KELAI’S POV
“Aminin mo nga sa akin, hindi ka pa totally nakaka-moved on kay Francis?” deretsong tanong sa akin ni Ryan nang matapos kaming kumain.
“Siguro? Kasi may nararamdaman pa rin akong galit sa kaniya. Pero pagmamahal, matagal nang wala,” sagot ko naman.
Bahagya siyang napangiti. Tumayo siya at lumapit sa mini ref ko. Kumuha siya ng dalawang beer habang ako naman ay inayos ang mga chips na binili namin. Pagbalik niya sa upuan niya ay binuksan niya ang isang beer at iniabot sa akin iyon.
“Nagagalit ka dahil kahit papaano ay may nararamdaman ka pa rin sa kaniya,” seryoso niyang sabi sa akin.
Mapakla akong tumawa. “Nagawa ko ngang hindi na siya tanggapin kahit anong pagmamakaawa niya,” mayabang kong sabi.
“Iyon ay dahil mas mahal mo na ang sarili mo pero hindi ibig sabihin no’n ay wala ka nang nararamdaman para sa kaniya,” sagot naman niya sa akin.
Hindi na ako nakasagot pa sa sinabi niyang iyon. Uminom na lang ako ng beer na ibinigay niya sa akin at napangiwi ako sa lasa. Ganito pala ang lasa ng alak?
“Hindi ka nakasagot. Tama ba ako?” pagtatanong pa sa akin ni Ryan.
Napairap naman ako. “Akala ko pagagaanin mo ang loob ko, pero hindi pala.”
Napatawa naman sa akin si Ryan at heto na naman ang puso ko, nagwawala na naman. “Minsan kasi, mas magandang prangkahin ka para mas magising ka.”
“Wow! Thank you ha!” sarcastic kong sabi naman.
“Ano bang sinabi sa ‘yo ni Francis kanina?” curious na tanong pa niya sa akin.
Nagpakawala ako ng buntong hininga at muling lumagok ng beer. “Alam ko naman daw na may girlfriend ka, at ang sabi pa niya, akala niya raw ay hindi ako gagaya sa kaniya. The f*ck! Anong karapatan niyang sabihan ako ng gano’n ‘di ba?” galit na sagot ko.
“Well, nakakagalit nga iyon. Kaya pala naman gusto mong mag-inom,” sabi naman niya sa akin.
“At alam mo ba kung anong sinabi ni Maya sa akin kaninang umaga?”
Kumunot ang noo ni Ryan. “Ano?”
“Tinanong niya ako kung anong meron sa ating dalawa, sabi ko wala naman. Nagalit pa sa akin tapos sinabi niya na malabo nga namang magkagusto ka sa akin. Grabe, hindi ko alam kung anong ire-react ko. Gusto ko na lang na itapon siya palabas ng service cab kanina,” nanggagalaiti kong pagkukwento.
Lumagok ng beer si Ryan bago tumingin ng deretso sa akin. Bahagya siyang ngumiti. “Sinong may sabi na imposibleng magkagusto ako sa ‘yo? E crush nga kita e,” deretsong sabi niya.
Literal na nanlaki ang mata ko dahil sa narinig. Hindi ko inaasahan na sasabihan niya ako ng gano’n kaya pakiramdam ko ay namumula na ang buo kong mukha. Wala ring mahagilap na kahit na anong salita ang bibig ko kaya hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Nablangko na yata ng tuluyan ang isipan ko.
“Natahimik ka na,” natatawang sabi pa niya sa akin.
“Nambobola ka na,” mahina kong sabi sa kaniya.
“Hindi ako nambobola. So ano, payag ka na talaga sa offer ko?”
“Chill lang ha?” paninigurado ko pa.
Napangiti sa akin si Ryan. “Oo naman. Paniguradong lalong maiinis sa ‘yo si Maya, handa ka ba?”
Hindi ako malditang tao sa pagkakaalam ko pero dahil sa nangyari kanina, at dahil sa mga sinabi ni Maya sa akin, lumalabas ang pagkamaldita ko.
“Mas gusto ko pa ngang inisin siya e,” nakangiting sabi ko naman.
“Then let’s do this Love,” nakangiting sabi naman ni Ryan.
“Love?” kunot noong tanong ko sa kaniya.
“Yes, ang magiging tawagan na natin ay Love. At maghanda ka dahil ipagsisigawan ko ‘yan pagpasok natin.”
“Sigurado ka na diyan?” naniniguradong tanong ko pa.
“Oo naman. Siguradong sigurado,” nakangiting sagot naman niya.
Am I in trouble now? Pero wala nang atrasan ito. Ginusto ko rin naman ito. Tuturuan ko na lang ang sarili kong huwag mahulog sa kaniya para sa huli ay hindi ako uuwing luhaan.
Isang chill relationship lang ito. Iyon lang ‘yon. And let the game begins.