CHAPTER 1

2089 Words
TEN YEARS AGO. “Heto, heto… naku napakaganda nito. Bagay na bagay sa iyo!” binulatlat pa ni Miracle ang tangan na red lacey panty at ipinakita iyon sa kasamahang travel agent na si Lucy. “Ano ka ba, Mira! Itago mo kaya ‘yan!” namumulang sambit ni Lucy saka kinuha ang tangan niyang panty mula sa kamay niya. Ngingisi-ngisi niyang inakbayan ang kasamahan habang ang iba pang travel agents na naroon sa ‘break room’ ay nagtatawanan. “May ka-partner ‘yan, Lu…” aniya saka niya kinuha ang bag na nasa ibabaw ng lamesa bago hinaltak mula roon ang isang pack ng sleepwear saka iyon binuksan. Nanlaki naman ang mata ni Lucy nang tumambad rito ang red lacy robe. “Mira!” saway nito saka itinago sa bag nito ang panty and robe na ibinebenta niya rito. “Ikaw talaga, napaka-naughty mo!” pabulong na reklamo nito. Namumula pa rin ang mukha nito. “Bilhin mo na kasi, Lucy. Hindi ka titigilan niyang si Mira,” nang-aasar namang tudyo ni Agnes, isa sa mga kalapit niyang travel agent sa Viajero Travels and Tours, saka siya nito kinindatan. “Hay, Mira! Paano pa ba ako makakatanggi, eh, nasa bag ko na?” nangingiting sambit naman ni Lucy saka sinipat ang garments na naroon sa bag nito. “I-three gives ko ‘yan, Lu. Don’t worry,” aniya saka kinuha ang notebook niya at saka nagsulat doon bago ibinigay kay Lucy ang notebook at ipinakita roon ang isinulat niya bago ito pumirma. “Oh, sino’ng next? Marami pa ako rito…” deklara niya bago siya tumayo at pinuntahan isa-isa ang mga kasamahang suki na niya. Halos anim na buwan na siyang nagtatrabaho bilang full-time tour guide sa Viajero Travels and Tours. Sa edad na disinuwebe ay iyon nakakitaan siya ng sipag at tiyaga ng kumpanya kaya naman kahit hindi pa siya tapos mag-aral ng kursong Tourism ay inirekomenda siya ni Mrs. Ambeth Saulog, ang Assistant Manager ng Viajero Travels and Tours para gawing full-time tour guide makaraang magtrabaho siya roon bilang part-time tour guide sa loob ng mahigit na isang taon. Masuwerte na rin siya dahil mababait ang mga kasamahan niya sa Viajero, idagdag pa ang pagdidilehensya niya magkaminsan ng mga tips mula sa mga turistang hinahawakan niya sa pamamasyal sa Maynila at mga karatig-probinsya. Bagama’t nahihirapan ay iginapang niya ang sarili sa pag-aaral. Kayod sa umaga, aral sa gabi. Ganoon na ang naging routine niya mula nang tumuntong siya ng labin-walong taong gulang. Masyado kasing dinibdib ng kaniyang ama ang pagkalugi ng construction firm kaya naratay ito sa karamdaman. Noong una ay simpleng bronchitis lang ang idinaing nito hanggang sa nagka-pneumonia ito at nagkaroon pa ng sunod-sunod na kumplikasyon hanggang sa halos lahat ng ari-arian nila ay naibenta na rin nila. Ang four-bedroom house nila na ang ama niya mismo ang nagplano at nagpagawa noong katayugan pa ng construction firm nito bago ito nag-asawa ay naisanla na rin nila para maitaguyod ang pagpapagamot sa kaniyang ama. “Mira, tawag ka ni Ma’am Ambeth,” singit ni Marie, ang sekretarya ng Viajero bago sila inirapan at nakangusong bumalik sa loob ng opisina. “May sapi na naman yata si Marie,” komento ni Agnes saka binirahan ng malakas na pagtawa na sinundan naman ng iba pa nilang kasamahan. “O, siya, mamaya na lang ulit, ha,” aniya saka niya sinilid ang mga binebentang produkto sa bag niya bago nagmamadaling pumunta sa opisina ni Mrs. Ambeth. Ilang katok ang ginawa niya sa glass door ng opisina nito bago niya nakita ang nakangting mukha nito at ang pagsenyas nito na pumasok siya sa loob. “Magandang tanghali po, Ma’am!” bati niya kaagad sa maganda at mabait na amo. Ito ang in-charge sa tour guides at mga driver ng Viajero. Tumango lang ito saka nito itinuro ang sofa paharap sa lamesa nito. “Have a seat, Miracle.” Umupo naman siya kaagad saka ikinalong ang malaking bag niya. Tumayo ito mula sa pagkakaupo sa swivel chair nito at saka naglakad palapit sa kaniya bago tumabi sa kaniya. “Nagpapahanap ang Hermes Hotel ng part-timer para sa banquet nila. Gusto sana kitang i-recommend kaso—” “Talaga po, ma’am?” nanlaki ang mga mata niya sa narinig. “Pero… kaya mo pa ba? I mean, kahit tuwing weekends lang, baka naman magkasakit ka na sa dami ng trabaho tapos nag-aaral ka pa?” concern na sambit nito. “Naku, ma’am, ako pa? Yakang-yaka ko po ‘yan, ma’am, promise!” mayabang na tugon niya saka ito hinawakan sa kamay. “Kelan po ako mag-start?” tanong niya agad rito na ikinahalakhak nito. “Ikaw talaga!” anito saka tinapik-tapik ang kamay niya. “I’ll give your number to the Banquet Manager ng hotel and she’ll contact you kapag may events sila, okay?” Ngumiti siya nang matamis sa babae. Hindi niya na rin napigilan ang yakapin ito. “Thank you po, ma’am. Thank you po talaga,” naluluhang sambit niya habang hinahagod naman nito ang likod niya. Mrs. Ambeth knew her struggles dahil ito ang kumuha sa kaniya bilang part-time tour guide sa Viajeros noong masaksihan mismo nito kung paano siya magbigay ng information sa mga turista nang ilang beses itong pumunta sa Intramuros kung saan siya karaniwang rumaraket sa tuwing may nakikita siyang mga turista. She didn't work as a tourist guide, sa halip ay nagbebenta siya ng mga souvenirs katulad ng t-shirts, panyo, caps, mugs, ref magnets, at iba pa. Maliit na kita pero okay lang para may maipandagdag sa mga gastusin niya sa school at sa bahay. Palibhasa'y araw ng suweldo, marami sa mga suki niya sa travel agency at iba pang kalapit-opisina ang nagbayad sa kaniya kaya naman nagpasya siyang bumili ng pasalubong para sa amang may sakit. Kung tutuusin, wala iyon sa mga nakasanayan niya noong bata pa siya. Lumaki siya at mga kapatid niya na bigay ang hilig nila. “Saan ka na naman natulog kagabi? Wala kang klase kagabi, ah, kaya hinahanap ka ng daddy mo.” Bagama't mahina ay alam niyang may bahid ng galit at pag-aalala ang tono ng kaniyang madrastang si Emily Capili, habang binubuksan ang ibinigay niyang pansit-Malabon at puto. Inalis niya ang bag na nakayapos sa katawan niya at saka iyon ipinatong sa lamesa bago niya kinuha ang isang envelope at ibinigay sa itinuring na niyang ina. “Sayang din po kasi ‘yong raket, mommy, eh. Eh, nagpasama po ‘yong mga turista at nag-bar hopping—” “Bar hopping? Aba, Miracle, akala ko ba, eh, tour guide ka? Kapag nalaman ng daddy mo ‘yang pinaggagagawa mo—” “Mommy!” mariing putol niya sa panenermon ng kinalakhang ina saka ito hinawakan sa kamay. “Trabaho po ‘yon, mommy. Binigyan ako ng tip ng mga Koreano at Koreana. Isa pa, kasama ko po si Manong Rolly, kaya hindi kayo dapat mag-alala.” Humugot ng hininga ang ginang saka malamlam ang matang tumitig sa kaniya na tila ba may gustong sabihin, ngunit mas pinili na lang nitong manahimik. Wala na ang dating ningning ng personalidad nito. Nagkaroon na rin ito ng mga puting buhok dahil sa pag-aasikaso sa kaniyang ama. Bagama’t mareklamo at talakera ang babae, kahit hindi nito direktang sinasabi at ipinapakita sa kaniya, ramdam niya ang pagmamahal nito sa kaniya bagama’t hindi siya nito tunay na anak. Tumungo ito at saka tinitigan ang hawak na envelope na kabibigay lang niya saka bumaling sa kaniya habang kumukuha siya ng mga plato at tinidor sa cabinet. “May itinara ka ba para sa ‘yo?” mahinang tanong nito sa kaniya. “Huwag n’yo na po akong intindihin, mommy. Ang mahalaga, eh, ‘yong pampagamot ni daddy,” hindi tumitingin ditong sabi niya. Hindi niya tuloy napansin ang pagtulo ng luha nito at ang naaawang tinging ibinigay nito sa kaniya n amabilis din nitong pinalis bago pa man siya makaharap. “Maupo na po kayo rito at kami na ang bahala kay daddy.” Hinatak niya ang babae at pinaupo sa upuan bago siya umakyat sa itaas habang tinatawag ang pangalan ng mga half-siblings—si Hope na mas matanda sa kaniya ng dalawang taon at si Aaron na mas bata sa kaniya ng isang taon—para magpatulong na alalayang bumababa ang kanilang ama para sa kusina kumain. Kung titingnan ay tila isang masaya, kumpleto at normal silang pamilya ngunit lingid sa kaalaman ng ibang tao, produkto siya ng pagkakasala ng kaniyang ama sa kaniyang madrasta. Nabuntis ng kaniyang amang si Dante Capili ang kaniyang ina na si Theresa Montalban na siyang yaya ni Hope noon. Naturalmente, ora mismo ay pinalayas ni Emily ang kaniyang ina sa pamamahay nito nang malamang nitong si Dante ang ama ng ipangdadalang-tao ni Theresa. Ngunit nang iuwi siya ng kaniyang ama sa totoo nitong pamilya, Emily adopted her and treated her as her own daughter. Bagama’t obvious na mas maalaga at mas mahal nito ang dalawang kapatid niya, hindi niya naisip kailanman na hindi siya nito tunay na anak. Inisip lang niya noong bata pa siya na mas kailangan ng mga kapatid niya ang atensyon mula rito. She grew up to be more mature than Hope and adored by Aaron. Nalaman lang niya na hindi siya hindi siya anak ni Emily noong sampung taong gulang pa lamang siya nang minsan silang pumunta sa birthday ng nanay ni Emily sa probinsya noong nabubuhay pa ito. Pero sa pagkakataong iyon, noon niya rin napagtanto na hindi isang step-daughter ang turing sa kaniya ni Emily. The woman defended her over her own family and they even left the birthday party immediately. “Ate Mira,” pabulong na untag sa kaniya ni Aaron habang lahat sila ay nasa hapag na. Nag-angat siya ng tingin saka bumaling sa kapatid. Palihim itong may iniabot sa kaniyang papel na inginuso nitong ipasok na niya sa bulsa niya na agad naman niyang na-gets. “Natapos n’yo na ba ang projects n’yo kagabi?” bigla ay tanong ng daddy nila sa kaniya habang ngumunguya ng pagkain. Medyo utal na itong magsalita ngunit naroon pa rin ang authority sa boses nito. “Po?” Awtomatiko siyang napatingin sa madrasta niya na pinandilatan siya. Sigurado siyang iyon lang ang idinahilan nito para huwag mag-alala ang daddy niya sa hindi niya pag-uwi kagabi. “Ah… opo, daddy. Deadline na po kasi kaya tinapos po namin kagabi kasi kapag wala ‘yon, ‘di po kami makaka-graduate,” pagsisinungaling niya at saka kumagat ng pansit para hindi na makapagsalita pa. She’s a bad liar at kung hindi siya pepreno ng pagsasalita ay siguradong mabubuko siyang nagsisinungaling ng ama niya. Tumango-tango lamang ito saka nanginginig ang mga kamay na muling sumubo ng pansit. Palihim naman siyang nakahinga nang maluwag saka uminom ng juice. Pagkatapos kumain ay si Hope na ang pinagligpit at pinaghugas ng plato ni Emily para makapagpahinga na siya. Siyempre, todo reklamo ang nakatatandang kapatid niya pero wala rin naman itong nagawa nang pandilatan na ito ng ina. Magkakatuwang naman nilang inalalayan si Dante pabalik sa kuwarto nito at ni Emily. Hinila naman niya kaagad ang bunsong kapatid na si Aaron papunta sa kuwarto nito bago ito pinandilatan. “What?” nakangising tanong nito kahit batid na naman nito kung bakit niya ito kinaladkad sa kuwarto. Kinuha niya ang papel sa bulsa na ibinigay nito kanina saka iyon binasa. Numero lang ang nakalagay doon. “Ano na naman ba ‘to, Ron, ha?” Kunot-noong tanong niya rito habang nakataas sa mukha nito ang papel. “Trying my best to make you happy again,” seryoso at makahulugang tugon ng kapatid niya na ikinapatda niya. Makalipas ang ilang sandali ay pilit siyang ngumiti rito saka nag-alis ng bikig sa kaniyang lalamunan bago ito pabirong siniko. “Masaya ako, Ron. Paano mo naman nasabi na malungkot ang ate mo, ha?” “Hindi ka magaling magsinungaling, ate, kaya ‘wag mo nang igiit na masaya ka kahit kitang-kita ko naman na malungkot ka,” seryoso pa ring sambit ni Aaron bago siya hinawakan sa balikat. “Try calling that number, ate… walang masama kung mag-uusap kayo ulit.” Pinisil pa nito ang balikat niya bago tuluyang lumabas ng kuwarto. Nakuyom niya ang hawak na papel saka napatungo at napatingin sa tangan. Napabuntong-hininga siya at napakagat sa pang-ibabang labi niya. Hindi niya akalain na naroon pa rin pala ang sakit. Hindi niya rin namalayan na kusang bumagsak ang luha sa mata niya. Masakit pa rin pala. Hindi pa rin pala naglalaho 'yong kirot na dulot ng napurnadang unang pag-ibig niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD