Walang bago, gigising ng alas-kwarto ng umaga. Makikipagtitigan sa malamig na tubig, bibilang ng isa hanggang tatlo sabay sabing, "susmaryosep!". Ewan ko ba, naririnig ko kasi 'yan kapag pinapaliguan ako tuwing umaga noon.
Wala sana akong balak maligo ngayon, kaso baka pagpawisan ako mamaya at lumagkit pa ako.
Matapos kong maligo, ipunulupot ang tuwalya sa ulo at nagtungo ng kusina. Nagbukas ng refrigerator at kumuha ng tubig.
"Gising ka na pala mahal." Halos maibuga ko ang tubig na nasa bunganga ko matapos marinig 'yon mula sa isang lalaki.
Hindi ko pa siya nakikita pero sa tono ng boses nito, malaki siyang lalaki.
"Kumain ka na muna." Halos mabali ang leeg ko sa paglingon, napauwang ang bibig at tuloy-tuloy lumabas ang tubig na hindi ko malunok.
Parang bumagal ang oras habang nakatingin ako sa lalaking nag-aayos ng pagkain sa lamesa.
Hockey hair, may makapal na kilay, matangos na ilong at magandang labi. Kabog na kabog rin ang panga nito, para siyang leading man sa mga librong nababasa ko. Matipuno ang katawan nito. Napatikom ako ng bibig at sunod-sunod ang lunok matapos bumaba ang tingin ko sa katawan nitong hubad. Nanginginig ang kamay kong inangat ang baso at halos magkatapon-tapon na ang tubig na iniinom ko habang nakatingin sa galit na galit at naghihimutok nitong braso at dibdib. Shet!
Halos bumigay ako sa kinatatayuan ko nang huminto siya sa ginagawa niya at tumingin sa kinatatayuan ko, ngumiti ito na talagang mahuhubad lahat ng p'wedeng hubarin.
"Ano pang ginagawa mo? Mahuhuli ka na sa trabaho mo." Nakangiti nitong saad habang ang maputi nitong ngipin ay kumikinang sa tama ng liwanag.
Panaginip ba ito? P'wede bang fast forward na? Doon na tayo sa ano, 'yong anuhan–ano ba 'yan! Ang bad ng utak ko.
"Ayos ka lang ba? Bakit kanina ka pa hindi nagsasalita?" Walang kurap-kurap ang mga mata kong nakatingin sa kaniya habang palapit siya sa akin, halos manghina ang tuhod ko matapos niyang kapain ang noo ko.
"Hindi ka naman mainit, tara kumain na tayo mahal," muli itong ngumiti at hinawakan ako sa kamay. Para akong sunod-sunuran sa kaniya, para akong isang lobo na kung saan niya ako dadalahin sasama ako.
Teka lang! Hindi manlang ba ako magre-react kung bakit may lalaki sa bahay? Bakit niya ako tinatawag na mahal? Bakit niya ako pinaglulutuan? Nababaliw na ba ako at bumubuo ng mga ganitong eksena?
Umayos ako nang upo at tinusok ang pisngi niya gamit ang hintuturo kong daliri. Napatigil siya sa pagsandok ng pagkain ko at tumingin sa akin.
"T-totoo ka?" Utal kong tanong. Nakita ko naman ang pagkunot ng kaniyang noo.
"Hindi ba maganda ang tulog mo? Syempre totoo ako," sambit nito mula sa kaniyang matipunong boses.
Shit! Ang laki ng boses niya at katawan, ano pa kaya ang malaki? Hoy! Sunshine Olivarez, yaki ka sa lola mo kung buhay pa siya ngayon! Nababaliw na nga ata talaga ako, kinakausap na ako ng konsensya ko.
"S-sino ka?" Tanong kong muli rito.
"Si Orwa, ako ang boyfriend mo," halos lumuwa ang mga mata ko sa sinabi niya.
Buhol-buhol na ang brain cells ko, pati ata internal organs ko hindi na alam kung saan ang tamang p'westo.
"B-boyfriend kita?" Napatingin siya sa daliri ko matapos ko siyang ituro. Napangisi siya na halos tumunaw sa akin, totoo ba talaga ito? Totoo ba talaga siya? As in? Real na real?
"Oo," mabilis na sagot nito.
"Ako? Jowa kita? As in tayo? Ikaw at ako? Pero paano? Kailan pa?" Sunod-sunod kong tanong. Kasi naman pano ko siya magiging boyfriend, eh ngayon ko lang siya nakita at ang tanda ko, single akong natulog kagabi. Ano 'yon? Paggising ko may boyfriend na kaagad ako? Tapos ganito pa kagwapo?
"Hindi mo ba naaalala?" Tumalikod ito sa akin. Sunod-sunod naman ang kurap ko habang nakatingin sa likuran niya. May iilang parang petals dito. Hinawakan ko ang mga ito at laking gulat ng mapagtanto na nakadikit ito sa kaniyang balat. Muli siyang umikot para humarap sa akin.
"Naaalala mo na?" tanong nitong muli. Umiling ako dahil hindi ko talaga alam ang tinutukoy niya. Ano bang sinasabi niyang naaalala ko? Ano bang nangyari kagabi?
Halos sumabog na ang utak ko kakaisip kung ano ba ang tinutukoy niya.
"Hindi kaya..." Agad akong napatakip sa aking bibig matapos maalala ang ginawa ko kagabi. Ibig sabihin siya 'yong orchid doon sa bakuran ni lola Remejos? Pero paanong nangyari iyon? Nababaliw na ba siya? Nababaliw na ba ako? Baliw ba kaning dalawa?
"Pero paano?" Gulong-gulo kong tanong.
"Ang dugo mo, dahil doon nabuhay ako." Bumagsak ang balikat ko at napasandal. Napasambunot sa buhok at gulong-gulo ang isipan.
"Nakakabaliw," sambit ko sa sarili.
Seryoso ba ito? Baka naman may camera sa paligid at bigla na lang may sisigaw na "itsaprank!"
"Per–" naputol ako sa pagsasalita matapos tumunog ang phone ko. Dali-dali ko itong kinuha sa bulsa at sinagot.
"Ataan k–"
"Paalis na," matapos nito ay agad kong ibinaba ang phone.
"Aalis na ako," agad kong tinanggal ang tuwalya sa buhok ko at isinampay sa likod ng upuan.
"Teka, hindi ka pa kumakain." Tumayo ito.
"Hindi na, mamaya na lang," nagmamadali kong sambit. Magsasalita pa sana siya nang mabilis akong lumabas ng bahay.
"Bye mahal, I love you!" sigaw nito. Mariin akong napapikit habang nagmamadaling lumakad. Hindi pa ako nakakapagsuklay at naiwan ko pa dahil sa kamamadali ko. Muli akong napadaan sa bahay ni lola Remejos, tinanaw ang red orchid. Andoon pa naman 'yon. Hindi kaya niloloko niya lang ako? Mukha bang jowang-jowa na ako?
Huminto ako at lumingon sa bahay, kung niloloko niya lang ako bakit ko siya hinayaan maiwan doon? Baka kapag balik ko limas na gamit ko.
Kung babalik pa ako sa bahay baka hindi na ako makapasok. Ano ba 'yan! Ano ba talaga mahalaga sa akin? Bahay ko o trabaho? Hayaan mo na nga, bigyan nila ako ng memo kung gusto nila.
Agad akong nagtungo pabalik sa bahay. Pagpasok ko naabutan ko si ano, ano bang pangalan niya? Oha? Ona? Olaf? Oh my Ghad! Nakakaloka! Basta si orchid boy, naabutan ko siyang nagwawalis. Taray, tagal ko na atang hindi nawawalisan ang bahay ko.
"Anong nangyari? Nakauwi ka na kaagad," umayos ito nang tayo at isinandal sa gilid ang walis tambo.
"Sino ka ba talaga?" Seryoso kong tanong dito habang ibinababa ang backpack ko.
"Sinabi ko na sa 'yo kanina hindi ba?"
"Wala naman kasing halaman na naging tao," kaya paano niya sasabihin na nagmula siya sa orchid? Ang gwapo niya pa naman sana tapos parang sintu-sinto. Idadamay pa niya ako sa kalokohan niya.
"Mayroon," sagot naman nito.
"Mayroon? Sino naman?"
"Ako."
Napabuntong-hininga pa ako sa sinabi nito. Nakakaloka talaga siya, gusto rin ata akong maging siraulo katulad sa kaniya.
"Sige nga, paano mo mapapatunayan? Aber?" Pumamewang ako habang palapit sa kaniya.
"Ito," sabay pakita muli nito ng kaniyang likod.
"Maliban diyan?" Kunot noo siyang humarap sa akin.
"Alam ko na. 'Yong orchid na tanim mismo. Sa ugat nito may makikita kang bagay doon na magpapatunay," umaliwalas naman ang mukha ko sa sinabi niya. Oo nga ano? Kaso masungit si lola Remejos. Pero kung siya lang makakasagot sa tanong ko, susubukan ko.
"Dito ka lang," amba ko sa kaniya.
"Anong gagawin mo?"
"Nanakawin ko 'yong orchid," deretsyong sagot ko at muling lumabas. Pasimple pa akong lumalakad habang nagmamasid sa paligid, mabuti na lang at walang tao rito sa labas. Ang mga bata pumasok na sa school.
Sumipat pa ako sa bakuran ni lola Remejos bago dali-daling tinangay ang orchid na nakasabit sa gilid. Mabilis akong tumakbo papasok sa bahay. Inilapag ko ito sa mesa at tumingin kay–basta sa kaniya.
"Ano ba ulit pangalan mo?" tanong ko rito.
"Orwa." Tumango ako. Orwa pala, okay parang orchid jowa. Ayos!
Nakatitig ako sa kaniya habang may kinukuha siya roon sa ugat ng orchid. Maya-maya pa ay itinaas niya ito, hugis puso ito na gawa sa ugat.
"Ito ang buhay ko," sabay pakita nito sa akin. Kulay pula rin ito.
"Totoo? Angas naman." Hindi ko mapigilan ang mamangha. Maniniwala na ata akong orchid itong si Orwa.
"Dahil ikaw ang bumuhay sa akin, sa 'yo ko ipagkakatiwala ang buhay ko. Simula ngayon, ikaw na ang buhay ko." Napatingin pa ako sa kaniya matapos niya itong sabihin.
"A-ako talaga?" Sabay turo ko sa sarili ko.
"Oo," walang alinlangan na sagot nito.
"Bakit ako? Paano kung masira ko 'yan? Edi namatay ka pa," lumayo ako ng kaunti at sumandal. Bakit niya sa akin ipagkakatiwala buhay niya? Mamaya hindi ko 'yan maalagaan makonsensya pa ako. Ako pa masisi kapag may masamang nangyari sa kaniya.
"Sa 'yo dapat ito, sa'yo ako. Sa iyong-sa iyo lang Sunshine," halos magwala ang puso ko sa mga sinabi niya. s**t! Ganito ba pakiramdam ng may jowa? Totoo ba ito? O dahil ako lang ang bumuhay sa kaniya?
"Per–" hindi na ako natapos sa pagsasalita matapos may malakas na kumalampag sa gate. Agad akong napatayo at sumilip doon.
"Hala patay," mariin kong bulong sa sarili.
"Sino siya?" tanong ni Orwa habang nakasilip rin sa bintana.
"Si lola Remejos, sa kaniya 'yang orchid," sagot ko. Napapikit ako matapos nitong lalo pang kalampagin ang gate. Agaw eksena naman 'to. Mukha atang napansin na niyang nawawala na ang isa sa mga orchid niya. Kakaloka ang bilis niya naman, pero grabe talaga. Ako talaga ang pinuntahan? Sabi ko na nga ba. Kapag nakita niyang nawawala 'yon sa akin ang bintang.
"Bata ka! Lumabas ka riyan!" sigaw nito na patuloy kinakalampag ang gate. Bulabog naman mas'yado si lola.
"Papasukin mo na siya." Umiling ako sa gusto ni Orwa.
"Malalagot ako sa kaniya."
"Pero totoo namang kinuha mo, sige na ako na ang magpapaliwanag." Napabuntong-hininga na lang ako sa sinabi niya. Kalokang buhay naman ito. Magulo na nga noon, mas lalo pang naging magulo ngayon.
Dahan-dahan at takot kong binuksan ang pinto, habang palapit ako sa gate tanaw ko na ang galit na mukha ni lola Remejos.
"Saan mo dinala ang orchid ko?" Napakamot pa ako sa batok ko matapos niya itong itanong.
"Kasi po ano..." ano bang dapat kong sabihin? Dapat ba sabihin ko sa kaniya na may nabuhay na lalaki mula roon? Sino namang maniniwala sa akin kapag sinabi ko 'yon?
"Ikaw na bata ka talaga!" Napaiwas ako matapos niyang umamba ng palo. Hinarang ko ang braso ko sa mukha ko at napapikit. Matagal bago ako muling dumilat, nahampas na ba ako? Bakit hindi ko naramdaman?
"Mahabaging Diyos!" Rinig kong sambit nito. Nagtataka akong tumingin sa kaniya at lumingon kay Orwa. Napaayos ako nang tayo matapos akong lagpasan ni lola Remejos at lumapit kay Orwa.
Lumakad na rin ako papunta sa kanila at parang timang na nakatingin at nag-aabang ng usapan.
"Kilala niyo po siya?" tanong ko rito. Humarap siya sa akin at tumango. 'Yon naman pala, kilala naman siya bakit pa ako nagpapakahirap bumuo ng tanong na hindi masagot ni Orwa? Sabagay wala pa naman akong tanong na hindi nasagot ni orchid boy.
"Nasaan ang orchid heart?" tanong ni lola Remejos.
Maya-maya pa ay may inilabas si Orwa at ipinakita. Orchid heart pala ang tawag sa kaninang ibinibigay ni Orwa, sabagay hugis puso.
"Sa loob tayo," nabigla ako ng bigla akong hilahin ni lola Remejos na parang batang pinapatulog ng tanghali. Na-miss ko bigla si lola.
"Ano po bang nangyayari? May mission ba ako sa kaniya?" Mabilis kong tanong.
"Hindi ko alam, isa lang itong alamat na kwento ng aking lola," hindi pa rin maalis sa mukha ni lola Remejos ang pamamangha. Gwapong-gwapo kay Orwa, eh. Nagdadalaga ang lola mo.
"Hindi natin alam kung sino sa inyo ang may mission, maaring ikaw o siya ang may mission sa iyo," napakunot pa ang noo ko.
"Imposible, ano namang mission niya? Iparamdam sa akin na magkaroon ng jowa?" Natatawang sambit ko rito, pero ako lang naman ang natawa.
"Gusto ko naman talagang iparamdam sa 'yo kung paano ako magmahal," napatigil ako sa pagtawa matapos itong sabihin ni Orwa. Awkward. Ngayon lang ako makarinig ng ganiyang salita, hirap pala mag-react.
"Ingatan mo lang ito, dahil sa oras na mapasakamay ito nino man. Siya na ang susundin at magmamay-ari sa binatang ito," may panakot na sambit ni lola Remejos. Napatingin ako sa orchid heart na hawak niya, kinuha ko ito at tumingin kay Orwa.
Tanaw ko ang kinang sa kaniyang mga mata, ang tingin niya sa akin ay ramdam na ramdam ko. Shet! Ganito pala pakiramdam ng may jowa, nakakatuwa.
May mga paalala na sinabi sa akin si lola Remejos. Pinagalitan niya rin ako dahil sa ginawa kong pagnakaw sa red orchid.
Wala akong extra na damit panglalaki kaya suot ni Orwa ngayon ang t-shirt ko na ginamit ko sa team building, last year. Pambabae iyon kaya hapit na hapit talaga sa kaniya, naghihimutok ang mga braso.
Matapos ang pag-uusap, mabilis na lumipas ang oras. Gabi na pala pero suot ko pa rin ang red uniform ko.
"Magbibihis na pala muna ako, dito ka lang sa kusina ha? 'Wag mo kong sisilipan," pagbabanta ko rito habang nakayakap ako sa aking sarili.
"Hindi ko gagawin 'yon, may respeto ako kahit pa nasa iisang bahay tayo tumutuloy," malumanay nitong saad. Nyoray! Ibang klase, lakas maka-maginoo pero ako ang mediyo bastos.
Matapos kong magbihis ay nag-check ako ng phone, nakalimang tawag na pala sa akin si Sunny. Umupo ako sa kama at tumawag sa kaniya. Kanina pa naman uwian kaya alam kong hawak na niya ang kaniyang cellphone.
Tatlong ring pa lang ay sumagot na ito.
"Pataway ka!" Bungad nitong wala manlang pangangamusta kung buhay pa ba ang kaniyang kaibigan.
"Bakit hindi ka pumatok? Yari ka talaga," dagdag pa nito. Bumuntong-hininga ako at sinigurado na maririnig niya.
"May sasabihin akong kakaibang bagay na nangyari sa akin ngayon, pwede ka bang matulog sa bahay bukas?" tanong ko rito.
Tumayo ako at lumabas, tanaw ko si Orwa na nakaupo pa rin. Sa orchid siya nakatingin at sa palagay ko ay hindi niya ako pansin.
"Ano na naman 'yang tatabihin mo? Baka puro 'yan kalokohan," napangisi naman ako.
"Basta bukas malalaman mo," rinig ko ang pagbuntong-hininga niya mula sa kabilang linya.
Paniguradong maloloka rin siya sa malalaman niya. Damay-damay na 'to, dapat dalawa kami para naman alam niya ang nangyayari sa buhay ko.
Pero ibang klase, paanong ang isang orchid na naging tao ay ganito ka-papable ang itsyura? Para siyang isang bida sa action movie, parang isang hagis lang sa 'yo tumba ka na kagad. Paano kaya kung hinagis niya ako sa kama? Ow! Ang wild ng tumatakbo sa utak ko. Bad!
Ano nga kaya ang dahilan ng pagiging tao niya? Ako ba ang may mission sa kaniya o siya? Pero kung siya ang may mission sa akin, ano naman 'yon? Hay! Dagdag sakit sa ulo nito.