Kabanata 2

1011 Words
Kinabukasan, maaga akong nagising. Wala pang liwanag sa bintana pero gising na ang diwa ko. Ganito talaga kapag may responsibilidad, hindi mo na kailangan ng alarm clock para magising. Tutulak na naman para magtrabaho. Kailangan ni nanay ng gamot kaya dapat tuloy-tuloy ang kasipagan. Pagkatapos kong maghilamos, dumiretso agad ako sa kusina. Nagsaing. Nagprito ng ulam mula sa inuwi kong isda kagabi. Nagsangag ng kahapon pang kanin. Pinakain ko si Nanay ng lugaw at pinainom gamot bago siya sinabihang magpahinga, na wag nang maggalaw-galaw. Lumabas ako sandali at nagsampay. Sigurado naman ako na kahit hindi ganun kaaraw, mainit pa rin para matuyo ang mga nilabhan ko kahapon. "Nay, alis na po ako ah? Huwag kalimutan maglock ng pintuan. Uso ngayon ang nakawan." Kinuha ko ang basket sa tabi ng lamesa. “Oo, anak. Nagdala ka pala ng basket?” tanong ni Nanay, nakangiti habang nakasandal sa unan. “Opo, Nay. May malalambot na kasing isda kaya inuwi ko na para i-ulam. Sayang naman kung itatapon." “Pero hindi ba mabigat 'yang mga dala mo? Mapagod ka niyan pagdating sa palengke." Pagod, oo. Pero sanay na. "Hindi nay, hindi naman ganun kabigat." Nginitian ko siya bago tuluyang lumabas ng bahay, bitbit ang basket na may lamang gamit ko. Naka-ilang hakbang pa lang ako nang may tumigil sa harap ko na traysikel. Medyo mabilis pa ang dating kaya napaatras ako sa gulat. “Anak ng..." Hindi ko natuloy ang sasabihin nang bumungad ang mukha ni Rozen mula sa loob ng sidecar. Nakasilip, hawak ang manibela. Nakasuot ng maluwag at gutay-gutay na sando, pero ang nakakatawa, naka-shades pa kahit walang araw. Where is the sun? Bwisit! “Ma’am, sakay na po kayo. Libre lang basta may pa-good morning pogi,” ngisi niya. Napamaang ang bibig ko. “Gagó, anong ginagawa mo rito?” “Hatid service? Hindi naman pwede ang yate rito." “Ayos ka lang ba? Ang kulit mo rin 'no? Hindi ko kailangan ng taga hatid,” sagot ko, sabay ikot para iwasan siya. Kay aga-aga, naiimbyerna naman ako. Pero dahil makulit, sinundan pa rin niya ako. Literal na sumusunod gamit ang traysikel habang naglalakad ako. “Baka kasi malate ka sa pagbebenta. Sayang attendance. Dapat complete attendance ka. Sakay na, binibini, hindi ako maniningil.” Complete attendance? Ano 'to ginawang school ang palengke? Nahihibang na siya. “May saltik ka rin 'no?" "Wala naman. Maginoo lang." Sabay tawa niya. "Marahas nga lang sa ibang bagay." At ngumiti ng nakakaloko. "Bwisit!" Kaya ang ginawa ko para takasan siya, tumakbo ako. “Hoy! Hoy, saan ka pupunta?!” sigaw niya habang hinahabol ako gamit ang traysikel. "Hoy babae! May lahi ka bang kabayo?" Gago talaga! "Hintay, binibini! Baka ika'y bumalentong!" Naghagalpakan ng tawa ang mga nakarinig sa kanya. Lintek na lalaking 'yon! Ang lakas ng tama. "Aking binibini!" Pero hindi na ako lumingon. Diretso lang ako sa kalsada. Umiwas sa traysikel. Lumiko sa mas makipot na shortcut. Hanggang sa— Pagdating ko sa palengke, halos hindi na ako makahinga ng maayos. Ganito pala ang pakiramdam kapag matagal nang hindi tumatakbo. Literal na habol hininga. Hinihingal akong ibinaba ang bitbit na basket. Pati batok ko, basang-basa sa pawis. Pakiramdam ko, parang umakyat ako ng bundok habang may dalang ref sa likod. At bago pa ako makabawi sa pagod, may tumapik sa balikat ko. Nilingon ko 'yon at napangiwi. Siya na naman! “Ang bilis mo naman tumakbo binibini,” sabi ni Rozen na natatawa, pawisan din katulad ko pero mas preskong tingnan kesa sa akin. "I didn't know you're a runner." “Bakit ba sinusundan mo ako?!” sigaw ko, pero mahina dahil hinihingal pa ako. “Para masigurong safe ka? Bakit mo ba ako tinakasan? I'm just offering you a ride, binibini." “Safe ako, pero hindi sa’yo!” singhal ko sa kanya at tumuwid ng tayo. Bumungisngis siya na parang bata kaya inirapan ko. Kailan ba niya ako tatantanan? Wala ba siyang mapagtrip-an? Aliw na aliw, kainis! Dahil sa nangyari, napansin na kami ng mga tao sa palengke. Para ngang may magic bell na tumunog dahil isang-isang lumingon ang mga tindera, tinderos, at porters. “Ohhh…” si Manang Luceil na ngumunguya ng sitsirya. Ang reyna ng mga marites. “Sila na ba?” “’Yan ba ‘yung pogi na sinasabi mong nanliligaw, Thisa?” tanong ni Aling Precy na biglang sumulpot sa gilid. "Ay teka, siya 'yong kahapon 'di ba?" “Wala akong sinasabing gano’n!” halos pasigaw kong tugon. "Wala akong manliligaw na sinabi. Kung sino mang nagpakalat, hindi sana makabenta." "Hoy Thisa!" si Manang Luceil. "Nagpaparinig ka ba ha?! Batang 'to!" Eh 'di nalaman din kung sino ang nagpakalat. “Bagay kayo, eh,” sabat ni Mang Beboy. Napapikit ako ng mariin, malapit na maputol ang pisi. Pero si Rozen? Aba, umakbay pa sa akin na parang tropa lang. “Lakas ng chemistry namin, no?” pang-aasar niya. Hinawi ko ang kamay niya. “Bumalik ka na sa pinanggalingan mo, kung ayaw mong masabuyan ng malamig na tubig.” “Kung tubig lang ‘yan, kaya kong tiisin. Pero ‘yung panlalamig mo, medyo mahirap 'yon labanan,” sabay ngisi. Lintek talaga. Sa gitna ng asaran, napansin ko ang ilang buyer na pumupunta sa pwesto ko, hindi na isda ang tinitingnan kundi kami. May isa pa ngang lumapit at sumigaw ng, “Miss, pa-picture naman kayo ni Sir! Kayo ba ‘yung viral na tindera at kargador?" Viral?! Napalingon ako kay Rozen. “Anong ibig sabihin noon?!” Ngumiti siya na parang batang nahuli. "I don't know." Nagkibit balikat siya. Sinamaan ko siya ng tingin. "Anong I don't know ka dyan, ikaw lang naman—" "Ang kargador na gwapo rito? Thanks for the compliment, binibini." Patuloy niya at nagpose pa. "Pero seryoso, wala rin akong alam sa sinasabi niya." Mahinang dagdag niya. Gigil na gigil na ako pero hindi ko siya masigawan nang malakas dahil napapalibutan na kami. At sa kabila ng inis, napansin ko rin... na mas dumami ang customer ngayon sa palengke. Dahil ba sa kanya? Dahil gwapo? O sa sinasabi ng babae na viral?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD