"ANO'NG drama mo kagabi at bigla ka na lang nawala sa reception ng kasal ni Darlene?" ani ng babae na kapapasok lang sa Bloom and Scents Flower Shop.
Napa-angat ang tingin ni Jade mula sa listahan ng mga orders ng bulaklak nang marinig ang tinig ng kaibigang si Anikka. "Naligaw ka yata? If you're going to invite me out, pasensiya na hindi ako puwede now. Marami akong ginagawa," aniya na binalewala ang tanong nito.
Mahigit apat na taon na niyang mina-manage ang flower farm at mga flower shop ng pamilya niya. Pagka-graduate niya ng college ay ipinasa na sa kanya ng ina ang pamamahala ng mga ito; habang ang dalawa niyang nakatatandang mga kapatid naman ang siyang nagpapatakbo ng furniture business nila.
Umiling si Anikka. "Hindi rin ako puwede tonight, may family reunion kami. At saka sagutin mo nga ang tanong ko, saan ka ba nagpunta at bigla ka na lang nawala kagabi?" ulit nito sa tanong kanina. Naupo ang babae sa upuang nasa harap ng lamesa niya.
"Inatake kasi ako ng migraine. Sobrang sakit kaya umuwi na lang ako," tugon niya na itinuon ulit ang tingin sa mga orders.
Tumikwas ang kilay ni Anikka. "Migraine o masama ang loob mo dahil bigo ka na namang makuha ang bride's bouquet?"
Magsasalita sana siya nang muling bumukas ang pinto ng flower shop. Pumasok doon ang isang lalaki, matanda na ito pero matikas pa rin tingnan sa suot nito na white polo at gray slacks pants. Kasunod nito ang isang babae na tingin niya ay kasing edad niya.
"Good morning ho," magalang niyang sabi na tumayo pa.
Tiningnan siya ng matandang lalaki at tipid na nginitian bago binalingan ang kasamang babae. Tinungo ng matanda ang mga upuan para sa mga customer habang ang kasama nito ay humakbang palapit sa kanya.
"Do you have Casablanca Lilies and Lisianthus?" tanong sa kanya ng babae.
"Yes, Ma'am," nakangiti niyang tugon at tinawag ang tauhang si Gwen. Inutusan niya ito na asikasuhin ang mga bagong dating bago siya muling naupo at binalikan ang ginagawa.
"So, tama ba ako?" ani Anikka pagkaupo-upo niya.
Napabuntong-hininga si Jade, mukhang wala talagang plano ang kaibigan na tigilan siya.
Napailing ang babae. "Jade, bouquet lang 'yon!"
Hindi siya nagsalita. Tama ito, iyon nga ang dahilan kung bakit biglang nawala ang mood niya at maaga siyang umalis sa wedding reception ni Darlene. Tuwing uma-attendnsiya ng ganoong okasyon ay ang paghahagis ng bouquet ang kanyang inaabangan, pero kung bakit naman sa dami ng kasalang napuntahan niya ay hindi talaga siya pinalad na makasalo ng bulaklak.
"And besides, kahit ilang bouquet pa ang masalo mo, hindi pa rin ikaw ang next na ikakasal! Paano ka ikakasal, eh, ni boyfriend nga wala ka, 'di ba?!" patuloy ng babae.
Nanatili siyang tahimik.
"Itigil mo na kasi ang pagpapaniwala sa kung anu-anong bagay, lalo na sa hula-hula na iyan. Hindi totoo ang mga 'yon, okay?" tila nangungunsumeng sabi ni Anikka. "Pagod na kami sa kakaulit-ulit n'on sa 'yo ha!"
Tiningnan niya ito. "Kung 'di totoo 'yon, paano mo ipapaliwanag ang mga part ng hula na nagkatotoo?"
"Alin? 'Yong pagbagsak mo sa battery exam sa nursing, at pagpapalit mo ng course? Gaga! Bumagsak ka dahil tinatrangkaso ka during the exam, at binibigyan ka naman nila ng chance no'n para i-retake 'yong exam pero taas-taasan ka ng pride. You declined their offer and took up another course instead. Ikaw ang nag-decide n'on, hindi fate!"
Hindi siya nagsalita pero inirapan niya ito.
"Jade, puwede ba, kalimutan mo na nga ang hula na 'yon. Masisiraan ka ng ulo dahil do'n, eh!"
"Ako naman 'yong masisiraan, 'di ba? So, ano'ng problema?" papilosopong sagot niya na bakas na ang pagkapikon sa kaibigan.
Nandidilat sa inis ang mga mata ni Anikka. "Hay naku! Bahala ka ngang tumandang dalaga dahil sa kahibangan mong 'yan!"
"Matandang dalaga agad-agad? Twenty-five pa lang naman ako, ah!" nakalabi niyang sabi.
"Yeah right, twenty-five and NBSB!"
Napabuga siya ng hangin. "Ano naman ang masama kung umasa ako na there's someone out there destined just for me?"
Sandaling hindi nakaimik si Anikka, maya-maya ay napailing ito. "Actually, wala. Ang masama ay 'yong iniaasa mo ang buhay at happiness mo sa mga sign na sinabi ng manghuhulang iyon."
Nakasimagot na inirapan ni Jade si Anikka. Lahat na lang talaga ng sabihin niya may nakahandang pangontra ang kaibigan niyang ito. Napabaling ang tingin niya sa matandang lalaki na customer nila. Nakatingin din ito sa kanya at nakangiti. Malamang ay narinig nito ang pinag-uusapan nila at lihim siyang pinagtatawanan. Lalo siyang nainis sa kaibigan.
"Kung wala ka ng kailangan, puwede bang iwan mo na ako? Marami pa akong aasikasuhin," malamig na sabi niya kay Anikka.
Hindi kaagad sumagot si Anikka, pagkuway tumayo na ito. "Bahala ka na nga kung ayaw mong makinig. Anyway, paki-prepare ako no'ng madalas kong ino-order na flowers. Babalikan ko na lang later this afternoon," anito bago siya tinalikuran.
Napabuntong-hininga siya nang wala na ang babae. Bago niya binalikan ang ginagawa ay muling nahagip ng mga mata niya ang matandang lalaki. Nakamasid pa rin ito sa kanya. Naiilang na nagbawi siya ng tingin.
********
"ANO BA naman!? Ngayon ka pa talaga nagkasakit!" bakas ang inis na sabi ni Jade sa kausap sa cellphone.
"Makakapili ba ako ng araw kung kailan ako ta-trangkasuhin?" mababa ang tinig pero papilosopong tugon ng tauhan niya na si Rochelle.
"Eh, sino ang mag-a-arrange ng mga bulaklak para sa debut ng anak ni Mrs. Gonzales? Ten this morning dapat nasa bahay na nila ang mga flowers at nai-arrange na, magpo-photoshoot pa ro'n sabi ni Sarah, eh," aniya na ang tinutukoy ay ang event organizer na contact nila. Matagal na niyang kaibigan si Sarah at kapag may mga event itong inio-organize ay sa kanya ito kumukuha ng mga bulaklak.
Hindi sumagot ang nasa kabilang linya. Napahinga siya ng malalim para kalmahin ang sarili. Alam niyang walang mangyayari kung hahayaan niya na mag-init ang ulo niya.
"Kung kailan napakarami kong gagawin at aasikasuhin saka ka naman sumabay!"
"Sorry na, hindi ko naman ginustong ngayon magkasakit, eh," ani Rochelle na mas mababa na ang tinig.
"Sige, ako na lang ang pupunta ro'n. Bilisan mo ang pagpapagaling dahil kailangan ka rito. Alalahanin mo February na ngayon!"
Pagkatapos makipag-usap sa cellphone ay tinawag niya si Gwen para ibilin dito ang mga gawaing maiiwan niya. Nang masigurong wala na siyang nakalimutang ibilin, mabilis niyang inayos ang sarili at saka lumabas ng shop. Naabutan niya ang tauhang si John na katatapos pa lang isakay sa van ang mga bulaklak. Papasakay na siya sa van nang tawagin siya ni Gwen.
Nangunot ang noo niya nang iabot nito sa kanya ang isang puting sobre. "What's this?"
"May nagpunta ritong babae kagabi before kami mag-close ng shop, Jihan raw ang pangalan. Ipinabibigay n'ya 'yan sa 'yo."
Lalong lumalim ang gatla sa kanyang noo. Tiningnan niya ang sobre, may nakasulat sa labas niyon na "To: Jade of Bloom and Scents'. Bubuksan na sana niya iyon nang tumunog ang cellphone niya.
"Girl, where are you na? Nag-message sa 'kin si Rochelle, ang sabi ikaw raw ang pupunta sa mga Gonzales instead of her," ani Sarah nang sagutin niya ang tawag nito.
"Yeah, she's sick, eh," tugon ni Jade na isinilid sa dalang shoulder bag ang sobreng ibinigay ni Gwen. "Papunta na ako now sa venue ng party." Kinawayan pa niya si Gwen bago siya sumakay sa van.
"I see. I'm on my way na rin, magkita na lang tayo ro'n. Bye," ani Sarah bago ito nawala sa kabilang linya.
Pagkatapos makipag-usap sa kabilang linya ay ibinulsa na niya ang cellphone.