Chapter 7
NAKAKATULALA lang ako sa lalakeng nakapaibabaw sa akin. Tila ba bumagal ang takbo ng oras at parang kaming dalawa lang ang tao sa paligid. Gusto ko siyang itulak palayo sa akin pero hindi ko maigalaw ang aking katawan at mga braso. Wala akong ibang magawa kundi tumitig lamang sa kaniyang mapupungay na mga mata. Perpekto ang kaniyang kilay at parang malalim na karagatan ang kaniyang mata. Kumikinang iyon na parang tubig na tinamaan ng liwanag ng buwan. Matangos ang ilong na nanaiising magkaroon ng kahit sino at makinis ang mukha na parang nakakahiyang mabahiran ng dumi.
"Ano hihiga at dadapa na lang ba kayo d'yan? Tumatakbo ang oras, marami pa tayong gagawin."
Natauhan kami sa sinabi ni Direk Thor. Doon lang kami kapwa nagising sa reyalidad. Umalis siya sa ibabaw ko at tinulungan akong tumayo. Pinabalik na niya ang lahat sa kani-kanilang pwesto pero ako medyo lutang pa rin. Hindi ko mahabol ang t***k ng puso ko. Dahil siguro sa kaba kaya bumilis iyon. Pinagpagan ko lang ang aking sarili dahil naalikabukan iyon sa pagbagsak ko at bumalik na kami sa pagpa-practice. Magaling umarte si Daniel at propesyunal sa ginagawa kaya naman hindi siya mahirap makatrabaho.
Paunti-unti ay nakakapag-usap kami pero patungkol lang lahat sa aming performance. Bilang mag-partner ay kailangan naming magtulungan upang makabuo ng magandang outcome. Sa totoo lang ay gusto ko siyang makausap upang makahingi ng paumanhin. Pero hindi ko alam kung paano makakapagsimula. Nahihiya akong lumapit sa totoo lang. Ilang beses kong kinumbinsi ang sarili na kausapin siya pero wala akong lakas ng loob. Hanggang sa natapos na ang practice at nag-uwian na rin lahat pero hindi ko man lang siya nakausap.
SABADO ngayon kaya may pasok ako sa Milktea Shop. Dalawang araw na kaming hindi nagpapractice sa theater kaya naman dalawang araw ko na ring hindi nakikita si Mr. Ezcarraza. Hindi sa hinahanap-hanap o gusto ko siyang makita ah. Kailangan ko lang siyang makausap. Hindi ko naman magawa iyon dahil nitong mga nakaraang araw ay ni anino niya hindi nagpapakita. Busy daw sila sa practice ng basketball. Iyon ang sabi ni Thor. Wala naman akong lakas ng loob na puntahan siya roon. Saka ko na lang siya kakausapin kapag may pagkakataon na.
"Miss! Table 4," tawag nung customer na kadarating kaya mabilis akong lumapit.
Inabutan ko sila ng menu para pumili ng order. Nakatayo lang ako sa dulo ng lamesa hawak ang maliit na listahan ng order at ballpen. Matiyagang naghihintay sa order nila. May mga customer na matagal mamili ng order kaya dapat ay hindi ka mainipin. Mayroon naman na kung magsabi ng order nila ay sobrang bilis na akala mo ay may tinatakasang tao at isiningit lang ang pagkain. Iyong iba naman masyadong masungit. Simpleng bagay ikinakagalit. Mayroon pa d'yang sisigawan ka kahit wala ka namang ginagawang masama. Kaya naman kailangan na may mahaba kang pasensya.
Ano man ang mangyari, gaano ka man ka-stress sa school o sa bahay, pagdating mo rito kailan nakangiti ka sa buong trabaho. Buti na lang talaga at na-train ako ng maayos sa theater, hindi na tuloy ganoon kahirap gawin. May mga pagkakataon na gusto kong sampalin ng plato trey iyong mga customer na kung makautos para bang sila ang nagpapalamon sa amin pero hindi pwede. Kailangang magpasensya at maging propesyunal kaya naman ngiti lang. Nilista ko iyong order ng Table 4 tapos ay bumalik na ako sa kusina upang ibigay sa Chef ang lista ng orders.
Naupo lang muna ako roon sa counter habang naghihintay ng customer. Iilan lang ang mga taong nandirito ngayon at marami pang bakanteng lamesa. Siguro ay dahil masyado pang maaga. Tiningnan ko ang oras alas siete pa lang pala ng umaga. Ala sais nagbubukas itong restaurant kapag Sabado at Linggo. Madalas ay pagkakape at umagahan ang ipinupunta ng mga kumakain dito. Bukod sa Milktea, Frappe, Coffee, at deserts, nagsi-serve din kami rito ng iba pang dishes. Napalingon ako nang bumukas ang glass door at pumasok ang lalakeng pamilyar sa akin.
"Gabriella, ikaw na muna ang bahalang mag-assist d'yan sa kadarating na customer ah. Aakyat lang ako sa taas para kumuha ng stocks. Naubusan na tayo ng yelo," sabi ni Ate Jennica ang babaeng kasama ko sa trabaho. Mas nauna siya sa akin dito ng dalawang taon.
"Sige ako na," tugon ko at inilabas muli ang aking ballpen.
Umalis na siya kaya ako na lang ang naiwan dito. Hindi ganoon kalaki ang kainan kaya naman tatlo lang kaming waitress rito kapag Sabado. Iyong isa naming kasama na lalake wala pa. Naupo iyong lalakeng kapapasok sa lamesa malapit sa bintana. Naka-running shoes siya na puti, sando, at short. Halayang kagagaling lang sa pagja-jogging. Huminga ako ng malalim bago siya nilapitan. Nagtutuyo siya ng pawis ng abutan ko siya. Bakas pa sa mukha niya ang pagkagulat ng makita ako. Dalawang araw ko rin siyang hindi nakita.
"Good morning, sir. Ano pong order n'yo?"
"Nagwo-work ka pala rito?" aniya at tumango-tango ako.
"Tuwing Sabado at Biyernes lang po ng hapun. Ano po pa lang order n'yo, sir?"
"I want hot black coffee, tosilog for my breakfast, and mocha roll for my desert."
"Sir, your orders are hot black coffee, tocilog, and mocha roll," I repeated and he gave me a nod. "Thank you, sir. Pakihintay na lang po ng order n'yo." Naglakad na ako papunta sa kusina. Nang makapasok doon ay doon lamang ako nakahinga ng maluwag.
Bumalik ako sa counter pagkabigay ng order sa chef. Palihim kong pinagmasdan ang lalakeng nakaupo sa banda roon at naglalaro ng tingin ko ay Mobile Legend. Mabilis akong yumuko nang lumingon siya sa direksyon ko. Sana lang hindi ako nakita. Tinawag na ako sa kusina kaya tumakbo na ako roon para kunin ang order. Tapos ay dinala ko iyon sa lamesa kung nasaan siya. Tahimik ko lang na inihain iyon tapos ay umalis na ako. Pero hindi pa man ako nakakalayo ay hinawakan na niya ang kaliwang pulsuhan ko.
"B-Bakit po, sir? May kailangan pa po ba kayo?"
"Kumain ka na ba?" tanong nito na ipinagtaka ko.
Bakit naman kaya niya tinatanong kung kumain na ako? Ano bang pakialam nito sa akin? Eh sa pagkakaalam ko we are not in good terms.
"O-Opo, sir," sagot ko kahit ang totoo ay nagkape lang ako kaninang umaga. "Sige po, balik na po ako sa trabaho. Tawagin n'yo na lang po ako kapag may kailangan kayo."
Nagdagsaan na ang mga customer kaya naging abala na rin ako. Mga alas nueve ng umaga nag-uumpisang dumami ang kumakain dito. Nasa counter ako at nagbibilang ng tirang cup para sa frappe nang lapitan ako ni Ate Jennica. Inabutan niya ako ng isang plato na may lamang beef steak in sauce and corn at kanin na may kasama pang Cappuccino.
"Anong table ito, ate?"
"Para sa 'yo 'yan," walang emosyon nitong sambit kaya buong pagtataka ko naman siyang tiningnan.
"Huh? A-Anong para sa akin?"
"In-order iyan nung lalakeng nakaupo sa lamesang iyon kanina. Ang sabi ibigay daw sa 'yo kapag umalis na siya. Huwag kang mag-alala binayaran na niya 'yan." Itinuro niya ang lamesa at doon ko nakumpirma na si Mr. Ezcarraza nga ang nagpabigay nito.
"Pero bakit daw? Wala ba siyang sinabing rason?"
Ang dami kong tanong na gustong masagot pero hindi ko alam kung paano. Bakit niya ba ginagawa ang lahat ng ito?
"Ewan, wala naman siyang ibang sinabi bukod sa siguraduhin daw namin na kakainin mo 'yan."
"Ganoon ba."
"Alam mo ang mabuti pa kainin mo na iyan bago lumamig. Sayang naman kung hindi mo kakainin 'yan. Saka namumutla ka at matamlay. Halata naman sa mukha mo na wala ka pang kain na umagahan. Siguro napansin niya iyan kaya ka niya binigyan ng pagkain. Sige maiwan na muna kita, babalik na ako sa trabaho."
Ilang segundo ko pang tinitigan ang pagkain sa harap ko bago ako nagpasya na kainin iyon. Dala na rin ng matinding gutom kaya mabilis kong naubos iyan. Kain patay gutom man kung minsan pero wala akong pakialam. Ang importante lang ay may laman ang tiyan. Hindi rin naman kasi ako pwedeng magkain señorita dahil nasa trabaho ako. Siguro nga tama si Ate Jennica na napansin ni Mr. Ezcarraza na hindi pa talaga ako nag-uumagahan kaya niya ako in-order ang pagkain.
Marahil din kaya ipinag-utos niyang i-serve sa akin ang pagkain kapag nakaalis na siya dahil alam niyang pupwede kong tanggihan ito. Pero ngayong nakaalis na siya ay wala na akong choice kundi kainin ito. Iba't ibang mukha na ang nakasalamuha ko sa buong maghapun. Iba't ibang personalidad na kailangang pakisamahan. Talagang susubukin ang pasensya mo. Mahirap ang trabaho pero ang iniisip ko na lang palagi ay makakapagbigay ako ng pera sa magulang ko sa katapusan. Malaking tulong din ito sa aking pag-aaral.
KATATAPOS ng shift ko sa trabaho. Alas cuatro ang out ko kaya naman maliwanag pa sa labas ng lumabas ako sa kainang iyon. Naalala ko na kailangan ko nga pa lang dumaan sa Pawn Shop. Kailangan ko kasing tubuan iyong alahas na sinangla ko noong nakaraang buwan. Nagkasakit kasi iyong kapatid ko at wala akong ibang pagkukunan. Nagkataon pa na wala ring pera sina Auntie dahil nagbayad ng tubig at kuryente. Wala tuloy akong ibang choice kundi isangla ang kuwintas na binigay sa akin ng inay ko noong nag-eighteen ako. Ang hirap talaga kapag walang pera.
Sinabihan niya ako noon na ingatan ang kuwintas sa lahat ng pagkakataon dahil pamana pa ito ng kaniyang yumaong ina na akin namang lola. Pero dahil sa kahirapan ay napilitan akong isangla ito. Hindi ko sinabi kila inay ang tungkol dito dahil alam kong sasama ang loob nila. Lalo na si mama na hinintay pa akong mag-18 para lang maibigay ito sa akin. Malungkot akong nag-fill up ng form sa Pawnshop. Natatakot ako na kapag hindi ko ito nabayaran ay posibleng i-hold na ito at mapunta sa ibang tao. Hindi pa sapat ang ipon ko sa sahod para tubusin kaya naman naghuhulog ako. Tumunog ang telepono ko at nataranta ako nang makitang nanay ko ang tumawag.
"Hello, 'nay. Napatawag po kayo."
"Nangangamusta lang, anak. Ano kumusta naman ang pag-aaral mo?"
"Mabuti naman po, inay. Mahirap pero kinakaya naman po. Kayo po kumusta naman kayo d'yan? Si Viviel nag-aaral po bang mabuti? Si itay ho kumusta, inaatake pa ba ng rayuma niya?" sunod-sunod kong tanong dahil miss na miss ko na talaga sila.
Gusto kong umuwi ng probinsya pero hindi pa pwede dahil may pasok pa. Bukod pa roon ay mahal din ang pamasahe sa amin papuntang Masbate. Ang ipapamasahe ko ay ipapadala ko na lang para may maipambaon ang mga kapatid ko sa eskwela. Apat kaming magkakapatid at ako ang panganay. Nasa Senior pa lang iyong sumunod sa akin, Grade 5 naman iyong ikalawa sa bunso, at nasa Grade 1 naman ang aming bunso. Tricycle Driver ang aking itay at butihing may bahay naman ang aking ina. Payak lamang ang aming pamumuhay. Ngunit gayun man ay masaya kami. Sila ang rason kung bakit ako nagsusumikap.
"Okay lang naman kami rito, anak. Wala kang dapat alalahanin sa amin. Masisipag mag-aral ang mga kapatid mo. Lalo na itong si Viviel. Ang tataas ng mga grado sa exams."
"Wow talaga? Nakakatuwa naman po kung ganun." Kahit papaano ay nagkaroon ako ng pag-asa.
Makita ko lang na okay at masaya sila, masaya na rin ako.
"Si Ate ba `yan?" Narinig kong boses ng kapatid kong si Viviel. "Hi, Ate Gabriella!"
"Hi, bhe. Kumusta ka na? Balita ko mataas daw nakuha mo sa exams ah."
"Syempre naman po ate nag-aaral akong mabuti eh. Alam mo naman na ikaw ang idol ko. Gusto ko gumraduate din ako na may honors. Kung hindi man papalarin sa with High Honors sana pumasok pa rin sa honors. Para naman madagdagan iyong mga medals natin na naka-display dito sa bahay."
"Naku kayang-kaya mo 'yan bunso. Basta mag-aral ka lang mabuti. Pero huwag sosobra ah. Tandaan mag-aral pero huwag pababayaan ang kalusugan. Masaya na si Ate sa kung ano man ang ma-achieve mo— ninyo nina totoy."
"Opo ate. Sige ate kausapin mo na si Nanay magsasaing pa ako eh."
"Sige, bunso. I love you."
"I love you too, ate."
Bunso pa rin iyong tawag ko sa kaniya hanggang ngayon dahil doon ako nasanay. Dalawang taon lang ang age gap namin at sa ilang taong nagkasama kami nang kami lang ay hindi na sumagi sa isip namin na mag-aanak pa sina inay at itay. Pero pagkalipas ng halos pitong taon ay muling nagbuntis si inay. Ang tagal ko tuloy siyang itinuring na bunso. Kahit may dalawa ng kapatid na sumunod sa kaniya ay bunso ko pa rin siya kung ituring.
"Anak, kapag may kailangan ka huwag kang mahihiyang magsabi sa amin. Gagawan namin ng itay mo ng paraan. Kapag gusto mong umuwi, umuwi ka lang. Kung wala kang pamasahe, sabihan mo lang sa akin. Ipapangutang kita roon sa mayaman nating kapitbahay."
Naiyak ako sa sinabi niya. Grabe ang babaw talaga ng luha ko. Pagdating sa pamilya ay nagiging emosyunal ako. Anim na buwan ko na rin kasi silang hindi nakikita.
"Basta mag-iingat po kayo d'yan. Alagaan n'yo po ang sarili ninyo. Paki-kumusta na lang din po ako kay itay."
"Ikaw rin anak huwag kang magpapabaya sa pag-aaral mo. Alam mo naman na ikaw na lang ang pag-asa namin. Kumain ka sa tamang oras at uminom ng maraming tubig. Lalo na at mainit d'yan sa Maynila. Sige na anak, ba-bye na muna. Kailangan ko nang magluto ng hapunan."
"Sige po `nay. Ingat po kayo."
Namatay na ang tawag. Sakto naman na dumating na iyong lalake sa loob ng Pawnshop para ibigay ang resibo ko. Umalis na rin ako sa lugar na iyon dahil pinagtitinginan na ako ng ibang tao. Kahit naman siguro sino na umiyak sa public places makakaagaw ng atensyon. Isinilid ko iyon sa shoulder bag ko kasama ang cellphone at tumawid ng kalsada. Ngunit dahil wala nga sa sarili ay hindi ko na napansin pa ang kotseng paparating. Buong akala ko ay katapusan ko na pero may mga brasonb yumakap sa akin at hinikit ako papunta sa tabi.
Pareho nawalan ng balanse dahil sa bilis ng mga pangyayari. Nakapaibabaw ako sa kaniya at nakaalalay ang isa niyang kamay sa bewang ko at sa ulo ko naman ang kabila. Napapikit ito ng mariin pero kaagad din namang nagmulat.
"Ayos ka lang? Nasaktan ka ba?" iyan kaagad ang tanong niya sa akin.
"Ako pa talaga ang tinanong mo eh ikaw na nga itong nadag-anan ko at nabagok ang ulo." Sinikap kong tumayo at tulungan siya.
Pinagpagan namin ang mga suot namin at puwesto kami sa tabi para hindi makaabala sa mga dumadaan. Naging sentro pa tuloy kami g atensyon dahil sa nangyari. Hindi ko nga alam kung pinagtitinginan ba kami dahil sa muntikang aksidente o dahil sa kasama kong lalake.
"S-Salamat nga pala. Teka, ano bang ginagawa mo ganitong klaseng lugar?"
"Uhm, m-may binisita lang akong kaibigan. Malapit lang siya sa area na ito tapos n-nakita kita," sagot nito sabay ngiti.
"Kaibigan? Baka babae," pabiro kong sabi at nag-umpisa nang maglakad-lakad.
"Nah, I'm not what you think," he defended himself and walked with me.
"Kung hindi ka ganun eh ano ka?" tanong ko sa lalakeng kasabay kong naglalakad.
"Good boy."
Napalingon ako sa kaniya dahil sa sinabi nito. Malawak ang ngiti niya. Isang bagay na bihirang-bihira kong makita sa school. Madalas kasi ay tahimik at seryoso siya. Well, na-obserbahan ko lang iyon noong nakasama ko siya sa theater. Baka kasi isipin ninyo na stalker ako.
"Good boy? Tss. Ano ka aso?"
"Pwede rin. Arf! Arf!"
"Lol! Hahahaha!" Hindi ko napigilan ang sariling matawa dahil sa pagtahol niyang iyon.
"Finally, I can see you smiling, Gabriella."
Natigil ako sa pagtawa dahil sa sinabi niyang iyon. Puno ng pagtatanong ko naman siyang tiningnan.
"Bakit?"
"Ayoko lang na nakikitang malungkot ka."
—Azureriel