Blade Ford-Morgan
“Good morning, sunshine,” nakangiting sabi ko bago bumangon sa malambot kong higaan.
“Manang, si Wifey, nasaan?” nakangiting tanong ko sa isang katulong na saktong dumaan sa tapat ng pinto ko.
“Nasa garden po, Sir Blade,” magalang nitong sagot bago yumuko at umalis.
Dali-dali akong nagpunta sa garden. Natanaw ko naman siya na tahimik na nakaupo habang nagkakape. Nakatingin siya sa malayo kaya naka-side view siya sa akin.
Napatitig ako sa mukha niya. Mukha talaga siyang bampira. Sa puti ng kutis niya, matangos na ilong, at mapupulang labi na mukhang natural sa kanya, talagang mukha siyang bampira para sa akin.
Naalala ko bigla ang isa pa sa dahilan kung bakit nasabi kong bampira siya—bigla na lang kasing namumula ang mga mata niya paminsan-minsan.
“Staring is rude.”
Nabalik naman ako sa reyalidad nang marinig ko siyang magsalita habang malayo pa rin ang tingin.
Napakamot na lang ako sa batok bago naglakad palapit sa kanya. Akmang magsasalita na sana ako nang bigla na naman siyang nagsalita.
“Anong kailangan mo?” tanong niya.
Dahil doon, kumunot ang noo ko. Mukhang may kausap na naman siyang hindi ko nakikita. Bampira talaga ’to, sigurado na ako.
“Tatayo ka na lang ba riyan?” tanong niyang muli bago kinuha ang kape at humigop.
Naupo ako sa tabi niya at hindi sa bangkong nasa harap niya, baka kasi doon maupo ang kausap niyang hindi ko naman nakikita.
“Kung sino mang kaluluwa ang kausap ni Wifey, pakiusap, sumagot na kayo. Baka mamaya ako ang mapagbuntunan nito ng inis, kaya sumagot na kayo please,” naka-cross fingers na sabi ko.
Tumahimik naman si Wifey.
“Ikaw ang kausap ko. Ano bang kailangan mo, nerd?” tanong niya bago ako tiningnan.
Muli ay nakaramdam ako ng hiya. Inakala ko na naman na may kausap siyang hindi ko nakikita. O baka naman meron nga, ayaw niya lang mabuko?
Tama. Tama.
Ngumiti ako nang malaki sa kanya at mas lumapit, hanggang sa halos dikit na dikit na kaming dalawa.
“Gusto ko sanang magpaalam, Wifey. Ngayon kasi ipapalabas sa sinehan ang new part ng Kung Fu Panda,” nakangiting sabi ko.
Bahagyang kumunot ang noo niya bago tumayo at tumingin sa akin.
“Okay. Change your clothes first, and I’ll go with you,” malamig niyang sabi bago ako tinalikuran.
Napatalon naman ako sa sobrang tuwa bago naglakad pabalik sa aking silid.
Tulad ng dati, nagsuot lang ako ng simpleng t-shirt bago lumabas ng kuwarto ko at nagpunta sa sala. Doon ay naabutan ko si Wifey na nakadekwatro at malayo na naman ang tingin.
Napansin ko naman ang buhok niya. Kulay brown na ito ngayon. Parang kanina lang ay kulay pula iyon. Simple lang naman ang suot niya—nakasandong puti na dinoblehan ng leather jacket, fitted jeans, at leather boots. Ang angas ng dating niya, isama mo pa ang mukhang wala kang mababasang kahit anong emosyon.
“Let’s go,” sabi niya bago tumayo at naglakad patungo sa garahe.
Nakasunod lang ako at habol ang tingin sa kanya. Sumakay siya sa isang sasakyan kaya sumakay din ako sa passenger seat nito.
Mabilis kaming nakarating sa pinakamalapit na mall. Nauna akong bumaba sa sasakyan at akmang pagbubuksan sana siya, pero iikot pa lang ako sa pinto niya ay nakalabas na siya.
Ang bilis talaga niyang kumilos.
Masaya akong napatingin sa mall at sa mga taong nakapila upang makapasok. Mukhang maraming tao ngayon dahil Sabado at maraming bagong palabas.
Pagpasok ng mall ay nagtinginan na ang mga tao sa kasama ko—kay Wifey na mukhang walang pakialam sa mga taong nakapaligid sa amin.
‘Ang ganda naman nung babae.’
‘Oo nga, p’re! s**t, akin ka mamayang gabi.’
‘Teka, ano niya ba ’yong nerd na kasama niya? Panira ng view.’
Rinig ko ang ilan sa mga bulungan. Imbes na makaramdam ako ng inis at panliliit sa sarili, nagkaroon pa ako ng confidence. Confidence dahil maganda ang kasama ko.
Imbes na patulan ang mga nagbubulungan—o kung matatawag pa bang bulungan ’yon gayong rinig na rinig ko naman—mas lumapit ako kay Wifey at humawak sa braso niya. Mabuti na lang at hindi niya iyon inalis at hinayaan lang akong nakakapit sa kanya.
Tumingin ako sa mga lalaking nagbubulungan kanina. Dinilaan ko ang mga ito nang madaanan namin bago ako muling tumingin sa harapan.
“Don’t mind them,” simpleng sabi ni Wifey kaya naman tumango-tango na lang ako rito. Baka mamaya ay mabwisit bigla at magyaya nang umuwi, kaya susundin ko na lang siya.
Nagtaka naman ako nang magdire-diretso kami sa loob ng sinehan. Walang bilihan at walang pagpila na nangyari. Naupo agad siya sa isang upuan kaya ganoon din ang ginawa ko.
Makalipas ang ilang sandali ay ipinalabas na ang gusto kong mapanood, ngunit nakapagtataka na kaming dalawa lang ang nasa loob ng sinehan.
Napatapik na lang ako sa noo ko nang maalala kong sarili niya ngang mall ito—Morgan Mall.
Hindi na ako nag-isip pa ng kung anu-ano. Nakangiti akong tumingin sa malaking screen na nasa harap namin. Feel na feel ko ang panonood nang biglang may naghatid sa amin ng popcorn at mga inumin.
“Salamat po,” sabi ko sa nagdala.
Yumuko lang ito at umalis na. Tiningnan ko naman si Wifey na kanina pa blangko ang mukha habang nakatingin sa screen.
Hinayaan ko na lang dahil ganito naman talaga palagi si Wifey. In-enjoy ko na lang ang panonood habang kumakain ng popcorn.
Someone
Mukhang nagsasaya ang reyna.
Magsaya ka lang dahil nalalapit na rin ang katapusan mo.
Mamamatay ka, katulad ng angkan mo.
HA. HA. HA. HA.
Ace
Sabado ng tanghali ay abala akong inaayos ang mga papeles na ibibigay ko sa tatlo, dahil inutusan sila ni Queen.
Maya-maya lang ay dumating na ang mga ito. Kanya-kanya silang upo rito sa pad ko. Si Tristan naman ay dumiretso sa kusina ko; malamang ay kukuha iyon ng lollipop.
“Yow!” bati ni James nang lumapit ako rito at ibinigay sa kanila ang mga papeles isa-isa.
Ang totoo niyan, barkada ko ang mga kupal na ’to, kasama si Queen. Kaya naman sa lahat ng bagay, basta konektado sa amin, maaasahan namin ang isa’t isa.
“Ano bang dahilan kung bakit tayo pinalipat ni Queen sa university niya matapos niya tayong ipatapon sa ibang bansa?” nagtatakang tanong ni James.
Si James Villafuerte, ang hacker sa grupo namin. Magaling itong humawak ng kahit anong sandata—pang-long range man o short range. Halos lahat naman kaming under kay Queen ay bihasa sa paggamit ng iba’t ibang armas.
“Bakit nga ba biglaan ata ’to?” nagtatakang tanong din ni Jake, isang napakayabang na nilalang. Lahat na yata ay biro sa isang ito, maliban na lang sa trabahong ipinapagawa ni Queen.
Tumingin naman ako kay Tristan na kalalabas lang ng kusina. May dala itong lollipop sa magkabilang kamay habang may nakasubo pang dalawa sa bibig nito.
“Baka magtatanong ka rin?” nakakalokong tanong ko rito.
Kumunot ang noo nito at umiling-iling. Akmang magsasalita ito ngunit muntik nang mahulog ang lollipop na nasa bibig niya, kaya napili na lang nitong umiling muli at tinalikuran ako.
Si Tristan Co, ang pinakabata sa amin. Isang napaka-childish na lalaki, handang gawing suklay ang tinidor kapag naiwan ang suklay sa bahay. Yes, he’s weird.
“Here,” sabi ko at inabot ang mga papeles sa kanya.
Binitawan naman ni Tristan ang lollipop at inabot ang mga papeles na ibinibigay ko.
Tahimik na binasa ng tatlo ang ibinigay ko sa kanila.
“Blade Ford-Morgan? Napakalupit naman pala ng pangalan nito. Siguradong guwapo ’to,” sabi ni Jake habang nakatingin sa papel. Binuklat niya ito at halatang nagulat siya.
“Mukhang pumapalpak ka na ngayon, Ace. Maling picture ang nailagay mo. Malabong itong nerd na ’to ang pakasalan ni Queen. Ang labo nun!” maktol nito bago ipinakita sa akin ang picture ni Blade.
“Siya nga ’yan,” simpleng sagot ko lang.
Bagama’t nagulat, ay sumeryoso na lang ang tatlo.
“Hindi talaga makapaniwala ang guwapong ako na papatol si Queen sa baduy na nerd na ’to,” muling sabi ni Jake at muling tinitigan ang picture ni Blade.
Napailing-iling na lang ako dahil doon.
“He’s childish, just like you, Tristan,” sabi ko kay Tristan habang nakatingin dito.
Nanatiling nakatitig ang mga mata ni Tristan sa picture ni Blade habang may subo-subong lollipop.
“Guwapo naman siya. Try to look at him and imagine him without wearing those clothes and eyeglasses,” seryosong sabi ni James.
Tulad ng sinabi niya, agad iyong ginawa ni Jake. Maging si Tristan ay mas tinitigan pa ang picture nito.
Dahil sa kalokohan nila, namalayan ko na lang ang sarili kong nakatitig sa picture nito at napapasang-ayon sa sinabi ni James.
He’s right.
He’s handsome without those stupid stuffs.
Queen Denise Morgan
Matapos manood ay nakaramdam ako ng gutom. Malamang ay gutom na rin ang nerd na ’to.
Dumiretso kami sa Buddies dahil malapit lang naman ito sa sinehan.
Habang kumakain ay naninibagong tiningnan ko ang nerd na nasa harap ko.
“May problema ba?” kunot-noong tanong ko rito.
Umiling-iling ito at nilunok ang kinakain bago nagsalita.
“Wala naman akong problema, Wifey. Bigla ko lang naisip kung anong pakiramdam magkaroon ng alagang panda,” nakangiting sabi nito bago muling ipinagpatuloy ang pagkain.
Napatitig na lang ako rito. Seryoso ba ’to? Panda? Gustong-gusto niya talaga ang panda.
Mabilis kaming natapos kumain dahil pareho kaming walang imik.
Lumabas kami, ngunit tumigil sa paglalakad si Blade.
Tiningnan ko ito at nakita kong nakatingin siya sa isang ice cream parlor.
Hinila niya ako papasok sa loob.
“Gusto ko ’yon, tapos ’yon,” sabi niya sabay turo sa chocolate flavor at sa cookies and cream flavor.
“Humanap ka na ng mauupuan at hintayin mo ako,” sabi ko na lang dito.
Ngumiti ito sa akin at tumango-tango bago ako tinalikuran at naghanap ng mauupuan.
Mabilis ko naman nakuha ang order ko, ngunit nang papunta na ako sa table kung saan nakaupo si Blade ay nakita ko itong pinalilibutan ng tatlong lalaki.
Bigla akong nakaramdam ng pangamba at pag-aalala kaya dali-dali akong lumapit sa mga ito.
“Bata, ibigay mo na lang sa amin ang kasama mong babae at hindi ka namin sasaktan,” rinig kong sabi ng isang lalaki.
Tumawa naman ang isa bago nagsalita.
“Oo nga, tama siya. Ibigay mo na lang sa amin ’yang babae dahil hindi naman kayo bagay,” nakangising sabi ng isa pang lalaki.
“Hindi nababagay ang tulad niyang beauty sa beast na tulad mo, bata,” sulsol naman ng ikatlong lalaki.
Kita kong nangingilid na ang luha ni Blade. Tumingin ako sa manager ng ice cream parlor at tumango ito sa akin.
Akmang sisingit na sana ako sa usapan nang biglang sumigaw si Blade.
“HINDI KO IBIBIGAY SA INYO SI WIFEY!” malakas niyang sabi, ngunit halata sa boses nito ang takot.
Akmang susuntukin na ng lalaki si Blade nang biglang nagdatingan ang mga guard at kinaladkad palabas ang mga lalaki.
Nagsisigaw pa ang mga ito na hindi ko na binigyang-pansin at mabilis kong inilapag ang ice cream sa table.
“Okay ka lang?” tanong ko kay Blade habang tinatapik siya dahil nakapikit ito at parang inaabangan ang suntok ng lalaki kanina.
Unti-unti niyang binuksan ang mga mata. Nangilid ang luha nito nang makita ako.
Yumakap ito bigla sa bewang ko at parang batang umiyak.
“Wifey, ayaw kong ibigay ka sa kanila… sobs” umiiyak na sabi nito.
Pinisil ko ang likod niya bago unti-unti siyang inilayo sa akin dahil nagtitinginan na ang mga tao.
“Hindi naman ako sasama sa kanila. Huwag ka nang umiyak, matutunaw na ang ice cream,” pagpapagaan ko ng loob dito.
Tumango-tango ito at marahang pinunasan ang luha.
Nagsimula na kaming kumain ng ice cream. Pareho kaming tahimik at walang imik.
Mabilis kaming natapos at lumabas na ng mall dahil madilim na rin naman.
Tulad ng inaasahan ko, may naghihintay sa aming paglabas.
“Hello, binibini.”