Halos isang linggo na ako rito at hindi ko pa rin alam kung bakit sobrang tagal ng processing ng mga requirements ko para makapagtrabaho na ako. Hinihintay ko pa ngayon si Madam na maka-uwi dahil dalawang araw na naman ulit siyang wala.
“Buksan mo nga ako rito, Chandria!”
Napalingon naman ako nang bigla kong marinig ang malakas na boses ni Madam kaya dali-dali kong tumungo papuntang gate para buksan siya.
“Uhmm, Madam kumusta na po pala ang pag-aasikaso niyo sa magiging trabaho...”
“Pwede ba, stop pestering me, Chandria. I have so many things on my mind right now kaya h’wag mo nang dagdagan pa. Tabi ka nga diyan!”
Naiwan naman akong nakatunganga rito sa tapat ng gate dahil hindi ko alam na ganitong buhay pala ang mararanasan ko ngayon. Ang akala kong makapagtrabaho na ako sa isang opisina ay naging instant yaya pa nga ng mga kaibigan niya. Pasado alas-singko na ng hapon kaya kung magrereklamo pa ako ay mukhang impossible na naman.
Bumalik nalang ako sa loob ng bahay at nadatnan na naka-upo si Madam Athisa sa sofa.
“Ikuha mo nga ako ng tubig, Chandria!” biglang sigaw niya sa akin kaya dali-dali naman akong kumuha ng baso at nilagyan ng tubig para sa kaniya.
“Madam ako nalang po ang tatapos ng processing para hindi na ho kayo mahirapan. Isang linggo na po ako rito at nagtatanong na ang mga magulang ko tungkol sa trabaho ko,” sambit ko naman sa kaniya.
Nagulat naman ako nang bigla siyang tumayo at sinamaan ako ng tingin. “Minamadali mo ba ako, Chandria? Sa tingin mo ba lahat ng ginastos ko sa’yo ay libre lahat ‘yon? Kulang pa nga ang pagtatrabaho mo rito sa bahay ko sa ibinayad ko sa flight mo tapos ay magrereklamo ka pa?”
Hindi naman ako makapaniwala na sasabihin ‘yon lahat sa akin ni Madam. Ang maamo niyang mukha noong una ko siyang nakita ay ibang-iba na ngayon. Pakiramdam ko ay ibang tao ang kausap ko.
“Hindi naman po sa gano’n, Madam. Gusto ko lang naman po kasing...”
“I’ll bring you to your work later kaya maligo ka na!” anas niya naman kaya nagtaka ako.
Pasado alas-singko na ng hapon kaya inisip ko nalang na baka night shift ang trabaho ko. H’wag nalang din akong magreklamo dahil malaking bagay na ‘yon at malaking tulong na rin sa mga magulang at kapatid ko sa probinsya.
Pagkatapos kong maligo ay nagsuot na ako ng formal attire. Simpleng tattered top lang at black skirt ang isinuot ko para wala nang ibang arte.
Lumabas na ako ng kwarto at tumungo na salas. “Tapos na ho ako, Madam.”
“What do you think you’re wearing?” Napasinghal naman siya. “Nevermind, let’s go at malapit na magbukas ‘yon.”
Hindi ko nalang pinansin ang mga sinabi niya at sumunod na sa kaniya. Sumakay naman kaming dalawa sa tricycle at nagtaka naman ako kung bakit imbes na sa highway ang punta namin ay sa makitid na lugar papasok ang tricycle.
“Pasaan po tayo, Madam?” pagtatakang tanong ko pa.
Medyo madilim na rin kasi ang paligid dahil palapit na ang gabi kaya may mga ilaw na sa loob at labas ng mga bahay na nadadaanan namin.
“Hintayin mo nalang hanggang sa makarating na tayo ro’n,” tugon niya.
Hindi nalang ako umimik at ilang minuto pa ang nakalipas ay nakarating na kami sa tapat ng isang madilim na building. Bumaba na kaming dalawa ni Madam at kinaladkad na niya ako papasok sa loob.
“Sandali lang po, Madam. Saan niyo po ba ako dadalhin?” pag-aalalang tanong ko.
Hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan at kinukutuban na ngayon sa mga mangyayari. Mukhang iba ang trabahong ibibigay sa akin ni Madam Athisa ngayon dahil na rin sa mga nakita kong damit doon sa bahay nila.
Nakumpirma ko naman na isang club pala ang pinuntahan namin dahil noong makapasok kami sa likod ay maraming mga babae ang nag-aayos ng mga sarili nila. Hinawakan naman ako sa braso ni Madam at dinala sa isang lalaki.
“Frence, ito ‘yung sinasabi ko sa’yong bagong recruit ko. Hindi ‘yan kagandahan, pero ayos na rin.”
Nanlumo naman ako nang marinig ko ang mga sinabi niya. Gagawin niya lang naman pala akong isang dancer dito sa club, pero ang sinabi niya sa mga magulang ko ay bibigyan niya ako ng magandang trabaho.
Agad ko namamg binuklas ang kamay ko. “Ano ang ibig sabihin po nito, Madam?”
Napatingin naman siya sa akin sabay ngisi. “Pasalamat ka nalang Chandria dahil pinapasok pa kita rito. Sa tingin mo sa mukha mong ‘yan ay may tatanggap sa’yong maayos na kompanya o club? Wala! Kaya kung gusto mong may makain ang pamilya mo sa probinsya, tanggapin mo na ang offer ni Frence kung ayaw mong maging pulubi dito sa Maynila.”
Tagos naman lahat sa akin ang mga sinabi niya. Hindi naman dahil sa sinabi niuang pangit ako, pero doon naman sa parte na mahihirapan akong magtrabaho dahil sa mukha ko kaya paano ko maiaahon ang pamilya ko sa kahirapan.
Napa-irap naman sa akin ang lalaking nasa harapan namin. “Ano girl, ready ba ‘tong ngetpa na ‘to o ano? Pwede naman nating lagyan ng mask ‘yang mukha niya para makakuha pa rin tayo ng maraming costumers,” sambit naman niyo sabay tawa.
Bigla naman akong itinulak ni Madam palapit sa lalaki. “Tatanggapin niya ‘yang alok mo. Nasaan na commission ko para diyan, bakla?”
Inabot naman ng lalaki ang limang-daan kaya napangiti si Madam. “Huwag kang mag-alala dahil marami pa akong nakukuhang mga inosente sa probinsya na pwede kong ma recruit. Minalas lang talaga ako ngayon dahil walang mukha ang nakuha ko.”
Pakiramdam ko ay hindi nila ako nakikita habang nag-uusap sila kaya napayuko nalang ako.
“Ako ka ba girl, okay lang ‘yon. Marami ka na rin namang naibigay sa akin na malakas ang benta. Tingnan mo naman si Tina at Roanne, malaki ang naging kita ng club dahil sa kanila.”
“Ay sige bakla, mauna na ako at naiwan ko ang mga anak ko sa bahay,” anito sabay tingin sa akin. “Ikaw Chandria, h’wag ka nalan magreklamo dahil malaki rin naman ang makukuha mong pera dito kaya magpasalamat ka nalang at tinulungan pa kita.”
Agad na rin siyang umalis kaya naiwan kaming dalawa ng lalaki. Marahan kong iniangat ang ulo ko at tsakto namang nakataas na ang kilay niya sa akin.
“Pasalamat ka bakla at kailangan ko ng extra ngayon, dahil kung hindi na’ko walang tatanggap sa’yo. Sige na pumasok ka na sa room B at maghanap ng damit mo, magpatulong ka nalang din sa mga kasamahan mo ro’n na ayusin ‘yang mukha mo,” pahayag niya naman at umalis na sa harapan ko.
Ang mga luhang kanina ko pa gustong ilabas ay tuluyan nang tumulo sa mga mata ko. Hindi ko naman akalain na ang itsura ko pa talaga ang magiging problema ko sa paghahanap ng trabaho.