Chapter 3
CH-IN-ECK ko ang bulsa ng Varsity jacket upang tingnan kung may laman iyon. Nagbabakasakali na may bagay akong mahahanap doon na magtuturo sa akin sa taong nagmamay-ari nito. Ngunit sa kasamaang palad ay tanging maliit na balat lamang ng candy ang aking nakita. Sumandal ako sa upuan at inilatag nang maayos iyon. Nang sa gayun ay matuyo kahit papaano. Napangiti ako habang pinagmamasdan ang pangalang nakaimprinta roon.
Hindi ko siya kilala pero masasabi ko na mabuti siyang tao. Unang-una ay dahil nagkusa siyang ipagamit itong jacket niya kahit na hindi ko naman siya kilala. Pangalawa ay dahil sa balat ng kendi na nahanap ko sa bulsa. Kung ibang tao ay itatapon na lamang ang basurang iyon sa kung saan. Pero siya ay mas pinili niyang huwag itapon sa kaniyang paglalakad, bagkus ay mas pinili niyang itabi iyon sa bulsa hanggang sa makahanap siya ng tamang basurahan.
"Bakit ngayon ka lang?" tanong ng Auntie ko pagkapasok na pagkapasok ko pa lamang ng pinto.
"Namili pa po kasi ako ng mga gagamitin sa project ko," sagot ko at nagmano.
"Alam mo naman na may naiwan kang labahin dito tapos uuwi ka ng ala sais. Dapat ala cinco pa lang ng hapun nandito ka na. Ang daming gagawin tapos nagagawa mo pang magpagala-gala sa labas. Kung may mangyari sa 'yong masama edi ako pa ang magiging masama sa paningin ng magulang mo," mahaba nitong sermon sa akin.
"Hindi naman po pupwede iyon Auntie dahil ala cinco po ng hapun ang labas ko kapag ganitong araw ng Webes. Hayaan n'yo po at tatapusin ko po ngayon ang naiwan kong labahin."
"Oh, eh ano pa ang tinutunganga mo d'yan? Tapos na iyon. Anong oras na wala pa tayong lutong hapunan. Alangan naman na pakain na nga kita rito ako pa ang magluluto."
"Uhm, mag-iipon lang po muna ako ng tubig sa planggana para pambanlaw tapos magsasaklang na po ako sinaing. Para naman po habang naglalaba ako naluluto iyong kanin."
"Bantayan mo lang mabuti. Tandaan mo ginto na ang bigas ngayon. Sobrang mamahal ng bilihin kaya kapag nasunog na naman iyan tulad noong nakaraan malilintikan ka talaga sa akin. Nagkakaintindihan ba tayo?"
"O-Opo, Auntie."
"Good." Nagpaypay siya saka naglakad palabas ng bahay.
Kapag mga ganitong oras ay nakaugalian na niyang i-check ang kaniyang mga mahal na halaman sa labas ng bahay at maging sa munting balconahe sa labas ng kaniyang kuwarto. Umakyat muna ako sa taas upang ilagay doon ang bag ko at makapagbihis na rin. Nabasa ako ng ulan kanina kaya hindi ko pupwedeng suotin ito ng matagal. Baka magkasakit ako, mahirap na. Ang mamahal pa naman ng gamot ngayon. Hindi rin ako pwedeng mag-absent sa school dahil mahirap maghabol sa lessons.
Matapos makapagbihis bumaba na ako upang gawin ang aking trabaho. Sanay na naman ako sa ugali ni Auntie. Kahit na minsan ay masakit siya magsalita alam kong mabuti siyang tao. Marami lang siyang utang kaya madalas ay mainit ang kaniyang ulo. Sa kabila ng lahat ay nagpapasalamat pa rin ako na tinanggap niya ako rito sa bahay nila. Hindi sapat ang kinikita ng mga magulang ko para mapag-aral ako rito sa Manila. Mabuti na nga lamang at nakakuha ako ng scholarship dito sa syudad.
Malaking tulong din si Auntie dahil hindi ko na kinakailangang mangupahan pa. Bukod pa roon ay libre ang pagkain ko rito. Kaya naman okay lang sa akin ang gumawa ng mga gawaing bahay upang kahit paano ay masuklian ko ang kabutihan niyang ito sa akin. Kaunting tiis-tiis lang muna para sa pangarap. Kapag nakatapos ako ay makakakuha na ako ng trabaho at makakaya ko na ring baguhin ang takbo ng buhay namin. Hindi ko na rin kailangang makitira sa kamag-anak namin.
"Gabriella!" tawag ng lalake sa akin.
Binilisan ko ang bawat hakbang upang hindi niya ako maabutan. Nakipagsiksikan ako sa mga estudyanteng dumadaan sa covered pathway ng school. Tinawag niya akong muli pero hindi ko siya nilingon. Ngunit masyado siyang mabilis at naabutan ako. Hinawakan niya ako sa pulsuhan kaya napatigil ako at napalingon sa may-ari ng kamay na iyon.
"Bitiwan mo nga ako. Bakit ba sunod ka nang sunod?" iritable kong tanong
"Iniiwasan mo ba ako?" pabalik nitong tanong kaya naman napairap ako.
"Alam mo naman kung bakit, hindi ba?" Gumala ang mata ko sa paligid. "Aalis na ako baka makita pa ako ng girlfriend mo."
"Pwede ba kita makausap kahit sandali?"
Nakikita ko sa mga mata niya ang pagnanais na makausap ako. Kilala ko rin ang isang ito. Alam kong hindi siya titigil hangga't hindi nakukuha ang gusto. Bumaba ang tingin ko sa sa pulsuhan kong hawak niya.
Bumuntong hininga ako. "Fine," pagsuko ko. Wala rin namang patutunguhan ang katigasan ko ng ulo.
Dinala niya ako sa school caferia upang doon kami makapag-usap. Iniwan niya ako pansamantala roon sa lamesa habang siya ay umu-order ng pagkain namin sa counter. Magkaibigan na kami simula first year high school. Siya ang kasama ko noong nag-take ng exam dito. Kapitbahay din namin siya roon sa probinsya. Aaminin ko malapit kami sa isa't isa. Bestfriend ko siya pero nagkalamat ang samahan namin nang maging nobya niya ang Tania'ng iyon.
Maayos naman kami noong una. Wala rin namang problema sa akin kung magnonobya siya. Support pa nga ako roon. Masyado lang kasing selosa iyong naging girlfriend niya. Ilang taon na kaming magkaibigan ng lalakeng iyon. Nasanay na kami na palaging magkasama sa mga lakad, lalo na sa school. Pero naramdaman ko nitong mga nakaraang linggo na umiiwas na siya sa akin. Naiintindihan ko naman dahil alam kong may nobya na siya.
Dumidistansya na naman ako simula noong maging girlfriend niya ang Tania na iyon. Syempre alam ko naman ang lugar ko. Babae ri ako at alam ko ang pakiramdam ng magselos. Pero sobrang selosa naman kasi ng isang iyon. Ultimong pag-uusap namin ni Giro bini-big deal pa niya. Noong minsan nga na hinatid ako nito sa bahay ng Auntie ko grabe ang galit niya. Inaway-away pa niya ang kaibigan ko. Nagmagandang loob lang naman iyong tao dahil alas-dyis na ng gabi.
Nagkaroon kasi kami noong time na iyon ng theater practice. Malapit na performance kaya puspusan ang ensayo. Isa pa noon pa naman kami palaging nagsasabay sa pag-uwi. My gosh for how many years! Tapos dumating siya at umepal sa amin. Hinayaan ko na nga siya na angkinin ang bestfriend ko. Pero iyong siraan niya ako kay Giro at magpanggap na inaapi ko siya iyon ang kahit kailan hinding-hindi ko mapapalampas. Tapos ang lalakeng iyon naman paniwalang-paniwala sa drama niya.
"Spaghetti binili ko, alam ko kasi na paborito mo ito," aniya pagkalapag ng trey ng pagkain sa lamesa.
"Magkano ba 'yan?" tanong ko habang binubuklat ang laman ng wallet ko.
"Huwag mo nang bayaran. Libre ko na." Inihain niya sa lamesa ang mga iyon at naupo na rin sa silyang katapatan ko.
"Babayaran ko. Baka mamaya makita pa tayo ni Tania mo. Malaman pa nun na nilibre mo ako, ma-stress pa iyon ka o-overthink. Alam mo namang selosa ang babaeng—"
"Wala na kami," anito na nagpatigil sa akin sa pagsasalita.
"H-Huh? Paanong wala na?"
"Nakipag-break ako." Bumuntong hininga siya pinagsaklob ang mga palad sa ibabaw ng lamesa. "Nahuli ko siya noong isang araw na may kahalikang lalake sa kotse."
Napatakip ang mga kamay ko sa aking bibig dahil sa narinig kong sinabi niya. Naaawa ako sa kaibigan ko. Alam ko kasi na mahal na mahal niya ang babaeng iyon. Si Tania ang babaeng una niyang minahal at ang siya ring una niyang naging kasintahan. Maraming beses namin itong pinag-awayan. Muntikan ding nasira ang pagkakaibigan namin sa babaeng iyon. Tapos heto at lolokohin niya lang pala ang kaibigan ko. Ngunit kahit ganoon ay masaya na rin ako na malaya na siya sa toxic na babaeng iyon. Okay lang sana kung pagkaganda ng ugali eh hindi naman.
"Mabuti naman at nagising ka rin sa katotohanan. Kaya naman pala hindi maganda ang pakiramdam ko sa babaeng iyan." Sumandal ako sa sandalan ng upuan at humalukipkip. "Kaya ka ba bumabalik sa akin dahil wala na kayo?" sarkastika kong tanong sa lalakeng kaharap ko.
"Alam ko naman na galit ka sa akin."
"Hindi ako galit," mariin kong sambit.
Iba ang galit sa masama ang loob.
"Sorry sa mga nangyari nitong nakaraan. Alam ko na nasaktan kita."
"Alam mo wala namang kaso sa akin kung magka-girlfriend ka. Ang sa akin lang nagka-nobya ka lang nakalimutan mo na iyong pitong taong pinagsamahan natin."
Sino ang hindi sasama ang loob doon hindi ba?
"Nagseselos kasi si Tania—"
"Iyon na nga eh nagseselos siya na wala naman siyang dapat ipagselos. Simula naman noong naging girlfriend mo iyon dumistansya na ako. Hindi na nga ako nakikipagkita sa 'yo tuwing break time tulad ng ginagawa natin noon kasi alam kong may nobya ka na. Pero iyong siraan ako ng babaeng iyon at kakampihan mo pa siya, iyon ang hindi ko matanggap. Ni hindi mo man lang ako binigyan ng pagkakataon para makapagpaliwanag. Sobrang unfair nun, Giro. Tinapon mo lahat ng pinagsamahan natin dahil lang sa babaeng lolokohin ka lang pala," mahaba kong lintya.
Uminom ako ng tubig at pinaikot ang tinidor sa pasta. Ang unti ng cheese ah.
"Tama ka nga sa sinabi mo noon. Hindi ako dapat nagpadala sa nararamdaman ko. Masyado akong nabulag sa ganda ni Tania. Pati natitirang ipon ko nawala dahil sa mga luho niya," aniya sa malungkot na boses.
"Lilinawin ko lang, wala akong ginawang kahit na anong masama sa babaeng iyon. Malinis ang konsensya ko. Kung mayroon man ditong may ginawang masama, siya iyon. Mabuti naman at natauhan ka na. Iyong mga ganoong babae hindi naman sila kawalan. Minahal mo siya ng buo pero niloko ka niya. You deserve someone better, Giro."
"Stop muna ako sa love-love na iyan. Sa ngayon magfo-focus na lang muna ako sa studies ko at sa banda. Malapit na rin ang Foundation Day. Kailan naming galingan sa performance namin."
"Oo nga pala sa isang buwan na nga pala iyon. Anong petsa na nga magaganap ang Foundation Day?" tanong ko dahil bago lang ako rito.
Marami pa akong hindi alam sa eskwelahang ito. Kinagatan ko ang cheeseburger. Mas masarap talaga kapag libre.
"Sa October 24 na magaganap iyon. Kumusta na nga pala ang injury mo? Nabalitaan ko na tinamaan ka ng bola noong nakaraang linggo sa laban ng CCS at MHU."
"Mabuti-buti na. Hindi ko na siya kailangan lagyan ng benda. Medyo awkward lang itong band aid sa noo ko. Buti na nga lang at nakakayang takpan ng bangs."
"Bakit ka ba naman kasi natamaan ng bola? Dapat kasi nag-iingat ka," sermon nito sa akin
"Wow huh! Ako pa talaga ang mag-a-adjust? Palagi akong nag-iingat, okay? Malay ko ba naman na may bolang tatama sa ulo ko eh naglalakad lang naman ako sa gilid palabas ng basketball gym."
"Sabay tayo umuwi mamaya."
"Sabay tayo ulit kasi single ka ngayon, ganoon ba?" sarkastika kong tanong.
"Babawi ako, okay? Alam ko naman na nasaktan ka na na-set aside ko iyong friendship natin dahil sa pagkakaroon ko ng girlfriend. Sorry." He extended his hand.
"Fine," I replied as I accepted his hand.
Tinapos lang namin ang pagkain tapos ay bumalik na rin kami sa mga klase namin. Ang swerte lang na wala ang professor namin para sa klase sa hapun. May mahabang pagsusulit kami roon at masasabi kong hindi pa ako handa. Mabuti na lang talaga at naka-leave siya ngayon. May isang araw pa ako para makapag-review.
"Gabriella, ano sasabay ka ba sa akin?" tanong ng kaibigan at kaklase kong si Sazha na nagsisilid ng mga gamit sa bag.
"Mauna ka na. May tinatapos pa akong sulatin."
"Sige sunod ka na lang kaagad sa akin sa Theater Room."
Nagmadali na siyang umalis pagkasabi nun. May tinatapos akong reflection paper at ayaw kong ihinto ito dahil paniguradong tatamarin ako kapag nagkataon. Sasamantalahin ko na habang sinisipag pa akong magsagot. May kalahating oras pa naman bago magsimula ang meeting at practice namin sa theatro. Parte kasi ako ng school theater.
Mahilig lang din naman akong mag-emote-emote at magbato ng diyalogo ng mag-isa kaya bakit hindi na lang ako sumali, hindi ba? Nag-audition ako noong may opening sila for freshmen students. Sa awa naman ng Diyos ay nakapasa ako. Ang awkward nga ng role ko noong nag-audition ako sa theater. Bigyan ba naman ako ng role na babaeng manganganak sa jeep.
Grabe sobrang nakakahiya talaga. Hindi pa naman ako marunong umire. Akala mo babaeng natatae lang na ayaw lumabas. Kinapalan ko na lang talaga ang mukha ko at ibinigay ang best ko sa performance. Worth it naman lahat dahil dalawang buwan na akong official member ng Theater Group ng Unibersidad na ito. Makalipas ang kinse minutos ay itinabi ko na ang aking mga gamit at sumunod sa practice.
"Wala ba rito si Ms. Dimartir?" tanong ng direktor namin kaya tumakbo ako palapit sa kanila.
"Nandito ako!" sigaw ko habang hinihingal na tumatakbo sakbit ang aking long strap shoulder bag.
"Bakit wala ka sa practice noong Linggo?" tanong nito kaya nagsimula nang gumapang ang kaba sa dibdib ko.
Akala ko pa naman nakalimutan na niyang absent ako sa practice kahapon.
"Hindi po kasi ako Direk pinayagan ng tiyahin ko," pagsasabi ko ng totoo.
"Kahit kailan talaga kontrabida iyang tiyahin mo. Bili ka na lang ng bagong Auntie." Muli niyang ibinalik ang mata sa attendance sheet na hawak niya. "Nandito na ba lahat?" tanong nito habang tinitingnan kami isa-isa.
"Hindi raw makaka-attend ng practice si Yugin dahil may quiz sila ngayon. Pero susubukan niya raw humabol kapag natapos siya ng mas maaga," sagot ng isa naming kasama.
"Sa isang buwan na ang Foundation Day kaya kailangan na makapag-practice na tayo kaagad. Second day pa lang ito ng practice kaya pagbibigyan ko muna iyong ibang wala rito. Pero huwag n'yo rin kalilimutan ang rules noong pumasok kayo sa organisasyong ito. Sa oras na magkaroon kayo ng limang absent without valid reason, automatic nang tatanggalin namin kayo sa group. Nagkakaintindihan ba tayo?"
"Opo, direk!"
"Good. May form na kayo ng circle."
Mabilis kaming kumilos at lumupagi sa sahig ng pabilog. Nasa twenty eight kaming lahat dito. Habang nagsasalita iyong direktor at writer ng theatro ay panay naman ang pagsusulat ko sa notes ng mga napag-usapan. Ikinukuwento kasi nila sa amin ang konseptong nabuo nila kahapon. Buti naman at ibinahagi nila rito ulit ngayon dahil siguradong hindi ako makaka-relate dahil hindi nga ako naka-attend ng practice. Si Auntie naman kasi ang daming pinagawa. Gusto niya kasi nasa bahay lang ako kapag weekend para raw may katulong siya sa bahay. Ako ang napili para sa role ng Female Lead Character.
Isa itong malaking achievement para sa isang baguhan sa org na kagaya ko. Sumali ako ng theater dahil High School pa lang ay hilig ko na talaga ang pagpi-perform. Minsan ko na ring pinangarap ang pag-aartista pero mailap ang panahon. Mukhang hindi iyon para sa akin. Magaling magkuwento iyong writer namin kaya naman hindi ako nahirapang intindihin ang daloy ng istorya. Importante kasi na bilang isang Theater Actress alam mo ang takbo ng kuwento para kung sakaling makalimutan mo ang iyong linya, madali kang makakapag-adlib nang hindi nalilihis sa takbo ng kuwento. Natigil ang head writer sa pagpapaliwanag nang may dumating.
"Late na ba ako?" tanong ng kadarating na pumukaw sa atensyon naming lahat.
"Kinse minutos ka ng late." Nakapamey-awang na sagot ng aming bekeng direktor.
"Pasensya na kinausap pa kasi ako ng coach namin." Tumingin siya sa amin— no... sa akin.
Sh*t anong ginagawa ng isang iyan dito?
"Oo, nga pala bagong recruite ng grupo. Sige magpakilala ka na sa kanila." Ipinaubaya ni direk ang sahig.
"Hi, I'm Daniel Ezcarraza, stage Actor. It's nice meeting you my fellow artist," pagpapakilala niya sa sarili.
Narinig kong nagtilian ang mga babaeng kasama namin pero sa loob-loob ko naman ay nagngingitngit ako sa inis. Bakit ba sa lahat ng org dito sa school dito pa niya naisipang sumali? Baka nga hindi pa marunong umarte ang isang ito. Nadaan lang sa mukha at koneksyon sa eskwelahan. Napangiwi ako sa reaksyon ng mga babaeng katabi ko. Hindi ko alam kung bakit kilig na kilig sila sa lalakeng ito eh hindi naman gwapo.
"By the way, si Daniel nga pala ang napili para sa role ng Male Lead Character," anunsyo ng direktor na literal na nagpaawang sa bibig ko.
OMG! Siya ang makakapareha ko? Sana April 1 na lang ngayon.
—Azureriel