Hindi malaman ni Rosana kung paano magre-react. May kakaibang kiliti siyang nadarama pero nahahaluan iyon ng lungkot. Puno ng pagmamahal siyang tinititigan ni Joaquin habang kumakanta ito at tumitipa sa gitara. Isa ang awiting iyon sa madalas na kantahin ni Joaquin kay Rosana noon. Tuwing naglalambing ito o gusto lang talaga mag-relax. Lingid sa kaalaman ni Rosana ay natutugma ang bawat liriko ng awitin sa tunay na damdamin ni Joaquin para sa kababata. Itinatago sa awitin ang nais na ipahatid ng puso subalit hindi kayang bigkasin ng bibig. "M-mahusay ka pa palang mag-gitara, Joaquin!" Kunwa'y masayang bulalas ni Rosana matapos tumikhim at ngumiti dito. Huminto naman si Joaquin at kiming tiningnan ang kanyang gitara na noo'y maayos pa naman sapagkat nakatabi ito ng maayos at nababalutan.

