Chapter 20

2211 Words
"Bata," kinalabit ko ang batang si Tan-tan na agad umupo sa tabi ni Arturo. Nakangisi naman siyang inakbayan nito at mukhang sobrang lapit nila sa isa't isa. Ni hindi man lang niya ako pinansin. Kanina lang ay tila takot na takot siya nang awayin ni Jonathan tapos ngayon ay bumalik na naman ang kayabangan niya. "Arturo, kaano-ano siya ni Lumen at mukhang alalang-alala siya sa kaniya?" Baling ko na lang kay Arturo dahil mukhang walang plano si Tan-tan na kausapin ako. Palabasin ko kaya siya't sabihing hindi welcome ang mayayabang dito? Biro lang at baka ako ang masapak ni Lumen kapag ginawa ko iyon. Tiningala ako ng dalawa saka nag kibit-balikat si Arturo bago ibinaling ulit ang paningin sa kung anong iginuguhit niya. Napataas ang kilay ko sa halos pang-iignora nila. Imbes na pilitin pa silang sagutin ang marami ko pa sanang tanong ay hindi ko na lang ginawa bagkus, mas pinili ko na lang na titigan ang iginuguhit ni Arturo, kahit na nakakainip iyon. Purong mga iba't ibang hugis at linya iyon na tila abstrak. Kumunot ang noo ko nang may maalala. "Ano iyan?" Tanong ko sa hindi maintindihan niyang guhit. "Titigan mo," aniya ng hindi man lang ako tinitignan. Ginawa ko ang sinasabi niya. Ang papel ay pinuno niya ng iba't ibang linya na patungo sa iba't ibang direksyon. Hindi ko makuha kung ano ang gusto niyang makita ko kung tititigan ko ang kanyang gawa. Kahit ano talagang pilit ko ay hindi ko maintindihan iyon. Kahit siguro maghapon kong titigan iyon ay hindi ko makukuha kung hindi niya ipapaliwanag. "May upuan sa gitna." Sinulyapan ko si Tan-tan na may itinuturo sa papel ni Arturo. Upuan? Pilit ko ulit na tinititigan iyon ngunit hindi ko talaga mahanap ang sinasabi nila. Sinubukan pa niyang ilapit ang papel sa akin ngunit hindi ko talaga makuha ang sinasabi nilang upuan sa gitna. Tanging mga linya at iilang shapes lang ang nakikita ko, walang upuan. Imbes na ipilit pa ay ipinagkibit-balikat ko na lang iyon saka tumayo. Magluluto na lang ako ng miryenda at baka gutom na rin ang dalawa gaya ko. Kinuha ko ang harina para sana magluto ng pancake ngunit wala na pala akong itlog. Humugot ako ng pera sa bulsa saka mabilis na binalingan si Tan-tan para sana itusan nang maalala kong baka ako ang patayin ni Lumen kapag ginawa ko iyon kaya naman ako na lang ang lumabas. Nakasalubong ko si Aling Sita na mukhang galing din sa tindahan dahil may bitbit na bagong timba. "Nasira ang timba namin kaya kinailangang bumili," natatawang usal niya sabay angat ng bahagya sa mga dala. Ngumiti na lang din ako saka nagpatuloy sa paglalakad. Nang makarating sa tindahan ni Aling Karmen ay maraming tao ngunit nang namataan ako ng matanda ay 'sing bilis ng kidlat kung siya ay lumapit. Malawak ang ngiti niya kahit na iniwan niya ang napakahabang pila para lang lapitan ako. "Ano ang sa iyo?" Halos nagtayuan na naman ang mga balahibo sa lahat ng bahagi ng katawan ko sa tunog ng boses niya. Para siyang nang-aakit na multo. Nakakakilabot, nakakatakot. Pilit na lang akong ngumiti saka kusang kumuha ng isang tray ng itlog na nasa may gilid lang nakalagay. Open ang tindahan niya't maaari kang kusang kumuha ng paninda gaya ng sa mga grocery stores. Nawawala ang mga tindang ito tuwing dito ginagawa ang kasiyahang naiisip nila. Ikinagulat ko ang pagtaas ng kaniyang kilay saka mabilis na inagaw ang tray ng itlog na siyang dahilan kung bakit muntikan ng nahulog ang nga iyon. Aagawin ko sana pabalik ang tray ngunit sa takot na baka mabasag ang mga iyon at ipabayad sa akin ay hinayaan ko na lang. Mabilis niyang nilakad pabalik sa puwesto niya kanina at nang makitang binabalot na niya ang mga itlog ay dali-dali akong lumapit saka iniabot ang bayad. Agad niya ring kinuha iyon sa kamay ko. Bahagya pa niyang hinaplos ang palad ko na siyang ikinasimangot ko ngunit ikinatuwa naman niya. Malawak ang kaniyang ngiti nang iabot sa akin ang pinamili ko. Mabilis king kinuha iyon saka humingi ng dispensa sa mga nakapilang nasingitan ko dmng hindi inaasahan. Hindi ko naman sinasadyang sumingit dahil si Aling Karmen mismo ang nagdesisyon niyon. Perks ba ito kapag crush ka ng matanda? Hindi ko alam kung ikatutuwa ko ba iyon. Parang mas gusto ko na lang pumila kahit maghapon pa kaysa ang magustuhan ng isang kagaya ni Aling Karmen. Pagkauwi ay dinatnan ko roon ang dalawa na parehong abala pa rin sa pagguhit. Binigyan pala ni Arturo ng papel at pangkulay si Tan-tan at mukhang inimpluwensiyahang gumawa ng art na mukhang ikinatuwa naman ng bata. Pareho silang nakangiti habang nag-uusap patungkol sa kung ano at miminsang nagtatawanan pa. May mga pagkakataon ding tinitignan nila ang gawa ng isa't isa saka nagbibigay ng mga tingin ko'y tips at advice. Ewan, hindi ko talaga maintindihan. Isinara ko ang pintuan na siyang umagaw sa atensyon ni Arturo. Agad siyang napangiti nang makita ako at itinuro ang papel ni Tan-tan. "Tignan mo, Joseph at iginuhit ni Tan-tan ang iyong hardin!" Bakas sa boses ni Arturo ang kasiyahan. Saglit akong lumapit sa dalawa para tignan ang gawa nito at tama nga si Arturo, gumuhit si Tan-tan ng hardin na may iba't ibang tanim na bulaklak at mga gulay. Sinulyapan ko ang bintana saka muling ibinalik ang tingin sa iginuhit ng bata. Magkahawig nga ang hardin ko at ang iginuhit niya ngunit ang bundok sa kaniyang guhit ang siyang naiiba. Kung pinalitan niya siguro ng mga bahay ang bundok ay masasabi kong hawig nga iyon ng hardin ko. Hinayaan kong magpatuloy ang dalawa sa ginagawa. Inabala ko ang sarili sa paggawa ng pancake na ipapakain sa kanila. Mukhang ang pang-isang buwan kong budget ay hanggang pang-dalawang linggo lang kung magpapatuloy ang ganitong set up. Si Arturo ay miminsan lang bumili ng pagkain ngunit hindi ko magawang magreklamo sapagkat wala naman siyang trabaho kundi ang tulungan ako sa imbestigasyon. Sinundo nga ni Lumen si Tan-tan nang gabing iyon. Halos pumikit na nga ang mga mata ko kahihintay sa kaniya at handa na sana akong patulugin ang bata ngunit nang dumating siyang hapong-hapo ay hindi ko alam kung ikatutuwa ko ba iyon o hindi. Hindi na rin sila nagtagal at agad niyang hinatak pauwi ang bata kaya hindi ko na naitanong kung anong ginawa nila kay Jonathan ngunit base sa kaniyang itsura, tingin ko ay napa-away sila. Dalawang araw na magkasunod na tahimik ang baryo. Nagpatuloy ako sa pagtingin sa mga nakalap kong litrato at sa mga pattern na napapansin ko. Hindi na ako tinutulungan ni Arturo dahil abala siya sa kaniyang iginuguhit na kung ano. Hinayaan ko na lang dahil mukhang seryoso siya masyado sa ginagawa. Isa pa, nagsusungit siya tuwing iniistorbo ko sa ginagawa. Kahit pagkain ay nagagawa niyang ignorahin tuwing ganitong abala siya sa pagguhit. Kumunot ang noo ko nang mapansin ang isang bagay. Sa tabi ng mga bata ay may pira-pirasong mga tela na nakasabit sa kanilang suot na singsing. Ang tela ay kulay asul na may disenyong checkered. Isinulat ko ang napansin sa notebook kung saan nandoon din nakasulat ang ilang importanteng detalye ng ginagawa ko. "Tapos na ako." Tiningala ko si Arturo na biglang tumayo hawak ang papel kung saan siya gumuhit. "Iuuwi ko lang ito sa amin, ha?" Tumango ako at pinagmasdan siyang umalis. Ilang sandali pa akong natulala bago nakapagpatuloy sa trabaho. Kinuhanan ko ng mas malapot na litrato ang tela at ang singsing na siyang ipapa-print ko kay Arturo mamayang pag-uwi niya. Nawala kasi sa isipan ko, sayang. Kung naalala ko lang agad ay sana nadala na rin niya ito gayong umuwi naman siya ngayon, hindi na sana hassle sa kaniya. Hinintay ko siyang makabalik nang gabing iyon sa pag-aakalang iuuwi lang niya sandali ang iginuhit niya ngunit dalawang araw na ang lumipas, hindi pa rin siya bumabalik. Bahagya akong nakaramdam ng pag-aalala ngunit aala naman akong ibang magagawa kundi ang hintayin na lang ang pagbabalik niya. Hinayaan ko lang dahil kahit papaano ay nakatipid din ako sa pagkain ng dalawang araw. Masyado kaai siyang malakas kumain at mapili pa sa ulam kaya sinamantala ko ang pagkakataon na gulay lang ang ulam ko. Isa pa, madalas na rin naman niyang gawin ito noon, ang biglang mawala ng ilang araw at kusa ring babalik. "Tang*na!" Malakas na hiyawan galing sa labas ang nagpagulat sa akin. Dali-dali akong sumilip sa bintana at nakitang hawak na ng ilang kalalakihan si Lumen na pilit lumalapit sa bugbog saradong si Jonathan. "Tang*na ka! Ilabas mo si Tan-tan!" Kumunot ang noo ko. Tama ba ang rinig ko? Ilabas si Tan-tan? Nawawala si Tan-tan? Mabilis akong tumakbo palabas para mas makalapit pa sa kanila. Hindi ko ko na rin sigurado kung pagka-alerto ba ito o nahahawa na ako sa pagiging tsismosa ng mga tao rito. Nang manataan ako ng asawa ni Aling Lota ay sinenyasan niya akong hawakan si Lumen kaya naman wala akong nagawa kundi ang sumunod. Hinawakan ko sa braso si Lumen para mapigilan siyang sumugod ngunit dahil mas malaki ang katawan niya sa akin, medyo nahirapan din akong awatin siya. Dumating ang iilan pang lalaki na tumulong din sa paghawak kay Lumen na hindi tumitigil at nagpapaawat. Ang suot niyang t-shirt ay halos maghubat na sa dami ng punit gawa ng kaniyang pagpupumiglas. Base sa ayos niya, tingin ko'y may lakad siya ngunit mukhang naantala para suntukin si Jonathan. "Wala nga sabi akong alam! Bakit ba sa akin mo hinahanap ang pamangkin mo!" Sigaw ni Jonathan sa kabila ng mukha niyang puno ng pasa. Nakikita ko pa lang ang itsura niya ay parang ako na ang nakakaramdam ng sakit. Ang labi niya'y putok na at ang kaliwang mata niya ay nangingitim at halos hindi na niya maimulat. May kaunting dugo ring lumalabas sa kaliwang pisngi niya na marahil ay may sugat. Ilang araw na naming hinahanap ang bata ay hindi pa rin namin siya nakikita magpasahanggang ngayon. Ito ang kauna-unanahang pagkakataon na imbes na takot at pagkailang ang maramdaman ko kay Lumen, nanguna ang awa sa puso ko. Halos hindi na matulog ang binata sa kagustuhang mahanap si Tan-tan na pamangkin pala niya. Hindi na rin siya pumasok sa trabaho at halos hindi na magpahinga mahanap lang ang pamangkin. Tuwing pagpatak ng kadiliman ay nakikisabay ako sa paglabas ng marami para tumulong sa paghahanap. Pinuntahan na namin ang mga lugar kung saan nakita ang bangkay ng mga bata noon ngunit kahit anino ni Tan-tan ay wala. Nagawa ko oang samahan si Lumen sa gubat ngunit maging doon ay hindi namin natagpuan ang bata. Ilang araw na ang nakalipas at pagod na ang lahat ngunit kitang-kita sa mga mata nila ang determinasyong mahanap ang bata. Ilang gabi ring pinipilit sugurin ni Lumen si Jonathan na inabisuhang huwag na munang lumabas ng bahay dahil baka si Lumen pa ang maging dahilan ng pagkamatay niya sa bugbog ngunit kahit anong klaseng pambubugbog yata ang gawin ni Lumen ay wala siyang nakukuhang impormasyon kay Jonathan. "Kung si Jonathan nga ang may pakana ng pagkawala ni Tan-tan, bakit kahit anong suntok at sipa mo ay hindi pa rin siya nagsasalita?" Kalmadong usal ni Aling Karmen, isang gabi nang maisipan ng lahat na magpahinga muna sandali. Nakakapit si Aling Karmen sa balikat ng tulalang si Lumen. "Hindi ba dapat ay magsalita na siya kung may alam nga siya? Sino ba namang tanga ang mas pipiliing mabugbog gabi-gabi kaysa magsabi ng totoo." "Si Jonathan." Walang ganang usal ni Lumen. Natahimik ang matanda at hindi nakapagsalita ng ilang sandali. "Ngunit hindi tama na basta mo na lang siyang binubugbog at pinagbibintangan dahil lang kilala siyang barumbado." Buwelta ng matanda. Napalingon sa akin si Lumen at nahuli niya akong tumatango-tango sa sinabi niya kasabay ng paglingon-lingon sa paligid nang mapansin ang isang lalaking nakayuko at nakasuot na sumbrero na mabilis na dumaan. Ang mga tingin niya'y tila nanghuhusga at nanunuya sa reaksyon ko. Nag-iwaz ako ng tingin at ibinaling na lang ulit sa labas kung saan ko nakita ang lalaking dumaan. Kumunot ang noo ko, pilit hinahanap sa dilim ang lalaki ngunit wala na siya. Tumayo ako at walang imik na lumabas sa garahe ni Aling Karmen para sana tignan kung sino iyon ngunit nakita kong lumiko iyon sa isang bahay. Nilingon ko ang mga kasama kong abala sa paguusap-usap at hindi man lang napansin ang pag-alis ko. Kinuha ko ang pagkakataong iyon upang mabilis ngunit tahimik na naglakad palapit doon na agad kong pinagsisihan. Dinatnan kong nakatalikod ang lalaking nakasumbrero habang ibinababa ang walang malay na si Tan-tan. Nanlaki ang mga mata ko at walang alinlangang naglakad ng mabilis papalapit pa lalo. Muntikan pa akong madapa dahil sa malaking bato na nakaharang na hindi ko napansin. Nandilim ang paningin ko at wala ng ibang naisip pa kundi ang suntukin ang lalaki. Kinailangan ko pa ng matinding lakas mapigilan lang ang bugso ng damdamin dahil ayokong magpadalos-dalos. Nang sakto na ang distansiya sa pagitan namin ay walang alinlangan akong huminto ay pumulot ng bato saka ibinato sa banda niya kasabay ng sigaw ko, "hoy!" na siyang nakaagaw ng atensyon niya. Sa kaniyang paglingon ay pareho pa kaming nagulat sa isa't isa. Ang lalaki ay si Jonathan, nakasuot na sumbrero at jacket. Sa tabi niya ay nakahiga ang walang malay na si Tan-tan... wala nga bang malay o wala ng buhay?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD