"Paano mo nasabi?" Nanlaki ang mga mata ko't bahagyang nabagsak ang tasa. Napausog ako sa gulat nang may matapon na kaunting kape sa mesa dahil sa nangyari. Mabuti na lang ay hindi nabasag ang tasa kaya madali lang linisin.
Seryoso niya lamang akong tinignan, hindi ko alam kung may balak ba siyang sumagot o wala. Ilang segundo pa ang lumipas bago niya naisipang magsalita. "Kausapin mo si Jonathan at komprontahin." Sa gulat ay muli akong napaubo.
"Baliw ka ba? Hindi tayo maaaring basta-basta na lang kikilos!" Ilang sandali kong nilabanan ko ang mga tingin niyang 'sing talas ng sa agila bago siya umiling at tumayo na siya talagang ikinagulat ko. Tiningala ko siya saka sinundan ng tingin nang magsimula siyang maglakad palabas. Problema no'n?
Mabilis akong tumayo at isinara ang pintuang iniwan niyang nakabukas saka mabilis na lumapit sa bintana para tignan kung ano ang kaniyang gagawin. Saktong papaliko na siya pakaliwa nang makita ko at nang tuluyan ng mawala sa paningin ko'y ipinagkibitbalikat ko na lang. Hindi ko maisip kung bkit bigla na lamang siyang umais sa kalagitnaan ng aming pag-uusap. Wala naman akong nasabing hindi maganda na maaaring hindi niya nagustuhan kaya talagang isang palaisipan sa akin ang nangyari.
Aaminin ko, nabastos ako sa ginawa niya. Ramdam ko ang namumuong inis sa dibdib ko ngunit pilit na iniignora pagkat walang matinong mangyayari kung hahayaan kong manguna ang damdamin ko. Ang pabayang pangunahan ka ng nararamdaman mo ay hindi masama basta alam mong ibalanse iyon sa kung ano ang tama at mali. Iyon ang mga natatanging katagang naaalala ko na sinabi ng aking Ama na hanggang ngayon ay dinadala ko pa at siusubukang sundin.
Ilang minuto na ang lumipas ngunit hindi parin mawala sa isipan ko kung gaano kaseryoso ang kaniyang mukha nang isiwalat ang mga salitang iyon. Tila siguradong-sigurado siya sa kaniyang paratang kay Jonathan at walang sino man ng makakabali sa paniniwala niyang iyon. Ang paraan ng pagkakasabi niya sa mga katagang iyon ay maihahalintulad sa mga abogadong nasa korte na sigurdong-sigurado sa kanilang ipinaglalabas, tila siya ay may hawak na pansuporta sa kaniyang tinuran.
Iyon ang ikinatatakot ko sa kaniya. Maaari niyang ikapahamak kung ipagpapatuloy niya ang ganitong gawain. Sana lang ay hindi niya magawang magpadalos-dalos ng desisyon sa susunod lalo na't baguhan siya sa ganito. Baka hindi niya alam ang kung anong maaaring kahahantungan niya sa pambibintang ng walang sapat na ebidensiya. Iyon na lamang ang iisipin ko upang mabawasan ang takot ko para sa kaniya.
Pagkatapos kumain ay nagtungo ako sa kwarto para kuhanin ang mga litrato at ilang notebook kung saan nakasulat ang lahat ng kakaiba at kaduda-dudang napapansin ko sa bawat tao.
Sa kalagitnaan ng pagbabasa ko sa mga naisulat ay ngayon ko lang napagtanto na isang buwan mahigit na pala ang nakalipas nang nakita namin ang batang si Tiara, may misteryosong sigaw kaming narinig ni Lumen at Tiarra na hanggang ngayon ay hindi pa rin nalalaman kung ano at kung saan galing. Kung hindi ko pa naisipang tignan ang notebook ko ay hindi ko pa maaalala ang pangyayaring iyon sa sobrang dami ng nangyari nitong nakaraan. Sa halos araw-araw na may kakaibang nangyayari, tila nagugulo na ang isipan ko at mas madali na akong makalimot kaysa noon.
Nilagan ko ng marka ang pahina kung saan ko nabasa ang impormasyong iyon saka itinatak sa isipan ko na mamayang pagsapit ng dilim, kakausapin ko si Lumen at tatanungin kung nalaman ba niya ang patungkol doon. Sa ngayon, maghahanap muna ako ng maaaring maging ebidensiya pa na magtuturo kay Jonathan, kung totoo nga ang sinasabi ni Arturo.
Hindi ko alam kung paanong paniniwalaan siya gayong basta na lamang niyang tinuran ang mga katagang iyon ng hindi man lang nagpapakita ng kahit anong maaring patunay ngunit wala. Ang kaniyang mga salita lamang ang kaniyang pinanghahawakan at ni hindi man lang pinaliwanag kung bakit niya naisip na si Jonathan nga ang pumapatay.Kung tutuusin ay pareho sila ng iniisip ni Lumen. Silang dalawa ang mga nagdududa kay Jonathan ngunit kahit buong baryo pa ang magduda ay talagang walang mangyayari kung walang matibay na ebidensiya.
Inubos ko ang mga natitirang oras ko sa paninitig sa mga litrato. Tanging ang telang kamukha ng sa bandana ni Jonathan lamang ang aming maituturing na patunay ngunit kahit siguro bata ay alam na hindi ito sapat lalo na at hindi nag-iisa ang ganoong tela sa buong mundo. Maganda sana kung makakuha ako ng sample ng telang nakaipit sa singsing ng ga bata at sa bandanang pagmamay-ari ni Jonathan ngunit hindi ko sigurado kung nasaan na ang tela sa singsing ng mga biktima. Isa pa, kung makakuha man ako ng sample sa mga biktima, tiyak na mahihirapan ako pagdating kay Jonathan.
Sa kabilang banda, kung si Lumen ang ituturo, tanging ang mga salita lamang niya ang panlaban, maging ang oras ng pagkawala at pagbabalik niya na tugma sa pagkawala at pagkakahanap sa katawan ng mga biktima. Ang voice recorded niya na kinuha ko ay lalong walang laban dahil sa katotohanang lasing siya nang iusal ang mga salitang iyon. Kung iyon ang gagamitin kong panlaban ay para ko na ring sinabing nakabuo ako ng snowman sa gitna ng disyerto. Para ko na ring pinatunayan kina Chexter na totoo nga ang sinasabi nila na naive ako. Hindi iyon maaari.
Halos makatulog ako sa sobrang pagod kahit na ang ginawa ko lang naman buong hapon ay ang tumitig sa mga litrato at magsulat ng ilang reminders sa notebook ko...na sigurado akong makakalimutan ko rin naman.
Pagpatak ng dilim ay wala na akong inaksaya pang oras. Mabilis akong nagpalit ng t-shirt at khaki shorts saka lumabas upang hanapin si Lumen. Hindi ko sigurado kung tanda pa niya ang nangyari noon ngunit hindi ko malalaman kung hindi ko siya tatanungin.
"G*go, Jonathan." Malakas na sigaw ng isang lalaki na kasama ni Jonathan sa may tindahan. Hindi pamilyar sa akin ang lalaki at tingin ko'y ngayon ko lamang siya nakita. Tumatawa siya ngunit ang kausap niyang si Jonathan ay nakasimangot. Bumaba ang tingin ko sa kamay niya kung saan hawak niya ang bandana. "Nagpabugbog ka kay Lumen?"
Ang lalaki ay may mahabang buhok na hanggang sa itaas ng kaniyang leeg, bahagyang kulot ang dulo. Ang kaniyang mga mata'y bilog na bilog taliwas sa kaniyang manipis at medyo nangingitim na labi. Sa kanang kamay ay may hawak siyang sigarilyo na tingin ko'y kanina pa nakasindi dahil halos nasa kalahati na ito. Hindi gaya ni Jonathan, ang lalaki ay matangkad at may katamtamang katawan. Ang kaniyang balat ay sinasalamin ang init na temperatura sa lugar na ito.
"Tang*na, ginawa ko lang iyon bilang tulong para mailabas niya ang sakit na nararamdaman niya." Napahinto ako at hindi na napigilang hindi sila tignan. Bakas sa mukha ng lalaki ang gulat na agad ding nawala at napalotan ng mapang-aasar na ngiti. Sa kabilang banda, walang mababakas na kahit anong emosyon sa mukha ni Jonathan habang humihithit ng sigarilyo.
Makalipas ang ilang sandali ay umiling ang lalaki, "ano ka? Bayani?" Bakas pa rin ang pang-aasar sa kaniyang mukha.
Hindi sumagot si Jonathan bagkus ay ibinaling niya ang kaniyang tingin sa akin dahilan kung bakit napatingin na rin ang kaniyang kasama. Akala ko'y magagalit si Jonathan o ano ngunit nang tumango lang siya at ipinagpatuloy ang usapan nila'y tila nakaramdam ako ng ginhawa.
Nagpabugbog siya upang matulungan si Lumen na ilabas ang mga sakit na nararamdaman niya? Tama ang kausap niya, bakit niya gagawin iyon? Para magpakabayani? Para saan?
Kunot ang noo ko nang magpatuloy sa paglalakad. Ngayon ko lang napagtanto na hindi ko nga pala alam kung saan ba ang bahay ni Lumen. Bakit ba kasi hindi ko naisipang hindi makipagkaibigan ng maayos sa mga kapitbahay ko at mas piniling magkulong at magbasa na lang ng libro? Ito tuloy ako ngayon, walang mapagtanungan ng maayos kundi si Arturo na bigla-bigla na lang umaalis.
Bumalik kaya ako at itanong kung alam nila ang bahay ni Lumen? Muli kong nilingon ang dalawang lalaki na mukhang seryoso na talaga ang pinag-uusapan dahil titig na titig sila sa isa't isa at wala na ring kahit anong emosyon ang makikita sa mukha nang kausap ni Jonathan. Huwag na nga lang, nakakahiyang putulin ang kanilang usapan kahit na sobra rin ang pagkakuryoso ko sa kung ano iyon. Sigurado akong patungkol iyon sa narinig kong una nilang usapan kaya talagang matindj ang kagustuhan kong makinig sa kanila.
Habang naglalakad papunta sa kung saan man ako dalhin ng mga paa ko ay inalala ko ang ginawa ni Arturo. Kung magseseryoso lang siya ay sigurado akong malayo ang mararating niya. Magaling siya sa arts at magaling din pagdating sa pag-oobserba. Siya nga ang mga nakapansin ng iilang maliliit na detalye sa litrato na hindi ko napansin noong ako ang tumitingin ngunit kailangan niyang matutunang kontrolin ang kaniyang emosyon dahil kung hindi, baka iyon pa ang ikabagsak niya.
Nakarating ako sa court ngunit walang Lumen na nagpakita. Imbes na umuwi ay nagpasya akong pumunta sa gubat upang tignan ang loob ng kubong naroon sa dulo. Nakakatakot dahil madilim ngunit ayos lang. Bakasakali na ring makita ko ang hinahanap ko roon. Buo na sana ang loob ko ay handa na sa paglalakad nang biglang may sumigaw sa bandang likuran ko. "Joseph!" Nilingon ko kung saan iyon galing at ilang hakbang lang mula rito, nakita ko ang nakangising lalaki na kanina ko pa hinahanap.
Mabilis ang lakad ko palapit kay Lumen. Hindi man lang siya natinag sa pagkakasandal niya sa bakod ng isang bahay. "Oh? Hindi ka yata inis sa akin ngayon?" Pang-aasar niya habang nakangising nakatitig sa akin. Sumulyap siya sandali sa may gubat kung saan sana ako pupunta kanina. Lilingunin ko na rin sana iyon ngunit mas natuon ang pansin ko sa biglaan niyang paghawak sa braso ko. Ni hindi ko napansin ang paglapit niya sa bilis ng paggalaw niya. Naiilang siyang tumawa saka nag-iwas ng tingin. "Ano, tara sa inyo? Inuman?"
Kunot noo ko siyang tinitigan ng ilang sandali sa pagtataka bago nagpasyang pumayag na magpunta sa bahay ngunit hindi para uminom kundi para kausapin siya. Tahimik kaming naglakad na ultimo kaunting kaluskos ay halos marinig na namin sa sobrang tahimik. Tanging ang mga tao sa paligid lamang namin ang maiingay na nag-uusap at paminsan-minsan ay dinadamay pa kami kaya bahagyang natagalan ang pag-uwi namin. Marami ang kumakausap kay Lumen at madalas ay kinakamusta siya, tinatanong kung kalmado na ba't hindi na galit kay Jonathan na sinasagot lang ng pagtawa at pag-iling ni Lumen.
Pinaupo ko siya sa sofa kung saan madalas umupo si Arturo saka dumiretso sa kusina upang maghanda ng juice at tinapay. Umiling siya't tumawa nang makita iyon pagkalapag ko sa mesang nasa harapan niya. "Oh? Akala ko alak?" Tanong niya ngunit kumuha rin naman sa juice na deretsahang ininom. Halos kauupo ko pa lang sa sahig, kung saan ako nakaupo kanina nang itaas niya ang isang kahon ng krayola na may nakasulat na Arturo sa harapan. "Kay Arturo ito?"
Tumango ako. Bakas sa kaniyang mukha ang pagkagulat. Nanlalaki ang kaniyang mga mata habang nakatitig sa akin. "Bakit?"
"Totoo pa lang pinapapunta mo si Arturo rito?" Muli akong tumango. Halos lahat ng taga rito ay alam na na nagpupunta si Arturo rito at ang alam ko'y ilang beses na rin siyang nakita ni Lumen na napupunta rito jaya't hindi ko makuha kung bakit tila gulat na gulat siya ngayon. Ano naman kung nagpupunta ang kaibigan niya rito? Akala ko'y may itatanong pa siya ngunit lumipas na ang ilang minuto ay nanatili siyang tahimik kaya naman kinuha ko ang pagkakataong iyon upang ako naman ang magtanong.
"Naaalala mo noong araw na nakita natin si Tiara?" Nilingon niya ako saka marahang tumango. "Hindi ba't may misteryosong sigaw noong araw na iyon?"
"Oo, bakit?"
Huminga ako ng malalim. "Nalaman mo ba kung sino iyon?"
Tumitig siya sa akin ng ilang sandali. Hindi ako nagpatalo't nilabanan ko ang mga tingin niya. Kung mang-aasar man siya ngayon ay hidni ko papatulan dahil wala na akong oras makipagbiruan. Kailangan ko na talagang magseryoso upang matapos na agad ang trabaho rito at makauwi na ako. Alam kong ilang ulit ko ng sinabi iyon sa sarili ko ngunit kung kailangang linang milyong beses ko pang ulitin para lang hindi makalimutan ay ayos lang.
Natapos ang pag-uusap namin nang may kung sinong tumawag sa kaniya sa labas. Mag iinuman na naman sila at nagawa pa akong yayain ngunit hindi pwede.
Abala ako sa pagsusulat ng mga pinag-usapan namin ni Lumen nang bumukas ang pintuan ko't iniluwa si Arturo na iba na naman ang suot na damit. "Saan ka galing?" Tanong ko ng hindi siya tinitignan.
"Diyan lang, nagsaya." Kunot noo ko siyang tinitigan ng ilang sandali. Naupo siya sa sofa at isinandal ang kaniyang ulo roon saka pumikit. "Kapagod." Hinagod niya ang kaniyang leeg gamit ang kanang kamay.
Lalonh kumunot ang noo ko nang may kakaibang mapansin sa kaniyang braso. "Ano iyan?" Sinubukan kong lapitan ang braso niya para mas makita pa kung ano iyon ngunit inunahan niya ako. Mabilis niyang inilayo sa akin ang kaniyang braso at halos takbuhin ang pagitan ng sala at ng banyo.
Ilang minuto lang ay muli siyang lumabas na bagong ligo na. Wala siyang suot na pang-itaas at ang kaniyang pang-ibaban kasuotan ay inulit lamang niya. "Ano ba iyon? May sugat ka?" Umiling siya. Weird. Sigurado akong dugo ang nakita ko kaya kung wala siyang sugat, saan niya galing iyon?
Mukhang napansin niya ang pagtataka sa mukha ko nang bigla siyang tumawa. "May matanda akong tinulungan sa labas, sugatan. Galing yata siya sa gubat dahil doon ko siya nakitang lumabas."
Tumango na lamang ako kahit na hindi gaanong kumbinsido sa dahilan niya ay hinayaan ko na lang. Nagpatuloy ako sa ginagawa ko nang bigla siyang umusog palapit sa akin at bahagyang yumuko. "Nakita ko rin si Jonathan na galing doon, may dalang itak na puno ng dugo..."