman talaga ito. Dumiretso agad ito sa silid nito. Hindi pa ito nakakapaghapunan. “Wifey!” malakas na tawag ni Blade mula sa pinto ng silid nito. Kumatok siya nang kumatok ngunit walang sumagot. Ni wala ring nagbukas ng pinto. Dala ng pag-aalala ay kinuha niya ang card na puwedeng gamitin sa pag-access sa kuwarto nito. Halos mapatalon siya sa tuwa nang tanggapin iyon ng lock. Pumasok siya agad at inilibot ang tingin. Madilim ang paligid. Itim at pula ang nangingibabaw sa loob, bukod sa mga gamit nitong puti. Nakita niya itong seryosong nakaupo sa kama habang may kaharap na laptop. Lumapit siya rito at tumabi. “Wifey, kakain muna tayo,” sabi niya habang nakatingin sa laptop nito. “Mauna ka na. Mamaya pa ako dahil may pupuntahan ako,” sagot nito habang abala pa rin sa mabilis na pagta-type. Dala ng kuryosidad ay tinignan ni Blade ang ginagawa nito. 666 THANATOS ORGANIZATION Napakunot ang noo niya. Hindi niya alam ang tungkol doon, pero alam niyang ang 666 ay nangangahulugang beast. Ano ang ibig sabihin niyon? Bakit organization? “Wifey, huwag mo sanang mamasamain. Ano ba ’yang ginagawa mo?” tanong niya rito. Baka mamaya ay kung ano-ano na pala ang pinapasok nito. Di ba nga, kung may patnubay ng magulang, meron ding patnubay ng husband. Napanguso siya nang wala siyang natanggap na sagot mula rito. Akmang magtatanong sana siya uli nang bigla nitong isara ang laptop at tumayo. “Siguro may karapatan ka namang malaman ang mga bagay-bagay tungkol sa akin. Para kapag nakuha ko na ang mana ko at natapos na ang pangangailangan ko sa’yo, may dahilan ka na para ayawan mo ako,” malamig at diretsong sabi nito habang nakatingin sa mga mata niya. Hindi alam ni Blade kung bakit parang may malakas na kumirot sa dibdib niya. Para siyang pinaputukan ng baril sa ulo dahil sa sinabi nito. Hindi siya agad nakapagsalita. Natigilan siya at parang biglang bumalik sa reyalidad. Nagpakasal nga lang pala kami dahil kailangan niya ako, at kailangan ko rin siya. Darating sa puntong hindi na namin kakailanganin ang isa’t isa. Siguro, iyon ang pinakamalungkot na panahong darating sa buhay niya. Ang dumating ang araw na hindi na siya kakailanganin nito. “Sumunod ka sa akin,” seryosong sabi nito bago umiwas ng tingin. Napangiti na lang si Blade nang mapait habang nakatingin sa likod nito. Tumayo na siya at huminga nang malalim. Kaya mo ’to, Blade. Para lang ’tong pambubully sa school. Kailangan mo lang magpanggap na hindi ka nasasaktan, sabi niya sa sarili bago sumunod kay Wifey. Nasa loob sila ngayon ng isang malaking closet. Akala niya ay doon na sila titigil, ngunit nagtungo pa ito sa isang pinto. Nang bumukas iyon ay nakita niyang elevator pala ito. Sumakay doon si Wifey kaya agad din siyang sumunod. Paglabas nila ay napaawang ang labi niya nang makitang isang buong floor iyon ng iba’t ibang klase ng damit. Bigla niyang naalala ang Barbie: Life in the Dreamhouse. Kung kay Barbie ay puro pink ang makikita, dito naman ay puro puti, itim, at pula ang mga damit. May dinampot si Wifey na double rider jacket, pantalon, at classic high-cut sneakers na kulay itim. Iniabot nito ang mga iyon sa kanya. “Isuot mo ’yan. Doon ang CR,” sabi nito bago itinuro ang isang pinto. Ngumiti siya rito at tumango bago naglakad patungo sa CR. Nang matapos niyang isuot ang mga ibinigay nito sa kanya ay agad siyang lumabas. Sakto namang paglabas niya ay paglabas din ni Wifey mula sa isa pang pinto. Nakasuot na ito ng leather jacket, white fitted sando, at leather boots. Naglakad siya palapit dito habang nakatitig naman ito sa kanya. “Isuot mo ’to,” malamig na sabi nito bago iniabot sa kanya ang isang contact lens. Nagtataka man ay kinuha niya iyon at binuksan. Humanap siya ng salamin upang mabilis iyong maisuot. Nang matapos ay inayos niya ang gulo niyang buhok gamit ang mga daliri niya. Nang makitang ayos na ay tinitigan niya ang sarili sa salamin. “Ang guwapo ko talaga!” malakas at masayang sabi niya. Akmang lalakad na sana siya pabalik sa kinaroroonan ni Wifey nang makita niyang nasa tabi niya na pala ito. Nagulat man siya ay hindi niya ipinahalata. Sa halip ay napatitig siya sa labi nito. Tama ba ang nakita niya? Ngumiti ba ito? “Wifey, ngumiti ka?” nanlalaking matang tanong niya rito. Biglang bumalik sa dati ang ekspresyon ng mukha nito. “No,” malamig na sabi nito bago siya tinalikuran. “Nakita ko! Akala mo diyan!” malakas na sabi niya rito bago sumunod at pumasok sa elevator. Hindi na ito nagsalita at pinindot ang U. “Nakita ko talaga ’yon, Wifey!” maktol pa niya, ngunit hindi siya nito pinansin. Akmang magsasalita pa sana siya nang biglang bumukas ang elevator. Lumabas na si Wifey kaya wala na rin siyang nagawa kundi ang sumunod. Bumungad sa kanya ang isang pulang sasakyan. Tumakbo siya palapit dito. “Wifey, sa’yo ba ’to? Sa’yo ba ’to?” masaya at paulit-ulit niyang tanong. Imbes na sagutin ay tinanguan lang siya nito. Pumasok na ito sa sasakyan kaya sumakay na rin siya. Natigil siya sa pagse-seatbelt nang makita ang unti-unting pag-angat ng isang pader. Mukhang iyon ang lagusan palabas ng parking lot na iyon. Hindi niya alam kung anong itatawag sa lugar na iyon—parang tindahan ng mga sasakyan dahil mas malawak at mas marami pang kotse roon kaysa sa ordinaryong parking lot. Mabilis na nagmaneho si Wifey. Napakapit na lamang siya nang mahigpit sa upuan niya. Pinilit niyang umaktong cool dahil cool siyang tingnan ngayon. Ganoon din ito. Sabagay, kahit yata pagsuotin ng trash bag ang Wifey niya ay magmumukha pa rin itong cool. Napakunot naman ang noo niya nang makitang habang tumatagal ay padami nang padami ang malalaking punong nadaraanan nila. Para silang nasa pusod ng gubat. Maya-maya pa ay natanaw niya ang isang gintong gate. May mga lalaking may dalang malalaking baril na nakabantay roon. Wait— Baril? Agad na nanlaki ang mga mata niya at napatingin kay Wifey. “WIFEY, BUMALIK NA TAYO! BAKA PATAYIN NILA TAYO KAPAG PUMASOK TAYO DIYAN!” sigaw niya dala ng takot. Tila wala itong narinig. Dire-diretso pa rin sa pagmamaneho kahit sarado ang gate. Nang malapit na sila roon ay napapikit siya dahil pakiramdam niya ay babangga sila, ngunit unti-unti rin siyang nagmulat nang mapansing wala naman siyang naramdamang masakit. Nakatigil na ang kotse. Pagtingin niya sa likod ay nakita niyang nakabukas na ang gate at unti-unti na naman iyong nagsasara. Napahinga na lang siya nang malalim. “Mamamatay ako sa nerbiyos,” mahinang sabi niya. “Sorry…” Agad siyang napatingin kay Wifey. Inayos niya ang upo pati ang ekspresyon niya. Ngumiti siya nang malaki rito. Kailangan magmukha siyang cool sa harap ni Wifey. “Ano ka ba, Wifey? Ayos lang ’yon. Ni hindi man lang ako kinabahan!” malaking ngiti niyang sabi at tinapik pa ang dibdib. Nginitian siya nito bago may ibinatong kung ano sa kanya na agad naman niyang nasalo. “Wear this mask before you go out of this car, or else you’ll die,” nakangising sabi nito bago isinuot ang maskarang hawak nito at lumabas. Nanlalaki naman ang mga mata ni Blade habang dali-daling isinusuot ang maskarang ibinigay nito bago mabilis ding lumabas ng sasakyan at tumabi rito. Taas-noong naglalakad papasok si Wifey sa isang mansyon— Hindi. Mas tamang tawagin itong palasyo sa sobrang laki nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD