KABANATA 13

1770 Words
Queen Denise Morgan “Hello, binibini,” nakangising sabi sa akin ng lalaking kanina ay nanggulo sa loob ng mall. “Wifey, natatakot ako,” kinakabahang bulong sa akin ni Blade, kaya hinawakan ko ang kamay nito. Nanlalamig iyon at nangingatal—senyales na takot talaga siya. “Pumasok ka na sa kotse,” mahinang sabi ko rito. Mas mabuti nang nasa loob na siya ng sasakyan para hindi siya magamit laban sa akin. “Ayaw. Hindi kita iiwan dito sa labas nang mag-isa. Hindi kita ibibigay sa kanila,” matigas nitong sabi bago hinigpitan ang hawak sa kamay ko. Tiningnan ko ang mga mata ng nerd. Napangisi ako nang makitang walang kahit anong bakas ng takot na mababasa roon. “Pinag-uusapan n’yo na bang ibigay sa amin ang babaeng ’yan, ha, nerd?” tanong ng isang lalaking may hawak na baseball bat. Unti-unting lumapit sa amin ang lalaking may pinakamalaking katawan. Akmang hahawakan na niya ako at susuntukin ko na sana siya nang biglang may sumuntok dito. “Wifey, tara na!” malakas na sabi ni Blade bago ako hinila. Nagpadala na lang ako sa paghila niya. Tumakbo kami nang tumakbo, pero dahil tatlo sila ay naabutan din kami ng mga ito. Nahawakan ng dalawa si Blade habang ang isa naman ay unti-unting lumalapit sa akin. “W-Wifey, tumakbo ka na—agh!” Nabaling ang tingin ko sa kanya nang marinig ang malakas niyang daing. Sinuntok siya ng lalaking may hawak sa kanya. Tumama iyon sa pisngi niyang hanggang ngayon ay may pasa pa rin dahil sa natamo niyang pambubully sa school. Kita ko ang pagtaas-baba ng mga balikat niya. Malamang ay umiiyak na naman ang nerd na ’to. Tuluyan nang nakalapit sa akin ang lalaki. Mabilis kong iniwasan ang akmang paghawak niya sa akin habang nakatingin pa rin kay Blade na umiiyak. Tsk. Kalalaking tao. Dala ng pagkainis ay sinuntok ko ang lalaking nasa tabi ko. Sinipa ko agad ito sa mukha bago pa siya makabawi. Nang mapansin ng dalawa na tulog na ang isa nilang kasamahan, ay mabilis at sabay nila akong sinugod. Iniwasan ko ang isa habang ang isa naman ay hinawakan ko sa kamay bago itinulak sa kanyang kasamahan. Natumba ang dalawa nang magkapatong. Nang makabawi ang dalawa ay muli nila akong sinugod. Mabilis kong sinipa ang ari ng isang lalaki habang ang isa naman ay siniko ko sa mukha. Sinundan ko iyon ng dalawang magkasunod na suntok sa mukha ng mga lalaki. Sinigurado kong sapat ang lakas na ibinuhos ko sa mga suntok ko para hindi na sila makatayo pa. Dahil sa lakas niyon, pareho silang natumba, at tulad ng nauna nilang kasamahan, nawalan din ng malay ang mga ito. Naglakad ako palapit kay Blade na nakaupo na sa kalsada. Tumataas-baba ang mga balikat nito. May ibinubulong siya na unti-unti kong narinig nang makalapit ako. “Wifey… Wifey… sobs… Wifey…” Bulong nito habang umiiyak. Parang may kung anong mainit na humaplos sa puso ko. Hinawakan ko ang balikat niya. Unti-unti siyang tumingin sa akin. Ang mga mata niya ay punong-puno ng luha. Biglang nagliwanag ang mukha niya nang makitang ligtas ako. Mabilis siyang tumayo at niyakap ako. Hindi ako agad nakagalaw. “Wifeyyy…” sabi niya habang nakayakap sa akin. “Tahan na. Tara na,” pagpapakalma ko rito. Kinalas niya ang pagkakayakap sa akin. Tumango-tango siya sa harap ko habang nagpupunas ng luha. Napaiwas ako ng tingin. Naglakad na ako patungo sa sasakyan. Naramdaman ko namang sumunod na siya sa akin. “Maayos na ba ang pakiramdam mo?” tanong ko rito nang makasakay na siya sa passenger seat. Tumingin siya sa akin at ngumiti nang malaki, ngunit agad ding napangiwi at napahawak sa labi nito. Napailing na lang ako. Dalawang beses na siyang nasuntok. Malamang ay masakit iyon. “Huwag ka nang magsalita. Ipahinga mo ’yang labi mo,” mahinang sabi ko rito bago ako nagmaneho. Mabuti naman at sinunod niya ako. Nanatili siyang tahimik hanggang sa makarating kami sa mansyon. “Umakyat ka na sa silid mo,” utos ko rito. Kita ko ang paglungkot ng mukha niya bago siya tuluyang umakyat sa hagdan. Nakatingin lang ako rito hanggang sa mawala siya sa paningin ko. Nagpunta ako sa kusina at kumuha ng ice cubes. Inilagay ko ang mga ito sa isang tela. Kinuha ko rin sa emergency kit ang ointment na puwedeng ilagay sa sugat niya sa labi bago ako umakyat sa taas. Kumatok ako sa pinto ng silid niya. Lumipas ang ilang sandali ay nagbukas iyon. “Wifey,” nakangiting sabi niya bago binuksan nang malaki ang pinto. “Idampi-dampi mo ’to sa sugat ng labi mo. Pagkatapos ay lagyan mo nitong ointment bago ka matulog,” sabi ko habang inilalapag sa side table ang mga dala ko. Nakangiting nakatingin lang naman siya sa akin. Nakita ko naman ang salamin niya na nasa side table, kaya tumingin ako rito. Wala pala siyang suot na salamin. Kaya pala guwapo siya sa paningin ko. “Salamat, Wifey,” sabi niya bago ako tuluyang makalabas ng silid niya. Dumiretso agad ako sa sarili kong silid at nag-half bath bago tuluyang humiga. Blade Ford-Morgan Hindi mawala ang ngiti sa aking mga labi habang idinadampi ko ang telang may lamang yelo. Sa totoo lang, sobrang sakit nito kanina pa. Medyo nalungkot pa ako kanina dahil akala ko ay wala akong pakialam kay Wifey. Pinaakyat niya agad ako sa silid ko. Kaya ganoon na lang ang saya ko nang kumatok siya sa silid ko at dinalhan ako ng mga gamot na ’to. Napatingin ako sa malaking buwan na kitang-kita sa salamin ng bintana ko. Ang ganda nito. Lumapit ako roon habang nakadampi pa rin ang yelo sa labi ko. Isinara ko ang kurtina at dumiretso na sa kama ko. Kinuha ko ang ointment at nilagyan ang labi ko. “Ah—” nasabi ko nang maparami ang lagay ko. Napakahapdi noon at masakit, pero lumipas ang ilang segundo ay agad din itong nawala. Parang gumaan ang pakiramdam ko. Humiga na ako at pumikit, pero kahit nakapikit ay hindi pa rin ako makatulog. “Linggo bukas… Kung akitin ko kaya siyang magsimba?” Napamulat ako dahil sa naisip ko at napangiti. Tama. Aakitin ko siyang magsimba. Nakangiting kinain ako ng antok at nakatulog. Butler Mae Linggo ng umaga ay pinuntahan ko agad si Queen sa silid nito. Tulad ng inaasahan, bago ko pa man mabuksan ang pinto ay siya na mismo ang nagbukas nito. Nakatitig sa akin ang malamig niyang mga mata, walang bakas ng pagtatanong o kahit anong emosyon. “Any moment ay darating na sina Ace, Queen,” magalang kong sabi rito. Hindi siya sumagot. Bagkus ay tumingin siya sa bahaging naroon ang hagdan pababa. Maya-maya pa ay tumunog ang malakas na doorbell. “Nandiyan na sila,” malamig niyang sabi bago lumingon sa pinto ng silid ni Blade. Nagulat ako nang bigla itong bumukas at lumabas doon si Blade, saka tumakbo pababa. Mukha itong excited na excited. Wala akong nagawa kundi sundan na lang siya ng tingin. Ang lakas ng pakiramdam ni Queen. “Tara na sa baba. Siguradong lalabas na naman ang pagiging OA ng mga taong ’yon,” malamig na sabi ni Queen bago naunang maglakad. “A-Ah, tama,” nasabi ko na lang bago sumunod dito. Mabilis kaming nakababa ng hagdan at doon ay sumalubong sa amin ang isang eksena. Hawak-hawak nina Tristan at Jake si Blade sa magkabilang braso habang si James naman ay parang sinusuri ito. Si Ace naman ay nakaupo sa mahabang sofa at nakadekwatro. “W-Wifey!” malakas na sabi ni Blade kay Queen na ngayon ay nasa tabi ko. Sabay-sabay na nagsilingon ang mga kaibigan ni Ace, habang si Ace naman ay napatayo. “Queen, nakita namin ang lalaking ito na pumasok sa bahay n’yo. Mabuti na lang at nahuli siya ng guwapong tulad ko,” punong-puno ng kumpiyansa sa sariling sabi ni Jake. Ramdam ko naman ang malamig na aura ni Queen. “W-W-Wifey, inaaway nila ako,” sabi ni Blade. “Manahimik ka diyan, lalaki. Huwag ka nang magpanggap dahil bistado ka na,” sabi ni Jake. Si James naman ay mukhang nakahalata na dahil tahimik ito at para lang tutang nakayuko sa tabi ni Blade. Natahimik naman kaming lahat nang makarinig kami ng pagkasa ng baril. Unti-unti akong napatingin kay Queen na malamig na nakatingin kay Jake. “M-Madam naman, huwag mong ipuputok ’yan! Mawawalan ng guwapong tulad ko sa mundo!” malakas na sabi nito habang alanganing nakangiti. BANG! Nakaiwas ito nang paputukin ni Queen ang baril. Akala ko ay papuputukan pa nito si Jake dahil madalas mangyari ang ganitong eksena sa sobrang hangin ng Jake na ’to, ngunit natigil iyon. Nakita ko si Blade na nakapikit at nakaupo sa tiles. Natatakpan ng dalawang kamay nito ang mga tenga at mukhang takot na takot. “Tama na… t-tama na, D-Dad!” malakas nitong sabi bago ito mawalan ng malay. Mabuti na lang at bago pa tumama ang ulo niya sa sahig ay nasambot na siya ni James. Napahinga ako nang malalim bago napatingin kay Queen. Kita kong natigilan siya. Nakita ko ang panandaliang pagdaan ng lungkot sa mga mata niya. Hindi ko namalayang napangiti ako. Ang aming Reyna, umiibig na. Queen Denise Morgan Nadala na nina James at Jake si Blade sa silid nito matapos mahimatay. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagigising. Base sa sinabi ni Dr. Ramirez, dala iyon ng sobrang takot at stress. Kailangan lang daw nitong magpahinga dahil bugbog pa rin ang katawan nito hanggang ngayon. “We have a meeting, 9 PM, at Makati’s Bar,” sabi ni Ace bago inilabas ang isang dokumento. Kinuha ko iyon at binasa. Napangisi ako bago ko ibinaba at tumango. It’s a nice deal, at alam kong hindi kami malulugi. Kaya sisiputin namin iyon mamaya sa Makati’s Bar. Actually, hindi iyon pangalan ng bayan o lungsod—Makati’s Bar talaga ang pangalan ng bar. Hindi ko alam kung sino ang may-ari noon, pero ang tanga niya magpangalan. Tsk. Gayunman, dinadayo iyon. Maganda ang services at talagang classy ang lugar. Sakto ring takbuhan ng mga bulakbol na estudyante ng M.U. dahil malapit lang ang bar na iyon sa university ko. “Queen, siya ba talaga ’yong napangasawa mo? Bakit gano’n, mas guwapo ako?” malakas ang loob na tanong ni Jake. Nakita ko na siniko siya ni James. “Pagpasensyahan mo na ang kahanginan niya. Hindi na yata talaga mababawasan ’yon, Queen,” nakangiting sabi ni Ace. “It’s already 8 PM. Prepare yourselves,” sabi ko bago ako tumayo at tinalikuran sila. “Ayan, tanga mo kasi. Nagalit tuloy,” rinig ko pang sabi ni James kay Jake.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD