Chapter 3
"Lauri, pwede ba kitang makausap?" tanong ni Ate Alex.
Ni hindi ko manlang namalayan na nasa harapan ko na siya. Ganoon nga siguro kalalim ang iniisip ko. Sa mga nagdaang araw kasi, hindi ko maintindihan pero parang nag-iba si Ate. Kung dati'y madalas ko siyang makita kasama ni Zean, ngayon ay iba na.
Madalas na ulit siyang sumabay sa amin ni Tusher pumasok at umuwi. May mga oras pa na kapag niyayaya siya ng mga kaklase niya para lumabas ay mas pinipili niyang samahan ang kanyang boyfriend.
Gusto kong tanungin siya, kasi kataka-taka iyon. Pero hindi na ako nag-abala pang gawin 'yon dahil baka mamaya'y natauhan na siya, narealize na niya 'yong mga sinabi ko no'ng nakaraan.
Sana nga ay ganoon hindi ba?
Wala rin naman akong ibang hangad kundi ang maging masaya silang dalawa. Kahit na masakit pa iyon sa parte ko ay wala akong pakialam. Makita ko lang silang masaya sa piling ng isa't isa ay masaya na rin ako, tatanggapin ko.
Tumango ako bilang tugon sa tanong niya. Ngumiti siya at naupo sa paanan ng kama ko, hindi kalayuan sa akin.
She sighed. "Alam kong nabigla ka sa nangyari noong nakaraan at oo, baliw na ako dahil hindi ko agad iyon naisip." Kinuha niya ang dalawang kamay ko, pinisil-pisil niya iyon saka tumitig sa akin. "Pero maniwala ka, iniwan ko na si Zean, kita mo naman diba, palagi na akong sumasama sa inyo..." pagpapatuloy niya pa.
"Hindi mo naman na kailangang magpaliwanag, nakikita ko rin naman sa mga kilos mo," sagot ko.
Napakurap siya pero maya maya'y ngumiti rin at walang sabi-sabi akong niyakap. Doon natapos ang usapan naming magkapatid nang araw na iyon. Sumapit ang kinabukasan at ganoon ulit ang nangyari, kasabay na namin ulit si Ate. Dikit na dikit na ulit siya kay Tusher, parang dati.
Sobrang sweet nila miski sa sasakyan, school, bahay, kahit saang lugar ata ay ganoon sila.
"Tsk, nakatitig ka na naman kay Kuya."
Mabilis kong inalis ang paningin kina Tusher at Ate matapos marinig ang tinig na 'yon ni Creed. Nang magtama ang mga mata namin ay seryoso na siyang nakatitig sa akin. Hindi ko kinaya ang tingin na iyon kaya ako na ang kusang umiwas. Sakto namang dumapo ang paningin ko roon sa dala niya.
May dala siyang box na maliit. Hindi ko alam kung anong laman no'n dahil nakatali iyon.
Kung nagtataka kayo kung nasaan ako, narito ako sa bahay nina Tusher. Paano kasi, magrereview daw sila, hindi naman dapat ako sasama pero hindi pumayag sina Ate at Tusher.
Sila na nga binibigyan ko ng personal space, ayaw pa. Ayoko naman na palaging ganito, para akong third wheel sa kanila.
"Anong laman niyan?" tanong ko para naman hindi masyadong awkward ang atmosphere namin nitong si Creed.
Nitong mga nakaraang araw ay palagi nalang niya akong kinakausap. Sumasabay na rin siya sa amin pumasok. Hindi ko tuloy maiwasan hanapin iyong batang babae na palagi niyang kasama.
Sinulyapan niya ang box saka naupo sa tabi ko. "Ibibigay ko sana kay..." Napakamot pa siya sa kanyang ulo.
"Kay?" tanong ko.
Siguro'y doon niya iyon ibibigay sa kasama niya laging babae. Wala naman akong ibang maisip na babaeng pagbibigyan niya niyan bukod doon.
Bumuntong-hininga siya. "Ewan, hindi ko na rin alam."
Nangunot ang noo ko sa isinagot niya. Hindi niya alam, possible ba iyon? Naghanda siya ng regalo pero hindi niya alam kung sinong pagbibigyan niya? Ang weird naman ata no'n. "Tsk, kunwari ka pa, doon mo siguro iyan ibibigay sa batang babae na kasama mo," tukso ko.
Hindi siya sumagot at nag-iwas lang ng tingin. So confirmed? Doon nga? Nako, sinasabi ko na nga ba, may something sila.
"Hindi na siya bata, first year high school na pero bata pa ang tawag mo?" masungit niyang tanong.
Ngumuso ako. Pati ba naman iyon ay big deal pa? Pasensya naman diba? Tao lang naman at nagkakamali.
"E, 'di doon sa dalagang kasama mo," pagtatama ko.
Tinaasan niya ako ng kilay, ngumisi siya. "Her name is Lio, silly," sabi niya saka ginulo ang buhok ko.
Nagulat ako sa ginawa niya kaya natigilan ako.
"Girlfriend mo na ba iyon?" tanong ko nang maya maya'y wala nang nagsalita sa aming dalawa.
Umiling siya at dumampot no'ng chips na nasa lamesa. Kinain niya iyon saka dinampot ang remote. Binuksan niya ang tv.
"She's not my girlfriend," sagot niya saka namili ng panonoorin niyang movie sa netflix. "And I don't have any feelings for her," dugtong niya.
"Sa gandang iyon ni Lio?" Hindi makapaniwalang tanong ko. Kinuha ko iyong baso ko na may juice saka iyon ininom. Nauhaw yata ako bigla.
Inilapag niya ang remote sa lamesa. Kinuha niya iyong bowl ng chips saka inilapit sa akin, inaalok ako. Kumuha ako ng kakaunti roon saka ibinaling ang paningin sa may tv.
"Kapatid lang ang turing ko sa kanya, may iba akong nagugustuhan," sagot niya.
Naramdaman ko ang tingin niya, kaya naman tinignan ko rin siya. "E, sino bang nagugustuhan mo?" tanong ko.
"Ikaw."
"Ako? Kung sinong nagugustuhan ko?" sunod-sunod kong tanong.
Kita mo 'to, siya iyong tinatanong ko tapos tatanungin din ako. Napakagulo.
"Tsk, hindi ko na kailangan pang malaman dahil alam ko na kung sino." Tumayo siya at ibinigay sa akin iyong bowl ng chips. Wala naman na akong nagawa kundi kuhanin iyon. Umalis siya at iniwan akong mag-isa roon.
Sinundan ko siya ng tingin pero nang mawala siya sa paningin ko at ibinaling ko nalang ang atensyon sa pinapanood at doon sa chips na hawak ko.
Susubo na sana ulit ako nang mapansin ko iyong box na dala ni Creed kanina. Naiwan niya! Nako!
Nagkibit-balikat ako saka iyon dinampot. Pinagmasdan ko pa iyon bago ko inalog. Napakagaan no'ng karton kaya nagtaka na talaga ako kung anong laman. I was about to untie the ribbon nang biglang may kumuha no'n. Nang mag-angat ako ng tingin ay si Ate Alex pala.
"Ah sis, pinapakuha ni Creed, pasensya na." Iyon lang ang sinabi ni ate kaya hindi na ako tumutol pa. Hinayaan ko na siya.
Nang kinagabihan ay doon na kami pinagdinner ni ate sa bahay nina Tusher. As usual, magkatabi sila. Habang ako ay si Creed ang katabi. Sa magkabilang dulo ay sina Tita Grace at Tito Alfred.
"How's the food?" pagbasag ni tita Grace sa katahimikan na bumabalot sa amin.
"Masarap po Tita. The best talaga itong mga luto niyo." si Ate habang nakangiti. Matapos niya iyong isagot ay nagkatingin pa sila ni Tusher saka ngumiti sa isa't isa.
"How about you Lauri? How's the food?" tanong ni Tita, ako naman ang binalingan niya.
Pinunasan ko ang bibig ko saka siya nilingon. "It's delicious Tita, thank you for this po."
Nagkatinginan sina Tito at Tita saka ngumiti sa akin. "Hayaan mo, sa susunod ay ituturo ko sa 'yo 'tong mga ito para naman maipagluto mo si Tusher."
Alanganin akong ngumiti. "Salamat po."
"Pwede mo rin namang turuan si Alex, Mom," sabat ni Tusher, hindi namin inaasahan.
Natigilan si Tita, ang ngiti sa kanyang labi ay biglang nawala. "Si Lauri kasi ang gusto kong turuan, hijo."
"Pero si Alex ang magiging asawa ko Mom."
"Okay, I'm sorry," si Tita na parang napahiya.
Sinulyapan ako ni Ate Alex bago niya binalingan si Tusher. "Hey, it's okay, hindi naman natin masisisi si Tita kung si Lauri ang gusto niyang turuan, I mean, she's good, sanay siya sa kusina dahil mahilig siya roon, and yeah, I don't have any passion for that."
Napabuntong-hininga si Tusher. "Okay, I'm sorry."
Natapos ang dinner. Nagpresinta akong tumulong sa pagliligpit, pumayag naman si Tita.
"Lauri hija," ani Tita Grace saka lumapit sa akin.
"Tita, may kailangan po kayo?" tanong ko. Sandali ko munang binitawan ang pinggan na hawak ko.
Hinaplos niya ang pisngi ko. Ang iilang hibla ng buhok ko na humaharang sa mukha ko ay inilagay niya sa likuran ng tenga ko. "Napaganda mong babae," komento niya, hindi ko na naman inaasahan.
Hindi ako nakasagot dahil hindi ko naman alam ang sasabihin ko. Hindi ko alam kung magpapasalamat ba ako o ano. Parang ang weird lang kasi.
"At kung ako ang papipiliin ay ikaw ang gusto kong makatuluyan ng anak ko," dagdag niya.
"Tita, hindi kami bagay ni Creed, mas matanda po ako sa kanya e," sabi ko, napakamot pa ako sa aking ulo.
Hindi naman kasi talaga kami bagay ni Creed. Para sa akin ay nakababata ko siyang kapatid. Ni minsan ay hindi sumagi sa isip ko na mapupunta kami sa ganoong sitwasyon o antas ng relasyon.
Umiling si Tita. Biglang sumeryoso ang kanyang mukha. "Hindi naman si Creed ang tinutukoy ko anak."
Hindi na naman ako nakaimik. Kung hindi si Creed ang tinutukoy niya, possible bang si Tusher? Pero bakit naman? May girlfriend naman na si Tusher diba? Kapatid ko pa nga, kaya hindi iyon maaari, kahit pa gusto ni Tita, hindi pa rin.
"Tita, may girlfriend na po si Tusher at kakambal ko pa, sana po ay matanggap niyo na si Ate ang makakatuluyan niya at hindi ako, best friend lang po ako ni Tusher at kahit kailan po ay hindi kami aabot sa puntong iniisip ninyo, pasensya na po." Muli kong kinuha ang pinggan na hawak ko kanina. Nang mahawakan ko 'yon ay muli kong tinignan si Tita. "Pasensya na po ulit Tita," sabi ko at nagsimula nang humakbang palayo.
Pero hindi pa yata ako nakakalayo ay nagsalita na ulit si Tita. "Alam ko ang pinaggagagawa ng kakambal mo at hindi ako makapapayag na gaya niya lang ang magiging asawa ng anak ko, kilala mo ako Lauri, alam mong kaya kong gawin kahit ano."
Hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan ko matapos marinig iyon. May alam si Tita sa pinaggagagawa ni Ate?
~to be continued~