Hindi ako makapaniwala. Ilang beses kong tinignan isa-isa ang bawat larawan ngunti kahit yata pagbaligtarin ko pa ang mundo, talagang magkamukhang-magkamukha ang bandanang dala ni Jonathan sa telang nakaipit sa bawat singsing ng mga biktima. Ang buong akala ko ay mahihirapan akong hanapin ang telang kamukha ng nakita ko sa mga litrato ngunit tila nagsisimula ng kumampi ang tadhana sa akin. Sana lang ay magtuloy-tuloy na upang mas mabilis kong matapos ang kaso.
Hindi ko magawang alisin ang tingin ko sa bawat litrato, hindi makapaniwala sa nalaman. Napaupo ako sa sahig at napasabunot na lang sa sarili dahil sa inis at frustration na nararamdaman. Bakit ba masyado akong naging pabaya at mahinahon? Hindi naman ako ganito noon ngunit bakit tila hindi ko magawa ng maayos ang trabaho ko ngayon? Masyado akong nakakampante at tila nakakalimutan kung ano ang totong pakay ko kung bakit ako nagpunta rito. Masyado ko na bang inilalapit ang sarili sa mga taong kasama sa lugar na ito kaya't nahihirapan ako sa bawat desisyong gagawin?
Idinukdok ko ang mukha ko sa pagitan ng mga tuhod at impit na sumigaw. Sa ilang taon ko sa industriyang ito ay kailanman hindi ako nakaramdam ng sobrang pagkainis sa sarili. Ngayon lang at sana wala ng susunod pa. Hindi ko alam kung ilang minuto akong nanatili sa ganoong posisyon basta naalimpungatan na lang ako dahil sa isang malakas at natatarantang pagkatok sa pintuan.
Walang gana akong tumayo at binuksan iyon. Bumulaga sa akin si Arturo naka neon green na t-shirt, gaya ng suot niya noong unang gabi kaming nagkita. Tila binuhusan ako ng napakalamig na tubig at nawala ng tuluyan ang antok ko sa gulat. Ilang linggo rin siyang hindi nagpakita kaya talagang hindi ako makapaniwala na nandito na naman siya ngayon. Hindi naman sa ayaw ko siyang makita ngunit hindi ko lang talaga mapigilang hindi magulat pagkat inasahan ko nang hindi na siya magpapakitang muli. Akala ko'y masyado siyang naapektuhan nang malamang pinagdududahan ko ang kaibigan niyang si Lumen sa kadahilanang simula nang malaman niya iyon, tila nagsimula na rin siyang mawalan ng gana sa trabaho...o pakiramdam ko lang? Tila kasi mas pinili niyang gumawa na lamang ng artworks kaysa sa maghanap ng clues na magtuturo kung sino ang tunay na kriminal.
"Anong nangyari sa iyo?" Bakas sa kaniyang boses ang pagtataka. Laglag pa rin ang panga ko at hindi magawang alisin sa kaniya ang mga titig ko. Alam kong weird sa pakiramdam ang tinititigan ka ngunit hindi ko mapigilang hindi gawin sa kaniya. Magkahalong gulat at pagkamangha ang nararamdaman ko. Hindi ako makapaniwalang nandito ulit siya ngayon, ligtas na nakatayo sa harapan ko. "Ayos ka lang?" Humakbang siya ng isang beses saka hinawakan ako sa braso. Kitang-kita sa mga mata niya ang pag-aalala.
Tumango ako saka pilit na ngumiti. "Nagulat lang dahil ilang linggo ka ring hindi nagpakita. Saan ka galing?" Maging ang boses ko'y hindi maitago ang pagkamangha na mukhang napansin niya pagkat napangiti siya ng bahagya.
Binitiwan niya ang braso ko at saka naglakad palapit sa sofa. Naupo siya roon at isinandal ang ulo kasabay ng pagpikit ng kaniyang mga mata na animo'y gusto niyang matulog. Samantala, itinuon ko naman ang atensyon sa pagsasara ng pintuan bago muling bumalik sa pwesto ko kanina upang mas makausap siya ng maayos.
"Galing lang ako sa bahay, nag isip-isip." Tinaasan ko siya ng kilay. Nag isip-isip? Ano naman kaya ang inisip niya? Iminulat niya ang kaniyang mga mata at ibinaling sa akin ang tingin. "Patungkol sa mga akda ko, Joseph. Iniisip ko kung ibebenta ko ba sila o hindi..." aniya sabay ipinikit muli ang mga mata.
Tumango ako kahit na hindi niya nakikita. Hinayaan kong panadaliang balutin ng katahimikan ang pagitan namin dahil tingin ko ay iyon ang pareho naming kailangan. Pakiramdam ko ay parehong magulo ngayon ang isipan namin at kung magtatanong pa ako nang magtatanong, hindi iyon makatutulong. Baka mainis pa siya sa akin at umalis ulit gayong kailangan ko pa naman siya para mas mapabilis ang trabaho ko.
Ngunit hindi ko talaga matagalan ang masyadong tahimik. Nangangati ang bibig ko na magtanong kaya kahit anong pigil ay kumawala na lamang ang mga salita sa bibig ko. "Bakit hindi mo ibenta? Magaganda ang mga gawa mo kaya siguradong maraming magkakagusto sa mga iyon at bibili."
"Saan ko naman ibebenta, kung ganoon?"
"Sa bayan! Noong nagpunta ako roon ay may iilan ding nagbebenta ng mga paintings kaya't maari mo rin silang gayahin."
Ikinagulat ko ang biglaan niyang pag-iling kasabay ng isang malalim na buga ng hininga. "Hindi na lang. Hindi rin naman buo ang loob ko sa pagbebenta."
"Bakit?" May mga pagkakataon talagang hindi ko makuha ang takbo ng isipan niya. Anoya kanina ay nais niyang ibenta ang mga gawa niya ngunit ngayon ay hindi buo ang loob niya? "Akala ko ba'y gusto mong ibenta?"
Tumango siya at bahagyang ngumiti. "Gusto nga dahil gusto kong kumawala sa nakaraang pilit akong itinatali ngunit ayoko pagkat natatakot ako sa hinaharap na naghihintay sa akin."
Kinunutan ko siya ng noo. Pilit kong inintindi ang sinabi niya ngunit habang tumatagal ay lalo lang lumalala ang kuryosong nararamdaman ko at ang pagkalito. Tila napansin niya iyon ngunit imbes na magpaliwanag, ngumiti na lamang siya sa akin kasabay ng marahang pag-iling bago niya ipinikit muli ang mga mata.
Pinagmasdan ko siya sa ganoong posisyon. Sa ilang linggo niyang pagkawala, alam ko sa sarili ko na bumagal ang proseso ng trabaho ko kaya't may mga pagkakataong naiisip ko talaga siya lalo na tuwing bago matulog at pagkagising ay hinahanap siya ng mga mata ko sa usual na puwesto niya sa sala, nagtatrabaho ngunit nabibigo lamang ako. May mga pagkakataon tuloy na hinihiling kong sana ay bumalik na siya upang bumilis muli ang progreso ng pagiimbestiga. I know it's a bad thing na hanapin lang ang isang tao dahil may kailangan ka but anong magagawa ko? Totoong kailangan ko siya dahil magaling siya sa paghahanap ng mga detalye, kahit na 'sing liit lang iyon ng pinong buhangin sa dagat.
Pagsapit ng liwanag ay naramdaman kong tila paputok na ang pantog ko kaya dali-dali akong tumayo at tumakbo patungong banyo. Ramdam ko ang pagkahilo sa ginawa at ang sakit ng ulo sa biglaang pagkagising ngunit mas mahalaga sa akin ngayon ang mailabas ang kumakawala kong ihi.
Nakapikit pa ako habang ginagawa ang dapat gawin nang maramdamang tila wala akong kasama. Pagkalabas ko ng banyo ay roon ko natantong totoo nga, wala si Arturo sa sofa kung saan ko siya huling nakita kagabi. Dumiretso ako sa kwarto pagkatapos sa banyo para tignan siya roon kahit na alam kong hindi niya papasukin iyon ng hindi ko nalalaman.
Sa pagbaling ko sa bandang kaliwa ay halos malukot na ang mukha ko sa sakit na biglang naramdaman. Hindi ko magawang igalaw ang leeg ko. Tingin ko ay dahil ito sa pagkakapwesto ko dahil hindi na ako nakalipat pa sa kwarto at tuluyan na lang na nakatulog ng nakaupo. Ang sakit tuloy ng leeg ko. Bakit ba kasi hindi na lang ako humiga sa kama kagabi at bakit hinayaan ko ang sariling makatulog ng nakaupo.
Lumapit ako sa may bintana at akmang sisilip na para sana tignan kung nasa labas ba si Arturo ay siya namang biglaang pagbukas ang pintuan. Iniluwa noon si Arturo na hingal na hingal at pawis na pawis. Kinunutan ko siya ng noo, "saan ka galing?" Muli kong sinulyapan ang bintana. Sinalubong ako ng tahimik na kalsada at ng mga alikabok na sumasabay sa ihip ng hangin patungo sa kung saan.
Marahan siyang humakbang papasok ng bahay at isinara ang pintuan. Ang damit niyang kagabi'y nakapasigla ng kulay ay puno na ng alikabok ngayon. Maging ang mukha niya ay napakadumi habang ang kaniyang mga paa ay halos mamuti na sa dami ng alikabok na nakakapit doon. Dumumi rin tuloy ang sahig dahil doon ngunit hindi ko naman siya magawang sabihan. Wawalisan ko na lang mamaya, magpapanggap na naglilinis ako upang hindi gaanonh nakakahiya.
"Saan ka nga galing at bakit ka nasa labas ng ganitong oras kahit na alam mo namang bawal?" Pag-uulit ko nang hindi siya sumagot sa unang tanong ko.
Umiling siya sa akin saka itinaas ang kanang kamay, sumesenyas na sandali lang. Naghahabol pa rin siya ng hininga kaya iiling-iling akong naglakad palapit sa kusina para ikuha siya ng tubig. Saan kaya nanggaling ang lalaking ito at ganito ang itsura? Parang nakakita ng multo.
Muli akong naglakad pabalik at iniabot sa kaniya ang tubig. Sandali... hindi kaya... nanlaki ang mga mata ko at mabilis na napaluhod malapit sa may harapan niya. "Nakita mo ang pumapatay ng bata?" Gaya ko ay bigla ring nanlaki ang mga mata niya at kamuntikan pa niyang maibuga ang iniinom na tubig. Mabuti na lang at nakapagpigil siya kung hindi, siguradong basang-basa na ako ngayon.
Nagtama ang tingin namin ngunit agad niya ring iniiwas ang kaniya. Pilit ko namang sinundan iyon, ayaw magpatalo sa kaniya. Sobrang bilis ngayon ng t***k ng puso ko at hindi ako mapakali sa dami ng iniisip. Paano kung nakita nga niya? Anong ginagawa ng kriminal? May bagong biktima na naman ba? Saan niya nakita? At higit sa lahat, sino ang nakita niya?
"Arturo..." Pagtawag ko sa atensyon niya. Nanatili nga lang siyang nakatitig sa may banda ng bintana at mukhang walang balak na harapin ako. "Saan ka ba galing at bakit tila madaling-madali ka? Ano ang nakita mo? O sino?"
Umiling lamang siya. Nagbuga ako ng nakapalalim na hininga saka nagpasyang hayaan na muna siya. Baka hindi pa siya handang mag salita. Tumayo ako at nagpaalam na matutulog na lang muna ulit sa kwarto kahit na alam kong kahit ilang milyong tupa pa ang bilangin ko, hindi ako makakatulog lalo pa ngayon na ganiyan ang ginagawa ni Arturo.
Bakit ba kasi ayaw niyang magsalita? Gaano ba kalala ang nakita niya't tila takot na takot siya? Ngunit hindi, eh. Wala akong nakitang takot sa kaniyang mukha kanina kundi gulat at pagmamadali lang kaya hindi ko talaga maintindihan. Saan ba kasi siya galing at ano ba kasi ang bagay na ayaw niyang sabihin?
Naupo ako sa kama matapos ang ilang minutong pagkakahiga saka kinuha ang mga litrato ng mga biktima. Kung si Lumen nga ang pumapatay, ang tanging ebidensiya ko lamang ay ang mga verbal niyang salita, mga miminsang pagkakataon na bigla siyang nawawala kasabay ng pagkawala ng mga bata at lumilitaw tuwing natatagpuan na ang bangkay, at ang voice recorded niya kung saan umamin siya ngunit lasing siya nang mga panahon iyon.
Kung si Jonathan naman, ang natatanging ebidensiyang mayroon ako ay ang magkaparehong tela ng kaniyang bandana at ng pirasong telang nakaipit sa bawat singsing ng mga biktima. Kung tutuusin ay mas malakas ang ebidensiyang nagtuturo kay Jonathan ngunit gaya ng kay Lumen, hindi pa rin sapat lalo na at walng patunay na tugma nga ang telang nasa mga biktima at ang bandana ni Jonathan.
Napangisi ako nang may maisip ngunit agad ding napasimangot nang maisip na mahirap gawin iyon. Ganoon pa man, itinatak ko iyon sa isipan ko upang kung makakita ng pagkakataon ay magawa ko dahil malaking bagay din ang maitutulong noon kapag nagkataon. Kailangan ko nang kumilos at magmadali. Masyado na akong maraming oras na nasayang, masyado nang maraming buhay ang nawala. Kailangang matigil na ang kahibangang ito.
Hindi ko alam kung ilang oras akong nakakulong sa kwarto. Lumabas na lamang ako nang malapit ng mag gabi. Nakita ko si Arturo na nakaupo pa rin sa sofa ngunit ngayon ay nakapagpalit na siya ng damit. Mukahng bagong ligo rin. Nakasuot na lamang siya ngayon ng simpleng puting t-shirt na tinernuhan niya ng stripped pajama habang nakatitig sa kawalan.
"Gusto mo ba ng miryenda?" Tanong ko kasabay ng paglalakad patungong kusina. Nagpainit ako ng tubig para sa kape saka naglabas ng tinapay. Hindi naman ako sobrang gutom ngunit hindi ako nakakain ng kanin kanina at kagabi kaya kailangan kong kumain kahit kaunti ngayon upang hindi magkasakit.
Pagkatapos maghanda ng pagkain ay dumiretso ako sa sala kung nasaan siya bitbit ang tinapay at kape. Pinili kong maupo sa may sahig, kung saan ako nakaupo kaninang umaga. "Ito ang tinapay, kumain ka..." matamang pag-aalok ko ng pagkain. Iniusog ko ng bahagya ang tinapay sa tapat niya ngunit ni hindi man lang nkya pinaunlakan ng kahit sulyap man lang ang pagkaing naghihintay na mapansin niya. Tinitigan ko siya ng ilang sandali ngunit tila multo ako rito na hindi niya nakikita...o nakikita niya ngunit ayaw lamang niyang pagtuunan ng atensyon.
"Arturo, kumain ka kahit kaunti lang dahil mahirap magkasakit sa oanahon ngayon." Usal kong muli bago nagsimulang kumain. Gaya ng nauna niyang reaksiyon, hindi man lang natinag ng boses ko ang pagkakatulala niya sa kung saan. Tila hangin ang kausap ko.
Pinagmasdan ko siyang malalim na nag-iisip. Ilang sandali pa akong naghintay, baka sakaling maalala niyang may tao siyang kasama na kanina pa siyang kinakausap ngunit wala pa rin. Hindi pa rin siya nagsalita at gumalaw man lang na siyang ipinagkibitbalikat ko na lang. Kinuha ko ang kape at akmang iinom na sana nang bigla siyang magsalita habang hindi iniaalis ang tingin sa kung saan.
"Si Jonathan ang pumapatay ng bata." Pirming usal niya na animo'y siguradong-sigurado siya at na tila kahit bagyo ay hindi mababali ang mga salitang tinuran niya.