“Wag mo nang masyadong isipin yung mga sinabi ni Mrs. Sy. Matagal nang hindi ipinapatupad ang Death Penalty dito sa Pilipinas,” ani Ziggy. Marahil napansin niya ang ilang ulit na pag-buga ko ng hangin mula pa kanina. Concern is written all over his face. “Kumain ka na muna. Alam ko na kanina ka pa hindi kumakain,” aniya at mas inilapit pa sa akin ang tray ng pagkain sa harapan ko.
“Hindi naman 'yon yung iniisip ko, e.” sagot ko bago magpakawala ulit ng malalim na buntong-hininga. “And besides, I understand her.” bulong ko pa bago ngumiti nang mapait.
Naiintindihan ko si Tita Maricar. She just lost her son. Alam ko na nahihirapan siya sa mga nangyayari lalo pa nga't biglaan ang lahat. I understand that she just want to bring justice for Sky's death.
I know that feeling. I remembered being in that same situation before.
Nang magkasunod na namatay ang mga magulang ko, ganoon din ang naramdaman ko. I felt so helpless during those times. I was just seven years old that time and everything happened so quickly. Basta ang natatandaan ko lang, umalis sila mama at papa. Ang sabi nila lola o-operahan daw ang mama ko. It was supposed to be a simple operation, pero patay na siya nung bumalik sila. Nagkaroon daw ng problema sa ospital pero ayaw naman i-kwento nila Lola kung anong klaseng problema iyon dahil masyado pa daw akong bata. Tapos, hindi pa namin naililibing si mama, na-aksidente naman si papa. Mabiktima siya ng hit-and-run na hanggang ngayon, hindi pa din nabibigyan ng hustisya. Wala pa ding nananagot sa pagkamatay niya.
Sa totoo lang, ang mga memories nila ang ginagamit kong que sa pag-iyak sa projects na ginaganapan ko. Mahirap mawalan ng mahal sa buhay, lalo yung biglaan. Kaya kung may isang tao man na nakakaunawa sa pinagdadaanan ni Tita Maricar, ako 'yon.
“Hey, don't cry. Sabi ko naman sayo, tutulungan kita, diba?” ani Ziggy at inabutan pa ako ng panyo pero hindi ko iyon tinanggap. Pinunasan ko ang mga luha ko gamit ang sarili kong kamay. Hindi naman kasi ako naiiyak nang dahil sa banta ni Tita Maricar.
“I'm fine,” bulong ko bago magpakawala ng malalim na buntong hininga. “Inosente ako kaya alam ko na wala akong dapat na ika-takot.”
“That's right. You need to be strong. Kaya kumain ka nang kumain,” aniya at muli pa akong nginitian bago isubo sa bibig ko ang hawak kong kutsara na may lamang pagkain. “Hindi gugustuhin ng lola mo na makita kang ganyan.”
“S-si lola?” tanong ko na tinanguan naman niya. Hindi ko alam kung paano niya nakilala si Lola pero ngayon na nabanggit niya ito, ngayon ko lang naalala na baka nag-aalala na siya para sa akin. Biglaan ang mga nangyari kanina, ni hindi ko nagawang mag-paalam nang maayos dahil maging ako, maguguluhan sa mga nangyayari. “Paano mo nakilala ang lola ko?”
“She's my grandmother's friend. Pinuntahan niya ang lola ko after siyang tanggihan ng ibang abogado na kakilala niya.” Paliwanag niya.
“Ibig sabihin, si lola ang kumuha sayo?” tanong ko matapos lunukin ang pagkain sa bibig ko.
“Yes. She's the one who asked me to help you,” kwento niya. “Lumapit siya sa akin dahil ayaw nang maki-alam ng FDM Agency sa kaso mo. Ayaw nilang masangkot sa issue lalo pa nga't malaking kaso 'to. And besides, malaki ang investments na nakukuha nila mula sa mga Sy. Hindi nila gugustuhin na kalabanin ang mga 'to.”
Napapikit ako at huminga nang malalim upang tanggalin ang namumuong galit sa sistema ko. Nakakainis dahil ngayon ko pinaka-kailangan ng tulong pero hindi ko sila maasahan. Samantalang noong nililigawan pa lang nila ako para pumirma ng kontrata sa kanila ang huhusay nila.
Pero hindi. Hindi makakatulong sa akin kung magpapakain ako sa galit. There must be a reason kung bakit hindi sila makapagpadala ng tulong. May abogado naman na ako ngayon at alam ko na hindi ako magtatagal dito. Saka ko na lang sila kakausapin dahil ang dapat na i-priority ko ngayon ay ang maka-alis sa lugar na 'to.
“Kumusta ang lola ko?” tanong ko.
“To be honest, she's not fine.” sagot niya kaya mabilis kong nabitawan ang kutsara ko. “But she will be. Napag-usapan namin na kung hindi kita mailalabas ngayon dito tonight, bibisita siya bukas.”
“A-anong ibig mong sabihin? Dito ako matutulog?” tanong ko at inilibot pa ang tingin sa paligid ng enterogation room. “A…ayoko dito,” mahina kong bulong.
“Kung hindi ka papayagan na mag-piyansa, wala tayong choice kung hindi mag-comply sa batas. You have to stay here.”
“They can't detain me here! Wala naman akong kasalanan!” sagot ko.
“But you haven't prove yourself inoccent yet. They have the upper hand, Eli.” Pagpapa-alala niya sa akin kaya napasapo na lang ako sa noo ko. “And besides, hindi ka naman dito sa kwartong 'to matutulog, e. May specific cells for the detainees here.”
“What? That's even worst! Please do something. Ayokong makulong dito!” Pagmamaka-awa ko sa kanya. Ayokong manatili pa dito. At sino ang mga makakasama ko?
“Of course, I will.” aniya habang nakangiti. “Tapusin mo na yung kinakan mo. Lalakarin ko lang sandali ang papers mo,” paalam niya bago ako iwanang mag-isa.
Katulad ng bilin niya, bumalik na ako sa pagkain. He's right. Kailangan kong kumain. I need to be strong.
Magana akong kumakain nang muling bumukas ang pintuan. Ang akala ko nakabalik na si Ziggy pero iba pala itong dumating.
It was a man wearing a simple white long sleeve na pinatungan niya ng kulay maroon na sweatshirt. He looks familiar but I can't figure out kung saan at kailan ko siya nakita.
“Sino ka? Are you one of those police officers?” tanong ko.
“No.” He retorted. “Tch.”
“Okay,” mahina kong sagot at tinapos na ang pagkain. Ngayon ko lang tuluyang naramdaman ang pagod at gutom gawa nang ilang oras na akong nandito, tapos wala pa akong kinakain mula nang arestuhin nila ako. Hindi ko na lang pinansin ang lalaking dumating kahit pa nakaka-ilang ang panunuod niya sa pagkain ko.
“You really have the apetite after killing someone, huh?” puna niya habang nakangisi sa akin. Sinenyas pa niya ang pinagkainan ko na wala ng laman. Prente siyang naka-sandal sa doorway ng nakabukas na pintuan habang naka-halukipkip pa. He radiates the same vibes of Inspector Salas kaya naman sigurado ako na naniniwala din siya na ako ang pumatay kay Sky.
“I didn't kill anyone,” I calmly responded. His aura was too intimidating but I don't want to show him that I'm being affected.
“Well, that's not what the evidences are telling me,” sagot niya bago lumapit sa akin at naupo pa sa katapat kong silya. “I'm Attorney Iñigo Kenwood,” mayabang niyang pagpapakilala dahil talagang may diin yung pagkakasabi niya ng attorney.
Ano naman kaya sa akin kung sino siya? I mean, hindi naman kami magkakilala. Hindi rin naman siya ang abogado ko kaya nakakapagtaka lang kung ano nga ba ang ginagawa niya dito.
“You look puzzled,” aniya bago ako ngitian nang nakakaloko. Kusang umarko ang kilay ko. His way of speaking was too arrogant. Yung tipong nakakapikon? Yung kapag pinatulan ko alam kong ako lang ang matatalo? Mukhang masyado siyang close minded kaya mabuti pa'y wag ko na lang siyang sabayan.
“Why? Do I know you? Or dapat ba kakilala kita?” tanong ko habang habang nakangiti at pilit na tinatago ang pagkairita sa boses ko. Ayokong pumatol sa kanya, sayang lang ang energy ko. 'Kaya Eloisa, kalma lang.'
“I'm the attorney of Sky Sy. The man you just murdered,” aniya kaya padabog kong naibaba ang kamay ko sa ibabaw ng mesa.
Sa totoo lang, napapagod na ako sa pagsagot sa kanila na hindi ko nga pinatay si Sky. Paulit-ulit na lang kami. Huminga muna ako nang malalim bago siya seryosong tingnan. Kailangan kong mag-relax. Ayoko siyang patulan. “Atty. Kenwood, hindi ko pinatay si Sky.”
“Wow. You've got the nerve to lie, huh?” bulong niya at tiningnan pa ako mula ulo hanggang paa. “Dapat siguro, gawin ko na kung ano talaga ang pinunta ko dito,” aniya bago maglapag ng folder sa pagitan namin. “Confess now. Baka sakaling bumaba ang hatol sayo.” Binuksan niya ang folder at pinakita pa sa akin kung ano ang content nito.
Kapareho iyon ng mga papeles na ipinakita sa akin ni Ziggy kaya nag-uumpisa na naman akong makaramdam ng pagod. Ilang ulit ko bang makikita ang mga 'yan?
“Ano ang dapat kong i-confess?” tanong ko at marahan na itinulak pabalik sa kanya yung folder. “Malinis ang konsensya ko. Kahit iharap niyo ako sa husgado, wala kayong mapapala sa akin.” Ngumiti ako sa kanya para ipakita na confident ako kahit pa kumakabog na ang dibdib ko nang dahil sa kaba.
‘Bakit ba napaka-intimidating niya masyado?’
“Hindi ka ba kinikilabutan sa sinasabi mo?” Tila hindi makapaniwala niyang tanong. “Wala ka bang nararamdaman na kahit katiting na pagsisisi sa ginawa mo? Someone was dead. You killed him. Your very own friend!” Madiin pa niyang dugtong. “Kung sa tingin mo makakatakas ka sa kasalanang ginawa mo, nagkakamali ka. I'll make sure that you will pay for the crime you commited.” He confidently said.
“Uulitin ko, inosente ako.” Matipid kong sagot.
“Sabagay, sabi nga nila 'innocent until proven guilty’ but I know your kinds,” aniya bago samsamin nang maayos ang folder at tumayo. “You will rot in jail, Serdantes.”
“Iñigo? What are you doing here?”
Sabay kaming napalingon sa mga bagong dating. Magkasabay na bumalik si Ziggy at Inspector Salas at bakas sa mga mukha nila ang pagkagulat nang makita nila si Atty. Kenwood.
Lumapit sa akin si Ziggy at matipid na ngumiti sa akin bago muling tingnan si Kenwood.
“Magkakilala kayo?” tanong ko pero hindi niya ako sinagot, nanatili lang siyang nakatingin sa abogado nila Sky.
“Bakit nandito ka?” tanong ulit ni Ziggy.
“Ikaw ang dapat na tinatanong ko. Anong ginagawa mo dito?” ganting tanong ni Atty. Kenwood. “Huwag mong sabihin na ito yung kaso na sinasabi mo?”
“Oo. Ito nga 'yon.” sagot ni Ziggy. “And you? Is this your newest case?”
“Yes, it is.” May bahid ng pagkainis ang boses niyang sagot at huling-huli ko pa ang matalim niyang sidelooks sa akin.
'Ugh. Nakakairita siya!'
“Oh my God! Hindi ako na-informed na ganito ang magiging reunion nating tatlo!” Nakangising sabat ni Inspector Salas. “How long it has been? Four to five years?”
So, tama ang iniisip ko. Magkakakilala nga sila. I don't know if that's a good thing or not.
“It's not something to celebrate, Sherleen. Tch,” iritableng tugon ni Atty. Kenwood. “Are you nuts? Bakit tinanggap mo yung case na 'to?!” mahina subalit may panggigigil na tanong niya kay Ziggy. “Do you really want to ruin your career?”
“My client said that she's innocent.” seryosong sagot ni Ziggy.
“And you believed her?” tanong ulit ni Kenwood at tiningnan pa ako nang masama kaya sinalubong ko ang tingin na pinupukol niya sa akin. “Hindi ka ba nag-iisip?” baling niya ulit kay Ziggy. “Gusto mo ba talagang itapon sa wala lahat ng pinaghirapan mo?”
“He's a fool. I knew it. Among the three of us, he's the only one who doesn't know how to use his brain,” sabat ulit ni Inspector Salas.
“I know what I'm doing, okay?” kalmadong sagot ni Ziggy pero ramdam na ramdam ko na ang mabigat na tensyon sa pagitan nila. “Wala pa tayo sa korte pero hinuhusgahan niyo na siya kaagad.”
“She's a murderer! How could you defend her?!” sigaw ulit ni Kenwood kaya tumayo ako at kahit naka-posas sa lamesa ang kamay pilit ko silang hinarap. “See? She's dangerous!”
I was left dumbfounded for what he just said.
'Alam niyo? Imbis na inuubos niyo ang panahon niyo sa akin, bakit hindi niyo hanapin ang totoong pumatay kay Sky? Bakit ba ako ang pinag-iinitan niyo?' Gustong gusto kong itanong sa kanila 'yon pero hindi ko magawa.
“I didn't kill anyone,” pikit-mata kong bulong.
“Eli, it's okay. I'll handle this,” ani Ziggy at pilit pa akong pinabalik sa pagkaka-upo ko. Hindi ko alam kung masyado na bang obvious na napipikon na ako pero mabuti na lang at nandito si Ziggy. He tapped my shoulder and smiled to me. “Calm yourself down. Hindi ikakabuti ng kaso mo kung magpapadala ka sa galit.” bulong pa niya kaya pumikit ulit ako at ilang ulit na huminga nang malalim. “Okay ka na? Kalmado na?” tanong pa niya kaya tumango ako kahit pa ramdam na ramdam ko pa din ang tensyon.
“I'm sorry,” bulong ko na tinangunan naman ni Ziggy as if it's his own way of saying na naiintindihan niya ako. Nakakapikon naman kasi talaga itong si Kenwood, masyadong judgemental
“My client is innocent and it's my job to prove that,” seryoso niyang sagot dun sa dalawa.
“Nasa harap mo ang mga ebidensya. Ano ba pa ang gusto mong patunayan, Zigmund?!” sigaw ni Kenwood.
“It's Attorney Park.” Seryoso niyang pagtatama rito. “Adressed me as Atty. Park when we're talking about this case.”
Bakas sa mukha ni Kenwood ang pagkabigla sa sinabi ni Ziggy. Actually, kahit naman ako nagulat. Bigla kasi siyang naging seryoso.
“Zigmund, ano ka b—”
“Inspector Salas, let's set aside our personal connections here. Today, we're not here as friends, we're all professionals.” Baling niya kay Salas. “Papatunayan ko na inosente ang kliyente ko.” Dagdag pa niya bago ako lingunin at ngumiti. “She's innocent and I believe her. I will prove you all wrong.”
“She's not. I'm telling you,” Kenwood insisted. “Mapapahiya ka lang.”
“Come on, be fair and stop being childish.” aniya na nagpataas sa kilay ni Kenwood. Mukhang hindi niya nagustuhan ang mga salitang binitawan ni Ziggy. “Want to make a bet out of it?” Matapang na hamon ni Ziggy.
“May the best lawyer wins?” tanong naman ni Kenwood bago mag-alok ng kamay. Ziggy accepted it and we were covered with dead silence. Tila ba tinatantsa nila pareho ang isa't-isa.
“See you on court then…” ani Ziggy bilang pagbasag sa karahimikan. “…Atty. Kenwood.”
“What? Are you both serious?” tanong ni Officer Salas at pinagsalitan pa ng tingin yung dalawa.
“Likewise, Atty. Park,” tugon ni Kenwood matapos bawiin ang kanyang kamay. Hindi na din niya pinansim ang tanong ni Officier Salas at akmang aalis na kaya kaagad akong nagsalita.
“I'm begging you… the both of you… find the real killer.” Magalang akong yumuko sa harapan nila.
“Tch.” tugon Kenwood at naiiling pa na umalis. Sumunod din naman sa kanya si Salas kaya bumalik ako sa pagkaka-upo ko.
-
“Eli, pasensya na talaga ha?”
“Ayos lang. Naiintindihan ko,” nakayukong sagot ko kay Ziggy. Kanina pa siya nag-a-apologized kahit hindi naman niya kasalanan na hindi ako pinayagan na mag-bail out.
Kasalukuyan kaming papunta sa selda na pagtutulugan ko habang nandito pa ako. Ang sabi ni Ziggy, mga babae din naman ang makakasama ko pero hindi ko maiwasan ang kabahan ng sobra.
Matutulog ako ngayon sa isang lugar na puno ng mga taong hindi ko kakilala. Most of them are law violators. Paano kung makatapat ako ng mga war freak na cellmates? Yung katulad ng sa mga pelikula at drama?
Habang binabagtas namin ang nakahilerang mga kulungan, pabigat nang pabigat ang paghinga ko.
'Kailan ba matatapos ang bangungot na 'to?'
May ilan akong naririnig na nag-uusap patungkol sa akin. Marahil ay namumukhaan nila ako o baka may ideya na sila kung ano ang ginagawa ko dito. Sa panahon pa naman ngayon, mabilis nang kumalat ang mga balita, lalo na yung mga fake news.
“Babalik ako bukas. Titingnan ko ulit kung may magagawa ako para hindi ka ma-detain dito,” ani Ziggy dahilan para mabalik sa kanya ang atensyon ko. “Here, you'll stay here... for the mean time.” aniya at itiniro pa ang selda na tutulugan ko. Papasok na sana ako sa loob pero natigilan ako nang bigla niya akong hinawakan sa balikat. Hinubad niya ang suot niyang coat at ipinatong iyon nang maayos sa balikat ko. Ngayon ko lang napagtanto na naka-panjama at manipis na white shirt pa rin ako. Ito pa yung suot ko nung natulog ako kagabi at dahil nga sa napakaraming nangyari sa araw na 'to, ni hindi ko manlang nagawang magbihis. “Konting-tiis lang, ha? Tapos, isasama ko si Lola mo para maipagdala ka din ng damit.”
Mabilis akong tumango sa kanya bago humawak sa braso niya para awatin siya sa kanyang pag-alis. “Ziggy, salamat ha? I-ikaw na din muna sana ang bahala sa lola ko,” mahina kong bulong. Nakakahiya man, wala akong ibang choice kung hindi lubusin ang pagtulong niya.
Sa sitwasyon ko ngayon, si lola ang pinaka-inaalala ko. Alam ko na naguguluhan siya at nag-aalala para sa akin. Ayoko namang may mangyaring masama sa kanya lalo pa nga't wala ako ngayon sa tabi niya. Siya na lang ang meron ako. I can survive all the hardship because she's by my side. Talikuran at iwanan man ako ng lahat, alam ko na hindi niya ako iiwanan.
“I-set aside mo na sa mga intindihin mo si Lola Lorna. Hindi namin siya papabayaan. Magpahinga ka nang mabuti,” nakangiti niyang bilin bago magpaalam na aalis na.
Nakangiti ko naman siyang tinanaw habang nakakapit sa rehas na gawa sa bakal. Hinintay ko hanggang sa tuluyan na siyang lumiko at nawala sa aking paningin bago magpakawala nang malalim na buntong-hininga.
Mabuti na lang at siya ang nakuhang abogado ni lola. Oo, may parte sa akin na kabado kasi alam kong naniniwala lang siya sa akin dahil iyon ang trabaho niya bilang abogado ko. Pero hindi pa din 'non mababago ang katotohanan na malaki ang pasasalamat ko kasi pumayag siyang tanggapin ang trabahong 'to. At isa pa, mabait naman siya, e. Sweet and caring.
Hindi katulad nung Iñigo Kenwood na 'yon. Siguro noong nagpasaboy ng kayabangan at kasungitan, gising na gising siya at may dala pang portable swimming pool o kaya naman, siya mismo yung nagpapa-ulan mula sa taas. Siya na yata ang pinaka-mayabang na tao na nakilala ko sa buong buhay ko.
“Ineng,” Napabalikwas ako ng lingon nang may isang bilugang babae ang nagsalita sa likuran ko. “Ikaw yung artista, diba?”
Alanganin akong ngumiti at tumango dahil hindi ko alam kung magandang bagay ba na may nakakakilala sa akin dito o hindi.
“Totoo yung tsismis?” tanong nung katabi niya habang prenteng nakaupo sa ibabaw ng nakalatag na karton sa sahig. “Totoo bang patay na yung ka loveteam mo? Ikaw ba talaga yung pumatay kay Sky Sy?” tanong ulit niya.
Mabilis akong umiling at nagtaas pa ng kaliwang kamay na parang nanunumpa. “Hindi po. Napagbintangan lang po ako.”
Halos kapusin ako ng hininga nang dahil sa sobrang lakas ng pagkabog ng dibdib ko. Mangyayari na ba yung kinakatakot ko? Ito na ba yung part na pagtutulungan nila ako? Yung kukuyugin nila yung bida kasi fans pala sila nung biktima na namatay? Yung hindi sila maniniwala sa akin at gusto nilang ipaghiganti yung idol nila? Ganoon sa mga drama at pelikula, diba? Sa liit ng pangangatawan ko, hindi ako makaka-survive! Baka nga kahit nga ang manlaban hindi ko magawa, e.
“Oy? Ayos ka lang?” tanong ulit nung babae na unang kumausap sa akin. “Hinga ka. Baka matuluyan ka d'yan,” biro niya kasunod ang malakas na tawanan ng iba pang kasama namin sa loob. Bukod kasi sa aming tatlo, may tatlo pa ulit na babae. Sa tingin ko, hindi nalalayo sa edad ko sa kanila. Tumatawa silang lahat habang nakatingin sa akin. “Wag ka mag-alala, hindi ka namin sasaktan kaya huminga ka na. Namumutla ka na, e.” dagdag pa niya at noon ko napansin na pigil ko pala ang aking paghinga.
“Asus. Kawawang bata,” puna pa nung babae sa ibabaw ng karton. “Ako si Miling, pwede akong tawaging Nanay Miling tutal iyon naman ang tawag sa akin niyang tatlong bruha. Iyan naman si Suzy.” Pagpapakilala niya at doon sa katabi ko. “Mababait kami, wag ka mag-alala.” aniya kaya napangiti ako.
“Eloisa po,” matipid subalit may paggalang kong pagpapakilala.
“Nako, alam namin kung sino ka. Maugong na maugong ang pangalan mo mula pa kanina. Ngayon lang kasi kami nagkaroon ng ka-selda na artista!” Masayang sagot ni ate Suzy at siya na ang nagpakilala doon sa iba pang kasama namin.
Bale si Nanay Miling ang pinakamatanda sa kanila, 47 years old, fraud daw ang kaso niya dahil gumagawa siya ng mga pekeng papeles katulad ng Birth Certificate, Passport, Diploma at iba pa. Si ate Suzy naman, 30 years old at dahil naman daw sa pagnanakaw, dati daw kasi siyang snatcher pero nagbabagong buhay na daw siya. Tama naman ako ng tingin kanina, ka-edaran ko lang sina Apple, Lemon at Peachy, 24 years old, pare-pareho silang nahuli na pagala-gala sa kalsada at nagbebenta ng drugs at aliw. Medyo awkward nga para sa akin na malaman ang mga kaso nila pero casual lang naman silang nagku-kwento kaya minabuti ko na lang na huwag ipahalata sa kanila iyon.
“Ikaw, alam na namin kung ano ang kaso mo. Murder diba?” maarteng pahayag ni Lemon habang kinukulot ang mahabang buhok ni Peachy. Sa kanilang tatlo, pansin ko na parang siya yung mukhang pinaka-wild, or maybe liberated is the right term. Si Peachy naman, may pagka-playful. While si Apple naman yung ate material. I mean, magkaka-edad lang naman sila pero ramdam ko kaagad na may iba sa kanya.
Hindi ko din malaman kung bakit kanina pa siya tingin nang tingin sa akin.
“Nakita namin kanina sa balita, e. Wag ka na mag-deny. Okay lang 'yon. Lahat naman tayo dito may ganyan na kwento ng buhay. Ano pa man yung nakaraan mo, tanggap ka namin dito.”
“But it wasn't me,” mabilis kong sagot. “Napagbintangan lang ako.”
“Sabi mo, e.” Nagkibit-balikat pa si Lemon. “Saka, dapat lang na inosente ka! Idol ka kaya nitong si Apol! Baka imbis na pag-aartista pangarap ng babaeng 'yan, maging instant killer,” mataray na sagot ni Lemon.
Okay… di ko alam kung nagagalit ba siya sa akin o sadyang ganyan lang siyang magsalita. Daig pa niya yung ng megaphone sa sobrang lakas ng boses niya.
“Nakakahiya ka Lemon! Lahat ng laway mo nasa buhok ko na! Nag-toothbrush ka na ba?” singhal sa kanya ni Peachy. “Nanay, o? Ang baboy na naman ni Lemon! Kaka-shampoo ko lang, e.”
“Gaga! Mabango naman hininga ko! Wag ka nga! Kahit gawin mo pang perpyum yan!” sigaw ulit ni Lemon habang hinihingahan si Peachy sa mukha.
“Anong perpyum?! Pabango na lang kasi! Pinapahirapan mo pa yung dila mong matigas!” kantsaw ni Peachy kaya nagtawanan silang lima.
“Hoy Pitchi! Matigas lang ang dila ko pero magaling akong mag-ingles!” sigaw pa ulit ni Lemon.
“Luh, may magaling ba na di makabigkas nang tama?”
“Gaga! Meron talagang gan–”
“Oy! Oy! Oy! Tama na yan. Mamaya magkakapikunan na naman kayong dalawa d'yan. Apple, paghiwalayin mo na iyang dalawang 'yan.” Awat sa kanila ni Nanay Miling.
Mabilis namang sumunod si Apple sa kanya. Tumigil siya sa pagtitig sa akin at pumagitan ng upo doon sa dalawa na panay pa din ang asaran.
“Ikaw kasi, e.” mahinang paninisi ni Peachy.
“Ako? Ikaw itong maarte, e. Nalawayan lang, e.”
“Isa…”
Mahina akong natawa nang mag-uumpisa nang magbilang si Apple. Ang mas nakaka-aliw pa 'don, bigla nang nanahimik yung dalawa. As in, wala nang umiik sa kanila.
“A-ano pong meron?” mahina kong tanong kay ate Suzy pero kibit-balikat lang ang itinugon niya sa akin.
“May problema kasi yung turnilyo sa ulo nung tatlong 'yan. Di ko din gets kung paano tumatakbo utak nila, e,” mahina din na bulong ni ate Suzy. “Basta kapag maingay na yung dalawa, pa-pwestuhin mo na sa gitna yung isa para automatic na manahimik.”
“Ha? A-ano pong logic 'non?” natatawa kong tanong.
Somehow… it feels great. Ngayon lang yata ako natawa magmula nung nagising ako.
“Ewan ko din,” aniya habang nakangiti din. “Alam mo, ganyan dapat. Ngingiti ka. Ang ganda-ganda mong bata, e.”
“Salamat po,” sagot ko. “Kaya lang sa sitwasyon ko, parang ang hirap magkunwari na masaya,” sagot ko at nagpakawala pa ng buntong-hininga. “Patay na yung best friend ko tapos hindi ko manlang magawang magluksa kasi ako yung napapagbintangan sa pagkawala niya,” mahina kong bulong bago yakapin ang magkabilang tuhod ko.
Sa bawat pagkakataon na maaalala ko ang kalagayan ko, gustong-gusto kong umiyak. I just lost my best friend, ni hindi ko man lang siya nakita. Nag-uumapaw yung memories ko kasama siya. All those script reading, our behind the scenes moments, sleepless nights, and even the small talks we used to share. Nakakalungkot at nakakapanghinayang na hindi na madadagdagan yung memories ko kasama siya.
Yumuko ako at pasimpleng pinunasan ang nabasa kong mukha. Ayokong magpakain sa emosyon ko pero kahit anong gawin ko, kusa pa din na umaagos ang mga luha ko. Ganitong ganito ako kapag umiiyak ako sa set, ang hirap tumigil.
“Alam mo 'te? Kung talagang inosente ka, dapat hindi ka magpa-api! Aba! Kung ako ang nasa sitwasyon mo, never akong gaganyan! Di pa nag-uumpisa ang laban, nagpapatalo ka na agad!” ani Lemon at maarte pa na rumampa sa harapan ko. “Ganito lang 'yan, e. Isipin mo, inosente ka pero ikaw yung nakakulong. Tapos yung totoong killer nasa labas, nag-e-enjoy sa buhay! Oh diba, unpayr!”
“Tsk! Unfair kasi 'yon!” ani Peachy bago ako balingan. ”Oo nga. Wag ka nang malungkot. Hindi naman ganoon kasama ang makulong dito. At least, may sure kang bahay at nasa tamang oras din ang kain mo. Iyon na lang ang isipin mo!” dagdag pa niya at tinapik-tapik pa ang balikat ko. “Dati nga kami kung saan na lang maabutan ng dilim, doon na lang din matutulog. Kung mamalasin, wala na ngang kain, minsan binabagyo pa.”
“Oo nga. Saka swerte ka na din! Kami mga ka-kosa mo! Tingnan mo, pwede tayong ilaban sa mga pa-Beauty Contest dito sa loob! Ke gagandang lahi!” Maharot pa na dugtong ni Lemon na sinabayan pa niya ng pagkembot.
“Saka mababait kami dito,” ani Apple at ngumiti pa sa akin. “Hindi naman totoo yung mga napapanuod sa drama na puro away at gulo dito sa loob. Halos lahat dito nagtutulungan para makapag-bagong buhay kami pare-pareho.” aniya at inabutan pa ako ng panyo. Tinanggap ko iyon at binunasan ang luha ko.
“Pero maiba ako, oy te! Sino yung gwapong lalaki na naghatid sayo kanina? Jowa mo?” tanong ni Lemon kaya umiling ako.
“Tsismosa talaga 'tong si Lemon,” pang-aasar ni Ate Suzy. “Pero oo nga, bagay kayo! Ayieeeh!”
“Nako, hindi po. Abogado ko po si Ziggy!” Mabilis kong pagpapatama sa kanila. Itong mga ito, ma-issue.
“Wow! Pers neym beysis!” sigaw ni Lemon at sinundot-sundot pa ang tagiliran ko. “Hindi mo talaga jowa?” tanong niya na nakangiti kong tinanguan. “Ay te! Pakilala mo naman ako! Bet na bet ko yung ganoon, e. Matangkad, pogi saka mabango!” Tila kinikilig pa niyang sigaw.
“Nako! Ikaw talaga, Lemon! Kapag ganyan na kalokohan buhay na buhay ka!” Kantsaw ni Nanay Miling habang hila-hila siya sa patilya.
“Nanay naman, e!” reklamo ni Lemon bago magtago sa likuran ni Apple. “Totoo naman yung sinasabi ko, e.”
“Pasensya ka na dito kay Lemon, may taglay talagang kaharutan ang babaeng 'yan,” bulong ni Peachy.
“Hoy! Narinig ko 'yon!” ani Lemon pero binelatan lang siya ni Peachy bilang tugon. “Oy te, mukhang ready ka na matulog, a?” aniya at inginuso pa ang damit ko kaya napakamot ako sa batok ko.
Nakakahiya sa kanila dahil wala pa akong ligo sa maghapon. Baka nga may tulo-laway pa ako, e.
“Ito, o? Baka gusto mong maglinis ng katawan bago magpahinga?” Nakangiti akong inabutan ni Apple ng bimpo at lagayan ng toiletries. “Pareho tayo ng brand ng sabon at shampoo, wag ka mag-alala.” Mahina pa niyang bulong bago humagikgik. I was surprised because of that. Tinginin kasi siyang seryosong tao. Tapos bigla din kasing nagseryoso ulit yung mukha niya na parang walang nangyari.
“Wala kaming mapapahiram na damit, e. Yung isa kasi d'yan tanghali na nung naglaba. Hindi tuloy nakatuyo,” pagpaparinig pa ni Peachy na kaagad namang inalmahan ni Lemon.
“Edi wow! Tinamad nga ako kanina. Saka, malay ko ba na magiging ka-kosa natin itong si Lychee?”
“L-Lychee?” Kunot-noo kong tanong. Hindi ko malaman kung may iba pa kaming makakasama o binigyan niya lang ako ng bagong nickname. “Is that supposed to be...me?” tanong ko.
“Ugh. English, nosebleed ako!” sagot ni Lemon at umarte pa na pinupunasan ang kanyang ilong. “Pero oo. Code name mo na yan, ha? Para pasok na pasok ka na sa Fruit Salad Squad.” Sagot niya kaya mas lalo lang kumunot ang noo ko.
“Kuh! Ipipilit mo na naman 'yang squad squad na pakulo mo!” komento ni Ate Suzy habang naglalatag ng banig sa sahig.
“Alam mo, ampalaya ka lang kasi di ka kasali. Hindi na kasi umabot sa cut-off yung edad mo. Wala ka na kasi sa kalendaryo!” ganting sagot ni Lemon at inirapan pa si Ate Suzy. “Sige na, Lychee girl. Mag wisik-wisik ka na sa banyo,” aniya at tinulak pa ako papasok sa maliit na palikuran habang bitbit ang inabot ni Apple sa akin.
-