Panandaliang namutawi ang katahimikan sa pagitan namin. Bakas sa kaniyang mukha ang matinding gulat. Nanahimik na lang din ako bilang respeto sa kaniya dahil tingin ko ay kailangan niya ng oras upang iproseso ang tinuran ko. Kung ako man ang nasa kalagayan niya ay ganito rin marahil ang magiging reaksiyon ko. Baka nga mas malala pa lalo na't malapit ang taong pinagbibintangan sa akin.
"Ha?" Nanlalaki ang mga mata ni Arturo makalipas ang ilang sandaling pagkatulala. Ibinaling niya ang kaniyang tingin sa akin habang laglag ang kaaniyang panga. Ang kaninang 'di mapakali niyang itsura ay napalitan ng matinding pagkagulat na may halong pagkalito ngayon. "Sigurado ka?" Tumango ko na siyang nagpalaki sa mga mata niya.
Alam ko, naiintindihan ko. Matagal na nilang kasama si Lumen dito at ang malamang pinagdududahan siya ng isang imbestigador na kagaya ko ay talagang nakakagulat. Maging ako na ilang buwan pa lamang nakikita si Lumen ay ikinagulat nang maisip na maaaring may kinalaman siya sa pagkawala at pagkamatay ng mga bata sa baryong ito. Kung hindi dahil sa mg salita at kaduda-dudang kilos niya ay malaki ang tyansa na hindi ko siya pagdududahan ngayo ngunit hindi. Halos ipain na niya ang kaniyang sarili na siyang dahilan ng paglala ng pagdududang nararamdaman ko.
Pabalik-balik ang kaniyang tingin sa akin at sa mga litratong nasa harapan niya. Kinuha ko ang tasa ng kape at tahimik na sumimsim doon habang pinagmamasdang halos matulala si Arturo.
"Paano? Bakit siya?" Kunot ang noo niya nang balingan akong muli. Ang mga mata niya ay punong-puno ng pagkakuryoso sa nangyayari. Tila isang batang walang maintindihan sa kaniyang takdang aralin sa math. Hindi, mas malala pa ang pagkalitong nakikita ako sa mga mata niya kaysa sa batang walang maintindihan sa aralin sa eskuwela.
Hindi ako agad sumagot. Bakit nga ba siya? Inalala ko ang iilang pagkakataon na halos ilantad na ni Lumen ang kaniyang sarili sa akin. Ang mga salitang lumalabas sa kaniyang sariling bibig ay talagang nakakabahala, idagdag pa na bigla na lamang siyang nawawala at lumilitaw, eksaktong pagkakita sa batang biktima.
Lumipas ang ilang araw na ganoon lang ang nangyayari. Naging tahimik muli ang baryo at halos bumalik na ito sa dating sigla dahil isang linggong mahigit na simula nang huling may mabiktima ang kriminal.
Umaga at gabi ay hindi kami lumalabas ni Arturo at inabala ang mga sarili sa trabaho. Bilib ako dahil kahit ang maliliit na detalye ay nakikita niya at natatandaan niya. Mukhang seryoso nga siya nang sabihing pangarap niya ang ganitong trabaho at masasabi kong pasok naman siya kung mabibigyan lang ng pagkakataon.
Hindi na rin namin napag-usapan pang muli ang patungkol sa pagdududa ko sa kaibigan niyang si Lumen. Hinintay kong magtanong pa siyang muli patungkol doon ngunit hindi dumating ang pangyayaring iyon bagkus ay tila mas pinili na lamang niyang ibuhos ang kaniyang oras sa pagtatrabaho. Imbes na magpaliwanag at piliting pag-usapan ang bagay na iyon, mas pinili ko na lang ding manahimik at hayaan siyang magtrabaho dahil tingin ko ay hindi pa niya kayang pag-usapan iyon. Alam kong mahirap sa pakiramdam ang malamang may mga taong hindi nagtitiwala sa isang matalik na kaibigan kaya't naiintindihan ko siya.
Isnag katok ang gumising sa aking mahimbing na tulog, isang araw. Halos hindi ko pa maimulat ang mga mata ko nang lakarin ang palabas sa kwarto para tignan iyon. "Aba'y tulog ka pa ng ganitong oras?" Natatawang usal ni Aling Sita na nakaupo sa sala. Si Arturo pala ang kumatok sa kwarto ko at nanggising sa akin.
"Pasensiya na po at pagod lang..." paliwanag ko. Mabilis kong hinawi ang buhok kong siguradong magulo dahil sa mahimbing na pagkakatulog saka pasimpleng tsinek kung may muta ba ako o bakas ng laway sa gilid ng labi. Mabuti na lang at mukhang wala naman.
Ngumisi lamang siya at ilang sandaling natahimik bago muling nagsalita kasabay ng kaniyang pagtayo at pag-ambang aalis. "May maliit na kasiyahan sa labas at kayong dalawa ni Arturo ang wala kaya naatasan akong sunduin kayo. Tara na." Masigla na ang boses niya, hindi gaya noon na matamlay dahil na rin sa sunod-sunod na masamang pangyayari. Nawa ay magtuloy-tuloy na dahil aaminin ko, nakaka-miss ding marinig ang maiingay na mga kapitbahay ko. Isa pa, ang kasiyhan nila ang patunay na walang masamang nangyari nitong nakaraang mga araw. Parang isang bahaghari pagkatapos ng matinding bagyo.
Tumango ako, nangingiti sa tuwa. Halos sabay naming nilingon ang umiiling na si Arturo. "Masama po ang pakiramdam ko kaya sa susunod na lang ako makikisalo." aniya gamit ang malungkot na boses.
Lito ko siyang tinignan. Masama ang kaniyang pakiramdam? Bakit hindi niya sinabi para sana nakabili ako ng gamot at pinilit na magpahinga na lang muna siya? Kung sa bagay, napansin kong may pagkamakulit din itong si Arturo, hindi nakikinig sa mga payo sa kaniya.
Akala ko ay hindi siya papayagan ni Aling Sita kaya hinanda ko na ang sarili upang tulungang makaliban si Arturo sa kasiyahan ngunit nang tumango ito at mukhang nakumbinsi sa sinabi ni Arturo, nanahimik na lang din ako. Nagpaiwan ako sandali para magbihis at maghilamos saglit. Naglabas na rin ako ng gamot na nahanap ko sa bag ko saka ibinigay iyon kay Arturo bago tuluyang umalis.
Nandoon sila sa garahe ni Aling Karmen na agad nakalapit sa akin nang matanaw akong palapit. Hinayaan ko na lang at baka sumama ang loob ng matanda, magkasakit pa at isisi sa akin. Panay ang haplos at kapit niya sa mga braso kong halos matanggal na dahil sa kaniya.
Dinatnan ko ang ilang pabilog na mesa kung saan kaniya-kaniya ng puwesto ang mga kababaihan at kalalakihan na pawang mga umiinom ng alak. Kinawayan ako ng asawa ni Aling Lota na siyang tinanguan ko lang dahil hindi makalapit.
"Ang bango mo naman!" Tumatawang usal ni Aling Karmen habang inaamoy ang braso ko. Bahagya kong iniiwas iyon sa kaniya na siyang ikinatawa lamang niya. "Bakit ba kasi ngayon ka lang dumating sa buhay ko gayong ang tagal na kitang hinihintay?" Aniya pa gamit ang malungkot na boses. Kung makapagsalita siya'y akala mo sigurado talaga siyang kami ang nakatadhana...o pakiramdam ko lang?
"Hoy, Karmen! Iwan mo nga iyang si Arturo at natatakot na sa iyo!" Sigaw ng isang matandang lalaki kasunod ang malalakas nilang mga tawanan. Sa gitna ng tawanan ay napansin ko ang masungit na titig ng lalaki kay Aling Karmen na agad din namang nawala. Umalma ang si Aling Karmen noong una ngunit kalaunan ay sumunod din kaya halos takbuhin ko ang distansiya ng kinatatayuan ko hanggang sa mesa kung saan nakaupo ang asawa ni Aling Lota para lang tuluyang makalayo kay Aling Karmen. "Pagpasensiyahan mo na iyang si Karmen at sadyang sabik laman iyan sa lalaki. Hindi kasi natagpuan ang nakatadhana sa kaniya kaya siguro ganiyan at nalulumbay sa buhay." Nginitian ko ang lalaking nagpaalis kay Aling Karmen.
"Para saan po ba itong salu-salo? Hindi kasi nabanggit ni Aling Sita sa akin." Tanong ko upang maibaling sa iba ang usapan. Sapat na ang bahagyang paggugulo minsan sa akin ni Aling Karmen at hindi ko na kayang tiisin kung siya rin ang pag-uusapan namin.
Ininguso niya si Lumen na matamang nakatitig sa akin habang nakangisi. "Para kay Lumen dahil mamaya bago lumiwanag ay aalis na naman siya para sa trabaho."
Nanlaki ang mga mata ko. Ngayon ko lang nalaman na nagsasalo-salo pala sila tuwing may umaali upang magtrabaho. Iyon din kaya ang dahilan kaya madalas silang mag-inuman noon at tuwing natatapos ay nawawala rin si Lumen? Kung iyon nga, posibleng hindi nawawala si Lumen dahil nagtatago siya kasama ang batang biktima kundi dahil nagtatrabaho siya. Ang sakit sa ulo mag-isip. Ito na ang pagkakataon para sabihing gusto ko ring magpunta sa bayan ngunit ano ang idadahilan ko? Hindi ko pwedeng sabihing gusto kong sumama dahil pinagdududahan ko si Lumen.
Nagsayawan ang mga kababaihan nang simulan ng isang binatilyo ang malakas na tugtugin. Pinangunahan ni Aling Karmen ang sayawan na siyang sinundan ni Aling Lota at ng iba pa hanggang sa halos lahat na sila ay nagsasayawan. May iilang lalaki ring tumayo at nakisali na siyang naghatid ng matinding tawanan sa lahat.
Panay ang sulyap at kindat ni Aling Karmen sa akin na iniignora ko na lang. Nabaling ang tingin ko sa matandang lalaki na siyang sumaway kay Aling Karmen kaninang ginugulo ako nito at nakitang lumapit ito sa matandang babae saka sinayawan. Naghiyawan ang lahat sa ginawa ng matandang lalaki ngunit ang inis ay kitang-kita sa mukha ni Aling Karmen.
Kung titignan ay aakalin mong walang delubyong nangyari noong mga nakaraang linggo. Nakakabilib ang kalakasan ng loob ng mga tao. Kalakasan nga ba ng loob o kasanayan sa nangyayari? Alin man sa dalawa, ang mahalaga ay nagagawa nilang mag saya pagkatapos ng matinding kalungkutan. Nagagawa nilang kalimutan sandali ang mga problemang halos pumatay na sa lahat.
"Jonathan Rivera." Halos mapatalon ako sa kinauupuan nang may malamig na hanging bigla na lang lumapat sa kaliwang tainga ko. Nawala tuloy sa paningin ko ang matabang binatilyo na siyang nagpasimula ng tugtugin kanina. "Jonathan Rivera ang pangalan noong lalaki. Kilalang barumbado lalo na kapag lasing. Gusto mong malaman ang sikreto ko?" Bulong niya.
Tinitigan ko lamang siya at hindi nagsalita. Mas lalo niya pang inilapit ang nakangisi niyang mukha sa tinga ko at marahang bumulong, dahilan ng pagtaas ng mga balahibo ko. "Iniisip kong baka siya ang may kagagawan ng mga nangyayari sa mga bata dahil ilang beses na siyang nahuling nananakit sa ilang bata noon."
Kumunot ang noo ko at mabilis na nilingon ang nakangising si Lumen. Hindi ko namalayan na lumipat pala siya ng upuan para makalapit sa akin. Sinasabi niya ba ang mga ito sa pag-aakalang maibabaling niya ang duda ko sa ibang tao? O masyado lang kong mababaw at umaaktong tila baguhan sa trabahong ito? Simula yata ng magpunta ako rito ay bumabaluktot na ang isipan ko at nagiging padalos-dalos ang iilang kilos at desisyon ko.
"Hindi ka naniniwala?" Taas-kilay niyang saad. "Bakit sa akin ay kay dali mong nagduda ngunit sa iba ay tila hirap na hirap ka? Maniwala ka dahil sa ating dalawa, ako ang mas nakakakilala sa mga tao rito at may mga pangyayari akong nasaksihan noon na hinding-hindi mo malalaman kung hindi ka magtatanong...at kung hindi ka sasagutin ng pingtanungan mo."
Tinitigan ko siya, pinapantayan ang intensidad ng kaniyang mga tingin. "Dahil kaduda-duda ka kaya madali sa aking pagdudahan ka."
"At ang iba ay hindi?" Umiling ako. Lumawak ang ngisi niya at panandaliang natahimik. "Kung ganoon ay wala na akong magagawa. Sinubukan ko na ang lahat para patunayang malinis ang pangalan ko ngunit mukhang ang imbestigador ay kumbinsido nang ako ang kriminal. Basta ang tandaan mo, ako ang higit na nakakakilala sa mga tao rito. Baguhan ka lang dito at ako, buong buhay ko ay nandito na ako. Lamang ang kaalaman ko pagdating sa mga bagay na patungkol sa lugar na ito." Bakas ang sarkastiko sa mga salita niya.
"Isama mo ako sa bayan kung ganoon." Alam kong walang koneksiyon ang tinuran ko sa mga sinabi niya ngunit wala na akong masabi. Ayoko namang mapahiya kaya kahit walang koneksyon, bahala na.
Hindi ko naman akalaing madali ko siyang mapapapayag. Eksaktong alas onse ay lumakad na kaming dalawa palabas sa baryo. Sinubukan ko pang ialok na gamitin namin ang kotseng dala ko dahil ilang buwan na iyong naka-park lang sa garahe ni Aling Lota ngunit hindi siya pumayag. Aniya ay mahihirapan lamang kami.
Akala ko ay may ibang daanan papuntang bayan kaya ganoon ang sinabi niya ngunit nang makitang dinadaanan namin ngayon ang eksaktong lugar na dinaanan ko noong papunta pa lamang ako rito ay halos manggalaiti ako sa inis. Ngingisi-ngisi lang ang kasama ko habang tahimik na naglalakad.
Hindi ko na alam kung gaano na kami katagal naglalakad basta inabot na kami ng liwanag eksaktong pagtapat namin sa barangay hall ng Assunta kung saan ako nangtanong noon.
Nakatitig sa amin ang mga barangay tanod na nandoon, nagkakape at mukhang nagbabantay. Inignora iyon ni Lumen kaya inignora ko na rin. Sumakay kami ng tricycle at pagkatapos ng tatlong minuto, tumambad sa paningin ko ang maingay at magulong palengke.
"Sa makalawa pa ako uuwi. Kung gusto mong umuwi agad mamayang hapon ay sundan mo lang ang mga dinaanan natin kanina. Iyon ay kung natandaan mo ang mga daanan." Aniya bago pumasok sa isang kulay berdeng establishment. Bawal akong pumasok sa dinaanan niya kaya kinailangan ko pang umikot kung nanaisin kong pumasok.
Ngunit hindi ko iyon ginawa. Naghanap ako ng malapot na padalahan upang ipadala na ang mga papel kay Chexter. Akala ko ay magtatagal ako roon ngunit halos hindi man ako umabot ng limang minuto ay natapos na kaya agad akong bumalik sa pinagtatrabahuan ni Lumen.
Dinatnan ko siyang nagbubuhat ng mga sakong mukhang puno ng kung ano habang suot ang berdeng na polong uniporme yata nila. Pinagtitinginan siya ng mga tao dahil ang mga braso niya'y halos sirain na ang kapit na kapit na sleeves ng kaniyang damit.
Pawisan siya ngunit imbes na nakakairitang tignan iyon sa kaniya, mukhang nagugustuhan pa ng mga kababaihan. Kahit iyong mga napapadaan lang ay halos mapahinto sa katitingin sa kaniya. Sikat ang lalaking iyon, huh.
Isang matabang binatilyo ang bigla na lang bumangga sa akin ngunit imbes na huminto at humingi ng tawad ay nagtuloy-tuloy lang iyon. Kumunot ang noo ko nang makilala ang likuran at halos sumigaw ako sa gulat nang makita kung sino iyon dahil sa kaniyang bahagyang paglingon.
"Jonathan Rivera?" Anog ginagawa ng lalaking iyon dito?
"Problema mo?" Napatalon ako sa gulat nang biglang magsalita si Lumen na nakatayo ngayon sa gilid ko.
Itinuro ko ang daanan kung saan nagpunta ang lalaking bumangga sa akin. "Tingin ko ay nakita ko si Jonathan." Kunot-noo niyang tinignan ang itinuturo ko.
"Wala naman ah? At anong gagawin ni Jonathan dito, eh hindi pa iyon kailanman nakalabas ng baryo?"