"Kumain ka na, ate." Sa halip na sagutin ang tanong ng dalaga ay binalewala niya ito. Nauna na siyang naupo roon at hinintay na maupo rin si Claire.
Nahihiwagaan na rin ang dalaga sa ikinikilos ng kasama. Tama nga si Mico, manliligaw ang ikinikilos ng kanyang kaibigan.
Kinuha ni Claire ang baunang nakalaan sa kanya. Sa amoy pa lang ng adobong manok ay lalo siyang nagutom kaya sumubo kaagad.
"Magpray muna tayo, Claire."
Napatigil sa pagnguya ang dalaga nang unusal ng maiksing panalangin si Franco. Natatawa ito sa sarili ngunit napatitig siya sa kaharap dahil seryoso ito.
Masaya silang nagkuwentuhan habang kumakain. Marami rin silang larawan na kuha mula sa selpon ni Franco. Maya-maya'y nagtampisaw na sila sa hindi kalaliman na ilog hanggang sa mapagod sila.
"Ngayon lang ulit ako naging masaya ng ganito, Franco. Salamat ha." Napayakap si Claire sa kaharap sobrang say nadarama. Kahit na sandali lang ay nawala sa isipan niya ang problema.
Gumanti ng yakap si Franco. "I love you, Claire." Bulong niya ngunit hindi iyon nakaligtas sa pandinig ng dalaga kaya unti-unti itong kumalas sa kanya
"A-anong ibig mong sabihin, Franco."
"Ate Claire, Mahal kita. Hindi, ayokong tawagin kita ng ate. Claire, mahal kita." puno ng sinseridad sa bawat kataga ni Franco.
"N-NARIRINIG mo ba ang sarili mo, Franco? Ate mo ako."
"Totoo ang sinasabi ko sa'yo, Claire. Alam kong hindi ka maniniwala pero ramdam ko dito. At alam kong totoo itong nararamdamanko sa'yo." Itinuro ni Franco ang dibdib.
"Puppy love lang yan, Franco."
"Sa tingin mo ba sasayangin ko ang bawat sandaling kasama ka kung hindi totoo ang nararamdaman ko sa'yo?"
"Hindi pwede, bata ka pa, mas matanda ako sa'yo, Franco. Mawawala din 'yan sa paglipas ng panahon."
"Wala namang pinipiling edad ang pag-ibig, Claire."
"Pero, nakababatang kapatid lamang ang turing ko sa'yo."
"Handa naman akong maghintay hanggang sa hindi na nakababatang kapatid ang turing mo sa akin. Claire, mahal kita. Hindi ko sinasabi sa iyo ito ngayon dahil gusto kong mahalin mo rin ako, kundi sinasabi ko ito sa 'yo ngayon dahil gusto kong ipaalam sa iyo na hindi lang bilang ate ang nararamdaman ko sa iyo, kundi pinapangarap kitang makasama habang buhay."
"Franco, lubos akong nagpapasalamat sa tulong mo sa aming magkapatid. Kailanman ay hindi ko makakalimutan iyon at tatanawin ko bilang malaking utang na loob, pero hindi ko maipapangakong kaya kong suklian ang sinasabi mong pagmamahal sa akin."
"Hindi naman ako humihingi ng kapalit sa nararamdaman ko sa iyo, Claire. Alam kong mas bata ako sa iyo ng maraming taon at kakaunti ang pag-asa kong mahalin mo rin ako. Ngunit kung loloobin ng Diyos na mabigyan ako ng tiyansa na mapatunayan ko ang nararamdaman ko para sa iyo sa tamang panahon, hindi ko sasayangin ang pagkakataong iyon."
"Iyon ay kung mananatili ang nararamdaman mo sa akin kahit wala na ako dito sa atin. Bata ka pa at marami ka pang makikilala sa buhay mo.
Namagitan ang sandaling katahimikan habang pinagmamasdan ang malumanay na agos ng tubig sa ilog.
"Claire, kung sakaling pagkatapos ng sampung taon at pareho pa rin tayong malaya, pwede bang subukan mo rin akong mahalin kapag dumating ang panahong iyan?
Napaisip si Claire. Pagkatapos ay sinalubong ang titig ng binatilyo sa kanya.
"Marami ang maaring mangyari at magbago sa loob ng sampung taon, Franco. Pero, gaya ng sinabi mo na kung sakali mang pagkatapos ng sampung taon at pareho pa tayong malaya, marahil ay masusuklian ko rin ang pagmamahal mo para sa akin, malay natin..."
"Pasensya ka na, Claire, kung naging madrama tayo ngayon. Ang gusto ko lang naman ay makasama ka kahit sandali lang bago ka pumunta sa Maynila. Kahit paano ay may kaunting ala-ala man lang tayo."
"Naku, okey lang. Ang sweet mo nga eh. Kaya pala panay ang pasaring ni Mico dahil napansin niya ang mga ikinikilos mo. Ikaw talaga!"
"Ikaw lang naman itong manhid!"
"Aba, malay ko ba. Kapatid nga lang ang turing ko sa'yo."
"Huwag mo nang ulitin please, ayokong marinig 'yan." ani Marco na tumatawa.
"Hay nako, tara na nga. Hapon na eh, baka magtaka sila si Mico kung bakit ang tagal natin. Bumalik na tayo sa palengke."
"Kahit nalaman mo ang damdamin ko sa'yo, sana ay huwag mo akong iwasan, Claire."
"Hindi kita iiwasan, pangako. Pero please lang, tawagin mo pa rin akong 'ate' lalo na sa harapan ng ibang tao. Baka akalain nila eh hindi ka marunong gumalang sa nakakatanda sa iyo.
"Opo, mahal kong ate."
"Franco naman!"
Natatawa na lamang habang pumapadyak si Franco. Sa wakas nasabi niya rin ang nararamdaman kay Claire. Ang akala niya noon ay magagalit ito kung sakaling malaman ang totoo ngunit tila nagkamali siya ng akala.
Kaagad na sinaklolohan ni Claire ang kapatid nang makitang nagkalat ang kanilang mga paninanda.
"Ano bang nangyari dito, Mico? Sino ang may gawa nito?"
"Sino pa nga ba, kundi ang magaling nating ina, ate! Akala niya kasi na pinagtataguan ko siya ng pera kaya ayun, nagwala! Ayaw niyang maniwala na wala pang isang daan ang napagbentahan ko."
"Susobra na talaga 'yang nanay mo, Claire!"
"Oo nga ho, Aling Toyang. Hindi ko na ho alam kung anong gagawin ko."
"Kung ako sa iyo, iwanan ko na 'yan, perwisyo at sakit lang sa ulo ang ang ibinibigay niya sa inyo, pwe! Walang kwentang ina!"
Kaya nga po, Aling Toyang, inihanda ko po ang mga gamit ko para anytime ay pwede na akong umalis nang hindi namamalayan ni inay."
"Ate, sumama na lang ako sa'yo kapag umalis ka."
"Hindi pwede, Mico. Tapusin mo na lang muna ang school year na 'to."
"Pero ayokong kasama si inay sa bahay, ate."
"Pwede ka doon sa bahay tumuloy pansamantala kung gusto mo, Mico. Para naman may kasama din ako at si lolo." alok ni Franco.
"Ayos lang ba sa parents mo, Franco?" tanong ni Claire.
"Ayos lang 'yon sa kanila, nakilala na rin nila si Mico nang magbakasyon sila dito sa Pinas, si Lolo lang ang kasama ko sa bahay at alam kong ayos lang din sa kanya."
"Salamat kung gano'n, Franco. Huwag kang mag-alala, magpapadala ako ng panggastos ni Mico kapag tumira siya sa inyo."
"Walang anuman, Ate Claire. Huwag mong isipin masyado itong kapatid mo, matanda na 'to." biro ni Franco.
Nang araw ding iyon ay tinawagan ni Aling Pasing ang isang kakilala sa Maynila. Umayon naman ang pagkakataon kay Claire dahil naghahanap ng dagdag na tauhan ang may-ari ng grocery store na pinagtatrabahuan ng kakilala ni Aling Pasing.
Kinagabihan, dali-daling nag-empake si Mico upang sumabay sa pag-alis ng kanyang kapatid. Marami na siyang nabuong plano sa isipan kung sakali mang mahanap siya ng kanilang ina.
"Tibayan mo lang ang loob mo, Mico, makakalaya rin tayo sa ganitong klase mg buhay."
"Opo ate, huwag kang mag-alala, tatandaan ko lahat ng itinuro mo sa akin. Siguro naman walang pakialam si nanay kung aalis din ako, ate."
"Hindi natin alam, pero kaunting tiis lang, Mico, ilang buwan na lang, señor high ka na. Ipanalangin mo na mabait ang magiging amo ko doon sa Maynila."
"Opo, ate, basta huwag mo akong kakalimutan ha. Oh, nandiyan pa pala ang tricycle."
Kaagad na bumaba si Franco upang tulungan ang magkapatid sa pagkarga ng kanilang mga gamit sa tricycle
Kaagad nilang narating ang terminal ng bus pa-Maynila. Madamdamin ang naging tagpo nilang magkapatid nang magpaalaman na sila sa isa't-isa.
"Ang palaging sinasabi ko sa'yo, Mico. Kahit anong mangyari, huwag kang gaganti kay inay, ipangako mo sa akin."
"Opo, Ate, susubukan ko."
"Huwag mong subukan, gawin mo."
"Pero paano kung sumusobra na siya, Ate?"
"Ikaw na lang ang umiwas."
Isang buntong hininga lamang ang sagot ni Mico.
"Franco, salamat sa lahat ng tulong mo, ha at sa pagtira sa inyo itong kapatid ko." si Franco naman ang hinarap ni Claire.
"Walang anuman 'yun, basta mag-iingat ka doon, Ate Claire." Hinawakan ni Franco ang mga kamay ni Claire, at ngumiti ito sa kanya ng tipid.
Isang yakap naman ang iginawad ng dalaga sa kanya.
"Ehem!" Tumikhim kunwari si Mico nang mapansing hindi lang iyon basta yakap. "Ate, aalis na yata ang bus na sasakyan mo, baka maiwan ka pa." aniya.
Hindi mabilang na kaway ang tanging namagitan sa kanila hanggang makaalis ang bus.