Chapter 29

2303 Words
Patuloy ang kaniyang pagsigaw ng napakalakas kasabay ng mga hagulgol niyang tila matagal niyang itinago sa kaniyang sarili. Sa tuwing sinusubukan kong lapitan siya ay lalo lamang niyang nilalakasan ang kaniyang sigaw na tila ayaw magpahawak. "Arturo," ani ko, sinusubukan pa ring abutin siya ngunit hinawi niya ng malakas ang kamay ko. Pakiramdam ko ay muntikan na itong matanggal mula sa balikat ko sa sobrang lakas at hindi inaasahang paghawi. Umatras ako ng bahagya nang magsimula siyang sumipa-sipa habang nakaupo sa sahig. Inusog ko ang lamesa palayo na halos matamaan na niya sa kasisipa. Maging ang mga papel at pangkulay niya ay sinubukan kong ilayo ngunit ang iba ay hindi ko makuha pagkat masyadong malapit sa kaniya ang mga iyn at kung lalapitan ko pa ay matatamaan na niya ako at masasaktan. "Anong nangyayari rito?" Napalingon ako kay Alvin na biglang sumilip sa may pintuan. Gulat ako na nandito siya ngunit hindi ko magawang tanungin dahil naaagaw ng patuloy na nagwawalang si Arturo ang atensyon ko. Bumaling ang kaniyang tingin kay Arturo nang magsisigaw na naman ito ng napakalakas. Hindi ko alam kung ano ang uunahin ko. Si Arturo ba na patuloy sa pagwawala o si Alvin na panay ang tanong kung ano ang nangyayari kahit na nakikita naman na niyanh nagwawala si Arturo. Humakbang ako ng isang beses, sinusubukang lumapit kay Arturo ngunit sa tuwing ginagawa ko iyon ay lalo lamang niyang nilalakasan ang kaniyang sigaw at mga hagulgol na tila natatakot siya. Bakit siya matatakot? Hindi ko siya sasaktan! Sumagi sa isipan ko ang alaalang naabuso nga pala siya noong bata siya. Hindi kaya may nagawa akong nag trogger ng pagwawala niya ngayon? Ngunit kung oo, ano naman iyon? Abala ako sa pag-iisip nang maaaring nagawa ko para magwala siya ng ganito nang biglang may kumalabog. Ikinagulat ko ang biglaan niyang pagtayo at mabilis na itinumba ang lamesa. "Arturo!" Hindi ko alam kung ano ang uunahin ko. Ang itayo ba ang lamesang itinumba niya o ang tumakbo palabas at humingi ng tulong. Sinulyapan ko si Alvin na kanina pa nanonood. Bakas sa kaniyang mukha ang pagkabigla at pagkalito sa nangyayari. "Tang*na," bulong ni Alvin bago siya mabilis na tumakbo palabas. Akala ko ay iniwan na niya ako pagkat ayaw makisali sa nagwawalang si Arturo ngunit ilang minuto lang ay bumalik siya kasama ang iilang kalalakihan, maging ang asawa ni Aling Sita. Lahat sila aynagmamadaling lumapit sa amin habang itinuturo ni Alvin ang banda ng bahay. Sa likuran nila ay nandoon si Aling Karmen at ng mga amiga niya para siguro makibalita sa nangyayari. "Nasaan?" Anang asawa ni Aling Sita. Gumilid ako upang makadaan sila kasabay ng pagturo kay Arturo na patuloy sa pagwawala at pag-iyak. Tumango ang matanda sa akin at walang alinlangang nilapitan si Arturo, tila hindi natatakot na masaktan sa kabila ng matinding pagwawala nito. Panay ang wasiwas ni Arturo sa kaniyang mga kamay, tila iyon ang paraan niya upang mapalayo ang kung sino mang nagtatangkang lumapit sa kaniya kaya matinding kaba talaga ang naramdaman ko nang walang alinlangang lapitan ng asawa ni Aling Sita si Arturo. Nagawa niyang hawakan ito sa balikat kaya inakala kong mapapatahan niya ngunit nagulat ang lahat nang bigla na lang niyang hawiin ng napakalakas ang matanda dahilan ng pagkakatumba nito sa sahig. Ang malakas na kalabog ng sahig ang siyang nagpakaba talaga sa akin. Kitang-kita ko ang sakit na namutawi sa mukha ng matanda habang pilit na tumatayo at hinihimas ang puwitan nitong siyang unang tumama sa matigas na sahig. Iika-ika itong lumapit sa tabi ko kasabay ng bahagyang pag-iling habang nakatingin kay Arturo. "Arturo, ano ba?" Sigaw ko sa gulat kasabay ng mga sigaw rin nina Aling Karmen na pilit sumisilip sa pintuaan kahit na nakaharang ang mga kalalakihan. "Tumigil ka na nga!" Dahil nagsisimula na akong mainis. Pilit kong binabalikan ang katotohanang naabuso siya noon kaya marahil siya natatakot ng ganito ngayon ngunit ang manakit ng iba dahil lang nasaktan ka ay hindi tama at kailanman ay hindi magiging tama. Pilit kong iniintindi ang sitwasyon niya para lang maiwasang mainis ng sobra dahil sa mga ginagawa niya ngayon. Hindi ko alam kung ilang oras inabot ang pilit na pagpapakalma sa kaniya. Halos mag uumaga na nang umalis sa bahay ang mga kalalakihan kasama sina Aling Karmen para umuwi sa kanilang kaniya-kaniyang bahay. Nabigo kaming pakalmahin ng tuluyan si Arturo pagkat bigla na lang siyang tumakbo palabas habang umiiyak. Sobrang bilis ng kaniyang naging pagtakbo na tila may tinatakasan at tila takot na takot siya. Kasabay ng kaniyang mabilis napag-alis ay ang mga hagulgol niyang namutawi sa buong lugar na umaabala sa mga nagpapahingang tao at mga hayop. Hindi bumalik si Arturo nang araw na iyon. Halos wala akong tulog sa kaiisip kung nasaan siya pagkat nag-aalala ako na baka kung anong mangyari sa kaniya. Sa tindi ng pagwawalang ginawa niya kanina ay tiyak na matinding pagod din ang kapalit noon kaya hindi ko maiwasang hinfi isipin kung nasaan na kaya siya ngayon. Natatakot ako na baka may mangyaring masama sa kaniya o 'di kaya ay may gawin siyang hindi maganda. Kinagabihan, maaga akong lumabas upang makipag-usap sa mga kapitbahay ko patungkol sa nangyari. Wari ko ay may alam sila sa kung bakit ganoon na lamang magwala si Arturo pagkat matagal na nilang kasama ang lalaki rito. Tingin ko ay may alam sila sa nakaraan ni Arturo na maaaing konektado sa kung anong ikinikilos niya ngayon. Palagi namang ganoon, hindi ba? Na kung ano ang nangyari sa iyo sa kahapon ay konektado sa bawat desisyon at pangyayari sa buhay mo ngayon. Balak ko sana ay kay Lumen magtanong dahil siya ang sa tingin kong malapit sa lalaki pagkat silang dalawa ang madalas na magkasama noon ngunit hindi ko magagawa iyan sa ngayon dahil wala si Lumen, pumasok sa trabaho. Pagkalabas ko ay nakita ko agad si Alvin na nakatambay sa may tindahan kasama ang dalawa pang lalaki. Nasa akin agad ang kanilang atensiyon na inignora ko lamang. Mag tatanong na ako sa iba, huwag lang kay Alvin at sa mga kasama niya pagkat hindi katiwa-tiwala ang kanilang mga itsura. Hindi sa nanja-judge ako ngunit hindi talaga mapalagay ang loob ko sa mga lalaking ito. Pakiramdam ko ay sa bawat tingin nila ay may ginagawa silang kakaiba na pilit nilang itinatago. Kasabay ng pag-iwas ko ng tingin sa kanila at ng pagliko ko ang malakas nilang tawanan na tila may inaasar. Pinilit kong huwag magpakita ng kahit anong reaksiyon upang maipakitang wala akong oakialam kahit na alam ko at sigurado akong ako ang tinatawanan at pinag-uusapan nila. Tahimik na lang akong naglakad papunta sa bahay ni Aling Karmen sapagkat mas gugustuhin ko na talaga ang magtanong sa matandaang babae kaysa sa mga lalaking iyon na mukhang walang sasabihin tama. Isa pa, mabilis si Aling Karmen pagdating sa mga balita dahil kahit saan basta may tsismis ay nandoon ang matanda kaya malakas talaga ang pakiramdam ko na may alam naman siya patungkol kay Arturo kahit papaano. Kung wala ay didiretso na lang ako kay Aling Sita at Aling Lota na kapwa mabinilis din sa balita. Pagkaliko ko pa lang sa kaniyang garahe ay nasa akin na agad ang kanyang tingin. Nakaharap siya sa isang babae na tila may pinag-uusapan silang seryoso pagkat nakasimangot ang matanda ngunit nang matanaw ako ay unti-unting lumawak ang ngiti sa labi niyang pulang-pula dahil sa kapal ng lipstick na inilagay niya, ang pisngi ay halos mag kulay pink na dahil rin marahil sa make-up na inilagay. Nakasuot siya ng kulay pulang bistida na sa haba ay sumasayad na ito sa sahig. "Oh, baby! Sigaw niya sabay lakad ng marahan palapit sa akin, iniiwan ang kausap niyang nanonood na ngayon sa amin at mukhang nagpipigil ng tawa sa ginagawa ng matanda. "Anong gusto mo?" Malambing niyang usal sabay kapit sa braso ko. Hindi ko alam ngunit mukhang maling desisyon yata ang pagpunta ko rito. Masuka-suka ako sa paraan ng paghawak niya sa braso ko na bahagyang pa niyang hinahaplos na animo'y isa iyong yaman na kailangang alagaan at ingatan. Nagtataasan ang bawat balahibo sa bawat parte ng katawan ko sa nangayyari. Nakakakilabot. Nakakatakot. "Mas malaki at matigas ang braso ni Lumen kaysa sa iyo ngunit mas gwapo ka naman kaya ayos lang," ani pa niya kasabay ng kaniyang pagtawa. Pinagtitinginan na kami ng iilang tao na nagpupunta sa tindahan niya para siguro ay bumili ngunit tuwing nakikitang abala si Aling Karmen ay hindi na lang sila tumutuloy. Panay ang senyas ko sa kanila na bumili at abalahin ang matanda para kahit papaano ay mawala sa akin ang atensyon nito ngunit iniilingan at tinatawanan lamang ako ng mga tao. Tang*na sana pala kay Aling Sita o Aling Lota na lang ako lumapit. Bakit ba kasi naisipan ko pang kay Aling Karmen? Dahil mas malapit ang bahay niya? Tang*na. "Aling Karmen," bahagya akong umusog palayo sa kaniya ngunit mabilis ang kaniyang kilos sa paglapit ulit sa akin at pagkapit sa braso ko na tila isang kuala. "Nakita ninyo ang nangyari kay Arturo kagabi, hindi ba?" Tanong ko, pagkat iyon naman talaga ang sadya ko rito. Mas mabilis kong maitatanong ang mga katanungan ko ay mas mabilis din akong matatapos at makakauwi. Hindi ko yata kakayanin kung abutin ako ng ilang oras dito para lang sa kakarampot na impormasyon patungkol kay Arturo. May iba pa naman akong pagtatanungan kaya kahit hindi masagot ni Aling Karmen lahat ay ayos lang. Kailangan ko lang talagang mag tanong at baka isipin pa niyang nagpunta ako rito dahil nami-miss ko siya. Kadiri. Umismid siya saka bahagyang lumayo. "Iyan lang ang sasabihin mo? Akala ko pa naman ay nagpunta ka rito para sabihing mahal mo na ako!" Humagikhik siyang mag-isa. Walang gana ko lang siyang tinitigan, hinihintay kung kailan matatapos ang pagtawa niya sa isang bagay na hindi naman nakakatawa. Ilang sandali ay pilit niyang inihinto ang pagtawa nang mapansin sigurong seryoso ako sa itinanong. Tumikhim siya kasunod ng pagtayo ng matuwid. "Oo, bakit?" "Alam niyo ba kung bakit siya nagwala ng ganoon?" Tumaas ang kaniyang kilay, "hindi ko alam. Paano ko naman malalaman kung wala naman ako roon? Kayong dalawa itong magkasama sa bahay tapos sa akin mo itatanong kung bakit siya nagwala. Siguro ay inaway mo kaya ganoon?" Mabilis akong umiling, pilit ipinapakitang walang katotohanan ang paratang niya. Bakit ko naman aawayin iyon at sa anong dahilan? "Hindi. Ito po ba ang unang beses na nagwala siya ng ganoon?" Tinignan ko ang matanda na nakatingala, pinagmamasdan ang makulimlim na langit. Mukhang uulan. Nasaan kaya si Arturo? Sana ay umuwi siya para naman makatulog ako't hindi na mag-alala sa kaniya at sana kung nasaan man siya, kung hindi siya uuwi, sana ayos lang siya. Matagal siyang nag-isip, tila inaalala ang mga pangyayari sa buhay ni Arturo. Sa bawat segundong lumilipas ay unti-unting sinasakop ng kaba ang dibdib ko. "Hindi ko alam, eh. Pero parang oo? Hindi naman kasi madalas dito ang batang iyan noon. Ngayon na lang, simula nang dumating ka." Naalala ko ang narinig kong usapan ni Alvin at Jonathan noon. 'Yung patungkol sa naging karanasan ni Arturo noong bata pa siya. "Bakit hindi siya madalas dito gayong taga rito naman siya, hindi ba?" Tanong ko kahit na hindi sigurado kung taga rito nga ba si Arturo pagkat hindi ko pa alam kung saan ang bahay niya. "Eh kasi, ang batang iyan ay hindi naman pinapalabas noon. Nakakulong lang sa bahay, mag-isa, walang kalaro. Tanging si Lumen lang ang pilit na nagpupunta roon dahil naaawa 'di umano siya kay Arturo." Tumatango-tango niyang sabi habang nakatitig sa kawalan. "Pilit soyang pinupuntahan ni Lumen sa kabila ng paulit-ulit na pagtaboy ng mga magulang ni Arturo sa kaniya. Ganoon kabait si Lumen noon kaya hindi ko maintindihan kung bakit ganiyan na siya ngayon, ilag sa mga tao at nagsusungit-sungitan. Hindi naman niya bagay." Bahagya siyang tumawa sa iniusal niya kasunod ng biglaang pagtahimik na tila binabalikan niya sa kaniyang alaala ang mga nangyari noon. May p*****n na kayanh nangyayari nang mga panahong iyon? Tingin ko ay wala pagkat ang makita ang bahagyang kasiyahan sa mukha ni Aling Karmen ngayon habang pilit na binabalikan ang pangayyari noon ay isang hudyat ng maganda at masaya nilang pamumuhay. Tingin ko ay nais niyang bumalik sa oras na iyon. Kahit sino naman yata ay nanaiising bumalik sa oras kung kailan namumuhay lang ng tahimik at mapayapa ang bawat isa, hindi sa panahong puno ng kaguluhan at kasakiman. Hinayaan kong balutin kami ng katahimikan. Totoo pala ang narinig ko kina Jonathan noon na nabubugbog si Arturo noong bata pa siya. Inisip ko noong una ay gawa-gawa lamang nila iyon ngunit ang marinig ito mula kay Aling Karmen, na number one sa balita, alam ko na na totoo iyon. Nagpasalamat ako sa kaniya at nagpaalam na uuwi na pagkatapos ng ilang sandaling pananatili roon. Noong una ay ayaw pa niya at panay pa ang pagkapit at paghaplos niya sa braso ko ngunit nang may lumapit sa kaniyang babae para siguro bumili ay naagaw ang atensyon niya kaya naman kinuha ko ang pagkakataong iyon para lumabas. Niyakap ko ang sarili habang tahimik na nilalakad ang kalsadang puno ng ingay ng mga taong nagku-kwentuhan. Lumalamig na ang simoy ng hangin at may mga patak na rin ng ulan kaya naman mas binilisan ko ang paglalakad upang kung lumakas man ay hindi ako abutan. Pagkauwi ay hindi ko na nagawang maghilamos pa pagkat agad na akong hinatak ng kama patulog. Kinabukasan ay nagising na lang ako sa isang malakas na katok. Tinignan ko ang oras at nakitang alas nuebe pa lang ng umaga ngunit sa pag-aakalang si Arturo iyong kumakatok ay wala sa sarili akong naglakad palabas ng kwarto para pagbuksan ang kumakatok. "Oh, hi!" Suot ang isang pulang bistida na tinernuhan ng pula ring sandals ay nakatayo sa harapan ko ngayon si Jinky habang malawak ang ngiti at kumakaway pa na tila nakakatuwa na nandito siya. Tang*na.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD