Chapter 3
"ALAM ninyo napapansin ko nitong mga nakaraang araw, laging may Nuevareal prince na dumadating sa cafe kaya dumadagsa na ang customers nating babae para lang makita sila." Ani Dani kaya medyo nasamid si Hazel na umiinom ng juice. "Tapos tatambay sila roon ng matagal hanggang sa matapos ang shift natin, as in laging ganoon na parang laging may hinihintay pero pagpatak naman ng pass 2 pm ay mag-isang aalis ng cafe."
Pagkatapos ng shift nila ngayong araw ay sumama si Hazel nang magyaya yung tatlo na mag-mall sila at dahil hindi naman isa sa mga pinsan niya ang sundo niya ay sumama na siya, sinabihan na lang niya sina Seth at Karl na sumunod sa kanila sa mall saka nagtext din siya sa lolo at mga pinsan niya para hindi naman mag-alala ang mga ito na hindi siya makauwi agad.
"Pero himala yata na walang dumating ngayon." Komento naman ni Jessie.
"Baka busy." Kunyari walang pakialam na komento niya. "Saka bakit ba kayo nagtataka na may customers tayo na Nuevareal, normal lang naman iyon dahil cafe tayo baka mahilig sa kape ang mga iyon at nagustuhan ang kape natin."
Nagsitanguan naman ang mga ito sa sinabi niya. "Sabagay."
"Saka dumadami ang mga customers natin ng dahil sa kanila kaya carry lang." Sabi ni Cheska. "Advantage sa atin ang presensya nila sa cafe."
"Tuwang-tuwa nga sina Kuya Ben dahil dumadami daw ang mga magagandang chicks sa cafe, mga loko talaga ang mga iyon. Nabatukan tuloy sila nina Ate Gia noong isang araw." Natatawang kuwento ni Jessie.
"Mukha ngang ganadong-ganado yung boys sa pagse-serve sa mga babaeng customer halos wala na nga tayong gawin kundi magligpit at ihanda yung order, minsan nga sila na rin nagliligpit." Natatawang sabi niya.
"Siguradong matutuwa si Miss Hevn dahil malaki ang kita ng cafe kapag nakauwi na siya mula sa bakasyon niya." Komento ni Dani. "Baka magkaroon pa tayo ng bonus nito."
Sana nga magbigay ng bonus si Miss Hevn kapag malaki ang kita ng cafe para malaki-laki ang sweswelduhin nila, kahit naman ibinigay na sa kanya ng Kuya Xander niya ang mga ATM cards, debit cards at credit cards na nasa totoong pangalan niya ay mas gusto niya pa ring kumita sa sarili niyang pagsisikap dahil para sa kanya ay mas fulfilling iyon.
Ang nakakatawa nga ay binigyan pa siya ng ibang mga kuya niya at ng lolo niya ng mga ATM cards mula sa bawat isa na para daw marami siyang savings sa bangko, tapos tig-tatatlong debit cards pa mula sa mga ito para daw doon ide-deposit ang monthly allowance niya na ibibigay ng bawat isa sa mga ito at tig-dalawang credit cards na extension ng bawat isa sa mga ito though meron naman na nasa pangalan talaga niya. Bukod pa sa mga iyon ay may apat siyang checking account na siguradong bihira niyang magagamit kaya nakatago iyon sa drawer sa study table niya sa kuwarto.
Doon sa mga 6 sa ATM cards na sa kanya talaga ay idinedeposito ang mga kinikita ng shares niya sa Nuevareal Empire mula pa noong ipanganak siya, pati yung kinikita ng shares ng mga magulang niya doon na nalipat na sa kanyang pangalan mula ng mamatay ang mga ito. Maging yung mga natanggap niya for the past years at matatanggap pa niya na buwan-buwan na profit mula sa mga itinayong sariling businesses ng kanyang mga magulang at mula sa ipinamana sa kanya ng grandparents niya sa mother side ay sa mga ATM cards niya rin idinedeposit.
Habang yung dalawa sa debit cards niya ay parehong nasa pangalan niyang Hazel Morales yung isa ay para sa sweldo niya sa cafe at doon sa isa naman ay para sa monthly allowance niya mula sa Vardent, kasalukuyang wala pang pumapasok roon na monthly allowance since hindi pa naman start ng classes pero idineposit na doon ng admin ng Vardent ang reward niya sa pagiging top 1 sa scholarship exam at sa pagperfect niya roon.
"Sana nga para madagdagan naman yung ipon ko." Ani Jessie.
"Ano bang pinag-iipunan mo, ha?" Tanong rito ni Cheska.
Ngumiti si Jessie rito. "Tatlo kasi iyon. Yung pang emergency tapos yung savings ko at yung para sa gusto kong bilhin like cellphone at laptop."
"Gusto mo ibili na lang kita ng cellphone at laptop para naman mas lumaki ang ipon mo." Suhestiyon ni Cheska na ikinasamid naman ni Jessie at Dani.
Umiling si Jessie. "Huwag na. Nakakahiya naman kahit naman mayaman ka, pinagtrabahuhan pa rin ng parents mo yang pera iyan baka sabihin pa ng parents mo user friendly ako."
Ngumiti si Cheska. "Hindi naman nila malalaman saka ipon ko iyon mula elementary kaya wala kang dapat ikahiya, 'no. Isa pa, lahat naman ng kailangan at gusto ko ay ibinibigay ng parents ko."
"Bakit ba kasi nagtratrabaho ka pa? Eh, ang yaman-yaman mo." Usisa ni Dani.
Nagkibit-balikat lang si Cheska. "Gusto ko kasing kumita ng sarili ko na hindi umaasa sa parents ko para malaman ko kung paano pinaghihirapan ang bawat sentimo."
"Magkano na ba ipon mo para sa mga gusto mong bilhin?" Usisa niya.
"Ano ka ba naman, Hazel. Malamang wala pa, hindi pa naman tayo sumwesweldo saka first job ko ito, 'no." Sagot nito. "Sakto lang kasi ang allowance ko dati sa pangangailangan ko sa school."
"Bruha ka, tanggapin mo na kaya ang inaalok ni Cheska. Baka abutin ka pa ng siyam-siyam kung hihintayin mo yung sweldo natin." Ani rito ni Dani. "At least, ako may ipon kahit piso-piso mula noong elementary, aba malaki na iyon ngayon dahil lumevel up naman iyon sa sampu-sampu noong junior high tapos kinse-kinse noong senior high."
"Kaya pala nagkukulang ang mga barya, eh. Itinatago at ipinagdadamot mo, Dani." Biro niya rito. "Papalitan mo na sa bangko o kahit sa mga supermarket para naman dumami ang barya na umiikot sa merkado."
Dani pouted. "Ang hirap kayang bitbitin."
"Sira ka kasi. Inipon-ipon mo nang hindi mo man lang naisip na papalitan kaagad para hindi mabigat." Dagdag ni Jessie.
"So, ano nang plano mo, Jessie?" Usisa ni Cheska. "I'm into shopping today."
"Teka nga, Cheska. Magkano ba yang ipon mo at kung makaalok ka naman kay Jessie ay parang napakalaki." Usisa ni Dani.
"Huwag na ninyong alamin basta sobra-sobra pa kahit maibili ko si Jessie." Parang wala lang na sagot ni Cheska. "Kahit ikaw pa, kaya papalitan mo yang barya mo at nang hindi nauubusan ng barya sa tindahan nang hindi puro kendi ang sukli."
"Papayag ako kung pati si Dani ay bibilhan mo o si Hazel." Ani Jessie.
Nasamid siya sa sinabi ni Jessie. "Oh, ba't naman ako nadamay diyan. Si Dani na lang ang bilhan natin since meron naman na akong cellphone at laptop kahit ako na ang magdagdag kapag kinulang ipon mo, Cheska."
"Ganoon ka-asensado kapag naging Vardent scholar? Magkano bang monthly allowance na binibigay nila?" Usisa ni Jessie.
Napangiwi siya dahil sa pagsisinungaling niya. "Basta sobra-sobra sa akin plus yung reward pa na ibinigay ng admin sa pagiging top 1 ko at pagperfect sa exam."
Nasamid yung tatlo sa sinabi niya at nanlalaki ang mata na tiningnan siya.
"Na-perfect mo yung pang-alien na scholarship exam ng Vardent?!" Sabay-sabay na sabi ng mga ito na hindi talaga makapaniwala.
"Hindi ko ba nasabi iyon?" Napakamot siya sa batok niya. "Sorry."
"Girl, alien ka ba o may sa maligno?" Ani Jessie na dinutdot pa ang braso niya ng isang daliri.
"Hindi ba man lang dumugo ang utak mo doon?" Segunda ni Dani.
Napatawa siya. "OA ninyo. Medyo complex lang yung mga questions pero hindi naman imposibleng sagutin."
"Yabang nito. Eh di, ikaw na ang genius."
"Sira. Wide reader lang talaga ako." Natatawang sabi niya.
"Pero teka, mabalik tayo sa gadget shopping natin, hindi pa naman nagsisimula ang klase, ah. Ba't may pa-allowance na agad, hindi ba sa August pa ang pasukan?" Ani Cheska.
Hu! Ka-stress naman itong mga tanong ng mga ito baka madulas siya na isa siyang Nuevareal pero buti na lang malaki ang ibinigay na monetary reward sa kanya kaya lusot pa rin siya. "Ahm...sa first day pa talaga ng pasukan ang pagbibigay ng monthly allowance pero they have this rule na kahit daw summer vacation or sembreak ay meron pa din until maka-graduate ako."
"Then, saan ka kukuha ng pandagdag?" Nakakunot-noong usisa ni Cheska.
Nginitian niya ito. "1.5 million pesos ang reward na ibinigay sa akin ng admin ng Vardent, kaya kahit na idinonate ko sa ampunan kung saan ako galing yung 1 million ay may 500K pa ako."
Nanlalaki ang mga mata habang nakanganga na nakatingin sa kanyang ang tatlo na tila na-engkanto.
"Hoy! Para kayong na-matanda diyan." Natatawang aniya sa mga ito.
"Seryoso, Hazel. 1.5 million talaga ang nakuha mong reward sa pag-top mo sa scholarship exam?" Hindi makapaniwalang tanong ni Jessie.
"Seriously. Walang halong biro." Natatawang aniya.
"Wow! Grabe! Sana ganyan din ako katalino." Manghang reaksyon ni Dani.
"No wonder Vardent gives a very difficult exam since they'll give such a huge monetary reward." Si Cheska na mukhang namamangha rin.
"I guess it is." Komento rin niya.
"So going back, payag ka din ba, Dani?" Tanong ni Cheska rito.
Napanguso si Dani. "Ito kasing si Jessie nandamay pa. Paano naman yung ipon ko?"
Nakurot ito ni Jessie sa braso. "Loka ka talaga, hindi naman iyon mauubos kung hindi mo gagamitin pero pwede ba ilagak mo na iyong ipon mong barya sa bangko o papalitan mo sa supermarket."
"Ano na, Dani?" Tanong niya.
"Sige na nga para kay Jessie." Napipilitang sagot nito. "Pero sigurado ka ba dito, Cheska?"
"Oo naman. Magagamit ninyo kaya sa pag-aaral yung laptop lalo na't college na tayo." Sagot rito ni Cheska. "Tara na baka magbago pa ang isip ng dalawang ito."
Natatawang tumayo na sila ni Cheska saka hinila ang dalawa na ayaw pa talagang tumayo. Ang pinipili pa ng mga ito ay yung mura pero ang pinili nila sa mga ito ay yung latest at wala nang nagawa ang mga ito ng mabayaran na ni Cheska kaya masama ang tingin sa kanilang dalawa.
"Grabe kayo, baka maholdap kami nito, eh." Reklamo ni Jessie habang nakatambay ulit sila sa food court ng mall. "Pwede naman yung medyo mura, eh."
"Hayaan mo na. Isipin ninyo na lang na regalo ko iyan sa pag-graduate ninyo ng senior high at sa birthday ninyo." Sabi ni Cheska.
"Una't huli na ito, Cheska." Seryosong sabi ni Dani.
"Dapat lang dahil hindi na kami tatanggap ng kahit anong regalong mamahalin mula sa kahit kanino sa inyong dalawa." Seryoso ring sabi ni Jessie.
"Teka, bakit pati ako? Wala pa naman akong ginastos, ah." Reklamo niya.
"Kahit na. Basta, kung magreregalo ulit kayo yung mura lang at magagamit namin. Pinagbigyan lang namin kayo dahil kaibigan namin kayo pero ayaw na naming maulit pa ito naiintindihan ninyo?" Seryosong sabi pa ni Dani.
Napatango na lang silang dalawa ni Cheska. "Okay, enough of that. I-install na kaya natin itong mga software sa mga laptop ninyo para hindi ninyo na problemahin pa."
"Okay."
Hindi siya nagkamali sa pagpili ng mga magiging kaibigan, hindi tulad ng iba ang mga ito na oportunista at manggagamit. Sa part naman ni Cheska ay hindi ito matapobre at mapangmata na tulad ng ibang anak mayaman kaya nakakatuwa na hindi siya talaga nagkamali sa mga ito.
"Girls, bibili ako ng milk tea, gusto ninyo din ba?" Alok niya sa mga ito na busy sa dalawang laptop.
"Wintermelon sa akin." Ani Cheska.
"Chocolate sa akin."
"Sa akin din."
"Okay. May ipapabili pa kayo?" Tanong niya.
Nginitian siya ni Dani. "Iyon lang. Kain na lang tayo pagkatapos nitong ini-install natin."
"Mag-isip na kayo kung saan ninyo gustong kumain, treat ko naman." Sabi niya bago tinungo yung stall ng nagtitinda ng milk tea.
Buti na lang at walang ibang bumibili, baka mauna pang matapos yung ini-install kaysa doon sa milk tea nila kung marami ang nabili. Hinihintay lang niyang matapos ang mga inorder niya nang may biglang humigit sa kaliwang braso niya pero ang mas kinagulat at ikinalaki talaga ng mga mata niya ay nang may mainit na malambot na bagay na lumapat sa mga labi niya habang isang mukha ang sobrang lapit sa kanya as in nakadikit na talaga at may nakahawak na isang kamay sa likod ng ulo niya.
Someone just stole her first kiss and she just froze!
Bago pa niya naitulak ang pangahas na nanghalik sa kanya ay binitawan na siya nito at tinalikuran nang walang kahit anong salita at tila walang nangyari. She was still stunned habang sinusundan ng tingin ang likod ng magnanakaw ng halik, papalapit ito sa grupo ng pitong lalaki na sobrang ingay habang sumisigaw ng kung anu-ano. Ni hindi man lang nag-registered sa kanya kung anong hitsura ng pangahas na nagnakaw sa first kiss niya pero mabango ito as in sobrang bango kaya lang ay bastos.
How dare him! Super how dare him! First kiss niya iyon! Waaaaaaaaah! Nakakainis!
"Ikaw na talaga, dude!"
"Oh, Art, bayad-bayad din kapag may time."
"Ah, nalagasan na naman ako ng 100,000. Babawi talaga ako sa susunod!"
Pustahan?! Mga walanghiya! Anong tingin nila sa mga babae laruan! Ahhhh! Nakakagigil!
"M-Ma'am, ayos na po—"
Hindi na niya pinatapos si Kuya na magsalita at kinuha ang dalawang grande na milk tea saka binuksan. "Kuya, pa-order po ulit ng dalawang chocolate na grande."
Walang pagdadalawang isip na sinundan niya ang nagnakaw sa kanya ng halik, nakatalikod pa rin ito habang nakikipag-usap sa mga kabarkada yata nito. Dahil mas matangkad ito sa kanya ng ilang pulgada ay malakas na sinipa niya ang likod ng kanang tuhod nito kaya napaluhod ito sa sahig ng mall saka niya ibinuhos dito ang dalawang grande na milk tea na chocolate flavored. Nagsinghapan ang mga tao sa paligid pero sa inis niya ay hindi niya na iyon pinagtuunan ng pansin.
"Moron!" Saka niya ito tinalikuran para balikan yung inorder niya at binayaran si Kuya. "Salamat, kuya."
Nakanganga ang tatlo niyang kaibigan habang nakatingin sa kanya, alam niyang sobrang namumula ang mukha niya sa sobrang inis at panggigigil.
"Hazel..."
"Are you done?" Malamig na tanong niya na ikinatango ng mga ito. "Let's get out of here. I'm famished, where do you want to eat?"
"Doon na lang sa favorite kong restaurant, Haze." Suggestion ni Cheska.
"Okay. Let's go, nakakaimbyerna dito." Inis na inis na sabi niya.
"Hazel..." May itinuro si Dani sa likuran niya.
Pagtalikod niya ay nakita niyang nagpupuyos sa galit na paika-ika habang papalapit sa kinakatayuan nila na napakaguwapong nilalang na parang basang-sisiw dahil sa chocolate milk tea na ibinuhos niya rito, kahit pa ito ang pinakaguwapong nilalang sa mundong ibabaw ay wala itong karapatang manghalik na lang ng babae na hindi naman nito kilala. Kasunod nito ang mga mokong ding kaibigan nito na tila pinipigilan ito at hindi malaman ang gagawin.
"You! How dare you do that to me!" Sigaw nito habang dinuduro siya.
"And how dare you kiss me!" Balik-sigaw niya rito. "Subukan mo lang lumapit at iyang pinakaiingatan mo naman ang sisipain ko!"
"You should be thankful that a Tyler Saavedra kissed you or maybe you just wanted to get my attention that's why you're acting like that." Pang-aakusa nito sa kanya.
Aba! Anong tingin nito sa sarili na godsend to women ito?! Hello! Mas guwapo pa rin ang Kuya Sean niya! Ah! Ni hindi nga niya kilala ito! Napaka-assuming! Thankful nito ang mukha nito!
Wait! Saavedra? Ito kaya yung mina-match sa kanya noong mga kuya niya na naka-perfect din sa Vardent scholarship exam? No way! Baka naman magkaapelyido lang, hindi lang naman siguro ito ang binatang Saavedra sa mundo, 'no.
"FYI, Mister whoever-you-are! I don't know you! And I don't have any plan to know you, moron!" Umuusok na talaga ang teynga niya sa inis rito. "And why would I want to get your freakin' attention?! Hindi ako KSP! Saka nalalamon ba iyang atensyon mo?! Pwede ba don't be too assuming, hindi sa'yo umiikot ang mundo!"
Binalingan niya yung tatlo na nananahimik lang habang nakikipag-gyera siya at sinenyasan na umalis na kami.
"Hey! Don't you dare turn your back on me!" Sigaw pa nito.
"I already dared, moron!" Mataray na sabi niya nang hindi niya ito nililingon. "Jerk!"
"You're going to pay for this!" Pasinghal na banta nito pero hindi niya pinansin.
"Utot mo." Pabulong na sabi niya habang sumisimsim sa milk tea niya. "Kaimbyerna. Tubuan ka sana ng kabute sa noo."
"It's bad to curse someone, Hazel." Natatawang sermon ni Cheska.
"Masarap ba?" Tanong ni Dani.
Nakakunot-noong tiningnan niya ito. "Ang alin? Itong milk tea?"
"Yung halik ng isang Saavedra." Sagot nito.
"Pwe! Kadiri kaya!" Aniya. "Kumain na nga lang tayo para makauwi na at nang makapag-disinfect na ako mula sa germs ng mayabang na iyon."
"Pero ang tapang mo kanina, Hazel para gawin iyon at sagot-sagutin ang isang Saavedra." Ani Cheska. "Saavedras are like the Nuevareals, they're very powerful and influential though mas nakakalamang ang mga Nuevareal but still they are like royalties."
So, what? She's a Nuevareal, her family is more than his, kaya huwag itong magmayabang sa kanya baka ipa-firing squad niya ito sa mga MIB nila at pati sa mga kuya niya.
"Wala akong pakialam! Kahit gaano pa siya kayaman ay wala siyang karapatang pagpustahan ang mga babae na parang mga laruan, lalong wala siyang karapatang mambastos at saka mas lalong wala siyang karapatan na duruin ako dahil hindi siya ang bumubuhay sa akin. Ulitin niya lang ulit iyon ay ipapakulong ko talaga siya!" Galit na galit talaga siya.
"Kalimutan mo na nga muna iyon dahil sabi mo nga iti-treat mo kami ng dinner." Ani Jessie. "Bilisan na natin baka abutin pa tayo dito ng dilim, may shift pa tayo bukas."
***
"SIGURADO ka bang hindi ka sasabay sa amin, Hazel?" Tanong ni Dani.
Nandito na sila sa unloading and loading area sa may entrance ng mall. Sobrang nag-enjoy talaga siya na kasama ang mga ito dahil wala talagang dull moment, ni hindi na nga nila namalayan ang oras hanggang sa tumawag na ang daddy ni Cheska maging sina Seth ay tinext siya na hinahanap na siya ng mga pinsan niya.
Pero panira talaga ng araw yung nangyari sa food court, dapat na niyang ibaon sa limot basta hindi na ulit magtagpo ang landas nila ng mokong na iyon dahil baka talagang ipa-firing squad pa niya ito sa mga MIB nila at mga kuya niya kapag hindi siya nakapagtimpi sa susunod na engkwentro nila.
Tumango siya. "Oo naman. Out of the way kasi kung sasabay pa ako sa inyo sa ibang taxi na lang ako sasakay."
"Eh, kung ihatid ka na lang namin ni Manong Leo." Ani Cheska na ang tinutukoy ay yung driver ng pamilya nito, ipinasundo na kasi ito ng daddy nito para hindi na daw ito mahirapang bumiyahe. "Baka kasi mapaano ka pa sa daan lalo na't mag-isa ka lang."
Medyo kinabahan siya sa kakulitan ng mga ito dahil hindi naman talaga siya magta-taxi dahil nandyan naman sina Seth at Karl na kanina pa siya tinetext dahil nag-aalala na daw ang mga pinsan niya na mas OA pa daw sa lolo nila, well ayon iyon doon sa dalawa.
"Huwag na mapapalayo ka pa, siguradong nag-aalala na rin ang parents mo." Tanggi niya kapag nagtagal pa siya ay baka sumugod na dito ang mga mokong. "Sige na, mauna na kayo. Maghihintay na lang ako ng susunod na taxi, umuwi na kayong tatlo at kaya ko na ang sarili ko baka nag-aalala na ang mga magulang ninyo."
"Sigurado ka talaga?" Si Jessie.
"Oo nga." Pag-aassure niya sa mga ito para umalis na sila.
"Okay, mag-iingat ka. Ganoon din kayong dalawa. Alis na ako, natawag na kasi si daddy, eh." Paalam ni Cheska saka sumakay sa kotse na sundo nito at sumibad na ito paalis.
Binalingan niya ang dalawa. "Uwi na rin kayo."
"Oh, sige. Ingat ka, ha?" Ani Jessie.
"Text ka agad kapag nakauwi ka na." Ani naman ni Dani.
Tinanguan lang niya ang mga ito saka naman sumakay ang mga ito ng taxi, kinawayan muna niya ang taxi na paalis at nang mawala na sa paningin niya ay saka lang niya tinext sina Seth na sunduin na siya. Pagkasakay na pagkasakay niya ng kotse ay tinawagan niya kaagad ang Kuya Xander niya para hindi na mag-alala ang mga ito dahil pauwi na siya.
"Okay lang po ba kayo, Miss Hazel?" Tanong ni Seth na tila nag-aalala.
Napatingin siya rito saka ito nginitian. "Oo naman. Bakit naman hindi ako magiging okay?"
Napakamot ito sa batok. "Gawa noong nangyari kanina sa food court."
Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito, kung nakita ng mga ito yung nangyari baka ini-report agad ng mga ito iyon sa mga pinsan niya.
Siniko ito ni Karl at binigyan ng matalim na tingin saka ibinalik ang tingin sa daan since ito ang driver ngayon. "Miss, huwag na lang ninyong pansinin itong partner ko."
"T-T-Teka, nai-report na ninyo ba kina Kuya yung nangyari?" Nauutal na tanong niya.
"Don't worry, Miss Hazel. Hindi pa po namin sinasabi pero sooner or later ay kakalat na iyon sa social media."
Shit! Baka kung anong gawin ng mga kuya niya kapag nalaman ng mga ito ang nangyari. Naku! Paano ba ito?
"Sa tingin ninyo, wala naman sigurong gagawing hindi maganda ang mga kuya ko kapag malaman nila ang nangyari." Nag-aaalalang tanong niya habang kagat-kagat ang kanyang hinlalaki sa kaba.
"Sa sobrang overprotective sa inyo ang mga pinsan ninyo, Miss Hazel. Siguradong hindi nila palalampasin iyon." Sagot ni Karl. "Pero sa tingin ko naman ay hindi sila gagawa ng hakbang since kaya ninyo namang ipagtanggol ang sarili ninyo sa mga mambabastos sa inyo pero siguradong medyo hihigpit sila sa'yo kapag nalaman nila ang nangyari."
"Talo pa nga ng mga pinsan ninyo ang inyong lolo kung mag-alala sa inyo, kaya agree ako kay Karl pero sigurado ko naman na hindi kayo matitiis ng mga kuya ninyo dahil kayo ang prinsesa nila at hindi nila gugustuhin masakal ka sa higpit nila para lumayo ang loob mo sa kanila." Ani Seth.
Nginitian niya ang mga ito. "Naiintindihan ko naman kung sakaling maging sobrang higpit nila. Alam ninyo naman kung anong rason, di ba? Tapos nangyari pa yung nangyari kanina, saka nag-iisa kasi akong babae at matagal akong nahiwalay sa kanila kaya ganoon sila. Hindi na ako magtataka kung bukas ay balik na naman sila sa pagsundo't hatid sa akin sa cafe nang dahil lang ginabi na ako sa mall."
"Buti po hindi kayo naiirita sa pagiging clingy nila." Natatawang sabi ni Seth.
"May advantage kaya iyon, lumalakas ang kita ng cafe dahil sa kanila." Napatawa ang dalawa sa sinabi niya. "Pero ang mas inaalala ko ay kapag nalaman nilang yung nangyari kanina tapos hindi na nila ako payagan na magtrabaho sa cafe."
Urgh! Nakakainis talaga ang mokong na iyon! Walang problema kung higpitan siya ng sobra ng mga pinsan niya pero yung kumalat ang ginawa nito sa kanya ay nakakapanggigil.
"Kung legal lang pumatay ng mayabang, hambog at bastos na lalaki ay ginawa ko na!" Inis na inis na himutok niya.
Napatawa ang mga ito sa sinabi niya. "Don't worry, Miss Hazel. Ayos naman yung ginawa ninyong pagpapaligo ng milk tea sa kanya, aaksyon na sana kami sa ginawa sa'yo ng lalaking iyon pero kayang-kaya ninyo naman pala ang sarili ninyo dahil isa nga pala kayong Nuevareal na isang matapang sa lahat ng aspeto, business man o totoong laban."
"Talaga? Noong kasing bata pa ako ay pinilit kong mag-enroll sa isang martial arts class kahit na paglilinis lang ng buong studio ang kapalit, buti na nga lang mabait yung si master." Kuwento niya.
Mukhang nagulat ang mga ito sa kinuwento niya. "Black belter din kayo, Miss Hazel?"
"Yes. Hindi na nga lang ako nakakapag-ensayo mula noong magtrabaho ako sa cafe." Naalala na naman niya ang mokong na iyon. "Urgh! He stole my first kiss! Bwisit siya! Pasalamat siya iyon lang talaga ang inabot niya! Sana talaga hindi na magtagpo ang landas namin."
*****
All Rights Reserved.