Kabanata 5:
MARGARET MANUEL
Yakap ko ang sarili ko habang nakasandal sa poste ng veranda. Sa harapan ko ay kitang-kita ko ang kalawakan at kagandahan ng buong hardin, ang lapag na pinupno ng Bermuda grass at mga magagandang uri ng maliliit na bato. Mga malalagong halaman at naggagandahang mga bulaklak na kahit sa gabi at ilaw lang mula sa iilang poste ang liwanag ay kitang-kita pa rin ang kagandahan nito.
Kung tutuusin ay mas maganda pa ito sa ilang hardin na meron ang Villa Fuego, tahimik, masarap ang simoy ng hangin, ngunit hindi kagaya niyon na kapag naroon ako ay gumagaan na ang pakiramdam ko. This place doesn't feel like home, I don't feel I'm belong here.
Ipinikit ko ang mga mata ko, nagbabaka sakali na mapeke ko ang saril ko, ngunit nang ipinikit ko ang mga mata ko ay muling umimahe sa isipan ko ang nangyari kanina sa amin ni Sébastien na siyang dahilan kung bakit ako naririto ngayon. Gusto kong sabunutan ang sarili ko. Hindi ko dapat hinayaan na mangyari iyon. Alam ko namang hindi ako ang tunay na asawa ni Sébastien, at lalong alam kong asawa siya ng kapatid ko. Nandito lang ako para ibigay ang sandaling kalayaan na hinahangad niyang naipagkait sa kaniya, pero hindi para agawin ang buhay na meron siya. Hindi ko maaring kalimutan iyon.
Kinuha ko ang cellphone ko sa bulsa ko. Tatawagan ko sana si Mama pero hindi ko natuloy nang ang bumungad sa akin ay ang kaka-send lang na photo ni Mama. Picture nila ni Meg habang nakahiga sa kama, magkatabi. Malungkot akong napangiti nang makita ko ang mga nakangiti nilang mga labi. Nakaramdam ako ng kirot sa puso ko nang makita ko ang ngiti ni Mama na kahit kailan ay hindi ko nakita magmula nang nawala sa piling namin si Meg.
Huminga ako ng malalim. Ito ang dahilan kung bakit tinanggap ko ang hiling ni Meg sa akin na makipagpalit ng buhay kahit sandali lang, dahil gusto ko ulit na makitang masaya si Mama kasama si Meg. Mariin kong pinunasan ang mga luha ko.
"Margaret, isang araw pa lang ang lumilipas, hindi puwedeng ngayon pa lang ay bumibigay ka na."
Siguro ngayon ang dapat ko na lang gawin ay iwasan na maulit ang nangyari sa amin kanina ni Sébastien. Ang tanga ko kasi, bakit ako nagpadala sa halik niya? Pero sino bang hindi, kung ang isang katulad ni Sébastien Night ang hahalik sa 'yo? Akala ko sa Hollywood o sa mga artista lang ako makakakita ng ganoong klaseng anyo. Para siyang ipinanganak para maging perpekto at patunayan na hindi totoo ang katagang 'walang perpekto sa mundo. Bagay na bagay ang perfect jawline niya sa matangos niyang ilong, ang labi niya na tama lang ang pula pero napakalambot. Ang mga mata niyang parang nangungusap sa tuwing nakatingin sa akin. Sino bang hindi madadala doon?
Ngayong iniisip ko na naman siya ay parang nakakalimutan ko na naman na mali ang nangyari kanina, na hindi ko asawa si Sébastien. Kung hindi pa niya tinawag ang ngalan ng kapatid ko, hindi pa ako matatauhan.
"Oh, bakit gising ka pa?"
Halos mapapitlag at napahawak ako sa may dibdib ko nang bigla na lang may umimik sa may likuran ko. Nang lingunin ko iyon ay nakita ko si Manang Sela. May mga hawak siyang susi kaya sa palagay ko ay nagkakandado na siya ng mga pinto. Kahit pala puno ng gwardya ang labas ng kabahayan ay nagla-lock pa rin ng pinto ang mayayaman? Naninibago pa rin ako sa bagong buhay na kinalalagyan ko ngayon, pero normal lang dahil isang araw pa lang naman ako. Ayoko rin masanay dahil isasauli ko pa ang buhay na ito sa kapatid ko.
Si Manang Sela ay ang punong kasambahay sa mansion. Ipinakilala siya sa akin kanina ni Sébastien. Ang sabi niya ay ito raw ang nagpalaki sa kaniya noong bata pa lamang siya, kaya nang bumukod na siya sa mga magulang niya ay kinuha niya si Manang Sela para maging punong kasambahay niya. Sayang nga, siguro kung nasa puder ako ni Papa ay ang makikilala ko ay ang mga taong kinalakihan ng kapatid ko, kaso iniwan nila ako kanina kay Sébastien dahil mas makabubuti raw na makasama at mas makilala ko ang asawa ko.
Kung alam lang ni Papa na siya ang isa sa dahilan kung bakit pumayag ako sa gusto na mangyari ni Meghan. Dahil gusto ko ulit siyang makita at makasama. Gusto kong malaman kung kagaya ni Mama kay Meghan, nangulila rin kaya si Papa sa akin? Natatakot akong malaman ang sagot dahil natatakot akong mabigo at madismaya.
"Ayos ka lang ba?"
Muling nabalik ang wisyo ko at atensyon kay Manang Sela nang hawakan niya ako sa may siko ko. Nag-aalala siyang nakatingin sa akin, kita ko iyon kahit medyo dim lang ang ilaw sa kinaroroonan namin. Halata kay Manang Sela ang edad niya, puti na ang ilang hibla ng kaniyang buhok, ngunit ang amo pa rin ng mukha niya at mukha pang malakas.
Tumango ako. "Opo, ayos lang po ako."
Sa katunayan ay hindi ko alam kung paano ko siya pakikitunguhan. Pansin ko kasi na ang mga kasambahay ay dumidistansya sa akin. Para bang may pader na nakapaggitan sa amin. Kahit si Sébastien ay hindi ko rin nakikitang nakikipag-usap sa kanila puwera kung may iuutos siya o may itatanong tungkol sa bahay. Kuwentuhan, hindi. Kailangan ko rin bang idistansya ang sarili ko sa kanila? Si Manang Sela lang ang nakikita ko kanina pang kinakausap ni Sébastien, kaswal sila sa isa't isa. Marahil kay Meghan din noon kaya kaswal din siya sa akin ngayon.
"Hindi ka ba makatulog? May gusto ka bang kainin? Gatas para makatulog ka ng mahimbing? Ikukuha kita."
Nang tatalikod na sana siya ay kaagad ko siyang pinigilan. "Hindi na po, Manang Sela. Namamahay lang po siguro ako, saka hindi po ako sanay na may katabing matulog." Ayoko rin sanang makita si Sébastien, natatakot ako sa mga puwede pang mangyari kung hindi ko mapipigilan ang sarili ko.
Gusto ko iyon sabihin sa kaniya pero hindi ko na sinabi. Siguro ay magiging normal lang sa paningin nila ang nangyari, at hindi ko maaring sabihin na hindi ito normal.
Pinagmasdan niya ako habang magkasalikop ang dalawa niyang kamay at hawak pa rin ang key ring. Bahagya akong umiwas ng tingin sa takot na mapansin niyang hindi ako ang asawa ng amo niya. Anim na buwan nang kasal sina Sébastien at Meghan, kaya naman tiyak na anim na buwan na rin niyang kasama sa iisang bubong ang kapatid ko. Hindi nakapagtataka kung kabisado niya na rin ang mukha o kahit ang presensya ni Meghan. Lalo na't katiwala siya sa mansion na ito, ibig sabihin ay pati ang mga tao rito ay respinsibilidad niya. Maraming mga nagtatrabaho bilang kasambahay sa mga taga Villa Fuego, kaya naman alam ko kung gaano karesponsable ang mga taong kagaya nila. Isa iyon sa kinahahangaan ko sa mga katulad nila, kaya naman nakakailang na mukhang mataas ang pader na nakapaggitan sa akin at sa mga kasambahay rito.
"Nakita ko kanina si Sir Seb na pumasok sa study room niya. Dahil ba sa kaniya kaya ka lumabas ng inyong silid?"
Napatungo ako. Yakap ko pa rin ang sarili ko habang nakasandal sa kinasasandalan ko mula kanina. Gusto kong sumagot at sabihin sa kaniya ang totoo kong nararamdaman sa nangyari, pero wala akong mahanap na salita, hindi ko rin makalkula kung anong dapat at hindi ko maaring sabihin.
"Nag-away ba kayo? Puwede ko siyang sabihan. Siguradong makikinig siya sa akin-"
Umiling ako. "Hindi po, mabait po sa akin ang alaga ninyo."
"Kung ganoon, anong problema? Puwede mo sa akin sabihin, Miss Meg."
Huminga akong malalim. "H-hinalikan niya po ako." Nag-init ang pisngi ko nang sabihin ko iyon, lalo na nang makita ko ang gulat sa kaniyang mukha na kaagad din napalitan ng maliit na ngiti. Para tuloy gusto kong pagsisihan ang sinabi ko. Sabi ko na nga ba't ito ang magiging reaksyon niya.
Tumikhim siya at pilit na pinanormal ang mukha niya. "Pasensya na Miss Meg, nagulat lang ako dahil kahit kailan yata ay hindi ko pa kayo narinig na magkuwento tungkol sa buhay mag-asawa ninyo sa loob ng inyong kuwarto. Ni hindi ko pa nga kayo nakitang naghalikan bukod sa kasal ninyo." Pinagmasdan ko lang si Manang Sela. Hindi pa? Normal ba iyon sa dalawang mag-asawa? Kahit halik lang?
"Halika, maupo tayo." Inilahad niya ang kamay sa isang sofa na gawa sa kahoy nara. Sinunod ko siya at pareho nga kaming naupo roon malapit sa riles ng veranda.
Hinarap ko siya. "Hindi po kami malambing sa isa't isa?" tanong ko. Kung tutuusin ay hindi na dapat ako nagugulat dahil sinabi naman na sa akin ni Meghan na hindi niya mahal ang asawa niya, kaya nga hindi siya naging masaya sa marriage nila. Pero hindi ko akalain na ganoon kalamig ang pagsasama nila.
"Alam mo, kung nangyari ito noong mga nakaraang buwan, hindi ako makikialam sa inyong mag-asawa dahil alam ko rin naman na hindi mo hihingin ang payo o opinyon ko. Pero sana ngayon ay hayaan mo akong payuhan ka." Tumango lang ako at hinintay siyang magsalita. "'Wag mo sanang masamain, pero minsan talaga ay normal lang sa mag-asawa na hindi magpakita ng apeksyon sa isa't isa sa harap ng ibang tao, idagdag pa na madalas abala si Sir Seb sa kompanya, sa trabaho. Habang ikaw naman ay abala rin sa iyong boutique. Madalas ay nakatuon ang atensyon mo sa sketch pad mo o hindi kaya ay sa socializing para maka hakot ng mga bagong investors o client, hindi lang para sa boutique mo pero pati na rin sa kompanya ninyong mag-asawa."
Marahan lang akong napatango. Boutique? Ang alam ko nga ay fashion designer si Meghan, pero hindi ko alam na may sarili siyang boutique. Hindi na rin nakapagtataka. Sa yaman nilang mag-asawa ay hindi naman talaga sila matatakot na mamuhunan.
Ipinatong niya ang kamay niya sa ibabaw ng kamay kong nasa kandungan ko. "Pero nang nawala ka, nakita ko ang pagbabago sa asawa mo. Kung makikita mo lang kung gaano siya nag-alala sa 'yo, hindi siya tumigil hangga't hindi ka nakikita. Sa kauna-unahan din na pagkakataon ay may iba siyang inuna kaysa sa kompanya, ikaw iyon, mahanap ka lang. Kaya naman alam kong kapag nahanap ka na niya, sigurado akong hindi niya na sasayangin ang bawat sandali ninyo bilang mag-asawa." Magaan niyang pinisil ang kamay ko at sinundan ng maamong ngiti. "Alam kong wala kang naaalala tungkol sa relasyon ninyo, pero sana hindi mo na hintayin na magbalik pa ang alaala mo bago siya bigyan ng pagkakataon na bumawi sa 'yo bilang asawa."
Mula sa kaniya ay bumaling lang ako sa tanawin para iwasan siya ng tingin. Kahit hindi ko nasaksihan ang mga sinabi niya ay hindi ko pa rin mapigilan ang makonsensya. Nai-imagine ko kung gaano kabigat ang naiparamdam namin kay Sébastien habang itinatago namin si Meghan at tinuturuan ako at hinahanda sa pagpapanggap kong maging siya. Paano kaya kung malaman ito ni Meghan, gugustuhin na kaya niyang bumalik dito, makakita na kaya siya ng pag-asa na maging masaya sa piling ng asawa?
Ang sabi sa akin ni Meghan ay hindi raw niya mahal ang asawa niya dahil ipinagkasundo lang silang dalawa, kumpyansa rin naman siya na hindi siya mahal ni Sébastien. Pero paano kung nabago na iyon at na-realised lang niya iyon nang mawala na si Meghan? Hindi naman siguro malabo dahil ayon sa sinabi ni Manang Sela ay mukhang importante talaga sa kaniya ang asawa. Isa pa, mabait naman ang kapatid ko. Hindi naman siguro siya mahihirapan na mahalin si Meghan.
Habang nakatingin ako sa garden ay natanaw ko ang malayong garage ng mansion. Nagsalubong ang kilay ko nang makita kong bumukas ang malaking gate at lumabas ang isang magarang kotse na gamit namin kanina ni Sébastien papunta dito sa mansion.
"Susset!" Napatingin ako kay Manang Sela nang tumayo siya at may tinawag na isang kasambahay na napadaan lang. Kaagad naman itong tumigil para tugunan si Manang Sela. "Si Sir Seb ba ang umalis?" Naghintay rin ako sa sagot nito.
"Opo Manang Sela, dapat nga po ay kukunin ko sa inyo ang susi dahil nag-lock na po pala kayo. Buti po may duplicate si Kuya Riko."
Tumayo na ako at lumapit sa kanila para makihalubilo. Nakita ko ang pagbaba ng noo ni Susset bilang paggalang sa akin at ang bahagyang pag-atras bilang distansya. Gusto ko sanang kuhestyonin iyon dahil nakakailang iyon para sa akin, pero hindi ko na lang pinansin.
"Saan daw siya pupunta?"
Nanlaki ang mga mata ni Susset sa gulat at bahagyang umiling. "Miss Meg, h-hindi ko rin po alam. Hindi po kami puwedeng magtanong tungkol sa mga ganiyang bagay."
Halos malaglag ang panga ko nang sa tono niya ay para bang isang malaking kalokohan na tinanong ko siya tungkol sa lakad ni Sébastien. Si Manang Sela naman ay natawa saka inilingan si Susset.
"Hindi pa ulit nasasanay si Miss Meg sa patakaran at kalakaran sa mansion. Hala sige na't iwan mo na kami at ako nang bahala kay Miss Meg."
Tumango lang si Susset at tumango sa akin bilang magalang na pagpapaalam, saka na umuna. Sinundan ko lang siya ng tingin hanggang sa abot ng aking paningin, nabalik lang ang tingin ko kay Manang Sela nang muli siyang magsalita.
"Sa palagay ko ay nagpunta lang si Sir Seb sa tambayan nila ng pinsan at mga kaibigan niya, kinikita niya ang mga iyon kapag wala siyang trabaho o kailangan ng distractions o makakausap."
"Sa ganito pong oras?"
Tumagilid ang ulo niya sa akin. "Sa palagay ko ay binibigyan ka rin niya ng espasyo na kailangan mo. Ngayong umalis na siya ay solo mo na ang kuwarto, maari ka nang makapagpahinga." Hinawakan niya ako sa ibaba ng balikat ko. "Unang gabi mo pa lang dito sa mansion matapos ng aksidente, kaya nararapat lang na bigyan ka muna ng space ni Sir Seb, kaya sige na't nubos-nubusin mo na, baka hindi ka na makatulog kapag naabutan ka niyang gising. Sigurado rin naman na pagod ka sa byahe pabalik dito sa Manila."
Humawak ako sa may batok ko nang tila pinaalala niya sa akin ang pagod ko. Mahaba-haba rin ang byahe namin kanina at hindi pa kaagad ako nakapagpahinga dahil in-interview pa ako nina Papa kanina. Kaya naman sinunod ko na ang payo ni Manang Sela at nagpasalamat. Nakatalikod na ako sa kaniya at nakakailang hakbang nang may maalala ako kaya muli ko siyang hinarap.
"Manang Sela. Pabor lang po sana, puwede po bang Madge (Maj) na lang po ang itawag ninyo sa akin, iyon po kasi ang tawag sa akin ng mga kumupkop sa akin sa probinsya."
Wala ito sa napag-usapan namin ni Meg, pero matapos nang nangyari sa amin kanina ni Sébastien, doon ko napagtanto na mahalaga pa rin sa akin na matawag sa sarili kong pangalan. Hindi ko man maibigay ang tunay kong pangalan, at least manlang ay sa palayaw na tawag sa akin sa Villa Fuego.
Tumango-tango siya. "Miss Madge."
Umiling ako. "Madge na lang po kung ayos lang."
Pinagmasdan niya ako saka napangiti. "Osige, Madge."
Sana kahit sa ganitong paraan lang, maging 'ako' ako sa mansion na ito.