Ilang saglit din akong hindi nakakibo at nakapagsalita. Hindi ko alam ang gagagawin ko. Pabalik-balik sa isipan ko ang nangyaring iyon.
Ano ba naman kasi ang pumasok sa utak ni Jay at hinalikan niya ako sa harap ni Mayet para lang umalis ito?
Maya-maya pa ay lumabas na sa kwarto si Jay at kumuha ng dalawang pinggan. Niyaya niya akong umupo sa mesa at sabay na raw kaming kumain. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin talaga ako nakaka-recover sa halik na iyon.
First kiss ko kasi iyon, at sa taong nagawan ko pa ng kasalanan.
"Janine, kain na!" paanyaya niya.
Dahan-dahan akong lumapit sa kanya.
"Umupo ka na rito, sabayan mo ako. Alam kong nagugutom ka na rin." dugtong na salita niya.
"Hindi ka na ba galit sa akin, Jay?" tanong ko.
"Nagkamali ka lang naman ng akala, Janine. Pero, kahit siguro gumanti ka sa totoong Jay Mercado e mali pa rin iyon! Maling-mali!"
Kumuha ako ng kanin at ulam, tapos kumuha na rin ako ng tubig naming dalawa ni Jay.
"Alam kong mali ang nagawa ko sa 'yo, Jay, pero heto ka ngayon, pinatawad mo na kaagad ako. Kung sa iba iyon, malamang 'di ako pinatawad."
Tumayo si Jay at lumapit sa cabinet. Kinuha nito ang sketch book niya at bumalik sa mesa.
"O tingnan mo ang message mo d'yan!" Iniabot sa akin ni Jay ang sketch book niya.
Binuklat ko ito sa gitnang bahagi kung saan naglagay ako ng mensahe. Nagulat ako sa sagot niya sa pagso-sorry ko.
"Okay na 'yon! Bumabawi ka na naman! 'Tsaka, ang cute mo pala kung matulog! Tumutulo ang laway mo! Haha!"
Walang hiya, sa dami ng napansin, laway ko pa! May kalokohan din palang taglay itong si Boy Seryoso. Nagmamaldito lang talaga.
"Ang sarap mong magluto!" puri niya pero iniba ko ang usapan.
"Kelan mo isinulat 'to?"
"Kanina lang. Tanghali ka na kasi gumising. Ipinakita ni Kyla 'yan kahapon! Ganyan kasi sila, kapag may ginawa silang kasalanan at nahihiyang magsabi sa akin, diyan nila isinusulat! Diyan ko na rin sila pagsasabihan at patatawarin. Ang weird, 'no! Haha! Kaya siguro mabilis kitang napatawad, kasi sincere ang sorry mo. Pumunta ka pa rito sa amin para makapag-sorry! Hanga ako sa 'yo, Janine!"
Napasabi ako sa sarili ko, nakita ko na ring ngumiti ang taong ito. At sa nagawa ko sa kanya, humanga pa siya sa akin.
Nakikita ko na ang tunay na Jay. Kilala ko na siya! ... pero sana, mas makikala ko pa siya.