Chapter 1
Lunes-lunes na naman. Kalbaryo para sa mga tamad gumising ng maaga para pumasok sa trabaho.
Nakapikit pa rin ako habang tumatayo, kinapa ang tuwalya at pumasok sa banyo.
"Good morning self, I love you, kain ka na mamaya, ingat ka palagi."
Ganito ang morning routine ko. Palagi kong pinapaalala sa sarili kong kamahal-mahal ako kahit walang nagmamahal.
Tamad na tamad ako habang naghuhubad ng damit at isinampay sa isang gilid, nagbukas ng gripo at pilit itinutuloy ang panaginip na naudlot.
Pwede bang maligo nang natutulog?
Humihikab ako at umuunat pa.
Sana pala maaga akong natulog kagabi para hindi ako ganito katamad ngayon. Pero kahit naman maaga akong matulog tamad pa rin akong gumising ng ganito kaaga.
Napakamot pa ako sa likod ng tainga bago hinawakan ang tabo.
"Woohh! Ang lamig," sambit ko sa sarili at muling ibinalik ang tabo sa balde. Dumilat ako at pinatay ang gripo.
Saglit akong tumayo at muling kumuha ng isang tabong tubig. Hindi ko agad ito ibinuhos, gusto ko pang nakipagtitigan sa kaniya. Halos gusto ko na magmakaawa sa kaniya na kung pwede lang ay maging mainit naman siya sa akin. Lahat na lang ba cold? Pati ba naman tubig sa umaga?
Siguro kung tao lang ang tubig na ito baka na-in love na siya sa pagtitig ko.
Isinawsaw ko ang isa kong daliri at nagbabakasakali na uminit ito dahil sa titig ko, pero wala, sayang effort ko.
"1...2...3..." Bilang ko at mariin na napapikit.
"Susmaryosep! Susmaryosep!" Sunod-sunod kong sambit habang patuloy na nagbubuhos ng tubig na parang tinunaw na ice verge.
Tuwing umaga palagi na lang ako natatalo sa tubig, kahit anong pakiusap ko hindi marunong makisama.
Matapos kong maligo at mag-toothbrush, lumabas ako ng kwarto para magtimpla ng kape. 7:30 am ang pasok ko pero halos isang oras ang byahe kaya kailangan kong gumising ng maaga.
Nakatulala ako habang nagkakape, nakataas ang paa habang may tuwalya sa ulo.
Mag-isa lang ako rito, simula noong namatay si lola ako na lang ang mag-isang nagtataguyod sa sarili ko. Hindi na ako nakapagtapos ng kolehiyo dahil kailangan ko ng magtrabaho para buhayin ang sarili ko. Namatay si mama noong ipinanganak daw ako, si papa naman hindi ko na alam kung nasaan na siya ngayon. Pero alam ko may pamilya na rin siya at mukhang nakalimutan na niyang may anak siya.
Muli lang akong natauhan nang tumunog ang phone ko. Humigop pa ako ng kapeng lumamig na bago ito sinagot.
"Ano na? Katagal mo namang tagutin?" Bungad ng bulol sa letter S kong best friend.
"Aga-aga," nagtatawang sagot ko rito.
"Nataan ka na ba? Pumatok ka na, mamaya maipit ka pa ta traffic," humigop akong muli ng kape at tumayo.
"Opo madam." Matapos ko itong sabihin ay inilapag ko ang cellphone ko bago tinanggal ang tuwalya na nasa ulo ko. Isinukbit ko ang suklay at agad kinuha ang bag.
Matapos kong isara ang gate napatingin ako sa bahay nina lola Remejos, sumilip pa ako at agad napaatras matapos nitong biglang sumulpot.
"Ano pang tinatayo mo? Batang ito!" Inis na salubong nito.
"Aga-aga sungit." Tulis nguso kong sambit.
Umangil pa siya matapos ko itong sabihin, tinitingnan ko lang naman ang mga orchid na tanim niya. Bet na bet ko kasi iyong kulay red, favorite color lang.
Nagsusuklay ako habang naglalakad, mediyo malayo ang kanto mula sa bahay.
Ganito ang palagi kong gawain, sa daan na ako nagsusuklay at sa bus na ako nagpupulbos at naglipstick.
Napatingin ako sa oras, medyo maaga pa naman pero sana makaabot ako sa bus. Baka mamaya tumakbo na naman ako para lang hindi malate. Mabibigyan na naman ako nito ng memo, isang buong linggo akong late noong nakaraan, e.
Tuwing umaga ganito ang gawain ko, palaging makikipag-unahan sa jeep. Para lang makasakay kaagad pipilitin kahit kalahating puwit na lang ang nakaupo. Palakasan talaga ng binti sa ganitong gawain.
"Wooahhh! Salamat."
Hinilot-hilot ko pa ang binti ko ng may isang bumaba at sa wakas ay nakaupo na rin ako. Umayos ako ng upo at tumingin sa bintana. Hindi ko alam kung ano bang mas pipiliin ko, kalahating puwit lang ang nakaupo o ang libreng patikim ni ate sa buhok niyang lasang bulok na labahin?
Grabe feel na feel ni ate ang paghangin ng buhok na akala mo ay nasa isang music video. Sana kung mabango manlang ang buhok niya, pero parang noong isang araw pa ata siya nag-shampoo. Sana lang wala siyang kuto, mamaya sa akin magliparan lahat.
Matapos ang matagal kong pagtitiis sa buhok ni ate, makikipagsapalaran naman ako sa pakikipagsiksikan sa mga taong ang babagal lumakad na akala mo namamasyal sa museum.
Fresh na fresh akong lumabas sa bahay, pero ngayon pa lang mukha na akong haggard. Hindi pa ako nakakapasok sa trabaho pero mukha na akong pagod na pagod.
"Sandaliiii!" Pigil kong habol sa huling bus. Mabuti na lang at naabutan ko pa ito kung hindi magta-taxi ako ng wala sa oras.
Hingal na hingal akong umakyat, pawis na pawis at gulo-gulo ang buhok na akala mo ay hindi nakapagsuklay. Last bus na ito kaya nakatayo ako. Sanayan lang ito, palagi naman akong nakatayo papasok.
Wala namang issue sa akin ang tumayo sa bus kahit pa may mga nakaupong mga lalaki, hindi naman nila kasalanan na nahuli akong sumakay.
Matapos ang halos 20 minutes na byahe, agad akong nagpunta sa locker para iwan ang gamit ko. Nagsuot ng hairnet at ID, nagtack-in ng red polo shirt.
Nag-ayos muna ako ng mukha bago pumasok sa loob ng building.
Sa isang shoe factory ako nagtatrabaho ngayon, quality assistance at halos dalawang taon na ako dito kasama si Sunny. Dito na rin nabuo ang friendship naming dalawa.
Muli akong tumakbo bago pa ako ma-late. Nakita ko na ang mga kasama ko na nakapila para sa meeting, lahat sila nakatingin sa akin pati at leader namin na pailing-iling. Hindi pa ba siya nasanay sa akin na palagi akong late?
Hingal na hingal akong tumayo sa likuran. Pawis na pawis ang likod ko at habol ang paghinga.
"Sana naman sa mga palaging late magbago naman na kayo. Ang tatanda niyo na!" Napangisi ako matapos nitong tumingin sa akin.
Ano bang magagawa ko? Tamad na tamad akong gumising ng mas maaga at pumasok ng maaga.
Matapos ang meeting ay pumasok na kami, nagpahuli ako para masabayan si Sunny.
"Kakulit eh," sabay kirot nito sa tagiliran ko.
"Kasalanan ko bang matagal kaming nag-usap ng tubig?" bulong ko pa rito, muli akong napaiwas ng kurutin ako.
"May pagkain ka?" tanong nito at iling lang ang isinagot ko.
"Haayyy! Mabuli na lang talaga may dala along tobra," napangiti ako matapos niya itong sabihin.
"Alam ko naman na may sobra, mahal mo kaya ako," umirap lang siya sa sinabi ko.
Kahit masungit ang bulol na ito, palagi akong inaalala nito. Siya ang nagdadala ng pagkain ko minsan, alam niya kasi ang kalagayan ko. Parehas kaming wala ng magulang, ang pagkakaiba lang ay may mga tita siyang kasama sa bahay. May nag-aalaga pa rin at nagluluto ng pagkain sa kaniya.
Back to work, magkalayo kami ngayon. Nasa line 1 and 2 siya sa line 3 and 4 naman ako. Bawal magkwentuhan sa oras ng trabaho, isa pa masyado siyang malayo kaya maririnig kami kapag nag-usap kami.
"Late ka?" Pabulong na tanong ng line leader.
"1 minute na lang time na," pigil kong tawa. Nakatanaw sa pwesto ko ngayon ang team leader namin, kaya dapat ay hindi ako magpasaway kahit pa alam kong saulado na niya ako.
Alam niyang sa sobrang pasaway ko makakaisip ako ng paraan para lang makipagkwentuhan. Hindi matatapos ang buong araw na hindi ako napapagalitan dahil sa sobrang daldal ko.
Maging ang mga operator na malapit sa akin ay nakikipagdaldalan talaga ako, pasaway din kasi ang leader dito.
Gamay ko na ang trabaho ko at kasundo ko halos lahat ng operators sa line na hawak ko. Minsan nga binibigyan pa nila akong pagkain lalo na kapag naghahabol ng quota, todo uto sila sa akin para lang ipasok ang ibang NG na gawa nila. Dahil pasaway at minsan ay tamad ako, ipinapasok ko na ang iba.
Naaawa kasi ako sa ibang operator na halos umiyak na para lang hindi sila mapagalitan at mabigyan ng memo. So far wala pa namang ibinalik sa akin, wala silang problema sa trabaho ko maliban na lang sa palaging late at madaldal.
"You ayos-ayos the tahi, so many many sinulid," nagtawanan naman sila matapos ko itong sabihin.
"Gayang-gaya si mr. Lan," natatawang sabi ni Jeria.
Ganiyan kasi magsalita ang mga chekwa, hindi ko na nga sila maintindihan minsan. Para silang mga timang tapos magsasalita sa harapan mo, babaho naman ng mga hininga, sayang ang puputi pa naman nila.
Break time na at kailangan makipagbalandrahan para maunang makalabas, dahil kung hindi ito gagawin, wala ka ng uupuan sa canteen.
"Bess sa dating pwesto, una na ako!" sigaw ko kay Sunny. Siksikan dito sa loob ng locker kaya hindi ako makapunta sa kaniya.
Matapos kong makuha ang bag ay dali-dali akong pumunta sa pwesto namin. Nilapag ko ang bag sa uupuan ni Sunny.
Nag-open ako ng f*******: habang hinihintay si Sunny. Isang oras ang break time namin pero sa totoo lang 40 minutes lang ang pagkakasyahin namin, dahil pipila pa kami at lalakad papasok sa building pagkatapos naming kumain.
Malapit na nga akong magkaroon ng appendix dahil sa kamamadali maglakad pagtapos kumain, minsan naman tumatakbo na kaagad kahit kakakain lang, para hindi ma-late.
"Huy! Ano na naman iyan?" Halos mapatalon ako sa gulat ng biglang sumulpot si Sunny.
"Bakit ka ba nanggugulat?" Umiling-iling pa ito habang inaalis ang bag ko.
"Kape ka kati ng kape," sambit nito habang inilalabas ang pagkain namin.
"Ano iyan?" tanong ko rito habang tinitingnan ang dala niyang ulam. Mukhang masarap ang dala niya ngayon.
"Gata eh." Sabay pa kaming natawa.
"Buti ang kanin natin hindi lata eh?" Dagdag ko pa habang tinutulungan siyang ayusin ang ulam naming ginataang tulingan.
"Ikaw nagluto? Sana lang masarap."
"Ikaw na lang binibigyan, angal ka pa nang angal," ngumiti ako ng mapang-asar dito bago nag-umpisang tikman ang pagkain na dala niya.
"Wahh! Sumasarap na ang luto mo, pwede ka ng mag-asawa." Sunod-sunod ang subo ko. Mabilisan kaming kumain, wala munang daldalan dahil mauubos ang oras. Para kaming mga robot kung kumain, robot nga siguro talaga kami. Mga robot na hinuhulugan ng kaunting barya.
Matapos ang tanghalian, nagpunta ako ng cr para magtago ng biscuit sa buhok ko. Mabilis magutom si Sunny at may ulcer siya, kaya nagbabaon talaga ako ng pagkain sa loob para hindi siya sumpungin. Mamaya pang 7:30 uwian namin at wala ng iba pang break time maliban sa lunch break, kaya kahit bawal magpasok ng pagkain ginagawa ko pa rin.
"4:30 mamaya, may dala ako," bulong ko pa rito bago kami maghiwalay.
Balik sa araw-araw na gawain. Inaantok na ako, masakit na rin ang mata ko kakahanap ng mga NG. Wala naman akong gaanong nakikitang NG dito maliban sa mga leader namin.
Sumenyas ako kay Sunny para pumasok sa CR at doon ko tatanggalin ang biscuit na dala ko. Pag-abot ko ay agad din akong umalis. Mainit ang mata sa akin, mamaya sabihin pang sa CR ako nakikipagdaldalan.
Maiiwan siya doon para kainin ang dala ko. Sa CR kami kumakain kahit pa mapanghi, wala ng arte-arte kapag kumalam na ang sikmura.
Dalawang taon na naming ginagawa ito, palaging patago kung kumain. Malalagot kami sa oras na mahuli kaming kumakain sa loob ng production.
Natapos ang trabaho at sobrang sakit na ng balakang at batok ko, lunes pa lang pero gusto ko na ulit mag day-off.
"Talamat ta dala mo, kung hindi ako nakakain kanina baka umatake ulit ulter ko," hindi ko mapigil matawa sa sinabi niya.
"Ulter? Anong ulam natin bukat? Matarap ba?" Biro ko pa rito. Muli itong umirap at tumulis ang nguso, natutuwa talaga ako kapag nagsasalita siya lalo na kapag may S sa sasabihin niya.
Minsan nga kahit magkagalit kami hindi ko mapigilan matawa kapag nagsasalita siya tapos may letter S.
"Huy! Torry na," paglalambing ko rito. Patuloy siyang tahimik at walang imik, ayaw akong pansinin, ah. Toyoin talaga ito, daig ko pa ang jowa niya kung sumuyo.
"Ang cute mo kaya kahit buyoy ka." Napaiwas pa siya matapos kong pisilin ang pisngi niya.
"Tige na nga, bati na tayo. Ikaw kati," parang bata nitong hampas sa braso ko.
"Batta pumunta ka ta team building ha?" Lumingon ako sa kaniya habang pababa ng bus.
"Kung pupunta ka pupunta ako," saad ko pa at inayos ang backpack na suot ko.
"Oo nga pupunta ako, batta pumunta ka rin," napanguso pa ako at tumango. Team building na puro plastikan lang naman.
Ayoko talaga makihalubilo sa kanila, gusto ko mapag-isa o kaya kami na lang ni Sunny ang gumala pero itong si Sunny masyadong mahilig sa maraming tao. Gusto niyang palaging may ganap sa buhay.
"Tige na, 'wag kang late bukat ha? Matulog ka ng maaga," paalam nito matapos naming makapunta sa sakayan ng jeep. Ibang jeep ang sasakyan naming dalawa, hinatid ko muna siya sa sakayan bago ako pumunta sa kabilang jeep kung saan iyon ang sasakyan ko pauwi.
"Oo na madam, ingat ka. Kumain ka kaagad pag-uwi mo," palaam ko rito bago siya sumakay ng jeep. Kumaway ako sa kaniya at naglakad na patungo sa jeep na sasakyan ko.
Pagod na pagod at antok na antok na ako pero kailangan ko pang pumila ng mahaba. Walang gaanong jeep kaya sobrang haba ng pila ngayon. Iyong tipo na pagod ka na nga sa trabaho at overtime, pagod ka pa lalo sa pagpila at pag-aantay ng masasakyan.
Hindi na ako bumili ng pagkain ko, hindi naman ako gutom ngayon. Inaantok at gusto ko nang humiga kaagad. Isang beses lang ako kung kumain sa isang araw, iyong lunch namin kanina.
Mahaba ang byahe, nagsalampak ako ng headset habang nakikinig ng kanta ni Marlo Mortel na favorite singer ko. Matapos ay nag-open ng f*******: para tingnan ang bagong status ni Tyron.
Crush ko na si Tyron simula pa noong unang pasok ko sa company, nasa HR department siya at minsan siya ang nagsasagawa ng meeting.
Gwapo siya, singkit ang mata, makapal na kilay at matangos ang ilong. Hindi ganoon ka bongga ang panga pero maganda ang hugis ng mukha niya, malaki rin ang tainga. Mala Chinese look.
Hindi nga lang ako pinapansin, sabagay sino nga naman ba ako? Ang dami kaya sa HR department ang magaganda, mga babaeng magaling magkilay at marunong magsuklay.
Matapos kong makababa, nag-open ako ng flashlight. Madilim ang paligid at hindi gumagana ang mga poste ng ilaw. Ayaw naman ipaayos ni Kapitan, baka maubos ang kukupitin niya kapag bumili kahit isang bumbilya.
Sa paglalakad ko bigla akong napahinto sa tapat ng bahay ni lola Remejos na masungit. Sino kayang kasama niya sa bahay nila? Tagal-tagal ko na rito pero hanggang ngayon inaaway pa rin ako.
Muli kong sinipat ang red orchid. Malapit lang ito sa gate kaya tanaw na tanaw ko, gusto ko sanang nakawin kaso alam kong ako pagbibintangan nito. Paniguradong ako ang susugurin nito sa oras na mawala ang tanim niya.
Binuksan ko ang bag ko at kinapa ang tubig.
"Aray!" Agad akong napasipsip sa daliri matapos tumama sa isang matulis na bagay sa loob ng bag ko. Matapos nito ay inilabas ko ang tubig. Ang burara ko na ba mas'yado? Bakit may kung ano sa bag ko ngayon?
Tumingin pa ako sa paligid habang dinidiligan ang orchid. Napangiwi nang maramdaman ang hapdi ng sugat. Umayos ako ng tayo at hinugasan ang dumudugo kong daliri habang dinidiligan ang red orchid. Wala naman sigurong kaso kung ganito ang gagawin ko.
"Hoy! Anong ginagawa mo?!" Napatakbo ako matapos marinig ang boses ni lola Remejos.
Nakakaloka! Bakit kaya ang sungit niya? Ang tanda na kasi, eh. Hindi siguro masaya kabataan nito.
Inihagis ko sa kung saan ang bag ko bago nagtungo sa kwarto, mabuti na lang at may first aid kit ako rito. Binalutan ko ng band-aid ang maliit na sugat bago ako nagbihis.
Nakakabinging katahimikan. Sa buong buhay ko, ganito na lang ako palagi. Palaging mag-isa, walang nag-aasikaso, walang nag-aantay sa pag-uwi ko.
Sana naman, kahit isang tao lang may magparamdam na mahalaga rin ako. Maliban kay Sunny, sana may isang taong dumating para alagaan ako.