Sa isang lounge area ng paliparan, nagtipon-tipon ang ilang flight attendants upang magpahinga habang naghihintay ng kanilang susunod na flight. Ang kanilang usapan ay nauwi sa isang dating kasamahan—si Romina.
"Naalala niyo pa ba si Romina?" bungad ni Carla, isa sa mga senior flight attendants. "Mula nang mawala siya sa trabaho dahil sa insidenteng iyon, wala na tayong naging balita sa kanya."
"Oo nga," sagot ni Mara, ang dating close friend ni Romina sa trabaho. "Nung una, sinubukan ko siyang puntahan sa ospital, pero sabi ng nurse, may kumuha na raw sa kanya. Ang bilis niyang nawala."
"Wala na rin ang gamit niya sa crew condo," sabat naman ni Jenny, na minsan ding nakasama ni Romina sa isang international flight. "Hindi man lang siya bumalik para kunin ang mga naiwan niya. Sayang talaga, ang galing pa naman niya bilang flight attendant. Siya na sana ang susunod na head attendant."
Tahimik lamang na nakikinig si Captain Santos, isang beteranong piloto na malapit kay Romina. Halos sabay silang nag-apply sa airlines at naging magkaibigan sa maraming flights na kanilang pinagsamahan. Napansin ni Mara ang pananahimik niya kaya siya mismo ang nagtanong.
"Captain, ikaw? Wala ka bang balita kay Romina? Alam naman naming close kayo."
Napatingin si Captain Santos sa kanila, halatang nag-iisip kung paano sasagutin ang tanong. Sa totoo lang, mayroon siyang narinig na bulung-bulungan tungkol kay Romina, ngunit hindi siya sigurado kung totoo ito.
"Wala akong konkretong balita," sagot niya sa mahinahong tinig. "Pero may narinig akong isang kakaibang kwento mula sa isang kakilala ko na nagtratrabaho sa isang pribadong ospital."
Nagtinginan ang lahat, halatang na-curious.
"Ano daw?" usisa ni Carla.
Huminga nang malalim si Captain Santos bago nagpatuloy. "Ayon sa kwento, isang mayamang pamilya raw ang kumuha sa kanya. Pero walang malinaw na detalye kung sino sila at bakit nila siya dinala."
Nagbulungan ang grupo, hindi makapaniwala sa narinig. "Ibig sabihin, baka nasa poder siya ng isang prominenteng pamilya ngayon? Pero bakit? Ano ang dahilan?" tanong ni Mara, halatang nag-aalala para sa kaibigan. "Baka iyon ang pamilya niya? hindi nagsasabi si Romina tungkol sa pamilya niya pero halata naman na mula siya sa mayamang pamilya,"
"Iyan din ang sabi-sabi noon. Na naglayas lang yan si Romina dahil strict masyado ang parents niya. Baka sila na nga ang kumuha sa kanya. Tingin mo Captain?"
"Yan ang hindi ko alam," sagot ni Captain Santos. "Pero kung may paraan lang para malaman natin kung nasaan siya at kung okay lang siya..."
Tahimik na napaisip ang lahat. Si Romina ay hindi lang isang magaling na flight attendant, kundi isang mabuting kaibigan din sa kanila. Hindi nila kayang basta na lang siyang kalimutan.
"Kung totoo nga ito, sana naman ay maayos ang kalagayan niya," pabulong na wika ni Jenny.
--
Pagkatapos ng isang mahabang araw ng trabaho, si Captain Santos ay tahimik na nakaupo sa kanyang opisina. Matagal na niyang iniisip si Romina at ang mga nangyari dito. Hindi niya maalis sa isip ang mga tanong—nasaan siya? Kumusta na siya ngayon? Napabuntong-hininga siya bago kinuha ang papel kung saan nakasulat ang numero na nakuha niya sa ospital.
Dahan-dahan niyang pinindot ang mga numero sa kanyang telepono at itinapat ito sa kanyang tainga. Ilang beses itong nag-ring bago may sumagot.
"Hello?" sagot ng isang babae sa kabilang linya.
Agad siyang nagsalita, "Magandang gabi po. Hinahanap ko po si Romina. Siya po ba ang may-ari ng numerong ito?"
Sandaling katahimikan ang bumalot bago sumagot ang babae sa kabilang linya. "Sino po sila?"
"Ako po si Captain Santos. Isa po ako sa matagal niyang kasamahan sa trabaho. Nais ko lang sana siyang makausap. Pwede ko po ba siyang makausap ngayon?"
Narinig niya ang bahagyang pag-aalinlangan sa boses ng babae. "Pasensya na po, pero wala na po rito si Ma’am Romina. Matagal na po siyang hindi nakatira rito."
Napakunot-noo si Captain Santos. "Saan ko po siya maaaring matagpuan?"
"Pasensya na po, Sir, pero hindi po ako pinapayagang magbigay ng impormasyon tungkol kay Ma’am Romina."
Bahagyang natigilan si Captain Santos. Bakit ganoon? Parang may itinatago sila tungkol kay Romina. Binalot siya ng matinding lungkot at pagkabigo. Matagal na niyang gustong malaman kung ano na ang nangyari kay Romina pagkatapos ng trahedyang sinapit nito, ngunit tila lalo lamang lumalalim ang misteryo sa kanyang pagkawala.
"Naiintindihan ko po," sagot na lamang niya. "Kung sakali pong bumalik siya o may paraan para makausap siya, pakisabi na hinahanap siya ng kanyang mga dating kasamahan, lalo na ako. Nag-aalala lang kami sa kanya."
"Opo, ipaparating ko po kung sakali," sagot ng babae bago mabilis na nagpaalam at ibinaba ang telepono.
Napabuntong-hininga si Captain Santos at ibinaba ang telepono sa kanyang mesa. Napatingin siya sa labas ng bintana ng kanyang opisina. Gabi na, ngunit hindi niya maiwasang makaramdam ng matinding pangungulila para sa isang kaibigan na bigla na lamang naglaho sa kanilang buhay.
Muli niyang naalala ang mga panahong magkasama pa sila ni Romina sa trabaho—ang kanyang sipag, dedikasyon, at ang pangarap nitong maging isang head attendant. Ang biglaang pagkawala nito ay isang palaisipan na hindi niya matanggap.
Sa isip niya, may isang bagay na mali. At kung may paraan upang matunton si Romina at malaman ang tunay na nangyari sa kanya, gagawin niya ang lahat para lang matiyak na ligtas ito.
---
Tahimik na nakaupo si Romina sa sala, pinapakiramdaman ang paligid habang iniisip ang mga bagay na patuloy na bumabagabag sa kanya. Hindi niya maipaliwanag ang bigat na nasa kanyang dibdib, ngunit wala rin naman siyang magawa upang maibsan iyon.
Bigla na lamang siyang nagulat nang lumapit si Manang Ising at marahang hinawakan ang kanyang kamay. "Iha, kumusta ka?" malambing na tanong ng matanda.
Napilitan siyang ngumiti kahit hindi niya iyon lubusang nararamdaman. "Ayos lang po ako, Manang," sagot niya sa mahinang tinig.
Hindi naman kumbinsido si Manang Ising, ngunit hindi na rin siya nag-usisa pa. "Alam mo bang umalis kaninang umaga si Senorito Alessandro? May meeting daw siya, pero malapit na raw siyang umuwi."
Hindi alam ni Romina kung paano dapat tumugon. Hindi naman niya inaasahang makakasama si Alessandro, ngunit may bahagi sa kanya na nais malaman kung paano ito makitungo sa kanya matapos ang mga nangyari. "Ganun po ba?" tanging sagot niya.
Bago pa man makasagot si Manang Ising ay narinig na nila ang tunog ng isang sasakyan na pumaparada sa labas. Kapwa silang napatigil at napatingin sa direksyon ng pinto. "Ayan na yata siya," bulong ng matanda.
Nang bumukas ang pinto, naramdaman ni Romina ang presensya ni Alessandro. Hindi man niya ito nakikita, ngunit ramdam niya ang malamig nitong awra na tila ba isang pader na hindi niya kayang lampasan. Hindi siya nagsalita, hinihintay kung ano ang magiging reaksyon nito.
"Senorito, magandang hapon," bati ni Manang Ising, ngunit hindi sumagot si Alessandro. Nanatili lamang itong nakatayo, marahil ay nakatingin sa kanya.
Nang ilang segundo na ang lumipas, narinig ni Romina ang marahang pagbuntong-hininga ng lalaki bago ito nagpatuloy sa pag-akyat sa hagdan. Naramdaman niya ang malamig na hangin na dala ng pagdaan nito sa kanyang tabi, isang patunay na muling nagkaroon ng distansya sa pagitan nila.
Nag-aalalang lumingon si Romina sa direksyon ni Manang Ising. "Umalis na po ba siya?"
Napabuntong-hininga si Manang Ising bago sumagot. "Oo, iha. Umakyat na siya sa kanyang silid. Hindi man lang siya nagsalita o nagbigay ng kahit anong pahiwatig."
Napayuko si Romina, pilit itinatago ang sakit na nararamdaman. Hindi niya alam kung ano ang nasa isip ni Alessandro. Galit ba ito? Naiinis? O sadyang wala lang talagang pakialam?
"May nais po ba siyang ipasabi?" tanong niya matapos ang ilang sandali.
Muling tumingin si Manang Ising sa hagdan bago bumaling pabalik kay Romina. "Wala naman, iha. Pero kung gusto mong ipasabi ang kahit ano sa kanya, ako na ang bahala."
Umiling si Romina. "Wala na po, Manang. Hayaan na lang natin siyang makapagpahinga."
Hindi na nagtanong pa si Manang Ising, bagkus ay marahang tinapik ang kanyang kamay bilang senyales ng pagdamay. Alam niyang hindi madali ang pinagdadaanan ni Romina, ngunit alam din niyang hindi niya maaaring pakialaman ang masalimuot na relasyon ng mag-asawa.
Tahimik na tinanggap ni Romina ang sandaling iyon. Hindi niya alam kung kailan niya muling makakausap si Alessandro, o kung may pagkakataon pa ba na magkausap silang dalawa nang maayos. Ngunit sa ngayon, tinanggap niya na lamang na ito ang katotohanang kanyang ginagalawan.