“ONE AND a half million from that table!”
The crowd gasped collectively. Maging si Celine ay napasinghap. Ang huling bid ay isang milyon pero itinaas iyon ni Daniel sa isa at kalahating milyon. Sa halip na isang milyon at isang daang libo—dahil isandaang libo ang naging pattern ng pag-akyat ng bid—itinaas agad iyon ng kanyang asawa sa isa at kalahating milyon. Tulad ng sabi ni Daniel ay marami ngang lumahok sa bidding ng helmet ni Marc pero nang umabot na ng isang milyon ay unti-unting nawala ang mga ito. Si Daniel at isa pa ang natitirang nagtutunggali.
“One point six million, anybody?” tanong ng nagpapa-bid. Walang umimik. Kapag wala nang nag-bid sa halagang iyon ay si Daniel ang panalo sa bidding. Sure alam ni Celine ang plano ni Daniel na lumaban para lamang pataasin ang presyo ng item pero hindi niya inakala na aabot ng ganito kalaki ang bid. “So, one point five million, going once, going tw—”
“Two million!” sabi ng isa.
Tinanggap ng announcer ang bid. “Two million it is. Going once, going—”
“Three million,” ani ni Daniel. Napatanga si Celine sa asawa. Noon niya napagtanto na parang may mali. May kung anong emosyon sa mga mata ni Daniel na minsan na niyang nakita. Kumabog ang dibdib niya.
“Four million,” agad na sabi ng isang bidder. Muli ay namangha at napasinghap ang lahat na ang atensiyon ay nasa tagisan na nina Daniel at ng sa pang bidder. Apat na milyon para sa isang helmet?! Walang duda na fanatic ni Marc Marquez ang nagbi-bid. He’ll do anything to have a piece of his idol.
Batid ni Celine na hindi magpapatalo si Daniel dahil sa kondisyon nito ngayon. Inapuhap niya ang palad nito at marahang pinisil iyon. Sinulyapan siya ni Daniel, na para bang noon lang nito napuna na naroon siya. Mukhang noon rin lang nga nito napuna kung ano na ang nangyayari. Lumunok ito bago naging malikot ang mga mata. Umaatake ang mood swing ng asawa niya, sigurado na siya roon.
“Four million. Going once… going twic—e… going thric—e.” The announcer said the final word pero wala ng lumaban kaya technically panalo na ang nag-bid ng four million. “And…four million pesos it is! Congratulations,” bati ng announcer sa nanalong bidder.
“DANIEL…” Alanganing tawag niya sa asawa. Nakauwi na sila. Hindi umiimik si Daniel, ni walang isang salita na namutawi sa labi nito. Pagkababa ng kotse ay dere-deretso na ito sa kanilang silid at humiga. Matamlay ito. May ulap na tumatabon sa mga mata. Pagkaraan ng ilang segundo ay tila spring na lumundag ng kama si Daniel at derederetsong tinungo ang banyo. Napasunod si Celine. Hindi pa man siya nakakapasok sa banyo ay rinig na niya ang pagduwal ng asawa. Pagsusuka. Alam ni Celine na isa iyon sa mga idinudulot ng Porphyria. Naabutan niya ang asawa na nakaupo sa lapag, nakatunghay sa inidoro at patuloy na inilalabas ang mga laman ng tiyan. Dinaluhan niya si Daniel at hinaplos ang likod.
Makalipas ang ilang sandali ay tumayo si Daniel. He flushed the toilet. Pagkuwa’y nagmumog at naghilamos. Kumuha naman si Celine ng face towel at tinuyo ang basang mukha ng asawa. Naisip ni Celine kung ayos lang kaya na tanungin niya ang asawa ng ‘are you okay?’ gayong halata naman na hindi ito okay. Daniel is feeling sick. Palabas na sila ng banyo nang muling pumihit si Danil at doon sa lababo inabutan ng pagsuka. Ang tanging nagagawa lang ni Celine ay haplusin ang likod ni Daniel at iparamdam rito na naroon lang siya sa tabi nito.
Nang makatapos sa pagsusuka ay halatang hinang-hina na si Daniel. Inalalayan ni Celine ang asawa hanggang sa makahiga ito sa kama. Tinanggal niya ang suot nitong sapatos at medyas. Inalalayan din sa paghuhubad ng coat at polo. “Gusto mo ng mainit na sabaw? Or anything to eat?” malumanay na tanong niya. No, hindi siya magpa-panic. Marami na siyang kaalaman sa sakit ng asawa.
“Just get Christopher,” usal nito. Sa hina ng tinig ay muntikan ng hindi iyon umabot sa pandinig ni Celine.
“Okay,” aniya bago lumabas ng silid at pinuntahan ang nursery. Kapag umaalis sila ng isa o dalawang oras lamang ay iniiwan na nila ang bata sa yaya nito. Lagi naman nilang itsini-check ang kondisyon nito at siyempre ang mahihigpit na bilin sa yaya.
Si Christoff ay gising na gising. Nasa crib ito at naglalaro. Ang yaya naman ay nakaupo sa isang silya at nagbabantay. “Ma’am, nakarating na po pala kayo?” anito ng mapansin siya.
“Oo. Puwede ka ng pumunta sa silid mo at magpahinga, ako na ang bahala kay Christoff. Itatabi namin siya sa pagtulog. Salamat.” Narinig marahil ang tinig niya, hinahap siya ng mga mata ng bata. Nang makita siya ay sumilay ang ngiti sa labi nito bago nagkakawag, nagpapakuha sa kanya. Kinarga niya ito at pinupog ng halik.
Bumalik siya ng master bedroom karga ang anak. Patagilid nang nakahiga si Daniel. “Hello, Daddy,” aniya bago ibinaba ang bata sa kama. Hindi nakaligtas sa kanya ang manipis na ngiting gumuhit sa labi ni Daniel nang gumapang si Christopher papalapit rito. Christopher climed on Daniel’s body. Nang makalapit sa may mukha ng ama ay pinisil-pisil ang ilong ni Daniel. “Daa—a. Daaa.” The child giggle. Hindi gumagalaw si Daniel bagaman, nakaalalay ang isang kamay nito sa bata. “Wooh.”
Si Celine ay kumuha na ng damit na pampalit sa suot niya. Habang nagbibihis ay hindi niya maiwang maalala ang unang beses na nakita niyang ganito ang kondisyon ni Daniel. Sa totoo lang ay wala pa nga ito kesa sa unang atake na nasaksihan niya. Ang atake kung saan halos mamilipit si Daniel sa sakit ng tiyan. Daniel was so edgy then. Ngayon ay matamlay lang ito at tahimik.
Sino nga ba ang mag-aakala na ang lalaking ganito ka lakas at halos sambahin ng mga kababaihan ang pisikal na anyo ay may hindi pangkaraniwang sakit?
“Ga—ah,” usal ni Christoff bago idinikit ang mukha sa mukha ng ama. “Gaaaa. Dyyy.” He looks as if he was cheering up his father. Kunsabagay, sa tuwina ay masigasig si Daniel sa pakikipaglaro at pagkausap sa anak. Kaya ngayong nananahimik ito marahil ay nahiwatigan ng bata na may dinaramdam ang ama nito.
“Hey,” tawag niya sa asawa. He looks so vulnerable. “I love you.” Sa mga ganitong pagkakataon, dapat na marinig ng kanyang asawa na mahal niya ito. Na sa tuwina ay nasa tabi siya nito. Kahit na ano pa ang mangyari.
“I love you, too. I’m… I’m usually like this. Bigla-bigla na lang inaatake ng mood swings, abdominal pain, vomiting, and some crazy things. B-bigla na lang akong nalulungkot at nananamlay kahit walang dahilan,” tugon naman ni Daniel na may pilit na ngiti sa labi. Ang mga mata nito ay natatabingan ng kung anong ulap. Ni hindi niya mabasa kung ano ang iniisip ng asawa.
“Hindi mo kailangang magpaliwanag,” aniya.
Pilit na ngumiti si Daniel, nasa mga mata ang pasasalamat. Binalingan nito si Christoff at hinaplos-haplos.
NAALIMPUNGATAN si Celine dahil sa tila tumatagos sa kanyang mga buto na titig. Pagkatapos niyon ay naramdaman niya ang pamilyar na init ng palad ni Daniel na dumampi sa kanyang panga at humaplos roon. Iminulat ni Celine ang kanyang mga mata. Agad sumalubong sa paningin niya ang paningin ng asawa. Pareho sila na patagilid nakahiga. Si Christoff ay nasa gitna nila at mahimbing pa rin ang tulog. “Good morning,” usal nito bago maingat na umabante at hinagkan ang noo niya. Dumampi rin ang labi nito sa ilong niya, at sa labi, siyempre.
Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Celine. Wala na ang ulap na tumatabon sa mga mata ni Daniel. Thank God. Maybe last night was just an episode of a normal mood swing. “Good morning.” Magkaugnay pa rin ang mga mata nila, nag-uusap sa lengguwaheng sila lamang ang nakakaintindi. Sa pamamagitan ng mga mata ay tinanong, sinisiguro niya kung ayos lang ba ito. Tumango si Daniel. Ah. Hindi na nila kailangan pang pag-usapan kung ano ang nangyari kagabi. “Mahimbing ang naging tulog ko. Ni hindi ko namalayan kung umungot ba si Christoff.”
“Mahimbing rin ang tulog ng anak natin. He’s a very sensitive person I guess,” natatawang komento ni Daniel. “Alam niyang pagod ka at alam din niya na may mood swing ang daddy niya.”
“Ikaw. Nakatulog ka ba?”
“Not much,” kibit-balikat na tugon nito. “But I feel so energized right now. Come on, get up. Mukhang papasikat na ang araw. Samahan mo akong manood.”
Hindi siya nag-atubili na bumangon. Iyon ang unang pagkakataon na panonoorin nila ang pagsikat ng araw. Daniel carefully put Christoff on his crib. Para hindi ito malaglag kung sakaling magising ito. Gumagapang na kasi ang bata. “Hindi mo na kinamumuhian ang pagsikat ng araw?” maingat na tanong niya habang tinutungo nila ang terrace. Napansin niya na bahagyang basa roon. Umulan yata kagabi. Bahagyang hinila ni Daniel ang divan na hindi inabot ng ulan. Naupo ito. “Come,” anito. Naupo siya sa espasyong nasa pagitan ng nakabukang mga hita nito. When she was settled, Daniel wrapped his arms around her. Siya naman ay kusa pang sumandal sa dibdib nito. “Hindi ko masabi kung kinamumuhian ko pa nga ba ang pagsikat ng araw o hindi na,” tugon nito sa tanong niya kanina. Bahagya ng lumilitaw ang araw pero hindi umaabot ang sinag niyon sa kinaroroonan nila kaya safe pa rin iyon para kay Daniel. “You know, ang pagsikat ng araw ang nagpapaalala sa akin na kailanman ay hindi ako magiging normal. Na kailanman ay hindi mararanasan ang maglakad sa ilalim ng sikat ng araw. But that was fine. Matagal ko ng tinanggap ang kondisyon ko. Lalo na noong malagay sa kritikal ang buhay mo, I’ve made a deal with Him.”
“Alam ko,” sabi niya. Napupuno ng emosyon ang kanyang dibdib. Paano ba niya malilimutan ang araw na iyon? Patay na siya at ang kaluluwa niya ay susunod na sana na nakakaakit na liwanag na iyon pero pinigil siya ng tinig ni Daniel… “N-noong inire-revive ako ng mga doktor, y-you’ve…” Pumiyok ang boses ni Celine. Agad nanlabo ang mga mata niya dahil sa luhang namuo roon. “Y-youve traded… with God. Kahit hindi ka na maging normal, kahit hindi ka makalakad sa ilalim ng sikat ng araw basta mabuhay lang ako.” How unselfish is that?
Humigpit ang yakap sa kanya ni Daniel. “I love you. Kaya kong ipagpalit ang lahat para sa inyo ni Christopher. N-nagsimulang magkaroon ng kabuluhan ang buhay ko ng dumating ka. Nagkakulay ang mundo ko. Excited akong gumising knowing that you were beside me. Suddenly my heart, my whole being, is filled with love and joy that I never knew existed. Dumating si Christopher at nadoble ang saya at pagmamahal. Mas makulay ang mundo. Mas may kabuluhan ang buhay.”
“Ako man, Daniel. Ganyan din ang nararamdaman ko. We can’t have it all. Pero nasa tabi ang isa’t-isa, masaya ang pamilya natin. Nagmamahalan tayo. Iyon lang ang importante…”
“KAILAN ANG balik ninyo sa isla?” tanong ng kaibigan niyang si Luka. Nasa isang mall sila sa Pasay. Tapos na silang mag-shopping. Kasama niya si Christoff at ang yaya nito. Si Daniel ay hindi sumama dahil may kakatagpuin din umano itong tauhan. Kumakain na sila ngayon sa isang Korean Restaurant.
“Baka bukas,” aniya. “Wala na akong speaking engagements, si Daniel naman ay malilinis na rin ang schedule so balik isla na uli kami.” Madalang na humaharap si Daniel sa mga business dealings nito, maliban na lang kung importante iyon.
Tumango si Luka. Pagkuwa’y masusing tinitigan siya nito. “Look at you. Mukhang madali kang nakapag-adjust sa mundo ni Daniel. Hiyang ka, girl.”
Nagkibit-balikat si Celine. “Hindi naman talaga ganoon kahirap mag-adjust,” aniya.
“Yeah? Hindi mo nami-miss ang mga bagay na ginagawa mo noong wala pa si Daniel sa buhay mo? You used to be an outdoor person…” Isa si Luka sa malalapit na kaibigan na nakakaalam ng kondisyon ni Daniel. Gulat na gulat ito noong unang malaman na may Porphyria si Daniel. Pero dahil doctor din ito tulad niya ay mas madali itong nakaunawa.
“Ewan ko,” natatawang tugon niya. “Ganoon siguro talaga kapag bukal sa puso mo ang ginagawa mo. Madali lang ang lahat. Makakaya mo ang lahat ng pagbabago. At hindi lang naman ako ang nag-a-adjust. Si Daniel din. Actually, pakiramdam ko nga, na-appreciate ko lang ang buhay ko noong magka-pamilya ako.”
“Kunsabagay nga. Isang tulad ba naman ni Daniel ang makasama mo, sino ang gugustuhin pang lumabas ng bahay?” Kinindatan siya ni Luka. Hindi maipagkakaila ang panunudyo sa mga mata.
Celine laughs. Siyempre ay alam niya kung ano ang nais ipakahulugan ni Luka. Daniel is every inch a man. Guwapo, makisig, at talaga namang makatawag pansin ang s*x appeal. Para itong diyos na kahit na sinong babae ay magkukumahog sa pagtalon sa kama nito para ialay ang sarili rito. He is an alpha male. Isang lalaki na kayang gisingin ang sensuwalidad ng sino mang babae. Taglay nito ang klase ng appeal na nagreresulta ng paglulumikot ng isipan ng mga babae. Siya man, noong unang makilala ito. Nagwala ang hormones niya para kay Daniel. Naimagine niya na inaangkin siya nito sa isang-libo at isang paraan. She imagined hin taking her, branding every inch of her with his kisses and touches.
“And look at our dear Christoff…” Anang tinig ni Luka na pumukaw sa daloy ng isipan niya. Marahang sinundot ng daliri ni Luka ang tungki ng ilong ng bata na noon ay abala sa pagsupsop sa hinlalaki nito. “My God, Ce, maraming puso ang luluha dahil sa inaanak kong ito. Daniel na Daniel!”
She silently agreed. Kamukhang-kamukha nga ni Daniel si Christopher.