C02: Her Best Friend (Tan-Tan)

1709 Words
ISANG linggo na ang nakalilipas mula nang maaksidente kami pero hindi pa rin nagigising ang supposed-to-be girlfriend kong si Ren. At dalawang araw na rin ang lumipas nang huli ko siyang binisita o tiningnan man lamang. Masama na ako kung sa masama, pero hindi ako masisisi ng sino man. Hindi naman araw-araw kang magkaka-amnesia at ang malala, sasabihin sa ’yong may girlfriend ka na buntis! Instant daddy!? “Miss, bawal po kayong pumasok d’yan! Tanging pamilya lang po ng pasyente ang pwedeng pumasok d’yan!” Naagaw ang atensiyon ko ng komosyong nanggagaling sa hallway ng ospital. “Huwag mo nga ‘kong pigilan! Kailangan kong makausap ang hinayupak na lalaking ‘yon!” Dahan-dahan akong tumayo mula sa hospital bed ko at sumilip sa pintuan. Sa lakas kasi ng mga boses na naririnig ko ay sigurado akong malapit ito sa kwarto ko. “Bitiwan n’yo nga ‘ko! Tuturuan ko lang ng leksiyon ang lalaking 'yon!” Hindi kalayuan sa kwarto ko ay may isang babaeng nag-eeskandalo sa ospital. May kahabaan ang kulot at kulay mais niyang buhok at nakasuot ito ng puting T-shirt at shredded maong pants. Pilit siyang pinipigilan ng dalawang lalaking nurse pero sadya yatang mas malakas siya kaya nagagawa niyang makawala sa pagkakahawak ng mga ito. “Ikaw!” Bahagya akong nagulat sa sigaw ng babae lalo na’t nakatingin ito sa direksyon ko. “Ang lakas ng loob mong kalimutan ang kaibigan ko!” Napaatras ako nang makawala siya sa pagkakahawak ng mga nurse at magsimulang tumakbo papunta sa direksyon ko. Isasara ko na sana ang pintuan ko ngunit mabilis niya akong nahigit sa kwelyo. “Talaga bang nagka-amnesia ka o itinatanggi mo lang talaga ang responsibilidad mo sa kaibigan ko?” “T-Teka, miss. N-Nagkakamali ka yata. H-Hindi kita kilala!” Halos masakal ako sa higpit ng pagkakahawak niya sa kwelyo ko. “Talagang hindi mo ‘ko kilala! Ngayon mo lang ako nakita! Ungas! Pero ‘yong kaibigan ko, kilalang-kilala mo!” Gusto kong magalit sa pagtawag niya ng ungas sa ’kin. Pero, grabe! Ang lakas ng babaeng ‘to! “Teka nga!” Buong lakas kong tinanggal ang pagkakahigit niya sa kwelyo ko na napagtagumpayan ko naman. Inayos ko muna ang nagusot kong damit at muling nagsalita. “Hindi ko alam kung sino ka o ano ang atraso ko sa 'yo. At sino ba’ng kaibigan ang tinutukoy mo?” “Aba! Talagang hindi mo alam? E kung ibagok ko kaya ulit 'yang ulo mo para bumalik 'yang alaala mo?” banta niya pa sa 'kin. Hihigitin niya sana ulit ang kwelyo ko pero biglang dumating sina Mama kasama si Dr. Suarez. “Ano bang nangyayari dito? Miss, may kailangan ba kayo sa pasyente ko?” ani Dr. Suarez. Si Dr. Suarez ang doktor na tumitingin sa amin ni Ren simula noong naaksidente kami. Siya rin ang family doctor namin. “Ako po si Andrea Quimson. Kaibigan po ako ni Ren.” Nagulat ako sa pagpapakilala niya. Ang ibig sabihin ay si Ren ang tinutukoy niya kanina. “Ms. Quimson, would you mind discussing this matter inside? We don't want our other patients to be disturbed,” pakiusap ng doctor. “Okay, madali naman ako kausap,” sabi ni Andrea sabay tabig sa 'kin at saka naunang pumasok sa kwarto ko. Ano ‘yon, bipolar? Biglang umamo? Tss. Pasalamat siya, hindi ako nananakit ng babae.   ❀°˖✧˖°✿°˖✧˖°✿°˖✧˖°❀   “ROOMMATE ko si Ren. Isang linggo na namin siyang hinahanap. Nag-aalala na nga kami sa kanya. Kaninang umaga ko lang nabasa ang panawagan n’yo sa dyaryo tungkol kay Ren kaya nagmadali agad akong pumunta rito. Pero sa kasamaang palad, hindi pa rin pala siya nagigising,” malungkot na sabi ni Andrea. Mukhang sobrang malapit nga sa isa’t isa sina Ren at Andrea. Paano ba naman, daig pa kasi ang magulang kung magalit! “Pero ang pinakakinakadismaya ko ay ang pagkalimot at pagtanggi ng mokong na ‘to sa best friend ko! After what he did to her, bigla-bigla niya siyang itatanggi, nalaman niya lang na buntis ang kaibigan ko?” “Hindi ko naman intensyon na ikaila siya. Talagang hindi ko siya maalala. May amnesia ako.” “Amnesia ka d’yan! Baka gusto mong mapukpok sa ulo para mawala ‘yang amnesia mo!?” Napataas ang dalawang braso ko sa tapat ng mukha ko nang akmang susuntukin ako ni Andrea sa mukha. “Sandali lang, hija. Hindi nagsisinungaling ang anak ko. May post-traumatic amnesia siya. Hanggang ngayon ay wala pa rin siyang naaalala tungkol sa aksidente pati na rin kay Ren.” Nakita kong kumalma kahit kaunti si Andrea dahil kay Mama pero batid kong hindi pa rin siya kumbinsido. Kung hindi lamang siya babae ay baka napatulan ko na siya. Hindi lang naman siya ang naiinis sa nangyayari. Subukan niya kayang tumayo sa kalagayan ko! “Kumusta na nga po pala ang lagay ni Ren, pati na ang baby niya?” pag-iiba ni Andrea. “Okay na siya. One of these days, magigising din siya. She's just too weak to wake up. She still needs some time to rest, and that goes to Mr. Christian, too. He can't be stressed out yet. So, we are requesting you to please don’t do this again,” pakiusap ni Dr. Suarez. Tinitigan ako nang matalim ni Andrea. “Pasalamat kang Christian ka at ipinagbabawal pa sa ‘yong mapagod! Kung hindi, lagot ka talaga sa ‘kin!” Dapat ko ba talagang ipagpasalamat ‘yon? Tss. “A, Ms. Quimson. Would you mind telling us the address or contact number of Ren’s parents? I know they’re already worried sick about her," sabi ni Mama. Biglang nagbago ang reaksyon ng mukha ni Andrea at panandaliang natahimik. “Wala na pong mga magulang si Ren. Thirteen years old pa lang po siya noong namatay ang tatay niya. At after a year, sumunod naman ang nanay niya.” May kirot sa puso akong naramdaman para kay Ren. Nakakaawang maulila nang ganoon kaaga. Pero napagtanto ko—mas kawawa pala ako! Nato-torture ako sa mga nalalaman ko. Mas komplikado at mabibigat ang mga nadidiskubre ko tungkol kay Ren. Bakit ko pa kasi nakalimutan ang ganitong kaimportanteng bagay!? “Hindi halata kay Ren na malungkot siya at may problema dahil likas na masayahin siyang tao. Ayaw niyang kinakaawaan mo siya o masyado kang nag-aalala para sa kanya. Magkakilala na kami mula pa noong kinder kaya kilalang-kilala ko na siya. Kaya nang nakilala niya po ang anak ninyo, doon ko lang ulit nakita ang masayang Ren na nakilala ko dati. Pero may isang bagay na ginawa ‘yang anak n’yo na nagpalungkot sa kaibigan ko. Binuntis niya si Ren! Natakot si Ren na iwan siya ng boyfriend niya dahil sa buntis siya kaya inilihim niya lang iyon. Pero noong isang linggo, sinabi sa akin ni Ren na sasabihin na raw niya ang tungkol sa baby at saktong tinawagan siya ng boyfriend niya kaya sila nagkita. Tapos—maaaksidente lang pala siya. Dapat pala’y ‘di ko na siya pinayagang umalis no’n,” umiiyak na sabi ni Andrea. “Paano ka naman nakasisiguradong ako nga ang boyfriend ng kaibigan mo?” Iyong kaninang umiiyak na Andrea ay biglang nawala, at lumabas na naman ang sungay niya. Bipolar yata talaga ‘tong babaeng ‘to. “Anong paano? E ikaw lang naman ang kasama niya at imposible namang hindi ikaw ang boyfriend niya! Pwede ba, kahit may amnesia ka, tanggapin mong si Ren ang girlfriend mo? Ayokong magising si Ren at malaman niyang itinatanggi siya ng pinakamamahal niya! Loko ka! Kung ganyan ka, hinding-hindi ko na ipapakita sa ‘yo si Ren! Sasabihin kong patay ka na kaysa naman masaktan lang siya sa patuloy mong pagtanggi sa kanya!” “Miss, huminahon ka. Kami na ang humihingi ng dispensa sa sinabi ng anak ko. Hindi mo siya masisisi. Wala siyang kahit anong maalala tungkol kay Reverie. Nasa state of shock pa rin siya. Pero sinisigurado ko sayong hindi tumatalikod sa responsibilidad ang anak ko.” “Pa, hindi naman kayo nakasisiguradong girlfriend ko nga si Ren. Paano kung kilala lang nila ako at gusto nilang ipaako sa akin ‘yong bata?” “Loko pala 'tong anak niyo e! Hoy, Mister Amnesia, for your information, hindi rin talaga kita kilala! Kung hindi lang talaga buntis ang kaibigan ko ay hindi kita guguluhin nang ganito! E ikaw ‘tong siraulong gumalaw sa kaibigan ko, tapos ganyan ka!? Gusto mo, suntukan na lang tayo! Ano?” “Huminahon nga kayo! Anak, kung hindi mo talaga siya girlfriend, bakit ka may litrato ni Ren sa wallet mo?” Nagulat ako sa sinabi ni Mama. Kailan pa nagkaroon ng litrato ng babae sa wallet ko? “Nakita ni Ru-Ru ang picture na ‘yon, isang linggo bago ka naaksidente. Naiwan mo kasi sa kusina ang wallet mo,” paliwanag ni Papa. “O, kitams? Itatanggi mo pa?” bulyaw ni Andrea. “P-pero paanong nangyari ‘yon? A!” Napasapo ako sa ulo ko nang bigla itong sumakit na parang pinupukpok sa loob na may kasama pang pagtusok ng karayom. “Ayos ka lang ba, Tan-Tan?” natatarantang tanong sa 'kin ni Mama. Agad akong inalalayan ni Dr. Suarez at sinuri, pero nagpatuloy pa rin ang pananakit ng ulo ko. “Mabuti pa po’y pagpahingahin na natin ang pasyente. Masyado na siyang napagod. Makasasama na ito sa kalusugan niya,” sabi ni Dr. Suarez habang pinahihiga ako sa kama. Sabay-sabay namang sumang-ayon silang tatlo at iniwan na ako sa kwarto. Nagpahinga lamang ako sandali at pinahupa ang pananakit ng ulo ko. At pagkatapos ay napagdesisyunan kong dalawin ang mahiwagang babaeng puno’t dulo ng problema ko. Mag-isa akong pumunta sa kwarto ni Ren. Umupo lang ako sa tabi niya habang tinititigan ko ang dalagang mahimbing na natutulog. Girlfriend ko nga ba talaga siya? At may nangyari ba talaga sa ‘min? Bakit siya lang ang hindi ko maalala? Sana’y magising na siya para mabigyan niya ng linaw ang lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD