* * Ilah's POV * *
"Bigtime ka na talaga, Bruha. Nakakainggit ka, mabuti ka pa kumikita ng dollars diyan, samantalang ako, ito NGA NGA at hindi ma-hired-hired sa mga ina-applyan kong trabaho," pailing-iling kong sabi, sabay buga ng hangin habang kausap ko ang kaibigan kong si Mina sa video call.
Nandito ako ngayon sa kusina habang tinitimpla ko ang gatas ng anak kong si Ivan. Pinapainom ko kasi siya ng gatas bago ko siya patulogin. Nasa kwarto siya ngayon, at iniwan ko muna siya doon habang naglalaro siya para makausap ko rin itong kaibigan kong si Mina na kanina pa tumatawag, at hindi ko masagot-sagot dahil pinapaliguan ko naman si Ivan noong tumawag siya. Nasa Amerika ang kaibigan kong ito; isa siyang teacher doon sa kilalang paaralan na Filipino School.
Nakilala ko si Mina nang dumalaw ako sa pinsan kong si Nica. Best friend siya ng pinsan ko, at hindi naman nakakapagtaka kung bakit hindi mahirap maging kaibigan itong si Mina dahil bukod sa same vibe kami, pareho pa kaming madaldal at napaka-bait din niya.
Dalawang beses ko nga lang siya nakasama sa buong buhay, pero ganito na kalalim ang pagkakaibigan namin. Ang pangalawang beses na makasama ko siya ay nang ibalita niya sa akin na magpo-propose ang nobyo ng pinsan kong si Nica sa kanya. Kaya siyempre, gumawa ako ng paraan para makapunta sa Hacienda Atienza, kung saan nakatira ang pinsan ko at ang pamilya ng boyfriend niya. Nakakainggit nga rin ang pinsan kong 'yon dahil parang mala-Cinderella ang story ng love life niya—isang mayamang lalaki na umiibig sa pinsan kong tauhan lang nila sa kanilang hacienda.
Tapos kahapon nangyari ang kanilang magarbong kasal, kung saan double wedding pa ang nangyari. Bestfriend din ni Nica ang ka-double wedding niya na si Ella, at si Dennis na napangasawa ng pinsan ko ay bestfriend naman ng napangasawa ni Ella. Ay ang gulo, basta 'yun na 'yon—magkakaibigan silang apat kaya double wedding sila.
"Ano pa ba ang aasahan mo sa bansa natin? Talagang ganyan diyan, pahirapan ang paghahanap ng trabaho, tapos ang dami-dami pang hinahanap na requirement," turan niya sa akin kasabay ng paghigop niya ng kape. Morning time kasi ngayon sa Amerika kaya nagkakape siya.
"Kaya nga, napakahirap dito kapag wala kang backup mula sa kilalang tao. Mabuti nga ikaw, nakapunta ka diyan dahil sa tulong ni Mrs. Atienza," wika ko.
Si Mrs. Atienza ay ang mother-in-law ng pinsan kong si Nica. Kilala ang pamilyang Atienza dahil sa yaman nila, lalo na sa kanilang lugar sa Quezon Province, kung saan sila lang naman ang nagmamay-ari ng napakalawak na hacienda na tinawag na Hacienda Atienza. Ang mga Atienza rin ang dahilan kung bakit nakatapos si Mina sa kolehiyo, pati na rin ang pinsan ko, dahil sa tulong ng mag-asawang Atienza.
"Pero bakit hindi mo subukan mag-apply dito sa Amerika? Malay mo, nandito pala ang swerte mo," payo sa akin ng kaibigan ko, kahit malabo kong gawin.
"Ano ka ba, Mina, ang mahal mahal ng gagastosin pag nag apply d'yan, at alam mo namang hindi ako para sa Amerika o kahit saan sa labas ng Pilipinas. Hindi ko kayang iwan si Baby Ivan," sagot ko sa kanya.
"Sabagay, talagang naging mommy ka na, noh? At mahal na mahal mo si Baby Ivan," nakangiti niyang saad, sabay higop ng kanyang kape.
"Oo naman, at alam mo naman, hindi ko kayang mahiwalay sa kanya nang matagal, noh. Isang araw ko nga lang siyang hindi makasama, para na akong ewan," sagot ko sa friend ko, sabay halo ng gatas ng anak ko gamit ang kutsara.
Kaya ko nga siya isinama dito sa Maynila kahit mahirap, dahil ayokong mahiwalay sa kanya ng matagal. Pinayuhan nga rin ako ni Papa na iwan na lang sa kanya ang bata para matutukan ko ang paghahanap ng trabaho dito. Lumuwas pala kami ng anak ko para makipagsapalaran. Ang hirap kasi ng buhay namin sa Samar, at hindi kasya ang kinikita ni Papa sa araw-araw niyang pagtitinda ng gulay sa palengke. Hindi rin ako makahanap ng trabaho doon dahil madalas ay wala ring hiring.
Graduate ako ng social work at, sa awa ni Lord, nakapasa naman ako sa board exam. Iyon nga lang, naubos talaga ang ipon namin ni Papa para makatapos ako ng pag-aaral noon. Pero, anyways, past is past. Ang mahalaga ngayon ay makahanap ako ng trabaho at makaipon para makuha ko si Papa sa Samar. Balak ko na dito na lang kami manirahan, lalo pa at nakasanla ang bahay at lupa na kinatatayuan ng bahay namin doon. Ilang buwan na lang at makukuha na ito sa amin kapag hindi namin ito natubos sa napagkasunduang araw. Kaya I hope na makahanap ako ng trabaho bago dumating ang araw na 'yon para hindi hassle pag dumating na ang araw na kailangan naming tubusin ang bahay tapos wala kaming pangtubus. Hindi ko alam kung saan kami pupulutin kung sakali, lalo na’t wala nang ibang mapupuntahan si Papa. Kaya talagang kailangan kong magsipag at makahanap ng trabaho dito sa Maynila, kahit mahirap.
Minsan, iniisip ko rin kung tama ba 'yung desisyon kong lumuwas. Nakaka-stress din minsan, pero kapag tinitingnan ko si Baby Ivan, nawawala ang pagod ko. Kaya kahit mahirap, hindi ako pwedeng sumuko. Alam kong para ito sa kinabukasan namin ni Papa, at syempre, para sa anak ko. Kailangan kong maging matatag, kahit anong mangyari.
"Pero teka, kamusta ang naging kasal ni Nica?" excited na tanong nito. Dahil nasa malayo siya, siyempre hindi siya naka-attend. Nalungkot nga rin ang pinsan ko dahil wala siya sa kasal nito.
"Ayon, napaka-garbo at ang saya! Ang daming tao, puro mga bigtime. Paano ba naman, double wedding tapos puro mayayamang pamilya pa ang mga napangasawa nila. Alam mo, 'yung ibang bisita nila galing pa ng Amerika at lumipad lang papuntang Pilipinas para sa kasal nila," tuloy-tuloy kong kwento tungkol sa kasal nina Nica at Ella. Nakilala ko rin si Ella, na bestfriend ng pinsan ko, at katulad nina Mina at Nica, napakabait rin niya.
"Hay naku, sobrang nakakalungkot at hindi ko man lang nakita ang kasal ni Sir Dennis at ni Nica. Kung nand'yan lang sana ako, makikilala ko rin ang bestfriend niyang si Ella na matagal na niyang ikinukwento sa akin noon," nakasimangot na wika nito, at mababakas sa mukha at tono ng kanyang boses ang panghihinayang dahil wala siya sa kasal ng pinsan ko. Isa pa, dapat ay abay din sana siya ni Nica. Sa katunayan, a-attend naman talaga siya dahil si Dennis pa nga ang nag-book ng ticket niya para makauwi siya. Yun nga lang, bigla siyang nagkaproblema sa work niya kaya Hindi siya natuloy sa pag-uwi niya dito sa Pilipinas.
"Bumawi ka na lang sa magiging inaanak mo, dahil sigurado akong isa ka rin sa kukunin ni Nica na ninang ng baby nila ni Dennis," nakangiti kong sabi.
"Ano? Anong ibig mong sabihin, Ilah?" gulat pero excited na tanong nito sa akin.
"Buntis si Nica, mahigit isang buwan na," masaya kong sagot. "Pati nga rin si Ella, buntis na rin. Sabay silang nagpakasal, tapos sabay din nagbuntis," masaya kong balita kay Mina, at halos hindi siya makapaniwala.
"Nakakatuwa naman ang tsismis mong 'yan, Ilah," masaya niyang wika. "Isipin mo 'yon, ang tagal nagkahiwalay ng magbestfriend na 'yon, tapos nang magkita silang muli, sabay silang ikinasal, tapos ngayon pareho na rin silang buntis," hindi makapaniwalang turan ni Mina habang kilig na kilig sa kanyang nalaman tungkol sa dalawa.
Matapos namin mag-usap ng kaibigan ko tungkol sa mga nangyari sa kasal nina Nica at Ella, at sa iba pa naming pinag-usapan, bumalik ako sa kwarto namin ng anak ko dala ang kanyang baso ng gatas. Naabutan ko pa rin siyang abala sa paglalaro.
"Oh baby, halika, inumin mo na itong gatas mo para makatulog ka nang mahimbing," wika ko sa aking anak. Mabilis naman siyang lumapit at dahan-dahang ininom ang gatas na tinimpla ko para sa kanya.