Blade Ford-Morgan’s POV
Kasalukuyan akong naglalakad papunta sa kuwarto namin ng Reyna ko.
Simula nang ma-coma siya, dito ko siya pinanatili sa mansyon ko. Hindi ko kayang ilayo ang sarili ko sa kanya. Sa totoo lang, pakiramdam ko, kapag hindi ko siya nakikita kahit sandali, para akong hinihingan ng hangin. Kaya naisip ko na rin na sa iisang silid na lang kami manatili para mabantayan ko siya anumang oras.
Pagbukas ko ng pinto, ang payapa at napakaganda niyang mukha agad ang bumungad sa akin.
Tahimik lang ang paligid. Tanging mahina lang na tunog ng aircon at ng monitor sa tabi ng kama niya ang maririnig. Maputla pa rin siya, pero hindi na katulad ng dati. Mas may kulay na ang mga pisngi niya ngayon. Para bang anumang oras, maaari na siyang magmulat at sungitan ako.
Ngumiti ako sa naisip ko.
Lumapit ako sa kama niya bago marahang naupo sa tabi nito. Inabot ko ang kamay niya at marahang hinawakan. Malambot pa rin. Mainit-init na rin, hindi katulad dati na halos matakot ako sa lamig ng balat niya.
“Wifey, gumising ka na oh,” mahinang sabi ko habang pinipisil-pisil ang kamay niya. “Miss na miss na kita. Atsaka pangako… ako na ang poprotekta sa ’yo pag gising mo. Hindi na ako magiging pabigat sa ’yo.”
Habang sinasabi ko iyon, ramdam ko ang paninikip ng dibdib ko.
At gaya ng madalas mangyari nitong mga nakaraang taon, bumalik na naman sa isip ko ang araw na iyon.
Ang araw na halos tuluyan akong mawalan ng mundo.
FLASHBACK
“Bitawan mo ako! Si Wifey nando’n pa! Balikan natin siyaaa!” naiiyak kong sigaw kay Butler Mae habang pilit kumakawala sa pagkakahawak niya sa akin.
“I’m sorry, King, pero utos ’to ni Queen. Ayoko rin namang iwan siya doon, pero ayoko ring magalit siya kapag napahamak ka,” nanginginig ngunit buo niyang paliwanag.
Ramdam ko ang bigat ng bawat segundo. Ang tunog ng putukan. Ang amoy ng pulbura. Ang sigaw ng mga tao. Ang kaba na parang may bakal na kamay na pumipiga sa puso ko.
Nagkaroon ako ng lakas para makatakas.
Hindi ko alam saan nanggaling ang lakas na ’yon, pero siguro gano’n talaga kapag mahal mo ang isang tao—bigla kang nagiging desperado, bigla kang nagiging matapang kahit nanginginig ka sa takot.
Hinabol ako ni Butler Mae, pero nauna akong pumasok sa isang pinto.
At ang unang eksenang sumalubong sa akin ay isang lalaking baliw ang tawa habang nakatutok ang baril kay Wifey.
Napatingin ako sa paligid.
Maraming katawan ang nakahandusay. Maraming duguan. Pero nang makilala ko ang ilan sa mga tao namin at makitang sugatan lang sila—buhay pa—bahagya akong napangiti.
Tinupad nila ang golden rule ng organisasyon.
Stay alive.
Pero agad ding nabura ang ngiti ko nang may malamig na bagay na dumikit sa gilid ng ulo ko.
“Oww! Mukhang nandito ang Hari,” nababaliw na sambit ng lalaki sa likod ko.
Mas diniinan pa niya ang baril sa sintido ko.
“Ikaw kaya unahin ko?” nakangising sabi nito.
Sa sandaling iyon, hindi ko alam kung paano ako nakapag-isip. Hindi ako sinanay noon sa mga ganitong sitwasyon, pero may kung anong boses sa loob ko ang sumigaw na gumalaw ka na.
Kaya ginawa ko.
Mabilis kong pinilipit ang kamay niyang may hawak ng baril. Nabitiwan niya iyon. Siniko ko siya sa tiyan at tumakbo palayo.
Saktong paglingon ko, napulot na niya ulit ang baril.
Itinutok niya iyon sa akin.
Ngumisi siya.
“Paalam na, mahal na Hari.”
Kitang-kita ko kung paano niya kinalabit ang gatilyo.
Wala akong nagawa kundi pumikit.
Hinintay kong tamaan ako ng bala.
BANG
BANG
Ngunit sa halip na sakit, may init akong naramdaman.
May yumakap sa akin.
Mahigpit.
Pamilyar.
At sa mismong segundong iyon, alam ko na kung sino.
BANG
BANG
BANG
BANG
Nagmulat ako.
Si Wifey.
Yakap niya ako habang ang katawan niya ang tumanggap ng mga bala.
Nanlaki ang mga mata ko. Gusto kong sumigaw pero parang may humarang sa lalamunan ko. Tumingin siya sa akin at… ngumiti.
Ngumiti siya sa akin sa gitna ng impyernong iyon.
“QUEEEEEEEEEENNNNNNNN!” sigaw ni Butler Mae.
“s**t, Wifey!” sabi ko nang bumigay ang katawan niya sa akin.
Nawalan ng lakas ang mga tuhod ko kaya napaupo ako sa sahig, hawak-hawak siya.
Nanlamig ang mga kamay ko habang hinahawakan ko ang pisngi niya. Ramdam ko ang init ng dugo. Ramdam ko ang pag-agos nito. Ramdam ko rin ang pag-init ng mga mata ko.
“W-Wifey, wake up, please…” natatakot kong sabi habang tinatapik ang mga pisngi niya. “Wifey… gumising ka…”
Hindi siya gumagalaw.
At doon tuluyan nang bumigay ang mga luha ko.
“W-W-Wifey naman… huwag mo ’kong i-prank…” umiiyak kong sabi.
Ramdam ko ang mga tauhan namin na nakapaligid sa amin. Ramdam ko ang tensyon. Ang panic. Ang takot. Pero sa totoo lang, wala akong naririnig nang maayos. Siya lang ang nakikita ko.
Dahan-dahan niyang binuksan ang mga mata niya.
Agad kong pinahid ang luha ko, pero kahit anong punas ko, patuloy pa rin ang pag-agos nito.
“W-wag k-kang u-umiyak…” putol-putol niyang sabi. “P-para k-kang b-bakla…”
Ramdam kong nahihirapan siyang magsalita, pero pinilit pa rin niyang asarin ako.
Gano’n siya.
Kahit duguan, kahit naghihingalo, kaya pa rin akong asarin.
“W-Wifey, lumaban ka… malapit na ang ambulansya…” nanginginig kong sabi.
Hindi pa rin natitigil ang pag-agos ng mga luha ko.
Tumingin siya sa akin. Diretso. Malambot.
At saka niya sinabi ang mga salitang hanggang ngayon ay naka-ukit pa rin sa bawat parte ng pagkatao ko—
“M-m-mahal k-kita… h-h-hubby…”
FLASHBACK END
Nagising ako mula sa pagbabalik-tanaw na iyon nang maramdamang mas lalo na namang bumigat ang dibdib ko.
Pero kasabay no’n ang pagngiti ko.
Dahil sa tuwing naaalala ko kung paano niya ako tinawag na hubby at kung paano niya sinabing mahal niya ako—pakiramdam ko, kahit gaano kasakit, may natitira pa ring liwanag sa alaala ko.
Patayo na sana ako nang maramdaman kong may gumalaw.
Natigilan ako.
Dahan-dahan kong ibinaba ang tingin ko sa kamay niyang hawak ko.
Isa sa mga daliri niya—
gumalaw.
Nanlaki ang mga mata ko.
Sa sobrang gulat ko, ilang segundo akong natigilan. Pero kahit nanginginig ang loob ko, agad kong kinuha ang phone ko at tinawagan si Ace.
Mabilis naman niya akong sinagot.
“Bakit, King? Anong problema?” bungad nito.
“Call Dr. Ramirez,” simple at pilit kong kalmadong sabi.
Sa totoo lang, gusto ko nang sumigaw. Gusto kong magwala sa tuwa. Gusto kong tawagin lahat ng tao sa mansyon at ipagdiwang na may himala nang nangyayari sa wakas.
Pero hindi ko ginawa.
Dahil takot ako.
Takot akong baka namamalikmata lang ako.
Takot akong baka magkamali ako ng akala at masaktan na naman.
Kahit na naguguluhan si Ace sa tono ko, sinunod niya agad ang utos ko at lumabas ng silid.
Naiwan akong nakatingin kay Wifey.
Siguro nga, naging malamig na ako sa ibang tao nitong mga nakaraang taon. Ayaw ko nang ipakitang nasasaktan ako. Ayaw kong may ibang makakita sa akin na mahina. Ayaw kong malaman ng mundo kung ano ang tunay kong kahinaan.
Dahil minsan nang ginamit ng kalaban ang kahinaan kong iyon laban sa Reyna ko.
At hindi na ’yon mauulit.
Ilang sandali pa ay bumukas muli ang pinto.
“King,” bati ni Dr. Ramirez.
Nasa likod niya si Ace na seryoso rin ang mukha.
“H-Hindi ko alam kung namalikmata lang ako kanina,” sabi ko, pinipilit gawing steady ang boses ko. “Parang gumalaw siya, kaya ipinatawag kita para tingnan.”
Tumango naman sa akin si Dr. Ramirez. Lumapit siya kay Wifey at sinuri siya nang mabuti. Chineck ang mata. Ang pulse. Ang reflex. Ang monitor. Lahat.
Nanatili lang akong nakatingin sa bawat galaw niya.
Parang ang bagal ng oras.
Parang ang bawat segundo ay isang buong taon.
Nang matapos siya ay tumingin siya sa amin.
At ngumiti.
Hindi ko napigilan ang sarili kong tumayo.
“Malapit na siyang magising, King,” masaya niyang sabi. “’Yong kanina na ginawa niya ay signal. Signal ng pagbabalik niya.”
Pakiramdam ko biglang gumaan ang mundo ko.
Parang may nagtanggal ng malaking batong matagal nang nakadagan sa dibdib ko.
“Okay. You can leave now,” seryoso kong sabi.
Kailangan na nilang umalis habang napipigilan ko pa ang sarili ko.
Habang napipigilan ko pang hindi ngumiti nang parang siraulo.
Inayos lang ni Dr. Ramirez ang mga gamit niya at lumabas na ng silid, kasunod si Ace.
Nang tuluyan nang maisara ang pinto, dali-dali akong lumapit kay Wifey at masaya kong pinisil-pisil ang malambot niyang pulang buhok.
“Gising ka na, Wifey…” masaya kong sabi. “Miss na miss ko na ang kasungitan mo.”
Napatingin naman ako sa wall clock at nagulat sa oras. Hindi ko namalayang dis-oras na pala ng gabi. Kaya pala nakakaramdam na ako ng kaunting antok.
Marahan kong hinalikan ang noo ni Wifey bago ako tumayo at nagtungo sa katabing kama niya.
Nahiga ako at nanatiling nakatitig sa ceiling.
Napangiti ako nang makita ang 3D panda art sa kisame—ang pandang nalaman kong ipinagawa pa ni Wifey ayon kay Butler Mae.
Napangiti ulit ako.
Kahit tulog, kahit comatose, nagawa pa rin niyang lagyan ng panda ang kwartong kasama niya ako.
Dahil sa sobrang pagod ay hindi ko na naisipang kumain ng hapunan. Kanina pa ako galing sa mahabang training. Alam kong marami na akong natutunan at bihasang-bihasa na ako kumpara noon, pero pakiramdam ko kulang pa rin.
Hindi pa rin sapat.
May transaksyon din kanina sa underground, nagkaroon ng meeting sa Thanatos Palace, ganoon din sa Twin Building. Kulang na lang ay hatiin ko sa apat ang sarili ko para mapuntahan ang lahat ng dapat kong puntahan dahil wala ang aking Reyna.
Napalingon naman ako sa kabilang kama kung saan nakahiga si Wifey.
Napangiti ako habang iniisip kung gaano ako kaswerte sa babaeng ’to.
Bakit ba kasi napakaperfect ng asawa ko?
Reyna ko na, maganda pa. Nakakatakot pa minsan. Matalino. Malakas. At kahit ilang taon siyang nawala sa malay, siya pa rin ang sentro ng mundo ko.
Dala ng pinagsamang pagod at saya ay nakatulog na lang ako nang hindi ko namamalayan.
--------
“WAAAAAAAHHHHHHHHH!”
Mabilis akong napabangon mula sa pagkakahiga.
Naalerto agad ako. Kinuha ko ang baril na nasa ilalim lang ng unan ko at mabilis kong nilingon ang kama kung saan naroroon si Wifey.
Nakatutok na ang baril ko roon.
Pero agad ko rin iyong naibaba.
Si Wifey.
Nakaupo siya sa kama.
Gulo ang buhok. Nanginginig ang mga balikat. Halatang takot na takot ang mukha at mga mata niya—at ikinagulat ko pa lalo ang tingin niyang parang ako ang kinatatakutan.
“S-S-Sino ka? A-A-Asan ako? H-Ha?” nanginginig niyang tanong.
Kumunot ang noo ko dahil sa inasta niya, ngunit dala ng sobrang saya ay hindi ko na muna pinansin ang tanong niya.
Agad akong lumapit dito at kinabig siya palapit sa akin bago niyakap nang mahigpit.
“Oh, thank God, you’re awake,” sabi ko habang yakap-yakap siya.
Ramdam kong nanigas siya sa gulat, pero hindi ko na ’yon pinansin. Sa sandaling iyon, wala akong pakialam. Gising siya. Gising na siya. Iyon lang ang mahalaga.
Ilang sandali pa ay mahina siyang sumagot.
“Ahhh… hehehe…”
Napahigpit pa ang yakap ko bago ko iyon dahan-dahang kinalas. Hinawakan ko siya sa magkabilang pisngi at tinitigan sa mga mata.
“May masakit ba sa ’yo? Sabihin mo?” mahina at nag-aalala kong tanong.
Nakita ko naman siyang napalunok at umiwas ng tingin.
“Wala naman, Kuya… pero sino ka po ba at bakit bigla ka na lang nagyayakap? Nasaan ako?”
Parang tumigil ang mundo ko.
Parang may humampas ng malamig na bakal sa ulo ko.
Binitiwan ko siya.
Agad kong tinawagan si Ace.
“Gising na siya. Call Dr. Ramirez dahil mukhang may naging problema,” malamig kong sabi bago ibinaba ang telepono.
Ilang sandali pa ay dumating sina Ace kasama si Dr. Ramirez, pati sina Tristan, Jake, at James. Nang makita ng mga ito na gising na si Wifey ay mabilis silang nagsiyukuan bilang paggalang.
“Queen,” sabay-sabay nilang sabi.
Tiningnan ko ang mga mata ni Wifey.
Takang-taka siya.
Naguguluhan.
Takot.
Lumapit si Dr. Ramirez upang i-check siya.
“Naaalala mo ba ako, Queen?” tanong nito.
Hindi naman siya agad sumagot at tinitigan pa si Dr. Ramirez nang mabuti.
“Manong, hindi ko ho kayo naaalala… pati na rin ’yong lalaking ’yon,” sabi niya sabay turo sa akin. “Bigla niya na lang po kasi akong niyakap. Nagulat nga po ako, eh. Hehe. Pero in fairness po, ang guwapo n’yo pong lahat.”
Halata naman ang pagkagulat sa reaksyon ni Dr. Ramirez, ganoon din kina Ace at sa mga kaibigan ko.
“Ang tagal ko nang hinintay na masabihan ako ni Queen na guwapo ako, pero hindi naman sa ganitong sitwasyon,” rinig kong bulong ni Jake.
Napailing na lang ako at naglakad palapit sa kama niya.
Naupo ako sa tabi niya at hinawakan ang kamay niya.
Akmang aalisin niya iyon nang hinigpitan ko ang pagkakahawak.
Tumingin ako kay Dr. Ramirez, saka kina Ace.
Tinanguan ko sila.
Mukhang nakuha naman nila ang gusto kong iparating dahil sama-sama silang nagsilabasan ng silid.
Nang kami na lang dalawa, mas lumalim ang katahimikan.
“Wifey…” mahinahon kong sabi. “Hindi mo ba talaga ako naaalala? Ako ’to, si Blade.”
Tinitigan ko ang mga mata niya.
Ang mukha niyang dati’y halos walang emosyon—ngayon ay litaw na litaw ang pagkalito.
Gulong-gulo siya. At alam kong nararamdaman ko iyon dahil sa paraan ng pag-iwas niya sa akin, sa pagkagat niya sa labi, sa pagpisil niya sa kumot.
“W-w-wala akong naaalala,” sabi niya at napayuko.
Napabuntong-hininga ako.
Hinawakan ko siya sa baba at marahan ko iyong itinaas para magkatinginan kami.
Nginitian ko siya.
At ngumiti rin siya sa akin.
Pero ang mga mata niya… katulad pa rin ng dati.
Malamig. Walang emosyon. Parang nakatingin siya sa isang estranghero.
“Wifey, tutulungan kitang maalala ang lahat, okay?” seryoso kong sabi. “Magtiwala ka lang sa akin. Sa akin lang.”
Muli ko siyang nginitian at marahang hinalikan sa noo.
“T-teka…” mahinang sabi niya. “P-paanong nangyaring mag-asawa tayo?”
Napangiti ako nang kaunti.
“It’s a long story, Wifey… but to make it short—” bahagya akong lumapit sa kanya, “I love you.”
Nakita ko kung paano namula ang mukha niya at umiwas ng tingin sa akin.
“B-bakit gano’n… ang bilis ng t***k ng puso ko… may s-sakit ba ako?” mahinang tanong niya.
Natawa ako nang mahina.
“Normal ’yan, Wifey. My heart feels the same too. Because we are in love with each other,” nakangiti kong sabi.
Kita ko kung paano lalo siyang namula. Napahawak pa siya sa sariling pisngi.
“O-okay…”
At sa totoo lang?
Ang cute niya.
Kahit ako ang nakalimutan, cute pa rin siya.
Kruuu kruuuu
Napatawa ako nang marinig ko ang tunog na iyon.
Mukhang gutom na siya.
Ang tagal ba namang natulog tapos pagkagising, kinalimutan pa ako.
“Get dressed. We will eat breakfast,” sabi ko.
Biglang lumiwanag ang mga mata niya bago siya dali-daling pumasok sa CR.
Wala pang ilang minuto ay lumabas siya ulit at mukhang nahihiyang tumingin sa akin.
“Wala akong damit,” nakapout niyang sabi.
Napailing ako habang natatawa saka ko itinuro ang malaking closet na katabi lang ng closet ko.
Mukhang nagets naman niya agad ang ibig kong sabihin dahil dali-dali siyang pumasok doon.
“KYAAAHHHH!”
Tumayo agad ako at tumakbo papasok sa closet niya sa sobrang pag-aalala ko.
“May problema ba? Nasaan ang kalaban?” nag-aalala kong tanong habang mabilis na inililibot ang tingin sa loob.
“Hakdog ka. Anong kalaban ang sinasabi mo diyan? Wala namang problema. Ang gaganda lang kasi ng mga damit. Hihihi. You know what? Favorite ko ang dark colors. It’s soooo cooooollll,” hyper nitong sabi.
Napahinga na lang ako nang malalim.
Sabay kaming lumabas ng closet niya habang hawak niya ang isang pares ng pambahay—black shorts at black shirt.
Dumiretso ako agad sa kama habang siya naman ay nagtungo sa CR para magbihis. Naghintay lang ako ng ilang minuto bago siya lumabas.
At nang lumabas siya…
napatitig ako.
Napakaganda niya.
Kahit simpleng pambahay lang, para pa rin siyang reyna. Basang-basa pa nang bahagya ang buhok niya, at dahil walang ayos, mas natural siyang tingnan. Mas bata. Mas magaan. Mas… malapit.
“Oy, Mister, baka matunaw po ako,” nahihiya niyang sabi.
Napatawa na lang ako at tumayo.
“Hubby ang itawag mo sa akin. Tara na sa baba,” sabi ko bago hinawakan ang kamay niya at hinila palabas.
“O-o-okay…” sagot niya.
Habang pababa ay nakita ko sina Ace na nakaupo sa sala, marahil ay hinihintay kami.
Kanya-kanya naman silang tayo at yuko nang makarating kami sa harap nila.
“King, Queen,” sabay-sabay nilang sabi.
Naramdaman kong hinigpitan ni Wifey ang T-shirt ko, kaya tiningnan ko siya.
“S-sino sila? Bakit king ang tawag sa ’yo at bakit queen ang tawag sa akin?” takang-taka niyang tanong.
Pinisil ko ang kamay niya bago ko siya nginitian at hinila na siya patungo sa dining area.
Ipinaghila ko siya ng upuan sa kanan ko kaya doon siya naupo.
“Kumain ka muna, Wifey. Mamaya ko na sasagutin ang mga tanong mo, okay?” mahinahon kong sabi.
Tumango na lang siya.
Napangiti ako at naupo na rin.
Bumaling ang tingin ko sa grupo nila Ace.
“Sumabay na kayo sa amin,” cold kong sabi.
Agad namang tumalima ang mga ito at nagkanya-kanyang upo.
Nakita ko naman na ganado talagang kumain si Wifey kaya napangiti na lang ako at nagsimula na rin akong kumain.
Fast Forward
Kasalukuyan kaming nandito sa Twin Building.
Dito ko muna siya dinala. Sa mga susunod na araw ko na lang siya dadalhin sa Thanatos Palace.
Habang naglalakad ay hawak ko ang kamay ng Wifey ko. Maraming empleyado ang nanlalaki ang mga mata at nagbubulungan.
‘Nagbalik na si Madam…’
‘Oo nga. Hindi n’yo talaga malalandi si Sir Blade.’
‘Ang guwapo talaga ni Sir, kyaaaah—’
Cold ko silang tiningnan.
Parang dati lang, sila rin ang mga nagbubulungan kung gaano raw ako kapangit.
Sumakay na kami sa elevator, kaming dalawa lang, dahil may patakaran sa building na ito na hindi maaaring sumabay ang empleyado sa boss.
Nang makarating kami sa office namin ni Wifey, paglabas pa lang ng elevator ay sumalubong na sa amin ang baklang si Christine, ang kanang kamay ni Wifey dito sa trabaho, kasama ang assistant niyang si Alexa.
“OMG, madaaaam! Nagbalik ka na!” bati ni Christine kay Wifey.
Hindi naman siya pinansin ni Wifey.
Hinila ko na ito papasok sa opisina namin.
Pagkaupong-pagkaupo ko sa sofa, katabi ko siya.
“Now ask, Wifey. I know naguguluhan ka sa mga nangyayari dahil wala kang maalala,” malambing at mahinahon kong sabi dito.
“Ahmm… gusto ko sanang malaman ang pangalan ko pati pangalan mo, Mister,” nahihiya niyang sagot.
Napangiti na lang ako dahil ang cute niyang tingnan habang nilalaro ang mga daliri niya.
“Blade Ford-Morgan is my name,” mahinahon kong sabi. “While you… you are Queen Denise Morgan.”
Kita kong napangiti siya.
“A-ang haba naman ng pangalan ko… pati ’yong sa ’yo. Pero totoo bang kasal tayo?” mahina at naguguluhan pa ring tanong niya.
“Oo, Wifey. Ito oh, ang infinite ring natin,” sabi ko habang pinapakita ang kamay ko kung saan nakasuot ang singsing namin.
Kita ko naman kung paano namula ang mukha niya at tumingin sa akin.
“T-talaga? M-may asawa akong g-gwapo? Hihihi,” sabi nito.
Napatawa na lang ako.
For the past three years, kasabay ng mga pagsasanay ko ang pagbabago ko sa sarili ko.
“Oo, Wifey,” sagot ko habang natatawa pa rin.
Naaalala ko lang na dati, lagi niya akong tinatawag na nerd.
“T-teka… pero puwede bang ipaliwanag mo na sa akin lahat?” sabi niya.
Tumango ako saka nagsimulang magkuwento.
“Wifey, noong makasal tayo, sa ’yo talaga ang kompanyang ito. Dati akong nag-aaral sa unibersidad na pag-aari mo rin. Siyempre, three years na ang nakalipas kaya nakatapos na ako. Habang mahimbing ang pagkakatulog mo dahil na-coma ka, ako muna ang umintindi sa lahat sa tulong nila Ace at iba pa.”
Marami pa akong sinabi sa kanya samantalang siya ay tumatango-tango lang.
Napangiti ako habang nagpapaliwanag.
“Ibig sabihin, ’yong apat na lalaki sa bahay kanina, sila ’yong Ace, Jake, James, at Tristan?” tanong niya sa akin.
Sinabi ko na rin kasi sa kanya ang mga taong maaaring makasalubong niya.
Napangiti ako dahil mabilis niyang nakukuha ang mga sinasabi ko.
“Oo. At ito naman,” sabi ko habang itinuturo ang picture sa laptop ko, “si Christine.”
“’Di ba siya ’yong sumalubong sa ’tin kanina? Bakla ba ’yon?” tanong niya habang nakakunot ang noo.
“Hahaha, oo, Wifey!” natatawa kong sagot.
“Sino naman ’yong babaeng kasama no’n? Yung malagkit makatingin sa ’yo?” tanong niya habang madilim ang mukhang nakatingin sa akin.
“Hahaha, ’yon ba? Iyon ang assistant niya, si Alexa,” nakangiti kong sagot.
“Hmp.” Nakapout siya. “Ayoko sa kanya. Malagkit siya makatingin, tapos inirapan pa ako. Ayoko talaga sa kanya. Mukha siyang b***h. Hmp.”
Napatawa na lang ako dahil sa pagmamaktol niya. Para siyang batang ayaw maagawan ng laruan.
“Ayoko rin naman sa kanya, Wifey. Pero wala tayong magagawa dahil ang may hawak sa kanya ay si Christine,” mahinahon kong paliwanag.
“Meron naman tayong magagawa, eh. Edi tanggalin natin ’yang baklang ’yan,” sabi nito.
Seryoso ko siyang tiningnan.
“Wifey, hindi puwede. Siya ang kasama mo mula noon. Kapag naalala mo na ang lahat saka mo sabihin ’yan, okay? Sa ngayon, hayaan mo na lang si Alexa. Sa ’yo lang naman ako, pangako.”
Malambing kong sabi iyon, at ngumiti naman siya sa akin.
Pero ang mga mata niya… malamig pa rin hanggang ngayon.
“Sige na nga. Basta akin ka lang. Hihihi,” sabi nito.
Napatawa ako.
Kung bumalik kaya ang alaala niya, magagawa niya pa rin kayang sabihin ang mga bagay na ’yon?
Malamang hindi na.
“Oo, Wifey. Sa ’yo lang ako,” nakangiti kong sagot.
Tumayo ako saka inalalayan ko rin siyang tumayo.
“Tara, bisitahin natin si Mommy,” sabi ko rito.
Nakangiting tumango naman siya at sabay kaming lumabas ng opisina ko.