Kinagabihan ay si Mama naman ang tumawag sa akin sa phone. Nagtungo ako sa likod ng bahay nina Jay kasi doon malakas ang signal. Napagkuwentuhan namin ang tungkol kay Ate at kay Jay na ex-boyfriend nito.
Habang kausap ko si Mama ay biglang lumapit si Bryan sa akin. Nagpapaturo ng assignment. Sabi ko, "Okay, pero mamaya na ha, may kausap lang si Ate".
Pumasok muli si Bryan dala ang notebook niya. Ramdam kong nakangiti si Mama sa kabilang linya.
" Okay ka na pala sa mga kapatid ni Jay, ano?" aniya sa kanilang linya.
"Oo nga po, Ma. Nagkukuwentuhan pa nga po kami gabi-gabi e. Ang saya ko pong nakakakuwentuhan ang mga bata."
"E si Jay, galit pa ba sa 'yo?"
"Hindi na po masyado, Ma. Katunayan nga po, kanina, hinalikan niya ako!"
"Hinalikan?" Ramdam kong gulat na gulat si Mama.
"A e, binalikan! Oo, tama! Binalikan niya ako, Ma! Kasi umalis siya, tapos bumalik kaya, binalikan niya ako! Hindi hinalikan!"
"Ah, sorry anak, nabibingi ako!"
Naku muntik na ako madulas kay Mama. At nang matapos kami mag-usap ay hindi ko namamalayang kanina pa pala nagbabantay sa likod ko si Jay.
"Ba't di mo sinabi?" wika nito na sa biglaan niyang pagsulpot.
Nagulat ako na halos maghiwalay ang kaluluwa at katawan ko.
"Ay, grabe siya! Kung may sakit lang sa puso ang nandito, malamang napatay mo na!"
Tumabi sa akin si Jay. "Eh ba't 'di mo pa sinabi sa Mama mo na hinalikan kita!"
"Naku, e 'di nagalit iyon? 'Tsaka, ba't mo pa ba pinapaalala? 'Di ba, sabi mo, isipin ko na lang na walang nangyari."
"E inisip mo ba? Muntik ka na ngang madulas sa Mama mo e!"
"Pa'no ko ba naman kasing malilimutan iyon, e first kiss ko 'yun!"
Ngumiting nakakaloko si Jay. "Talaga? Hahaha! Seryoso?"
"Oo! Aba! Kung wala lang talaga akong kasalanan sa 'yo e sinampal kita no'ng hinalikan mo ako! Pasalamat ka!"
"Weh?" Hindi pa rin ito naniniwala. "Totoo? Sa ganda mong 'yan, wala ka pang naging boyfriend na humalik sa 'yo?"
"Hoy! Ikaw pa lang ang nakatikim sa labi ko, Jay Lacsamana Mercado! At F.Y.I., wala pa po akong nagiging boyfriend!"
"Hmmm... Okay! Sorry! 'Di ko naman alam na NBSB ka pala!"
"Yap! No boyfriend since birth talaga ako!"
"Mali! Hindi 'yun! Ang ibig sabihin no'n, No boyfriend kasi super bitter!
Hinampas ko si Jay sa bandang balikat. "Luko-luko!" Then, ngumiti ng konte. "Super bitter ka d'yan! Corny mo!"
"Pogi naman!" ganti nito.
"At saang banda?"
"Tara na sa loob. Mahangin na dito sa labas!"
"Hahaha, buti alam mo!"
Juice colored! Hindi ko alam kung ano'ng meron? Pero salamat at mabait na siya sa akin. Biruin kong nagbibiruan na kami samantalang hindi biro ang nangyari noong una kaming nagtagpo! Hoo, Janine, Relax! It's just tadhana!