"FRANCO, pwede ba kitang makausap?" ani Mico nang makita ang kaibigan na mag-isa sa sala na kasalukuyang nagkakape at nagseselpon.
Kaagad namang pinatay ni Franco ang kanyang phone at inilapag sa center table, inayos din niya ang kanyang ang upo.
"Oh, gising ka pa pala Mico, akala ko nakatulog ka na."
"Hindi pa kasi ako inaantok eh, hindi lang siguro ako sanay na matulog sa ibang bahay."
"Hayaan mo, sa una lang yan. Masasanay ka rin."
"Paano pala ang mga naiwang paninda namin ni ate Claire, kung magbabantay ako bukas, baka sugurin ako ni inay."
"Hindi mo na kailangang pumunta sa palengke bukas. Hinakot ko na ang mga paninda niyo kanina kaya hindi ka na guguluhin ng nanay niyo. Ipapamigay na lang natin ang mga iyon sa kapitbahay."
"Sayang naman pala kung gano'n."
"Binayaran ko na 'yon, Mico, kaya huwag ka nang mag-alala."
"Hindi ko alam na mayaman ka pala, Franco."
"Hindi ako mayaman, magulang ko lamang ang mayaman, galing iyon sa ipon ko."
"Mabuti ka pa, nakakaipon. Samantalang ako, hirap na hirap dahil kahit anong gawin ko wala pa rin."
"Makakaipon ka rin naman eh, tutulungan kita. Basta huwag mo lang ipapamigay sa toxic mong nanay."
"Tutulungan? Paano? Hindi ba 'yan ilegal?"
"Napakatagal na nating magkaibigan, kailanman ay hindi ako gumawa ng ilegal."
"Siya nga pala, paano kung malaman niyang sa inyo ako nakatira, baka madamay ka pa."
"Ako'ng bahala sa'yo. Masyado kang nag-aalala."
"May isa pa akong tanong."
"Ano 'yon?"
"Nililigawan mo ba ang ate ko?"
"Hindi pa naman."
"Hindi pa?"
"Kung dadating ang tamang panahon o kaya'y may pagkakataong ligawan ko ang ate mo, gagawin ko 'yun."
"Tama nga ang hinala ko, na may gusto ka sa ate ko."
"Bakit, magagalit ka ba?"
"Hindi naman, pero magkalayo ang agwat ng inyong edad."
"Wala naman sa edad yan, nasa pusong nagmamahal 'yan."
"Ewan ko, hindi ko pa naman naranasan 'yan. Isa pa, wala na yata akong tiwala sa mga babae dahil kay nanay."
"Hindi naman lahat ng babae ay kagaya ng nanay mo. Ang iba ay kagaya ng ate mo na masipag, matiyaga, at matapang."
"Mapagmahal din si ate Claire."
"Sana balang araw magagawa niya rin akong mahalin."
"Aba may hugot ka pa, ah."
UMAGA na nang marating ng bus na sinakyan ni Claire ang bus terminal sa Cubao. Iginala ni Claire ang paningin upang hanapin ang babaeng nakausap niya kahapon sa videocall.
"Claire Joy Roxas?" Paniniguro ng babaeng lumapit sa kanya. "Ako si Ivy, 'yong kausap mo sa phone kahapon. Ate Ivy na lang ang itawag mo sa akin. Tara na para makapagpahinga ka rin."
"Saan pala ako tutuloy, Ate Ivy?"
"Sa inuupahan kong apartment. Huwag kang mag-alala, mura lang ang babayaran doon. Hati na lang tayo para hindi ka mabigatan, lalo na at magsisimula ka pa lang sa trabaho."
"Salamat po talaga."
"Naku, wala 'yon, buti na lang at wala pang nahahanap na iba ang boss ko. Madali lang naman ang trabaho doon alam kong kayang-kaya mo."
Dalawang oras ang kanilang naging biyahe bago narating ang inuupahan ni Ivy sa Quezon City. Sobrang bagal ng daloy ng trapiko kung kaya't pareho silang nagutom.
"Pagpasensyahan mo na lang ang almusal natin, sa isang linggo pa kasi ang sahod ko kaya tipid muna."
"Okey lang, Ate Ivy, sanay naman ako diyan."
"Magpahinga ka muna diyan. Magluluto muna ako ng almusal natin. Pwede ka ring matulog kung gusto mo, mamayang hapon kita ipapakilala kay Boss."
Maayos ang inuupahang bahay ni Ivy. Kaunti lang ang kagamitan dahil hindi rin kaluwagan ang loob. May sarili na itong banyo.
Sa bintana ay tanaw ni Claire ang mga sinampay ni Ivy. Maingay na rin sa labas ng apartment kaya sinubukan niyang sumilip roon. Natanaw niya ang nag-uumpukang matatanda at wari niya ay masaya ang kanilang pinag-uusapan.
Bigla niyang naalala ang palengke na kanyang iniwan.
"Kumusta na kaya sila?" tanong niya sa sarili.
Maya-maya pa'y tumunog ang kanyang phone na de keypad. Napangiti siya nang makita ang pangalang naka-rehistero, si Franco ang tumatawag.
"Hello Claire, kumusta ka na diyan?" tanong ni Franco sa kabilang linya.
"Ayos lang, Franco. Oh napatawag ka."
"Miss lang kita."
"Ikaw talagang bata ka, kung anu-ano ang sinasabi mo. Kumusta pala si Mico?"
"Hindi na ako bata, pero pwede mo rin akong tawaging baby." wika ni Franco na natatawa.
"Franco, si ate Claire ba 'yan?" tinig ni Mico mula sa kabilang linya. "Kumusta ka diyan, ate?"
"Ayos lang naman. Mabait si ate Ivy, dito ako sa kanya ngayon titira.
"Mabuti naman kung gano'n, pwede rin ba ako diyan, ate?"
"Kausapin ko pa si Ate Ivy. Pero huwag muna ngayon, nakakahiya eh. Si inay, hindi ka ba hinanap?"
"Hindi pa naman siguro 'yon nakakahalata. Alam mo naman 'yon, ate, hahanapin ka lang naman niya kapag hihingi siya ng pera."
"Sige, Mico. Balitaan mo ako ng mga nangyayari diyan, ha. Tawag na ako ni ate Ivy."
"Mag-iingat ka diyan, Ate Claire."
KAAGAD na natanggap si Claire sa pinagtatrabuhuan ni Ivy. Kinailangan lamang niya ng limang araw na pagsasanay bago tuluyang magingvregular siya sa trabahong pinasukan. Sobrang natutuwa ang kanilang boss sa kanya dahil bukod sa mabilis siyang matuto ay mapagkakatiwalaan din siya pagdating sa pera. Napatunayan iyon ng kanyang amo nang minsa'y sinubok siya nito
Naging mabuti rin ang pakikisama ni Ivy sa kanya. Nagkasundo silang dalawa sa gastos sa apartment na kanilang timutuluyan.
Ayon naman kay Mico, sa una lang daw sila hinanap ng kanilang ina. Nagwala daw ito sa palengke nang hindi sila matagpuan at ayaw ring magsalita ang mga matatandang kaibigan ni Claire kung nasaan ang magkapatid. Nabalitan rin nila na tuluyan nang naki-live in si Mildred at sa boyfriend nito.
Kinausap ni Franco ang kanilang mga guro at mga kaklase na huwag sasabihin kung nasaan si Mico. Mabuti na lang at naniwala ang mga ito nang marinig ang kwento ni Mico tungkol sa ginagawa ng kanyang ina. Naawa rin ang mga guro kung kaya't tinulungan din siya sa kaniyang pag-aaral.
Mabilis na lumipas ang mga araw,nabalitaan ni Claire na may nobya na si Dexter at malapit na daw silang ikasal. May kaunting kirot sa puso ni Claire dahil sa nalaman, kahit paano ay napalapit na rin ang kanyang loob sa kanyang manliligaw.
"Bakit parang affected ka naman na mag-aasawa nanai Dexter, nandito naman ako."Ngunit biro ni Franco nang makita ang reaksyon ng dalaga aa ibinalita nito."
"Hindi naman masyado."
"Na-fall ka na rin ba kay Dexter?"
"Hindi mo ako masisisi, guwapo siya eh."
"Kahit guwapo kung manloloko naman. Walang silbi 'yun!" inis na sabi ni Franco.
"Manloloko? Anong ibig mong sabihin?"
"Tignan mo sa messenger mo. May ipinasa ako sa 'yo na voice record."
Kaagad na sinunod ni Claire ang sinabi ni Franco. Pinakinggan niya ang voice record. Tinig iyon ni Dexter, may kausap siyang babae at doon sinabi ni Dexter na pustahan lamang ang dahilan kung bakit niya nililigawan si Claire.
"Mabuti na lang pala at hindi ko pa siya sinagot." tila nanghihinayang na wika ni Claire.
"Hayaan mo na 'yon, maging masaya ka na lang para sa kanila, basta mag-focus ka sa mga pangarap mo, nandito lang ako palagi, kahit na magkalayo tayo, susuportahan kita.
Mabilis na lumipas ang mga buwan. Natapos na rin ni Mico at Franco ang Grade 10. Gaya ng pangako ni Claire ay kinuha niya si Mico kung saan siya nakatira sa kasalukuyan upang doon na rin ipagpatuloy ang pag-aaral.
Maraming natutunan si Mico kay Franco kaya nagamit niya iyon sa Maynila at malaking tulong siya sa kanyang kapatid at kay Ivy. Naging madiskarte rin si Mico, nagtinda siya ng kung anu-ano habang nag-aaral aa senior high upang makaluwag si Claire sa mga gastusin.
Subalit sa pagdaan ng mga araw, nawala ang kanilang komyunikasyon kay Franco. Hindi matawagan ang phone number nito at hindi rin mahanap ang kanyang mga social media accounts.