Maaga akong nagising nang sumunod na hapon. Sa sobrang aga ay nakimutan kong hindi nga pala ako maaaring lumabas hanggat hindi sumasapit ang dilim. Nakaupo ako sa kama, nakatitig sa bintanang sarado habang nakahawak sa bandana ni Jonathan. Ibinalot ko iyon sa isang malinis na zip bag kagabi.
Hindi ko alam kung paanong ganoon kabilis nakuha ni Lumen ito kay Jonathan. Baka hiniram niya? Isa ba to sa mga dahilan kung bakit naging malapit sila sa ia't isa nang ganoon kabilis? Ibig kong sabihin, nakakagulat na na ang lapit na nila sa isa't isa ngayon tapos, nakuha na agad ni Lumen ang bandana. TIngin ko ay epektibo ang kung ano mang estratehiya niya na gamitin ang takot ni Jonathan sa kaniya ngayon dahil nahanap agad si Tan-tan at nakuha ko kaagad ang kailangang bandana. Hindi ko alam at hindi na importante iyon sa ngayon. Ang kailangan kong gawin ngayon ay ang makakuha ng tela galing sa mga biktima upang maipadala ko ang mga ito kay Chexter at malaman kung magkapareho ba ang mga ito.
Halos hindi magkamayaw ang puso ko sa pagtibok nang iabot sa akin ni Lumen ang bandana kagabi. Halos hindi ko pa tanggapin ang paperbag kung saan niya inilagay ang bandana sa pag-aakalang ulam iyon na ipinababon niya. Mabuti na lang ay naisipan ko munang tignan ang loob bago sana tanggihan. Halos matulala pa ako't pakiramdam ko ay iyon na ang katapusan ng lahat ng paghihirap kahit na isa lamang iyon sa mga hakbang para umusad kami.
Kung tutuusin, mas madadalian sana ako kung ako na lang ang mag te-test ng lahat ng kailangang i-test dahil hindi ko na kailangang pumunta pa ng bayan para ipadala kay Chexter ang mga nakalap kong ebidensiya at hindi ko na kailangang maghintay ng matagal bago bumalik sa akin ang resulta. Mas madali at mabilis sana kung lahat ng kailangang gamit ay nandito na para magawa ang mga kailangang gawin ngunit wala akong gamit dito. Nasa syudad ang mga gamit kaya naman kailangan ko talagang ipadala ang mga ito kay Chexter at kailangan kong maghintay kung kailan niya maibibigay sa akin ang mga resulta.
Ilang minuto bago mag alas siete ng gabi ay mabilis akong kumilos at dumiretso sa banyo para maligo. Nakita ko pang nakaupo sa sofa si Arturo habang abala sa pagkukulay ng kung ano. Nag-angat siya ng tingin sa akin ng ilang sandali ngunit ibinalik din agad sa ginagawa ang atensyon.
Kung mapatunayan na ang tela sa bandana ni Jonathan at ang telang makukuha ko sa mga bata ay tugma, isang malaking hakbang na iyon para sa imbestigasyong ito. Mas malaki na ang tyansa na si Jonathan nga ang pumapatay at maaari na akong mag-focus sa kaniya.
Malaking bagay ang nagawa ni Lumen kaya naman itinatak ko talaga sa aking isipan na pasalamatan siya mamaya. Pagkatapos maligo ay dumiretso ako sa kusina, naghahanap ng makakain.
"Hala, hindi pa ako nakakapagluto!" Sigaw ni Arturo na siyang nagpagulat sa akin. "Pasensiya na! Magluluto na ako ng mabilisan!" Halos madapa oa siya nang patakbong lumapit dito sa kusina.
Akmang kukuhanin na sana niya ang kasirola nang hawakan ko ang kamay niya para pigilan siya. Hindi naman ako gutom at mukhang ganoon din siya ksys hindi na kailanhang magluto pa. "Pero akala ko kakain ka?" Aniya ng may pagtataka.
Umiling ako't bahagyang ngumiti saka ibinalik ang kaserola sa kinakalagyan nito kanina. "Hindi na dahil hindi naman ako gutom. Pero kung gutom ka, sige magluto ka ng makakain mo..."
Hinayaan ko siya sa kusina't dumiretso ako sa kwarto upang kuhanin ang cellphone ko, flashlight at pera. Lalabas ako para magsimulang maghanap ng tela sa mga lugar kung saan huling natagpuan ang mga katawan ng mga batang naging biktima. Alam kong ilang buwan na ang lumipas mula nang mangyari ang mga iyon at may tysansang wala nang bakas ng krimen sa mga lugar na iyon ngunit kailangan ko pa ring subukang maghanap. Kailangan kong maging sigurado.
"Lalabas na muna ako, Arturo. Ikaw na muna ang bahala rito." Tiningala niya ako't agad na tumayo, iniiwan ang ginagawa niyang panibagong artwort.
"Saan ka pupunta?" Sa gulat ay napatulala ako ng ilang sandali. Bakit siya nagtatanong ngayon ng ganiyan gayong hindi naman niya ginagawa iyan noon? "Ah, nag-aalala kasi ako't baka saktan ka ni Jonathan," aniya pa.
Napansin kong tila naging matanong at mapakialam si Arturo simula nang isipin niyang si Jonathan ang pumapatay. Tila naging masyado siyang takot lumabas. Hindi ko naman masabi sa kaniya ang katotohanang may tyansang hindi si Jonathan ang pumapatay dahil nagagalit siya tuwing nangyayari iyon. "Pupunta lang ako riyan sa labas, maglilibang," ani ko saka mabilis siyang tinalikuran.
Tahimik kong nilakad ang daan palabas. Ang mga tao ay nagsisimula na ring lumabas isa-isa at ang inay ay unti-unti ng nilalamon ang katahimikan sa paligid. Tinanguan ko si Aling Lota nang makasalubong ko siya sa daan na may dalang mangkok. Didiretso na sana ako sa paglalakad papuntang labasan nang bigla niyang harangan ang daraanan ko habang hindi nawawala ang malawak na ngiti sa kaniyang labi.
"Aalis ka?" Hindi ko alam mung tatango ba ako o ano kaya ngumiti na lang ako bilang sagot. "Ihahatid ko sana sa iyo itong ulam na iniluto ng asawa ko. Ano? Idederetso ko ba sa inyo o..." pareho pa naming hindi alam ang gagawin sa dala niyang ulam. Munggo iyon na maraming chicharon bilang sahog. Sa huli, kinuha ko na lamang ang mangkok at nagpasalamat.
Naglakad ako pabalik sa bahay para ilagay roon ang ulam. Dinatnan kong tahimik na nakaupo sa sala si Arturo habang patuloy sa pagkukulay. Nag-angat siya ng tingin sa akin ngunit dumiretso na ako sa sala bago pa niya masabi ang gusto niyang sabihin. Isinalin ko ang ulam sa isang mangkok saka mabilisanh hinugasan ang mangkok ni Aling Lota. Idadaan ko sa kanila ito mamaya bago didiretso sa labasan.
"Hindi ko alam kung anong oras ako makakabalik ngunit siguradong bago sumikat ang araw ay nandito na ako kaya huwag kong ila-lock ang pintuan," marahang bilin ko kay Arturo bago lumabas ulit.
Tinahak ko ulit ang daang dinaanan ko kanina ngunit ngayon ay huminto ako sa tapat ng bahay nina Aling Lota. Dinatnan kong nasa hardin ang asawa niya kaya sa kaniya ko na lang iniabot ang mangkok. "Salamat po ulit sa ulam!" Masayang usal ko.
Tumayo siya at kinuha sa akin ang mangkok sa kabila ng maputik niyang kamay dahil sa paghahardin. "Walang anuman. Hinugasan mo na yata ito pero madudumihan ulit," tumatawang usal niya. Ngumiti na lamang ako at nagpaalam na aalis na. Inasahan kong magtatanong siya kung saan ako pupunta kaya naman nang tumango at ngumiti lamang siya ay hindi na ako nag aksaya pa ng oras para umalis.
Tahimik kong nilakad ang daan palabas ng baryo. Nagawa ko pang titigan sandali ang kotse ni Chexter na ilang buwan ng hindi nagagamit. Baka nga may sira na iyan sa tagal na naka-park lang sa isnag parte ng garahe nina Aling Lota.
Ang saradong tindahan nila ay ibinalik sa akin ang mga ala-ala ng mga batang nakita ko noong unang punta ko rito. Kasama na roon ang kambal na sina Tiara at Sarah. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Sa loob ng ilang buwang pagkakakilala ko sa ilang bata rito, masasabi kong kahit papaano ay napalaki sila ng maayos ng kanilang mga magulang. May pagkamakulit man minsan ngunit ang respeto nila sa mga nakatatanda sa kanila ay hindi nawala kailanman. Nasasabi ko ito dahil ako mismo ang nakaranas nito.
Nilagpasan ko ang lumang signage na isa rin sa mga unang nag-welcome sa akin noon. Naalala ko kung gaano katindi ang takot at pangamba ko nang makita itong sign na ito noon dahil hindi ko alam kung anong naghihintay sa akin dito. Aaminin ko, nang una kong makita ito ay talagang sumagi sa isipan ko ang umatras at hayaan na lamang ang kung anong negatibong iniisip ni Chexter at maging ni Jinky sa akin ngunit tignan mo kung saan ako dinala ng desisyon kong magpatuloy.
Heto ako ngayon, tahimik na namumuhay kasabay ng mga taong ilang buwan pa lang nang una kong makasama. Heto ako, pilit na lumlaban araw-araw, pilit na nagpapakatatag sa kabila ng hirap na pinagdaraanan. Pilit na naghahanap ng sagot sa isang katanungang ilang buwan ko ng itinatanong at ilang taon ng itinatanong ng mga taga rito. Isang katanungan na may itinatagong matinding kasagutan.
Lumiko ako at tinahak ang matalahib na daanan. Mabuti na lang at naisipan kong magsuot ng makapal na damit. Lumalamig na ang panahon at kung nasa bahay lang ako kasama ni Mama, paniguradong purgado na ako sa lugaw, champorado, o 'di kaya ay sopas.
Kay sarap balikan ng mga alaalang noon ay halos ignorahin lanag natin ngunit paglipas ng ilang araw, hanggang sa maging linggo, buwan, at taon, nagiging magandang alaala na lamang ang mga iyon na gusto nating balikan ngunit may mga bagay tayong kailangan gawin gaya ng trabaho. Kung magkakroon man ako ng tyansang pumili sa pagitan ng pag-uwi sa bahay kasama ang pamilya o ang pagtatrabaho upag kumita ng pera, mas pipiliin ko ang umuwi at makasama ang aking pamilya.
Hinawi ko ang makakapal na talahib na humaharang sa daraanan ko. Hindi ko tanda ang eksaktong lugar kung saan natagpuan ang bangkay ni Tiara at ng ibang bata rito ngunit kung hahalughugin ko ang buong lugar, may tyansang makakita ako ng kahit anong may konekta sa pagkamatay nila.
Tahimik kong ginagawa ang trabaho na tanging ang maliit kong flashlight at ang buwan lamang ang nagbibigay liwanag sa akin. Bawat hawi, bawat hampas, bawat minutong lumilipas na wala kong nahahanap ay tila unti-unting lumalayo ang pag-asang kanina lang ay tila hawak kamay ko na.
Sa ilang oras kong itinagal sa lugar na iyon, tangng mga kuliglig, palaka, at iba pang insekto ang nakita ko. Walang bakas ng krimen sa lugar kaya naman malungkot kong tinahak muli ang daan pabalik.
Ang katahimikan ng lugar ang nagpalala sa kalugkutang nararamaman ko. Pakiramdam ko ay biglang napundi ang ilaw ng pag-asang mayroon ako. Tipong binigyan ako ng premyo na binawi rin agad sa huli sa hindi malamang dahilan.
Sa halip na umuwi, naisipan kong dumiretso sa plaza sa kabila ng kaalamang wala na akong mapapala sa lugar na iyon pagkat nalinisan na at madalas pang puntahan ng mga tao. Habang palapit sa looban ng baryo ay unti-unting nabasag ang katahimikan ng paligid, napapalitan ng ingay mula sa mga nag uusap-usap na mga tao, tila walang problema sa buhay.
Panay ang tango at ngiti ko sa mga taong bumabati sa akin ngunit hindi ko inihihinto ang paglalakad. Malapit na ang hating gabi at hindi ako maaaring mag-aksaya ng oras.
Pagdating sa plaza ay tumunganga lamang ako ng ilang minuto roon, iniisip kung ano ang gagawin ko. Bawat minutong nasasayang ay tila gumuguho unti-unti ang mundo ko. Pakiramdam ko ay nabibigo na ako kahit na wala pa namang ginagawa. Pakiramdam ko binibigo ko si Sarah sa kadahilanang nangako ako sa kaniya na hahanapin at huhulihin ko ang pumapatay ngunit nasaan ako? Heto, naliligaw, hindi alam ang gagawin.
Isa na lang ang kailangan kong gawin upang makakuha ng tela at iyon ay ang buksan ang bawat libingan ng mga biktima. Iyon ang inasikaso ko nang sumunod na araw. Isa-isa kong pinuntahan ang mga pamilya ng mga naging biktima mula nang makarating ako rito at una na sa listahan si Aling Lota at ang kaniyang asawa.
"Kung papayag po kayo at makakuha ako ng sample noong tela, ipapadala ko po iyon sa syudad para matignan kung tugma ba iyon at magiging daan po iyon para mahanap natin ang pumapatay," usal ko, ipinapaliwanag ang nais mangyari.
Nagkatinginan ang mag-asawa ngunit ilang sandali ay halos sabay na umiling. "Pasensiya na, Joseph. Nais naming mahanap ang pumapatay ngunit ang gambalain pa ang mga apo naming tahimik ng namamahinga, hindi namin kakayanin iyon," ani ng asawa ni Aling Lota sabay ngiti sa akin ng bahagya.
Sa ilang pamilyang pinuntahan ko, dalawa lang ang pumayag at halos lahat ayaw sa kadahilanang ayaw na nilang maabala pa ang bangkay ng kanilang pamilyang nahimlay. Ang dalawang pamilyang pumayag ay hindi na nag aksaya pa ng panahon at agad akong sinamahan sa sementeryo.
Gusto ko sana ay bukas na ng umaga ngunit ayaw nila kaya kahit natatakot sa dilim ng paligid, hindi ko ipinahalata iyon. Ang dalawang lalaking pinsan ng isa sa mga biktima ang nagbukas ng nga puntod ngunit hindi pa man tuluyang nabubuksan ang mga iyon ay umalingasaw na ang matinding amoy.
Para akong hihimatayin sa sobrang baho at ang paningin ko ay umiikot na. "Hindi kasi na embalsamo kaya matindi ang amoy," anila, himihinto sa pagkilos pagkat hindi kinakaya ang amoy.
Imbes na hayaang malanghap pa namin ang napakabahong amoy ay sinabihan ko silang huwag ng ituloy ang balak gawin. Tatanggapin ko na lang na ang pag-asang nakuha ko sa bandana ay wala na. Kailangan kong humanap ng ibang maaring mag turo sa akin sa kung sino ba talaga ang pumapatay.
Nanlalambot akong umuwi sa bahay. Pakiramdam ko ay dumikit sa akin ang mabahong amoy mula sa puntod ng mga bata kaya naman imbes na magpahinga ay pinili kong dumiretso sa banyo para maligo. Wala si Arturo nang makauwi ako kaya nang makita ko siya pagkalabas ko sa banyo na nakaupo sa sala, nakasimangot na nakatingin ng masama sa akin ay hindi ko napigilan ang bahagyang kabang naramdaman.
"Bakit?" Tinaasan ko siya ng kilay at kaswal na nilapitan.
Hindi siya sumagot ngunit sa paglapit ko ay bigla na lamang siyang sumigaw at sinipa ang lamesa dahilan ng bahagya nitong pagkawala sa pwesto. Mabilis kong kinuha ang maliit na pasong nakapatong doon at inilapag iyon sa sahig.
"Ano hang problema mo?"
Hindi pa rin siya sumagot ngunit ang pag-iyak niya'y nagpatuloy. Galit at takot ang nakikita ko sa mga mata niyang namumula-mula dahil sa pag-iyak. Ang kaniyang kamao ay mahigpit na nakakuyop at ang kaniyang tingin sa akin ay tumatagos hanggang kaluluwa ko.
"Anong ginagawa mo, Joseph?" Sigaw niyang hindi ko maintindihan pagkat natabunan kaagad ng kaniyang mga malalakas na hagulgol na tila isang batang inagawan ng candy.