Maagang nagpunta si Liza sa silid ni Romina upang gisingin ito para sa agahan. Ngunit agad siyang napabuntong-hininga nang makita ang namamagang mga mata nito, tila ba magdamag itong umiyak. Hindi man niya alam ang dahilan, hindi niya maitanggi ang pag-aalala sa kanyang bagong senyora. Nais man niyang magtanong, alam niyang wala siya sa lugar upang manghimasok. Kaya't nagpatay-malisya na lamang siya at tinulungan itong bumangon mula sa kama.
"Senyorita, handa na ang agahan. Tutulungan kitang bumaba," aniya habang inalalayan ang babae. "Pero bago tayo pumunta sa baba. Tulungan muna kitang magbihis." anito pa pagkatapos ay sinamahan siyang magpunta sa bathroom upang maghanda. Hindi na naging mahirap kay Romina na mangapa sa palikuran. Ilang beses na rin naman sya nakagamit dito kaya naman ay tila nasaulo na nya. Inihanda ni Liza ang kanyang paliguan. Matapos syang makaligo at magbihis ay inalalayan na sya ni Liza na makababa.
Tahimik lamang si Romina, ngunit naramdaman niya ang pag-aalalang taglay ni Liza. Hindi niya alam kung paano ito susuklian. Sa totoo lang, hindi rin niya alam kung paano haharapin ang araw na ito.
Pangalawang araw nya pa lang sa mansion pero pakiramdam n'ya ay ilang dekada na sya na narito. Panibagong araw nang pangangapa sa mga taong nakapaligid sa kanya na hindi pamilyar sa kanya. Panibangong araw na naman nang pag-iisip kung anong klaseng tao ang napangasawa niya.
Habang pababa sila sa hagdan, biglang napahinto si Romina nang makarinig ng bulungan mula sa kusina. Mula sa kanyang kinalalagyan, rinig na rinig niya ang pinag-uusapan ng mga kasambahay.
Sabi nga nila kapag nabawasan ang iyong pandama ay nagiging malakas ang iba mo pang pandama. Sa kanyang kalagayan ay nawala ang kanyang paningin, kaya tila mas naging matalas ang kanyang pandinig.
"Bilyonaryo si Senyorito, pero isang bulag ang kanyang pinili," ani ng isang babae na bahagyang natawa.
"Maraming nagkakandarapa kay Senyorito, mga babae na mula sa mayayamang pamilya, pero isang alagain ang pinili niya? Hindi ko maintindihan!" dagdag pa ng isa.
May ilang mas masasakit pang salita ang kanyang narinig, ngunit pinili niyang hindi na bigyang-pansin ang iba. Totoo naman ang sinasabi nila—siya mismo ay hindi rin nauunawaan kung bakit siya ang napili ng kanyang asawa.
Biglang nagsalita si Liza, halatang nainis sa kanyang narinig. "Aba, ang mga chismosa talaga, ang aga-agang inalmusal ang masamang ugali nila! Hayaan mo, isusumbong ko sila kay Senyorito."
Ngunit agad siyang pinigilan ni Romina. Umiling ito at mahina ngunit matigas ang tinig nang magsalita. "Hayaan mo na sila, Liza. May punto naman sila."
Hindi ito matanggap ni Liza. "Pero Senyorita—"
Bago pa siya makapagtapos ng sasabihin, humakbang na si Romina patungo sa hapag-kainan. Napilitan na lamang siyang sundan ito at alalayan. Sa kanilang pagpasok, nabulabog ang mga kasambahay. Ang ilan ay nagmadaling lumayo, habang ang iba naman ay nagbulungan pa at marahang nagtawanan, tila ba nananadya pa lalo.
"Hindi niya naman tayo nakikita, kahit anong gawin natin, wala siyang magagawa," bulong ng isa, ngunit sapat na upang marinig ni Liza.
Naningkit ang mga mata ni Liza sa inis at lumingon sa kanila. "Kaya ang papangit eh! Ang aga-aga, inaalmusal ang masamang ugali nila!" mariin niyang singhal.
Napangiti si Romina sa sinabi ni Liza, ngunit muling hinawakan ang kanyang braso at hinila palapit sa hapag-kainan. "Tama na, Liza. Tulungan mo na lang akong maupo."
Sa kabila ng kanyang panlabas na katahimikan, may bumabagabag sa kanyang isipan. Alam niyang may mga hamong kakaharapin siya sa mansion na ito, ngunit hindi niya inaasahan na magsisimula ito sa mga taong nasa paligid niya.
Maaga pa ngunit ramdam na niya ang init ng araw na tumatagos sa malalaking bintana ng mansyon. Nang makarating sila sa hapag, marahang tinulungan siya ni Liza na maupo sa isa sa mga malalambot na upuan.
"Ma'am Romina, narito na po tayo sa hapag," magalang na wika ni Liza habang inaayos ang upuan ni Romina. "Ito ang kubyertos mo, saglit lang at ipaghahain kita."
Tumango lamang si Romina at pinakiramdaman ang paligid. Narinig niya ang mahinang kaluskos ng mga kasambahay na patuloy na nag-aayos ng hapag. Ilang sandali lang ay may dumating, at mula sa tunog ng tray na dala nito, alam niyang may kasamang pagkain ang bagong dating.
"Magandang umaga, Senora," bati ng isang may edad nang babae. Ang tinig nito ay puno ng respeto at may halong banayad na kasanayan sa paggalang sa kanilang mga nakatataas.
"Magandang umaga rin po," magalang na sagot ni Romina. "Sino po sila?" tanong nya subalit ay pamilyar ang boses nito.
"Ako si Ising Senorita, ang mayordoma ng mansyon. Ako po ang namamahala sa lahat ng gawain sa bahay upang maging maayos ang lahat para sa inyo at kay Senorito Alessandro. Ako yong unang sumalubong sa inyo kahapon. May dala po akong tray na naglalaman ng almusal na dati nang inihahanda para sa inyong asawa," mahinahong paliwanag ng matanda.
Ngumiti si Romina at tumango. "Salamat po, at pasensya na kung magtatanong ako, pero si Alessandro po ba ay pababa na rin upang mag-agahan?"
Bahagyang natahimik si Ising bago ito sumagot. "Ang Senorito po ay bihirang kumain sa hapag-kainan. Madalas po siyang kumakain sa kanyang silid. Kagaya po ng nakasanayan niya."
Muli ay napatango na lang si Romina, ngunit sa kaloob-looban niya, may bumabagabag sa kanyang isipan. Hindi ba dapat, lalo pa't bagong kasal sila, ay magkasabay silang kumain? Pero wala siyang karapatang magtanong pa. Hindi niya rin naman kilala nang lubusan si Alessandro. Maaaring ganoon lang talaga ang ugali nito.
"Mayroon po ba kayong nais pang ipahanda?" tanong ni Marta na may halong pag-aalala sa boses nito.
"Wala na po, ayos na po ito," sagot ni Romina na may pilit na ngiti sa labi.
Narinig niya ang bahagyang pagbuntong-hininga ni Liza, marahil ay alam nitong may bumabagabag sa kanya, ngunit hindi ito nagtanong pa. Pinulot niya ang tinidor at marahang sinimulan ang kanyang pagkain. Habang sinusubo ang malambot na tinapay, hindi niya maiwasang isipin kung anong klaseng pagsasama ang naghihintay sa kanya.
Hindi ba dapat ang isang bagong kasal ay nagkakasama at nag-uusap sa almusal? Pero tila sa kanya, isa lang itong ordinaryong araw na tila wala namang pagbabagong naganap sa kanyang buhay—maliban sa bagong titulo na kanyang dala bilang asawa ni Alessandro.
Sa loob-loob niya, marahil ito na rin ang mas makabubuti. Hindi siya kailangang pilitin ni Alessandro na magpanggap na parang may damdamin ito para sa kanya. At sa parehong paraan, hindi rin niya kailangang ipilit ang sarili niya rito. Isa lamang itong kasal sa papel, at iyon na marahil ang dapat niyang tanggapin.