MAGDAMAG akong nagbantay sa tabi ni Ren. Ewan ko ba kung bakit pero parang ayaw ko siyang iwan. Parang kinukurot ang puso ko sa tuwing maiisip ko ang mga pinagdaanan niya. Ang daming nangyari sa buhay niya at hanggang ngayon ay wala pa rin siyang malay. Minahal ko nga ba talaga siya noon? Gusto ko talagang malaman.
Pinagmasdan ko lang mabuti ang mukha niya. Para siyang natutulog na anghel. Napakaamo ng mukha niya. Mahaba ang mga pilikmata niya at mapupula ang mga labi niya. Lahat ng makakakita sa kanya ay talagang mabibighani sa kanya. Kung hindi lang siguro siya buntis, mas matatanggap ko pang girlfriend ko siya—kaso hindi. Kung talagang girlfriend ko siya, maiinis ako sa sarili ko hindi lang dahil sa nakalimutan ko siya, kung hindi dahil na rin inangkin ko siya nang hindi pa kami nakakasal.
“Kuya, nandito ka lang pala. Kanina ka pa namin hinahanap,” sabi ni Ru-Ru pagpasok niya ng kwarto ni Ren.
“A, pasensya na. Dinalaw ko lang si Ren.”
“May naaalala ka na ba tungkol sa kanya, Kuya?”
“Wala pa rin.”
Wala pang limang minuto ang lumilipas nang mapalingon kami pareho sa pinto nang may kumatok dito.
“Ru-Ru nandito ka ba?” sabi ng isang binatang kapapasok lamang ng silid.
“Oy, Lu-Lu, long time no see!" bati ko sa kanya. Si Lu-Lu ang boyfriend ng kapatid ko.
“Kuya, naaalala mo si Lu-Lu? So ibig sabihin, si Ren nga lang ang nakalimutan mo?”
“Mukhang ganoon na nga. Pero sigurado naman akong maaalala ko rin siya kaya 'wag ka nang malungkot diyan,” pagpapalubag-loob ko sa kapatid ko.
“Kuya, sa tingin mo, anong mararamdaman mo 'pag nakalimutan ka ng taong mahal mo?”
Nagulat ako sa tanong ni Ru-Ru. Saglit akong nag-isip at napatingin kay Ren. “H-hindi ako sigurado. Hindi ko alam kung anong eksaktong mararamdaman ko kapag nangyari iyon. Malulungkot? Matatakot? Ewan.”
“Naaawa ako kay Ren. Hinding-hindi ko gugustuhing malagay sa katayuan niya,” malungkot na sabi ng kakambal ko.
“Naku, nagdrama ang prinsesa ko! Huwag kang mag-alala, hinding-hindi kita kalilimutan. Kahit na maging ulyanin pa ako pagtanda natin, ikaw lang ang hindi ko makalilimutan,” turan ni Lu-Lu sabay yakap sa kapatid ko.
“Talaga? Hindi mo talaga ako makakalimutan?”
“Oo naman! Promise,” sabay kiss ng dalawa. Napangiwi ako sa eksena nila. Napaka-cliché at napaka-corny ng mga linyahan nila!
“Ehem! Nandito po ang kuya ni Ru-Ru. Kayo talagang dalawa! Tama ba namang maglambingan dito? Nilalanggam na ako sa ka-sweet-an n’yong dalawa!”
“Sus! Inggit ka lang, bro! Gisingin mo na kasi ‘yang future bride-to-be mo,” pabirong sabi ni Lu-Lu.
“Kung kaya lang, e.” Nagtawanan na lang kaming tatlo.
“Maiba tayo. Ru-Ru, alam mo ba kung paano kami nagkakilala ni Ren?” tanong ko sa kapatid ko.
“Hindi, e. Napakamalihim mo kasi pagdating sa love life mo! Last minute na nang i-announce mo sa ‘min ang existence ni Ren. Para kang terorista na bigla-biglang nagpapasabog ng bomba. Pati kami kaya nina Mama, nagulat na may girlfriend ka na pala. Bakit mo nga pala biglang natanong?”
“Wala naman. Siguro, gusto ko lang siyang maalala. Gusto ko lang maalala kung paano ko siya minahal.”
“You mean, Kuya, tanggap mo na na girlfriend mo si Ren?”
“Hindi naman sa tanggap na tanggap pero I'll try to remember her. Tumutugma naman lahat ng evidences na sinabi n’yo sa akin. So I have no reason para hindi maniwala, ‘di ba?”
“Ayiee! Luma-love life na si Kuya!” panunukso ni Ru-Ru.
“Shut up! Noong ayaw kong tanggapin na may girlfriend ako, pinipilit n’yo ‘ko. Ngayon namang tinatanggap ko na unti-unti, tutuksuhin mo naman ako? Ano ba talagang gusto mo?”
“Chill lang, Kuya. Natutuwa lang ako para sa ‘yo at lalo na para kay Ren,” nakangiting sagot niya.
“Bahala ka nga!”
❀°˖✧˖°✿°˖✧˖°✿°˖✧˖°❀
IKINUWENTO sa akin ni Ru-Ru kung gaano ako ka-excited noong bago ako maaksidente nang araw na iyon. Maaga pa lamang daw ay aligaga na ako sa pamimili ng susuotin. Sabi ko pa raw, “I want to look perfect for the girl I love. I want that night to be perfect for us”. Ipinagtapat ko rin sa kanila ang plano kong pagpo-propose since malapit na kaming magtapos sa kolehiyo. Kaya nga nag-decide si mama na ibigay na sa akin ‘yong golden rosary na pinagpasa-pasahan na ng ilang henerasyon sa pamilya namin. Nagpa-reserve din ako sa restaurant na paborito namin at bumili pa ako ng bouquet of red roses para sa girlfriend ko. Sinabi kong paboritong bulaklak iyon ni Ren. Kaya nang sinabi sa kanila ng mga rescuer na hawak ni Ren ‘yong rosary samantalang ‘yong bouquet ay nasa back seat, hindi na sila nagdudang si Ren nga ang girlfriend ko.
“Hmm...”
Napahinto kami sa pagkukwentuhan nang nakita naming gumalaw si Ren.
“Bro, tatawag muna ako ng doktor.” Kumaripas ng takbo palabas ng kwarto si Lu-Lu.
Hinawakan ko ang kamay ni Ren habang unti-unti niyang iminulat ang kanyang mga mata. Magkahalong kaba at tuwa ang naramdaman ko sa unang pagtatama ng aming mga mata. Salamat at nagising na siya. Sa wakas, mabibigyan na ng linaw ang lahat.
Subalit sa halip na isang ngiti ang una kong masilayan mula sa kanya, kunot-noo niya akong tinitigan at saka siya nagsalita…
“Sino ka?”