Queen Denise Morgan’s POV
It’s Friday, at pinapasok ko na ngayon si Blade dahil may importante akong pupuntahan. Ibinilin ko na siya kina James na bantayan, kaya hindi ko na pinoproblema kung may mambully man sa kanya dahil naroon naman sila.
“Queen, handa na ang sasakyan,” sabi ni Butler Mae.
Tumango ako rito. Pinagbuksan niya ako ng backseat dahil siya ang magmamaneho.
Patungo kami ngayon sa Thanatos Palace upang pag-usapan ang bagong hideout na itatayo sa New York. Isa ito sa mga magagawa ko ngayong malapit ko nang makuha ang mana ko—ang magpalawak at magdagdag upang hindi maalis sa number one ang Thanatos Organization.
Mabilis kaming nakarating at nagtungo sa conference room. Kumpleto na ang lahat. Maging si Ace, isa sa Phantom, ay naririto. Tanging sina James, Jake, at Tristan lang ang wala dahil sa mahalagang misyon ng mga ito.
Oo, mahalaga.
Mabilis na natapos ang meeting. Dali-dali akong tumayo at naunang lumabas sa kanila. Mabuti naman at lahat ay sumang-ayon sa bagong hideout na ipatatayo sa New York. Kailangan na rin naming masakop ang underground doon upang hindi kami mahirapan sa iba’t ibang armas, dahil karamihan sa mga bagong labas na armas ay nagmumula roon.
Sumakay ako sa isa sa mga sasakyan ko at nagmaneho patungo sa M.U.
Agad akong nakarating sa M.U. Dumaan ako sa secret tunnel patungo sa rooftop.
Huminga ako nang malalim nang sumalubong sa akin ang maaliwalas na hangin at langit. Nakaramdam ako ng kaunting antok kaya napili kong humiga na lang sa mahabang sofa na ipinagawa ko pa kay Butler Mae.
Agatha’s POV
Kasalukuyan akong naririto sa garden kasama sina Blade, James, Jake, at Tristan. Dito na namin napiling kumain dahil masyadong agaw-atensyon kapag sa cafeteria pa. Baka mamaya ay ma-bully na naman si Blade.
“Dude, bakit hindi mo subukang magpaturo ng self-defense kay Ice? Magaling na trainer ’yon,” sabi ni Jake kay Blade.
Napakunot naman ang noo ko at tiningnan ang mga ito nang may pagtataka.
“Sinong Ice?” mahinang tanong ko.
“Naalala mo no’ng huling nabully si Blade? ’Yong babaeng may malalamig na mata na kasunod namin no’ng nakaraan habang buhat namin si Blade—’yon si Ice,” nakangising sabi ni Jake.
Nakita ko namang ngumisi rin si James habang si Tristan ay abala sa pagkain ng lollipop niya.
“Alin sa dalawa? Dalawa kasi ang kasunod n’yong babae no’ng araw na ’yon,” sabi ko rito.
Napapatik naman si Jake sa noo.
“Oo nga pala, nakalimutan ko. Kung alin ang may pinakamalamig na pares ng mata, siya si Ice,” sabi nito.
Napatingin ako kay Blade. Ang babaeng may pinakamalamig na pares ng mata no’ng mga oras na ’yon ay ang babaeng may pulang buhok.
“’Yong babae ba na may pulang buhok?” tanong ko.
Ngumisi si Jake.
“Oo, Agatha. Siya si Ice,” nakangising sabi ni James habang nakatitig sa mga mata ko.
Bigla akong nakaramdam ng kaba at tumingin kay Blade.
“A-ano mo siya, B-Blade?” kinakabahan kong tanong dito.
Masaya siyang tumingin sa akin at itinaas ang isang kamay. Doon ko nakita ang isang gintong singsing. Kahit hindi na niya sabihin kung ano niya ang babaeng iyon, alam ko na.
Suot niya ngayon ang sigaw na Infinite Ring, ang singsing na ang tanging makapagtatanggal lang ay ang nagsuot sa iyo.
“Ito ang ring namin ni Wifey!” masaya niyang sabi at itinaas pa iyon. Tinitigan niya iyon nang may sobrang saya sa mukha.
“Ano nga ulit ang tanong mo kanina, Jake?” baling nito kay Jake bago muling isinubo ang lollipop.
“Sabi ko, bakit hindi mo subukang magpaturo sa Wifey mo ng self-defense?” ulit nito habang sa akin nakatingin at may ngisi sa mga labi.
“Hindi naman kailangan. Hayaan na lang natin na maumay sila. Isa pa, nandiyan naman si Wifey. Hihihihi,” tila kinikilig na sabi nito.
“If I’m not mistaken, nasa rooftop ngayon si Que—Ice,” biglang sabi ni Tristan bago muling isinubo ang lollipop.
“Talaga? Sige, maiwan ko na kayo diyan!” masayang sabi ni Blade bago patakbong umalis sa harap namin.
Maraming rooftop dito sa M.U., pero sa inasta niya, parang alam na alam niya kung saang rooftop makikita ang tinutukoy nilang Ice.
Jake’s POV
“Mukha kang binagsakan ng langit,” nakangising sabi ni James nang lingunin ko siya.
“Pinagsasasabi mo diyan?” maang-maangan na tanong ni Agatha rito.
“Nothing. I just want to give you a warning. Kung may gusto ka kay Blade, itigil mo na,” seryosong sabi ni James dito.
“H-Hindi ko kayo maintindihan,” maang-maangan pa rin nitong sabi.
Napailing na lang ako at tumayo na.
“Our Queen said it once, ‘Walang puwedeng humawak sa pag-aari ko,’ so back off,” sabi ni Tristan at nauna nang umalis.
Sumunod naman ako rito.
Hindi na kami nagtungo sa silid-aralan dahil malamang ay hindi na papasok ’yon si King.
Blade Ford-Morgan’s POV
Nang malaman kong narito pala sa M.U. si Wifey, mabilis akong nagtungo sa rooftop. Pagpasok ko ay agad na dumapo ang tingin ko sa sofa. Naroroon si Wifey.
Payapa itong nakahiga habang ang dalawang braso ay nakapatong sa noo. Mukhang natutulog ito.
“Wifey?” mahinang sabi ko rito nang makalapit ako.
Unti-unti naman itong nagmulat. Bahagya akong napaatras dahil kitang-kita ko ang kulay pula nitong mata na agad ding nawala at bumalik sa normal. May pagka-bampira talaga ’to.
“Kumain ka na ba?” tanong ko na lang dito.
Umupo naman ito at tumingin sa akin.
“No,” simpleng sagot nito bago tumingin sa kalawakan.
“Tara, kain tayo!” masaya kong aya rito kahit na kakakain ko lang.
Hindi ko na hinintay ang sagot nito at agad ko na itong hinila patayo. Bumaba kami agad, at dahil lunch break pa lang ay maraming estudyanteng pakalat-kalat at kasalukuyang nakatingin sa amin ngayon.
Alangan akong humawak sa kamay ni Wifey sa takot na baka mapahiya at alisin nito ang kamay niya, pero napangiti ako nang hayaan niya akong gawin iyon.
Nakangiti akong naglakad patungo sa cafeteria. Akmang papasok na ako nang biglang tumigil si Wifey kaya napatigil din ako.
“Matao,” malamig nitong sabi.
Napayuko naman ako. Siguro’y nahihiya siyang makitang kasama ako. Akmang bibitawan ko na ang kamay nito nang humigpit ang hawak nito at hinila na ako papasok sa cafeteria.
Napangiti naman ako nang malaki.
Ang mga estudyante ay nakatingin at tila sinusuri ang babaeng kasama ko.
Pakiramdam ko naman ay kaming dalawa lang ang tao habang nakatingin ako sa magkahawak naming kamay. Hindi ko namalayang nakaupo na pala kami.
“Hindi ba tayo kukuha ng pagkain?” nagtataka kong tanong dito.
“No, sila na ang magdadala rito,” malamig nitong sabi at nag-iwas ng tingin.
Ramdam ko ang mga tingin ng mga estudyante sa aming dalawa—mali, kay Wifey lang pala.
Maya-maya pa ay lumabas na ang magluluto sa cafeteria. May tulak-tulak itong lalagyan na may takip pa. Tumigil ito sa harap namin at dahan-dahang binuksan.
Puro pagkain ang laman noon. Masasarap na pagkain.
“Kumain ka na,” sabi ni Wifey nang mailapag na sa lamesa ang mga pagkain.
Napalunok ako dahil kakakain ko lang. Nag-umpisa na kaming kumain.
Nakakailang dahil rinig na rinig ko ang mga bulungan ng mga estudyante.
‘Girl, sino ’yong kasama ni nerd?’
‘Ang ganda niya, girl. Mukhang hindi studyante dito.’
‘Dude, she’s stunning.’
‘You’re right.’
“Shut up,” malamig na sabi ni Wifey.
Tumahimik naman ang buong cafeteria.
“Well, well, well, hello, nerd.”
Nakangising dumating si Sarah. Nasa tabi nito ngayon si Limuel na kasalukuyang titig na titig kay Wifey.
“Anong kailangan n’yo? Pu’wede bang huwag ngayon? Kasi may kasama ako,” mahinahon kong sabi sa mga ito.
“Bakit? Natatakot ka bang mapahiya sa kasama mo, nerd? Sino ba ’yan? Hindi naman kagandahan, duh!” maarteng sabi ni Sarah at tiningnan si Wifey mula ulo hanggang paa bago umirap.
Tumayo na ako at hinarap ang dalawa.
“Tigilan n’yo na kami,” seryoso kong sabi rito.
Ayaw ko sa lahat ay ’yong aabot ako sa puntong kailangan kong magseryoso.
“At anong gagawin mo kung hindi ka namin tigilan?” nanghahamon na tanong ni Sarah.
“Titigilan n’yo kami sa ayaw at sa gusto mo,” matigas kong sabi.
“Aba’t sumasagot—” naputol ang sasabihin ni Sarah nang magsalita si Limuel.
“Titigilan ka namin ngayon, ’yon ay kung ibibigay mo sa ’kin ang pangalan ng babaeng kasama mo,” nakangising sabi nito.
Akmang aangal na si Sarah nang samaan ito ng tingin ni Limuel kaya wala itong nagawa kundi itikom ang bibig.
Natanaw ko naman sina James na papasok na ng cafeteria. Mukhang nakarating agad sa mga ito ang balitang binubully na naman ako.
“Hindi ko sasabihin sa inyo ang pangalan niya. Sino ba kayo sa akala n’yo?” matapang kong sabi sa mga ito.
“Ah, gano’n!” malakas na sabi ni Limuel at umambang susuntukin na ako.
“Ice.”
Natigilan naman si Limuel at tumingin kay Wifey na ngayon ay nakatayo na sa tabi ko.
“Ice ang pangalan ko,” malamig nitong sabi na nagpatahimik sa bulungan ng mga estudyante.
Nakangising lumapit naman si Limuel kay Wifey.
“Ako nga pala si Limuel. Sa akin ka na sumama at huwag na sa pangit na nerd na ’yan,” nakangising sabi nito kay Wifey at inilahad ang kamay.
“Sige.”
Napakuyom ako ng palad nang marinig ang sagot ni Wifey.
Nakita ko namang hinawakan ni Wifey ang kamay ni Limuel na nakalahad sa harap niya. Lalong humigpit ang pagkakakuyom ng kamao ko.
Ngunit ang sumunod na nangyari ay hindi ko inaasahan.
Masyadong mabilis ang lahat.
Saktong hawak ni Wifey sa kamay ni Limuel ay parang papel lang itong ibinaliktad niya. Bumagsak itong namimilipit sa lamesa.
“Binalaan na kita,” malamig na sabi ni Wifey rito bago hinawakan ang kamay ko at hinila ako palabas ng cafeteria.
Dinala ako ni Wifey sa opisina niya. Naupo ito sa upuan niya at huminga nang malalim. Kitang-kita ko ang bahagyang pagpula ng mga mata nito habang pilit pinapakalma ang sarili.
Napayuko na lang ako. Kahit galit ay hindi halata rito dahil sa ganda nitong taglay.
Habang ako—
balang araw ay iiwan at ipagpapalit na niya dahil isa lang akong pangit na nerd.
“Hindi ka pangit. Huwag mong isipin ang nangyari kanina. Hindi naman kita iiwan.”
Nagulat ako sa sinabi ni Wifey. Kahit na mahina ang dulo ng sinabi nito, malinaw ko pa rin iyong narinig.
Ngumiti ako nang malaki.
“I love you, Wifey!” malakas kong sabi rito.
Kita ko kung paano ito mamula at mag-iwas ng tingin. At kitang-kita ko rin kung paano umangat ang dalawang sulok ng labi nito.