ZEELINA'S POV:
Dahil sa walang traffic jam ay mabilis akong nakarating ng Tagaytay. Pero bago ako makarating sa pagdadausan sa kasal ng aking pinsan ay biglang tumigil ang aking kotse. Kahit anong gawing kong pag-start ay ayaw talagang gumana.
Kaya naman napagpasyahan ko nang lumabas at bumaba ng aking kotse.
Oh, damn! Napahilot ako ng aking sentido nang mapansing tila sa sementeryo pa tumirik ang aking kotse.
Dapat talaga idinaan ko na kanina sa talyer ito nang magoverheat, akala ko kasi ay ayos na. Iyon pala ay hindi pa pala.
Sana pala nakisakay na lang ako kay Castiel. Nang maisip na naman ang alok niya ay nag-init ang aking pisngi, kaya naman mabilis kong ipinilig ang aking ulo para makalimutan ang kahalayang iniisip.
Dahil wala man lang bahay o tindahan man lang sa paligid, at walang bantay sa gate kaya nagdere-deretso ako sa loob ng sementeryo. Baka naman kasi may supurtorero na makatulong sa akin.
Hindi naman ako takot na maglakad sa sementeryo nang mag-isa. Nagawa ko nang maglibot dati sa loob ng sementeryo, at wala rin naman nakakatakot sa loob. Ni wala nga kahit isang kaluluwa ang nagpapakita. Sa totoo lang, ako'y naaaliw pa rin sa pagmamasid sa loob ng sementeryo.
Nagpatuloy ako sa paglalakad, habang dahan-dahang sinisipat ang bawat puntod na nasa b****a lamang.
"Milgros D. Malabanan, August 2, 1967 - March 28, 1988." Basa ko sa isang puntod.
Ang aga niya naman namatay, 21 pa lang siya nang mawala sa mundo. Ano kayang kinamatay niya?
Nalibang ako sa pag-iisip kay Milagros nang mapuna kong bahagyang nakabukas ang pinto ng isang kapilya. Isang ngiti ang sumilay sa aking labi, kaya't nagpasya akong pumasok. Marahil ay may makakatulong sa akin sa loob.
Pagkapasok ko, agad kong napansin ang isang kabaong, ngunit kahit isa walang nagbabantay sa namayapa. Dahil sa aking kuryosidad ay nilapitan ko ito upang masilayan ang nasa loob. Maingat kong inilakad ang aking mga paa papalapit sa kabaong.
Napahinga ako nang malalim nang masilayan ang laman ng kabaong. Hindi ko maipaliwanag kung paano ang dalagitang nasa aking panaginip ay totoo palang wala na at ngayon ay nakahimlay na sa aking harapan.
"Magandang umaga ho, Sister!" Tinig ng isang babae na ikinaigtad ko.
Tss! Napapikit ako sa gulat. Bakit naman bigla-bigla siyang nagsasalita? Halos lumukso tuloy ang puso ko sa gulat.
Unti-unti akong humarap sa kaniya, at ngumiti.
"Magandang umaga di-" hindi ko na naituloy ang aking pagbati nang makilala ang may edad na babae. Katulad ng dalagita sa aking panaginip ay narito din ang ina niya sa aking harapan.
"Naku, Sister! Maraming salamat sa pagbisita sa aking anak." Sambit niya, habang papalapit sa akin. "Sa tingin ko ay kailangan niya ng dasal, sapagkat ayaw siyang tanggapin ng pari," malungkot niyang sabi.
Lumapit ako sa kaniya at masuyong hinawakan ang kamay niya.
"Huwag kang mag-alala, mabuti ang Panginoon. Kung naging mabuti ang iyong anak sa kanyang buhay, tiyak na tatanggapin siya ng Diyos anu man ang kanyang mga naging kasalanan," wika ko upang maibsan ang bigat na dinadala niya.
"Maraming salamat, Sister. Ikaw ay hulog ng langit; nabawasan ang bigat ng pakiramdam ko nang makita kita. Para kang anghel na ipinadala para sa akin, at tunay na napakaganda mo, Iha," sabi niya habang umiiyak.
Inakay ko siya papunta sa upuan para makapagpahinga siya nang maayos. Sa tingin ko kasi, mukhang malapit na siyang bumagsak.
"Salamat po." Tumayo ako at kumuha ng tubig mula sa hindi kalayuan, at agad ko itong inabot sa kanya.
"Naku, ikaw pa ang nag-abot sa akin. Ikaw nga itong bisita dito," sabi niya nang may hiya na sinuklian ko lang ng ngiti. "Gusto mo bang kumain? Anong gusto mo? Kape at biscuits?" Tanong niya na inilingan ko agad.
"Ayos lang ho, natutuwa ako na makita kayong maayos. Hindi rin gugustuhin ng anak ninyo na kayo'y malungkot, tiyak na matutuwa siya kung kayo'y magiging matatag," sabi ko sa malumanay na boses. "Bakit nga ho ba kayo mag-isa dito?" Tanong ko na may pagtataka.
"Kakaburol pa lamang sa kanya, hindi pa alam ng aming mga kamag-anak at kaibigan ang malungkot na balitang ito," malungkot niyang sabi na halos magpahulog ng aking panga.
What?! Kakaburol pa lang? Tila tumutugma ang aking panaginip sa totoong sinapit ng anak niya. Bakit may ganitong klase akong panaginip? Nakakakilabot naman!
"Pasensya na ho, pero p'wede ko bang malaman kung ano ang ikinamatay ng anak ninyo?" Kuryoso kong tanong.
"Tumalon siya mula sa ikatlong palapag ng aming bahay," sabi niya habang muling napahagulgol ng malakas. Kaya't hinimas ko ang kanyang likod. "Sinubukan ko pa siyang dalhin sa kapitbahay naming doktor, ngunit binawian na siya ng buhay. Nakakaawa ang aking anak, hindi ko man lang siya napigilan para huwag gawin ang bagay na iyon," patuloy niyang sabi habang tumutulo ang kanyang mga luha.
Kaya pala duguan ang kaniyang anak nang dalhin niya sa bahay ng lalaking doctor.
"Nararamdaman ko ang iyong paghihinagpis para sa iyong anak. Ang ganitong sitwasyon ay lubos na masalimuot at puno ng sakit." Wika ko sa mababang tono. "Hayaan niyo po, isasama ko siya sa aking dasal." Pampalubag loob ko, para maibsan ang bigat na kaniyang dinadala.
Tumingin ako sa aking relo at napansing alas onse na pala, kaya bigla akong napatayo. Mabuti na lang ay sa gabi pa ang kasal ng aking pinsan, kaya makakarating pa ako doon ng maaga.
"Bueno, hindi na ho ako magtatagal. May importanteng event pa kasi ho ako na pupuntahan. Maging ayos po sana ang lagay niyo ho rito," sambit ko.
"Napakabuti mo, salamat at napadalaw ka." Sambit niya na tumayo na rin. Inihatid niya ako hanggang sa pintuan ng kapilya.
Kasabay ng aking paglabas, nakita ko ang guwardiya sa 'di kalayuan kaya agad ko siyang nilapitan.
"Magandang tanghali po, Kuya!" bati ko. "Baka may alam po kayo kung sino ang gumagawa ng kotse?" Tanong ko sa pag-asang makakuha ng impormasyon.
"May alam ako sa sasakyan, nasaan ba ang sasakyan mo, Iha?" Tanong niya na ikinaliwanag ng aking mukha.
"Nasa labas po," natutuwa kong sambit.
Mabilis kaming pumunta sa aking kotse at agad niyang sinuri ang makina. Ilang sandali lang ang lumipas at saka siya tumingin sa akin.
"Mukha namang walang problema ang kotse mo, Iha. Bakit hindi mo subukan i-start?" Tanong niya na mabilis ko namang ginawa.
Pagpasok na pagpasok ko ay kaagad kong pinihit ang susi at nagulat pa ako nang mag-start nga iyon.
"Ayos na po pala," sambit ko nang makita siyang lumapit sa bintana ng kotse ko. "Salamat ho!" Tuwang-tuwa kong sabi.
"Wala naman akong ginawa sa kotse mo, Iha." Sambit niya na ikinakunot ng noo ko.
Napatulala ako ng ilang segundo bago magpaalam sa guwardiya. Habang nagmamaneho, hindi ko mapigilang mag-isip. Tila ba itinadhana na huminto ako sa sementeryong iyon para matuklasan na ang aking panaginip ay may katotohanan.
Panginoon ko, nangilabot ako nang maalala ko na ang panaginip ko pala ay totoo.
Pagdating ko sa venue ng aking pinsan, agad akong napansin ng aking Mommy at Daddy na matiyagang naghihintay. Pagkakita sa akin, dali-dali nila akong sinalubong habang ipinaparada ko pa lamang ang aking kotse.
"My lovely daughter!" Sambit ni Mommy nang makita ako, agad niya akong niyakap nang makalapit sa akin.Ganoon din ang ginawa ni Dad sa akin.
"Asan po si Kuya Dan?" Tanong ko nang hindi ko makita ang panganay kong kapatid.
"Naku, ayun busy sa hotel room, puro trabaho na naman ang kaharap!" Sambit ni Dad.
"Mabuti pa itong si Nahara ay dalawang beses na ikakasal, hindi na ata ako magkaka-apo!" Maktol ni Mommy na ikinatawa ko.
"Mommy naman, alam mong hindi na ako puwede," malambing kong sabi, sabay yakap sa kaniya.
"Alam ko, anak, tanggap ko," malungkot niyang sabi. "Halika na sa chapel, baka nandoon na ang lahat ng bisita," paglilihis ng usapan ni Mommy.
Alam kong nalulungkot siya, dahil ang gusto niya ay ang magkaroon ako ng sariling pamilya. Hinawakan ko nang masuyo ang kaniyang kamay saka naglakad patungo sa chapel.
Nasa entrada pa lang kami ay kumunot na ang aking noo, nang matanaw si Castiel na masayang nakikipagkwentuhan sa aking mga pinsan.
Why is he here? Sino ba talaga ang lalaking iyan at tila kahit sa araw ng kasal ng aking pinsan ay naririto rin na para bang sinasadya niya.